MALIKMATA
[sa Ingles, apparition].
Ang salitang Griego na phanʹta·sma ay lumilitaw lamang sa dalawang ulat tungkol sa paglakad ni Jesus sa ibabaw ng tubig ng Dagat ng Galilea patungo sa kaniyang mga alagad na nasa isang bangka. (Mat 14:26; Mar 6:49) Ang natakot na mga alagad ay iniulat na nagsabi: “Ito ay isang malikmata!” Ang salitang phanʹta·sma ay isinasalin sa iba’t ibang paraan bilang “espiritu” (KJ), “multo” (AS-Tg, AT, BSP, RS, Mo, MB, NPV), “guniguni” (Fn), “bulaang pangitain” (La), at “malikmata” (Da, ED, Dy, Kx, MR, NW).
Ang malikmata ay isang ilusyon; isang bagay na hindi naman talaga presente ngunit pansamantalang pinaniniwalaan dahil sa aktibong imahinasyon o iba pang dahilan. Upang tiyakin sa kaniyang mga alagad na hindi isang malikmata ang nakikita nila at na siya ay totoo, sinabi ni Jesus: “Ako ito; huwag kayong matakot.”—Mat 14:27; Mar 6:50.
Samakatuwid, ang situwasyong iyon ay naiiba sa nangyari nang ang binuhay-muling si Jesus ay biglang magpakita sa gitna ng kaniyang mga alagad, anupat inakala nilang nakakita sila ng “isang espiritu [sa Gr., pneuʹma].” (Luc 24:36, 37) Maliwanag na ang pananalita ni Jesus sa huling nabanggit na situwasyon ay hindi para kumbinsihin lamang sila na totoo siya kundi para tiyakin sa kanila na nagpapakita siya sa kanila sa anyong taong laman at hindi sa anyong espiritu; kaya naman, sinabi niya sa kanila na “hipuin ninyo ako at tingnan, sapagkat ang isang espiritu ay walang laman at mga buto gaya ng namamasdan ninyong taglay ko.” (Luc 24:38-43; ihambing ang Gen 18:1-8; 19:1-3.) Dahil dito, walang dahilan upang matakot sila na gaya ng pagkatakot ni Daniel sa kasindak-sindak at lubhang naiibang pagpapakita ng anghel. (Ihambing ang Dan 10:4-9.) Ang situwasyong iyon ay ibang-iba rin sa nangyari kay Saul ng Tarso, na nabulag nang magpakita sa kaniya si Jesus sa daang patungo sa Damasco.—Gaw 9:1-9; 26:12-14; tingnan ang PAGBABAGONG-ANYO; PANGITAIN.