MANLALANGOY
Isang tao na nakasisisid, nakalulutang at nakapagpaparoo’t parito sa tubig sa pamamagitan ng kaniyang mga bisig at mga binti. Karaniwan na, marunong lumangoy ang sinaunang mga tao. (Eze 47:5; Gaw 27:42, 43) Sa isang sinaunang tekstong Ehipsiyo, binanggit ng isang ama na ang kaniyang mga anak ay nag-aral lumangoy, at ang mga relyebe naman ng Asirya ay kakikitaan ng mga mandirigmang lumalangoy, anupat kadalasa’y gumagamit sila ng pinalobong mga balat ng hayop.
Noon, napakahalaga na ang mga mangingisda ay marunong lumangoy. Kapag gumagamit sila ng pangubkob na lambat, kung minsan ay sumisisid sila sa tubig at hinihila nila sa ilalim ang isang bahagi ng gilid nito na may pabigat upang magkaroon ito ng lundo. Bagaman lumilitaw na isa siyang mahusay na manlalangoy (Ju 21:7, 8), ang mangingisdang si Pedro, noong lumalakad siya sa ibabaw ng tubig, ay nagpasimulang lumubog at tumawag kay Jesu-Kristo upang iligtas siya. Malamang na ito’y dahil sa di-pangkaraniwang malalaking alon noon, at pati sa personal na takot ni Pedro.—Mat 14:27-31.
Sa isang hula laban sa Moab, tinukoy ni Isaias ang karaniwang mga pagkilos ng isang manlalangoy, anupat sinabi niya: “Ang kamay ni Jehova ay mananatili sa bundok na ito, at ang Moab ay yuyurakan sa kinaroroonan nito kung paanong ang bunton ng dayami ay niyuyurakan sa tapunan ng dumi. At itatampal [sa literal, iuunat] niya ang kaniyang mga kamay sa gitna nito gaya ng pagtampal ng manlalangoy upang makalangoy, at ibababa niya ang kapalaluan nito sa pamamagitan ng mapanlinlang na mga galaw ng kaniyang mga kamay.” (Isa 25:10, 11) Ipinahihiwatig ng saling ito, gayundin ng salin sa Griegong Septuagint, na iniuunat ni Jehova ang kaniyang kamay laban sa Moab upang magpasapit doon ng mapaminsalang mga dagok. Gayunman, sa ibang salin, pinalilitaw na ang Moab ang siyang lumalangoy. Bilang halimbawa, sinasabi ng American Translation: “Ang kamay ng PANGINOON ay mamamalagi sa bundok na ito, ngunit ang Moab ay yuyurakan sa kinatatayuan nito, kung paanong ang dayami ay niyuyurakan sa tubig ng hukay ng dumi; at bagaman ibinubuka niya ang kaniyang mga kamay sa gitna nito, kung paanong ibinubuka ng isang manlalangoy ang kaniyang mga kamay sa paglangoy, ang kaniyang pagmamapuri ay ibababa sa kabila ng lahat ng panlilinlang ng kaniyang mga kamay.”