Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w96 8/1 p. 10-14
  • ‘Magpakabanal Kayo Sapagkat Ako ay Banal’

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • ‘Magpakabanal Kayo Sapagkat Ako ay Banal’
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Paano Naugnay ang Israel sa Bukal ng Kabanalan
  • Kung Bakit Tinuligsa ni Jehova ang Israel
  • Umaakay sa Dalisay na Pagsamba ang Dalisay na Puso
  • Ang Hamon​—Harapin ang Ating mga Kahinaan
  • Paano Tayo Makapananatiling Banal?
  • ‘Kayo Mismo ay Magpakabanal sa Lahat ng Inyong Paggawi’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • “Banal, Banal, Banal si Jehova”
    Maging Malapít kay Jehova
  • Kabanalan
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • “Dapat Kayong Maging Banal”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2021
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
w96 8/1 p. 10-14

‘Magpakabanal Kayo Sapagkat Ako ay Banal’

“Patunayan ninyong kayo’y banal, sapagkat akong si Jehova na inyong Diyos ay banal.”​—LEVITICO 19:2.

1. Sino ang ilang tao na itinuturing na banal ng sanlibutan?

KARAMIHAN sa mga pangunahing relihiyon sa sanlibutan ay may mga itinuturing na banal. Si Mother Teresa na naging bantog dahil sa kaniyang gawain sa India ay malimit ituring na banal dahil sa kaniyang dedikasyon sa mga dukha. Ang papa ay tinatawag na “Banal na Ama.” Ang nagtatag ng modernong Katolikong kilusan na Opus Dei, si José María Escrivá, ay itinuturing ng ilang Katoliko bilang isang “huwaran sa kabanalan.” Ang Hinduismo ay may mga swami, o mga taong banal. Si Gandhi ay pinagpipitaganan bilang isang taong banal. May mga banal na monghe sa Budismo, at may banal na propeta ang Islam. Subalit ano bang talaga ang kahulugan ng pagiging banal?

2, 3. (a) Ano ang ibig sabihin ng mga salitang “banal” at “kabanalan”? (b) Ano ang ilang tanong na kailangang sagutin?

2 Ang salitang “banal” ay binigyang-katuturan bilang pagiging “1. . . . nauugnay sa isang maka-Diyos na kapangyarihan; sagrado. 2. Pinag-uukulan o nararapat sa pagsamba o pagpapakundangan . . . 3. Namumuhay alinsunod sa isang mahigpit o mataas na moral ng relihiyoso o espirituwal na sistema . . . 4. Itinakda o ibinukod para sa isang relihiyosong layunin.” Sa Biblikal na konteksto, ang kabanalan ay nangangahulugan ng “relihiyosong kalinisan o kadalisayan; pagiging sagrado.” Ayon sa reperensiya sa Bibliya na Insight on the Scriptures, “ang orihinal na Hebreong [salitang] qoʹdhesh ay nagpapahiwatig ng idea ng pagiging hiwalay, bukod-tangi, o banal sa Diyos, . . . isang kalagayan ng pagiging ibinukod ukol sa paglilingkod sa Diyos.”a

3 Ang bansang Israel ay inutusang magpakabanal. Isinaad sa Kautusan ng Diyos: “Ako si Jehova na inyong Diyos; at inyong pakabanalin ang inyong sarili at patunayan ninyong kayo’y banal, sapagkat ako ay banal.” Sino ang Bukal ng kabanalan? Paano magiging banal ang di-sakdal na mga Israelita? At anu-anong aral ang masusumpungan natin sa ngayon sa panawagan ni Jehova ukol sa kabanalan?​—Levitico 11:44.

Kung Paano Naugnay ang Israel sa Bukal ng Kabanalan

4. Paano inilarawan sa Israel ang kabanalan ni Jehova?

4 Lahat ng may kaugnayan sa pagsamba ng Israel sa Diyos na Jehova ay dapat na malasing banal at ituring na gayon. Bakit gayon? Sapagkat si Jehova mismo ang pinagmumulan at bukal ng kabanalan. Ang paglalahad ni Moises tungkol sa paghahanda ng banal na tabernakulo at ng mga kasuutan at palamuti ay nagtapos sa mga salitang: “Sa wakas ay gumawa sila ng makintab na ohas, ang banal na tanda ng pag-aalay, yari sa dalisay na ginto at iniukit sa ibabaw niyaon ang isang inskripsyon na may mga lilok ng isang tatak: ‘Ang Kabanalan ay nauukol kay Jehova.’ ” Ang makintab na ohas na ito mula sa dalisay na ginto ay ikinabit sa turbante ng mataas na saserdote, at ipinahihiwatig niyaon na siya ay ibinukod ukol sa paglilingkod na may pantanging kabanalan. Habang nasasaksihan nilang kumikislap sa sikat ng araw ang inukit na tandang ito, palagiang napaaalalahanan ang mga Israelita tungkol sa kabanalan ni Jehova.​—Exodo 28:36; 29:6; 39:30.

5. Paano maituturing na banal ang di-sakdal na mga Israelita?

5 Subalit paano magiging banal ang mga Israelita? Tanging sa pamamagitan ng kanilang malapit na kaugnayan kay Jehova at sa kanilang dalisay na pagsamba sa kaniya. Kailangan nila ang tumpak na kaalaman sa “Pinakabanal na Isa” upang makasamba sa kaniya sa kabanalan, sa pisikal at espirituwal na kalinisan. (Kawikaan 2:1-6; 9:10) Samakatuwid ang Diyos ay dapat na sambahin ng mga Israelita na taglay ang dalisay na motibo at dalisay na puso. Anumang mapagpaimbabaw na anyo ng pagsamba ay nakasusuklam kay Jehova.​—Kawikaan 21:27.

Kung Bakit Tinuligsa ni Jehova ang Israel

6. Paano minalas ng mga Judio noong kaarawan ni Malakias ang mesa ni Jehova?

6 Ito ay malinaw na inilarawan nang ang mga Israelita ay walang-siglang nagdadala ng mahihina, depektibong mga hain sa templo. Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Malakias, tinuligsa ni Jehova ang kanilang mababang-uring paghahandog: “ ‘Hindi ko kayo kinalulugdan,’ sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘at sa kaloob na handog ng inyong kamay ay wala akong kaluguran.’ . . . ‘Ngunit nilalapastangan ninyo ako sa inyong sinasabing, “Ang mesa ni Jehova ay marumi, at ang bunga niyaon, ang pagkain doon, ay hamak.” At sinabi ninyo, “Narito! Nakasusuya!” at pinapangyari ninyong hamakin ito,’ sabi ni Jehova ng mga hukbo. ‘At ang inyong dinala ay yaong nakuha sa dahas, at yaong pilay, at yaong maysakit; oo, inyong dinala iyon bilang kaloob. Ito kaya’y malugod kong tatanggapin sa inyong kamay?’ sabi ni Jehova.”​—Malakias 1:10, 12, 13.

7. Anong di-banal na pagkilos ang ginagawa ng mga Judio noong ikalimang siglo B.C.E.?

7 Ginamit ng Diyos si Malakias upang tuligsain ang huwad na mga gawain ng mga Judio, malamang noong ikalimang siglo B.C.E. Hindi nagpapakita ng mabuting halimbawa ang mga saserdote, at talagang hindi banal ang kanilang paggawi. Ang mga tao, na sumusunod sa pangungunang iyan, ay pabayâ sa kanilang mga simulain, anupat dinidiborsiyo pa nga ang kanilang asawa, malamang upang makakuha sila ng mga asawang pagano na mas bata. Sumulat si Malakias: “ ‘Si Jehova mismo ang nagpatotoo sa pagitan mo at ng asawa ng iyong kabataan, na iyong pinakitunguhan nang may pagtataksil,b bagaman siya ang iyong kasama at ang asawa ng iyong tipan. . . . At kayo’y mag-ingat sa inyong sarili sa inyong espiritu, at sa asawa ng inyong kabataan ay huwag sanang magtataksil ang sinuman. Sapagkat kaniyang kinapopootan ang pagdidiborsiyo,’ sabi ni Jehova na Diyos ng Israel.”​—Malakias 2:14-16.

8. Paanong ang ilan sa Kristiyanong kongregasyon ay naapektuhan ng modernong pangmalas sa diborsiyo?

8 Sa modernong panahon, sa maraming bansa na doo’y madaling makakuha ng diborsiyo, lubhang tumaas ang bilang ng mga diborsiyo. Naapektuhan maging ang kongregasyong Kristiyano. Sa halip na hingin ang tulong ng matatanda upang madaig ang mga hadlang at sikaping maging matagumpay ang kanilang pag-aasawa, ang ilan ay agad na nakikipaghiwalay. Malimit na ang mga bata ang nagdurusa nang labis.​—Mateo 19:8, 9.

9, 10. Paano natin dapat na pag-isipan ang ating pagsamba kay Jehova?

9 Gaya ng nakita na natin, dahil sa nakalulungkot na espirituwal na kalagayan noong kaarawan ni Malakias, tahasang kinondena ni Jehova ang mababaw na pagsamba ng Juda at ipinakita niyang dalisay na pagsamba lamang ang tatanggapin niya. Hindi ba dapat na mag-udyok ito sa atin na pag-isipan ang kalidad ng ating pagsamba sa Diyos na Jehova, ang Soberanong Panginoon ng sansinukob, ang Bukal ng tunay na kabanalan? Talaga bang naghahandog tayo sa Diyos ng banal na paglilingkuran? Pinananatili ba nating malinis ang ating espirituwal na kalagayan?

10 Hindi ito nangangahulugan na kailangan tayong maging sakdal, na imposible naman, o na dapat nating ihambing sa iba ang ating sarili. Ngunit nangangahulugan ito na bawat Kristiyano ay dapat na nag-uukol ng pinakamainam na pagsamba sa Diyos ayon sa ipinahihintulot ng kaniyang kalagayan. Tumutukoy ito sa kalidad ng ating pagsamba. Ang ating sagradong paglilingkod ay yaong ating pinakamainam​—banal na paglilingkuran. Paano nagagawa iyan?​—Lucas 16:10; Galacia 6:3, 4.

Umaakay sa Dalisay na Pagsamba ang Dalisay na Puso

11, 12. Saan nagmumula ang di-banal na paggawi?

11 Malinaw na itinuturo ni Jesus na kung ano ang nasa puso ay makikita sa sinasabi at ginagawa ng isang tao. Sinabi ni Jesus sa mga mapagmatuwid sa sarili, gayunma’y di-banal, na mga Fariseo: “Supling ng mga ulupong, paano kayo makapagsasalita ng mabubuting bagay, samantalang kayo ay balakyot? Sapagkat mula sa kasaganaan ng puso ang bibig ay nagsasalita.” Nang maglaon ay ipinakita niya na ang balakyot na mga gawa ay nagmumula sa balakyot na kaisipan na nasa puso, o kalooban. Sinabi niya: “Ang mga bagay na lumalabas sa bibig ay nanggagaling sa puso, at ang mga bagay na iyon ang nagpapadungis sa isang tao. Bilang halimbawa, mula sa puso ay nanggagaling ang mga balakyot na pangangatuwiran, mga pagpaslang, mga pangangalunya, mga pakikiapid, mga pagnanakaw, mga bulaang testimonyo, mga pamumusong. Ang mga ito ang mga bagay na nagpapadungis sa isang tao.”​—Mateo 12:34; 15:18-20.

12 Tumutulong ito sa atin upang maunawaan na ang di-banal na mga gawa ay hindi likas o walang naunang batayan. Ang mga ito ay bunga ng nakasasamang kaisipan na nakakubli sa puso​—lihim na mga nasa at marahil mga guniguni. Iyan ang dahilan kung kaya masasabi ni Jesus: “Narinig ninyo na sinabi, ‘Huwag kang mangangalunya.’ Subalit sinasabi ko sa inyo na ang bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae upang magkaroon ng masidhing pagnanasa sa kaniya ay nakagawa na ng pangangalunya sa kaniya sa kaniyang puso.” Sa ibang pananalita, ang pakikiapid at pangangalunya ay nagkaugat na sa puso bago pa kumilos ang isa. Kung magkagayon, kapag nabuksan ang pagkakataon, ang di-banal na kaisipan ay nagiging di-banal na paggawi. Pakikiapid, pangangalunya, sodomiya, pagnanakaw, pamumusong, at apostasya ang ilan sa nagiging maliwanag na bunga.​—Mateo 5:27, 28; Galacia 5:19-21.

13. Ano ang ilang halimbawa kung paanong ang di-banal na kaisipan ay maaaring umakay sa di-banal na paggawi?

13 Ito ay mailalarawan sa iba’t ibang paraan. Sa ilang bansa, ang mga pasugalan ay nagsusulputang parang mga kabuté, sa gayo’y lumalaki ang pagkakataong makapagsugal. Maaaring matukso ang isa na bumaling sa ganitong tila solusyon sa pagsisikap na malutas ang kaniyang mga suliranin sa pananalapi. Maaaring mahikayat ang isang kapatid ng mapandayang pangangatuwiran upang tanggihan o bantuan ang kaniyang mga simulain sa Bibliya.c Sa iba pang kalagayan, ang pagiging malaganap ng pornograpya, maging sa TV, video, computer, o mga aklat, ay maaaring umakay sa isang Kristiyano sa di-banal na paggawi. Ang kailangan lamang ay mapabayaan niya ang kaniyang espirituwal na kasuutang pandigma, at bago niya mamalayan ito, nahulog na siya sa imoralidad. Ngunit kadalasan ang pagkahulog sa kasalanan ay nagsisimula sa isip. Oo, sa mga situwasyong tulad nito, natutupad ang mga salita ni Santiago: “Ang bawat isa ay nasusubok kapag nahihila at naaakit ng sarili niyang pagnanasa. Kung magkagayon ang pagnanasa, kapag ito ay naglihi na, ay nagsisilang ng kasalanan.”​—Santiago 1:14, 15; Efeso 6:11-18.

14. Paano nakabalik ang marami buhat sa kanilang di-banal na paggawi?

14 Mabuti na lamang, maraming Kristiyano na nagkasala bunga ng kahinaan ang nagpapamalas ng tunay na pagsisisi, at nagagawa ng matatanda na maibalik sa espirituwal ang gayong mga tao. Kahit ang marami na natiwalag dahil sa hindi nagsisi ay natauhan sa dakong huli at nakabalik sa kongregasyon. Natanto nila kung gaano sila kadaling nadaig ni Satanas nang hayaan nilang magkaugat sa kanilang puso ang di-banal na mga kaisipan.​—Galacia 6:1; 2 Timoteo 2:24-26; 1 Pedro 5:8, 9.

Ang Hamon​—Harapin ang Ating mga Kahinaan

15. (a) Bakit kailangan nating harapin ang ating mga kahinaan? (b) Ano ang makatutulong sa atin upang kilalanin ang ating mga kahinaan?

15 Kailangan tayong magsikap na alamin sa makatuwirang paraan kung ano ang nasa ating puso. Handa ba nating harapin ang ating mga kahinaan, kilalanin ang mga ito, at pagkatapos ay sikaping madaig ang mga ito? Handa ba tayong magtanong sa isang tapat na kaibigan kung paano tayo susulong, at pagkatapos ay makinig sa kaniyang payo? Upang makapanatiling banal ay dapat nating mapagtagumpayan ang ating mga pagkukulang. Bakit? Sapagkat alam ni Satanas ang ating mga kahinaan. Gagamitin niya ang kaniyang tusong pamamaraan upang maudyukan tayong magkasala at gumawi nang walang-kabanalan. Sa pamamagitan ng kaniyang mapandayang mga gawa, sinisikap niyang ihiwalay tayo sa pag-ibig ng Diyos upang hindi na tayo maging banal at kapaki-pakinabang ukol sa pagsamba kay Jehova.​—Jeremias 17:9; Efeso 6:11; Santiago 1:19.

16. Anong pakikipaglaban mayroon si Pablo?

16 May sariling mga pagsubok at tukso na naranasan si apostol Pablo, gaya ng pinatunayan niya sa kaniyang liham sa mga taga-Roma: “Alam ko na sa akin, alalaong baga, sa aking laman, ay walang tumatahang mabuti; sapagkat ang kakayahang magnais ay narito sa akin, ngunit ang kakayahang magsagawa ng kung ano ang mainam ay wala. Sapagkat ang mabuti na nais ko ay hindi ko ginagawa, subalit ang masama na hindi ko nais ang siyang aking isinasagawa. . . . Tunay ngang nalulugod ako sa batas ng Diyos ayon sa aking pagkatao sa loob, ngunit nakikita ko sa aking mga sangkap ang isa pang batas na nakikipagdigma laban sa batas ng aking pag-iisip at dinadala akong bihag sa batas ng kasalanan na nasa aking mga sangkap.”​—Roma 7:18-23.

17. Paano nagtagumpay si Pablo sa kaniyang pakikipagpunyagi sa mga kahinaan?

17 Ang mahalagang punto ngayon sa kalagayan ni Pablo ay yaong bagay na kinilala niya ang kaniyang mga kahinaan. Sa kabila ng mga ito, nasabi niya: “Tunay ngang nalulugod ako sa batas ng Diyos ayon sa aking [espirituwal na] pagkatao sa loob.” Inibig ni Pablo ang mabuti at kinapootan ang masama. Subalit mayroon pa rin siyang pakikipaglaban, kagaya ng pakikipaglaban nating lahat​—laban kay Satanas, sa sanlibutan, at sa laman. Kaya paano natin mapagtatagumpayan ang pakikipaglaban upang manatiling banal, anupat hiwalay sa sanlibutang ito at sa kaisipan nito?​—2 Corinto 4:4; Efeso 6:12.

Paano Tayo Makapananatiling Banal?

18. Paano tayo makapananatiling banal?

18 Hindi nakakamtan ang kabanalan sa pamamagitan ng pagkuha ng pinakamadaling landasin o sa pagiging mapagpalayaw-sa-sarili. Ang ganiyang uri ng tao ay palaging magbibigay-dahilan sa kaniyang paggawi at sisikaping ibunton ang sisi sa iba. Marahil ay kailangan nating maging responsable sa ating pagkilos at huwag maging gaya ng ilan na nangangatuwirang nakaguhit na iyon sa kanilang palad dahil sa angkan na kanilang pinagmulan o namanang ugali. Ang ugat ng suliranin ay nasa puso ng isang tao. Iniibig ba niya ang katuwiran? hinahangad ang kabanalan? ninanais ang pagpapala ng Diyos? Niliwanag ng salmista ang pangangailangan na maging banal nang sabihin niya: “Layuan mo ang masama, at gawin mo ang mabuti; hanapin ang kapayapaan, at itaguyod iyon.” Sumulat si apostol Pablo: “Ang inyong pag-ibig ay huwag magkaroon ng pagpapaimbabaw. Kamuhian ang balakyot, kumapit kayo sa mabuti.”​—Awit 34:14; 97:10; Roma 12:9.

19, 20. (a) Paano natin mapatitibay ang ating pag-iisip? (b) Ano ang kasangkot sa mabisang personal na pag-aaral?

19 Maaari tayong ‘kumapit sa mabuti’ kung mamalasin natin ang mga bagay-bagay ayon sa pangmalas ni Jehova at kung taglay natin ang pag-iisip ni Kristo. (1 Corinto 2:16) Paano magagawa ito? Sa pamamagitan ng regular na pag-aaral at pagbubulay-bulay sa Salita ng Diyos. Kaydalas ngang ipayo ito! Ngunit seryoso ba nating ikinakapit ito? Halimbawa, talaga bang pinag-aaralan ninyo ang magasing ito, anupat sinusuri ang mga teksto sa Bibliya, bago kayo dumalo sa pulong? Ang pag-aaral ay hindi nangangahulugan na sinasalungguhitan lamang natin ang ilang parirala sa bawat parapo. Ang isang araling artikulo ay maaaring pasadahán at salungguhitan sa loob ng 15 minuto. Nangangahulugan ba iyan na pinag-aralan na natin ang artikulo? Ang totoo, maaaring kailanganin ang isa o dalawang oras upang mapag-aralan at matamo ang espirituwal na kapakinabangan na inihaharap ng bawat artikulo.

20 Marahil ay kailangan nating disiplinahin ang ating sarili upang maiwasan ang TV nang ilang oras bawat linggo at talagang makapagtuon ng pansin sa ating personal na kabanalan. Ang ating regular na pag-aaral ay nagpapatibay sa atin sa espirituwal na paraan, anupat pinakikilos ang ating isip upang makagawa ng tamang pasiya​—mga pasiya na umaakay sa “banal na mga paggawi.”​—2 Pedro 3:11; Efeso 4:23; 5:15, 16.

21. Anong tanong ang kailangan pang sagutin?

21 Ang tanong ngayon ay, Sa ano pang ibang larangan ng gawain at paggawi tayo bilang mga Kristiyano ay maaaring maging banal, kung paanong si Jehova ay banal? Ang susunod na artikulo ay maghaharap ng ilang bagay na nararapat isaalang-alang.

[Mga talababa]

a Ang dalawang-tomong reperensiyang ito ay inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

b Para sa mas kumpletong pagtalakay sa kung ano ang ibig sabihin ng “may pagtataksil,” tingnan ang Gumising! ng Pebrero 8, 1994, pahina 21, “Anong Uri ng Pagdidiborsiyo ang Kinapopootan ng Diyos?”

c Para sa higit pang impormasyon kung bakit ang pagsusugal ay di-banal na paggawi, tingnan ang Gumising! ng Agosto 8, 1994, pahina 14-15, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

Natatandaan Mo Ba?

◻ Paano ipinakilala sa Israel ang Bukal ng kabanalan?

◻ Sa anu-anong paraan di-banal ang pagsamba ng mga Israelita noong kaarawan ni Malakias?

◻ Saan nagsisimula ang di-banal na paggawi?

◻ Upang maging banal, ano ang kailangan nating kilalanin?

◻ Paano tayo makapananatiling banal?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share