Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Marami sa mga Saksi ni Jehova ang nagdiriwang ng mga anibersaryo ng kasal. Ang kapanganakan ay isang anibersaryo ng iyong pagsilang. Kung gayon, bakit ipinagdiriwang ang mga anibersaryo ng kasal samantalang ang mga anibersaryo ng kapanganakan ay hindi?
Sa totoo lang, hindi kailangang ipagdiwang ng isang Kristiyano ang alinman sa mga ito. Gayunman, hindi ito nangangahulugang magkasinghalaga ang dalawang ito o na dapat malasin ng mga Kristiyano ang nauna (mga anibersaryo ng kasal) na kapareho ng mga pagdiriwang ng kapanganakan.
Gaya ng nabanggit na, kapuwa masasabing mga anibersaryo ang dalawang ito sapagkat ang “anibersaryo” ay ‘ang taunang pag-uulit ng isang petsa na tanda ng isang pangyayari.’ Maaaring ito’y isang anibersaryo ng anumang pangyayari—ng araw na maaksidente ka sa kotse mo, nakita mo ang eklipse ng buwan, nag-swimming kayo ng inyong pamilya, at iba pa. Maliwanag na hindi gusto ng mga Kristiyano na gawing isang pantanging araw ang bawat “anibersaryo” o magdaos ng salu-salo upang ipagdiwang ito. Kailangang isaalang-alang ng isa ang mga aspekto ng isang pangyayari at saka magpasiya kung ano ang angkop.
Halimbawa, espesipikong tinagubilinan ng Diyos ang mga Israelita na ipagdiwang taun-taon ang araw nang lumampas ang kaniyang anghel sa mga tahanan ng mga Israelita sa Ehipto at ang idinulot nitong pagtakas ng kaniyang bayan noong 1513 B.C.E. (Exodo 12:14) Nang ipagdiwang ng mga Judio, kasama si Jesus, ang anibersaryo ng pangyayaring iyon, ito ay dahil sa pagsunod sa utos ng Diyos, at hindi nila kailangang gawin ito nang may salu-salo o pagbibigayan ng regalo. Itinuring din ng mga Judio na isang pantanging anibersaryo ang muling pag-aalay ng templo. Bagaman hindi iniutos sa Bibliya ang pagdiriwang ng makasaysayang pangyayaring ito, ipinahihiwatig ng Juan 10:22, 23 na hindi pinuna ni Jesus ang pagdiriwang nito. Bilang pangwakas, ang mga Kristiyano ay may pantanging pulong sa anibersaryo ng kamatayan ni Jesus. Mangyari pa, ito’y ginagawa bilang pagtalima sa isang malinaw na utos na masusumpungan sa Salita ng Diyos.—Lucas 22:19, 20.
Kumusta naman ang mga anibersaryo ng kasal? Karaniwan na sa ilang lupain na gunitain ng mag-asawa ang anibersaryo ng pagpasok nila sa buhay may-asawa, isang kaayusan na nagmula sa Diyos. (Genesis 2:18-24; Mateo 19:4-6) Mangyari pa, hindi negatibo ang pangmalas ng Bibliya sa pag-aasawa. Si Jesus man ay dumalo sa isang pagdiriwang ng kasal at tumulong upang maging masaya ang okasyon.—Juan 2:1-11.
Kaya nga hindi magiging kataka-taka kung ang mag-asawa ay magpasiyang gumugol ng panahon sa anibersaryo ng kanilang kasal upang gunitain ang kagalakan ng okasyong iyon at muling sariwain ang kanilang determinasyon na gawing matagumpay ang kanilang pagsasama bilang mag-asawa. Kung gawin man nilang pribado ang maligayang okasyong ito, nang sila lamang dalawa, o kaya’y kasama ang ilang kamag-anak o ilang matatalik na kaibigan, sarili na nila itong desisyon. Hindi dapat na maging dahilan ang okasyon para sa isang malakihang pagtitipon. Sa okasyong ito, nanaisin ng mga Kristiyano na sila’y patnubayan ng mga simulain na kumakapit sa bawat araw ng kanilang buhay. Kaya kung gugunitain man ng isa ang anibersaryo ng kasal o hindi, ito’y isa nang personal na bagay.—Roma 13:13, 14.
Subalit, kumusta naman ang paggunita sa kapanganakan? May pahiwatig ba tayo sa Bibliya tungkol sa gayong anibersaryo?
Buweno, noong unang bahagi ng siglong ito, ang mga Estudyante ng Bibliya, gaya ng pagkakilala sa mga Saksi ni Jehova noon, ay talagang gumunita sa mga araw ng kapanganakan. Marami sa kanila ang nagtago ng maliliit na aklat na tinatawag na Daily Heavenly Manna. Naglalaman ang mga ito ng isang teksto sa Bibliya sa bawat araw, at maraming Kristiyano ang naglagay ng maliliit na litrato sa mga pahinang katapat ng mga kapanganakan ng mga kasamahang Estudyante ng Bibliya. Gayundin, iniulat ng The Watch Tower ng Pebrero 15, 1909, na sa isang kombensiyon sa Jacksonville, Florida, E.U.A., si Brother Russell, presidente noon ng Samahan, ay pinaakyat sa plataporma. Bakit? Siya’y binigyan ng isang sorpresang regalo na ilang kahon ng mga suha, pinya, at dalandan para sa kaniyang kapanganakan. Iyan ay isang pagbabalik-tanaw lamang sa nakaraan. Upang mapag-ugnay ang mga bagay-bagay, gunitain na noong panahong iyon, ipinagdiriwang din ng mga Estudyante ng Bibliya ang Disyembre 25 bilang anibersaryo ng kapanganakan, o kaarawan ni Jesus. Naging kaugalian pa nga noon na magkaroon ng pamaskong hapunan sa punong-tanggapan ng Brooklyn.
Mangyari pa, mula noon ay sumulong na sa espirituwal ang bayan ng Diyos sa maraming bagay. Ang pasulong na liwanag ng katotohanan noong dekada 1920 ay nagpangyari sa kanila na makita ang mga sumusunod:
Si Jesus ay hindi ipinanganak noong Disyembre 25, isang petsang may kaugnayan sa paganong relihiyon. Inuutusan tayo ng Bibliya na gunitain ang petsa ng kamatayan ni Jesus, hindi ang anibersaryo ng kapanganakan niya o ng sinuman. Ang paggawa nito ay kasuwato ng Eclesiastes 7:1 at ng bagay na ang kinalabasan ng buhay ng isang taong tapat ay mas mahalaga kaysa sa araw ng kaniyang kapanganakan. Walang ulat ang Bibliya na may sinumang tapat na lingkod na nagdiwang ng kaniyang kapanganakan. Nakaulat dito ang mga pagdiriwang ng kapanganakan ng mga pagano, anupat iniuugnay ang mga okasyong ito sa mga gawang kalupitan. Tingnan natin ang naganap na pangyayari sa mga anibersaryong iyon ng kapanganakan.
Ang una ay ang kapanganakan ng Paraon noong panahon ni Jose. (Genesis 40:20-23) Hinggil dito, ganito ang pasimula ng artikulo hinggil sa mga kapanganakan sa Encyclopædia of Religion and Ethics ni Hasting: “Ang kaugalian na paggunita ng araw ng kapanganakan ay kaugnay, batay sa anyo nito, ng pagbibilang ng panahon, at, batay sa nakapaloob dito, kaugnay rin ng ilang sinaunang relihiyosong mga simulain.” Pagkaraan, sinipi ng ensayklopidiya ang Ehiptologong si Sir J. Gardner Wilkinson, na sumulat: “Higit na pinahahalagahan ng bawat Ehipsiyo ang araw, at maging ang oras ng kaniyang kapanganakan; at malamang na, gaya sa Persia, bawat indibiduwal ay nagdiriwang ng kaniyang kaarawan taglay ang malaking kasayahan, na ipinaghahanda ang kaniyang mga kaibigan ng lahat ng pang-aliw ng lipunan, at ng napakaraming espesyal na pagkain.”
Ang isa pang pagdiriwang ng kaarawan na binanggit sa Bibliya ay ang kay Herodes, kung saan pinugutan ng ulo si Juan Bautista. (Mateo 14:6-10) Naglaan ang The International Standard Bible Encyclopedia (1979 na edisyon) ng ganitong maliwanag na pagkaunawa: “Ipinagdiwang ng mga Griego bago noong panahong Hellenistiko ang mga kapanganakan ng mga diyos at prominenteng mga lalaki. Tinukoy ang mga pagdiriwang na ito sa Griego na genéthlia, samantalang ang genésia naman ay nangangahulugang isang pagdiriwang na gumugunita sa kapanganakan ng isang importanteng indibiduwal na namatay na. Masusumpungan natin sa 2 Macabeo 6:7 ang pagtukoy sa buwanang genéthlia ni Antiochus IV, kung saan ang mga Judio ay pinilit na ‘makibahagi sa mga hain.’ . . . Nang ipagdiwang ni Herodes ang kaniyang kaarawan, siya’y kumikilos kasuwato ng isang kaugaliang Hellenistiko; walang katibayan na nagdiwang ng mga kaarawan sa Israel bago ang panahong Hellenistiko.”
Totoo naman na hindi gaanong pinagkakaabalahan ng mga tunay na Kristiyano sa ngayon ang mga pinagmulan at posibleng kaugnayan ng bawat kaugalian at kostumbre sa sinaunang mga relihiyon, ngunit hindi rin naman nila ipinagwawalang-bahala ang kaugnay na mga pahiwatig na nasa Salita ng Diyos. Kalakip dito ang bagay na ang tanging pagdiriwang ng kapanganakan na nakaulat sa Bibliya ay galing sa mga pagano at may kaugnayan sa kalupitan. Samakatuwid, maliwanag na hindi sang-ayon ang Kasulatan sa mga pagdiriwang ng kaarawan, isang bagay na hindi ipinagwawalang-bahala ng mga tapat na Kristiyano.
Dahil dito, bagaman nasa sariling desisyon na ng mga Kristiyano kung gugunitain nila ang anibersaryo ng kanilang kasal, may makatuwirang mga dahilan naman kung bakit hindi nagdiriwang ng kapanganakan ang mga may-gulang na Kristiyano.