Malapit Na ang Makahimalang Pagpapagaling sa Sangkatauhan
“HINDI pa kami nakakita kailanman ng katulad nito.” Ganito ang sabi ng isang nakasaksi sa makahimala at kagyat na pagpapagaling ni Jesus sa isang taong paralitiko. (Marcos 2:12) Pinagaling din ni Jesus ang mga bulag, pipi, at mga pilay, at gayundin ang ginawa ng kaniyang mga tagasunod. Sa pamamagitan ng anong kapangyarihan nagawa iyon ni Jesus? Anong papel ang ginampanan ng pananampalataya? Anong liwanag ang pinasikat ng unang-siglong mga karanasang ito tungkol sa makahimalang pagpapagaling ngayon?—Mateo 15:30, 31.
“Pinagaling Ka ng Iyong Pananampalataya”
Gustung-gustong banggitin ng mga tagapagpagaling ngayon sa pamamagitan ng pananampalataya ang pangungusap ni Jesus sa isang babaing 12 taon nang inaagasan ng dugo na lumapit sa kaniya para sa lunas: “Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” (Lucas 8:43-48) Ipinahiwatig ba ng sinabi ni Jesus na ang kaniyang paggaling ay nakasalalay sa kaniyang pananampalataya? Iyon ba ay isang halimbawa ng “pagpapagaling sa pamamagitan ng pananampalataya” gaya ng isinasagawa sa ngayon?
Kapag binabasa nating mabuti ang ulat ng Bibliya, nakikita natin na kadalasan ay hindi hinihiling ni Jesus at ng kaniyang mga alagad na magpahayag ang mga maysakit ng kanilang pananampalataya bago sila pagalingin. Ang babaing nabanggit ay dumating at, nang walang anumang sinabi kay Jesus, tahimik na humipo sa kaniyang kasuutan mula sa likuran at “kaagad ang pag-agas ng kaniyang dugo ay huminto.” Sa isa pang pagkakataon, pinagaling ni Jesus ang isang lalaking kabilang sa mga dumating upang arestuhin siya. Pinagaling pa man din niya ang isang taong hindi nakaaalam kung sino si Jesus.—Lucas 22:50, 51; Juan 5:5-9, 13; 9:24-34.
Anong papel, kung gayon, ang ginampanan ng pananampalataya? Nang si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay nasa distrito ng Tiro at Sidon, isang babaing taga-Fenicia ang dumating at humiyaw: “Maawa ka sa akin, Panginoon, Anak ni David. Ang aking anak na babae ay malubhang inaalihan ng demonyo.” Gunigunihin ang kaniyang hinagpis habang nagmamakaawa siya: “Panginoon, tulungan mo ako!” Lipos ng habag, sumagot si Jesus: “O babae, malaki ang iyong pananampalataya; mangyari nawa sa iyo gaya ng nais mo.” At ang kaniyang anak na babae ay napagaling “mula nang oras na iyon.” (Mateo 15:21-28) Maliwanag, nasangkot ang pananampalataya, ngunit kaninong pananampalataya? Pansinin na ang pinuri ni Jesus ay ang pananampalataya ng ina, hindi ng anak na may sakit. At pananampalataya sa ano? Sa pagtawag kay Jesus na “Panginoon, Anak ni David,” hayagang kinilala ng babae na si Jesus ang ipinangakong Mesiyas. Hindi iyon basta isang kapahayagan lamang ng pananampalataya sa Diyos o pananampalataya sa kapangyarihan ng tagapagpagaling. Nang sabihin ni Jesus, “Pinagaling ka ng iyong pananampalataya,” ang ibig niyang sabihin ay na kung walang pananampalataya sa kaniya bilang ang Mesiyas, hindi pupunta sa kaniya ang mga maysakit upang mapagaling.
Mula sa mga halimbawang ito sa Kasulatan, mauunawaan natin na ang pagpapagaling na ginawa ni Jesus ay ibang-iba sa pangkaraniwang nakikita o inaangkin sa ngayon. Walang masidhing pagpapahayag ng damdamin—pagsigaw, pagkanta, paghagulhol, pagkawala ng ulirat, at marami pa—mula sa mga pulutong at walang madulang silakbo ng damdamin sa bahagi ni Jesus. Karagdagan pa, hindi kailanman nabigo si Jesus na pagalingin ang mga maysakit sa pagdadahilang kulang sila ng pananampalataya o kaya’y hindi gaanong malaki ang kanilang handog.
Pagpapagaling sa Pamamagitan ng Kapangyarihan ng Diyos
Paano naganap ang pagpapagaling ni Jesus at ng kaniyang mga alagad? “Ang kapangyarihan ni Jehova ay naroon upang siya ay gumawa ng pagpapagaling,” sagot ng Bibliya. (Lucas 5:17) Pagkatapos ng isang pagpapagaling, sinabi ng Lucas 9:43, “silang lahat ay nagpasimulang mamangha nang lubha sa maringal na kapangyarihan ng Diyos.” Angkop lamang, hindi inakay ni Jesus ang pansin sa kaniyang sarili bilang siyang tagapagpagaling. Sa isang pagkakataon ay ganito ang sabi niya sa isang lalaki na pinalaya niya mula sa panliligalig ng mga demonyo: “Umuwi ka sa iyong mga kamag-anak, at iulat mo sa kanila ang lahat ng mga bagay na ginawa ni Jehova para sa iyo at ang ipinakita niyang awa sa iyo.”—Marcos 5:19.
Yamang nagpagaling si Jesus at ang mga apostol sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, madaling maunawaan kung bakit ang pananampalataya sa bahagi ng isa na pinagagaling ay hindi laging kailangan para sa pagpapagaling. Gayunman, kailangan ang matibay na pananampalataya sa bahagi ng tagapagpagaling. Kaya naman, nang hindi mapalayas ng mga tagasunod ni Jesus ang isang totoong makapangyarihang demonyo, sinabi sa kanila ni Jesus ang dahilan: “Dahil sa inyong kakaunting pananampalataya.”—Mateo 17:20.
Layunin ng Makahimalang Pagpapagaling
Bagaman maraming ginawang pagpapagaling si Jesus sa kaniyang buong ministeryo sa lupa, hindi siya pangunahing nagtaguyod ng isang ‘ministeryo ng pagpapagaling.’ Ang kaniyang makahimalang pagpapagaling—na doo’y hindi siya kailanman naningil sa mga tao o nangilak ng anumang abuloy—ay pangalawa lamang sa kaniyang pangunahing layunin, yaong ‘pangangaral ng mabuting balita ng kaharian.’ (Mateo 9:35) Sinasabi ng ulat na minsan ay “tinanggap niya sila nang may kabaitan at nagpasimulang magsalita sa kanila tungkol sa kaharian ng Diyos, at pinagaling niya yaong mga nangangailangan ng pagpapagaling.” (Lucas 9:11) Sa salaysay ng Ebanghelyo, malimit na tawagin si Jesus bilang “Guro” ngunit hindi kailanman bilang “Tagapagpagaling.”
Kung gayon, bakit gumawa si Jesus ng makahimalang pagpapagaling? Pangunahin na upang patunayan ang kaniyang pagkakakilanlan bilang ang ipinangakong Mesiyas. Nang di-makatarungang ibilanggo si Juan na Tagapagbautismo, ibig niya ng katiyakan na natupad niya ang ipinagagawa sa kaniya ng Diyos. Isinugo niya ang kaniyang sariling mga alagad kay Jesus at nagtanong: “Ikaw ba ang Isa na Darating, o aasahan ba namin ang iba pa?” Pansinin kung ano ang sinabi ni Jesus sa mga alagad ni Juan: “Humayo kayo at iulat ninyo kay Juan ang inyong naririnig at nakikita: Ang mga bulag ay nakakakitang muli, at ang mga pilay ay lumalakad, ang mga ketongin ay nalilinisan at ang mga bingi ay nakaririnig, at ang mga patay ay ibinabangon, at ang mga dukha ay pinapahayagan ng mabuting balita.”—Mateo 11:2-5.
Oo, ang bagay na gumawa si Jesus hindi lamang ng pagpapagaling kundi pati na rin ng ibang makahimalang mga gawa na nakaulat sa mga Ebanghelyo ay matatag na nagpapatunay sa kaniyang pagkakakilanlan bilang “ang Isa na Darating,” ang ipinangakong Mesiyas. Hindi na kailangan para sa sinuman na ‘asahan ang iba pa.’
Makahimalang Pagpapagaling sa Ngayon?
Kung gayon, dapat ba nating asahan na patutunayan ng Diyos ang kaniyang kapangyarihan sa ngayon sa pamamagitan ng mga pagpapagaling? Hindi. Sa pamamagitan ng kaniyang mga makahimalang gawa sa tulong ng kapangyarihan ng Diyos, walang-alinlangang napatunayan ni Jesus na siya ang Mesiyas na ipinangako ng Diyos na darating. Nakaulat sa Bibliya ang makapangyarihang mga gawa ni Jesus upang mabasa ng lahat. Hindi na kailangan pang patunayan ng Diyos ang bagay na ito sa pamamagitan ng pag-ulit sa gayong mga gawa sa lahat ng salinlahi ng mga tao.
Kapansin-pansin, ang mga pagpapagaling at iba pang makahimalang mga gawa ay nakakukumbinsi sa isa lamang antas. Kahit ang ilan sa mga nakasaksi sa mga himala ni Jesus ay hindi naniwala na siya ay inaalalayan ng kaniyang makalangit na Ama. “Bagaman nakapagsagawa na siya ng napakaraming tanda sa harap nila, ay hindi sila naglalagak ng pananampalataya sa kaniya.” (Juan 12:37) Kaya nga, pagkatapos talakayin ang iba’t ibang makahimalang kaloob—panghuhula, pagsasalita ng mga wika, pagpapagaling, at iba pa—na ibinigay ng Diyos sa iba’t ibang miyembro ng unang-siglong kongregasyong Kristiyano, kinasihan si apostol Pablo na sabihin: “Kahit may mga kaloob na panghuhula, ang mga ito ay aalisin; kahit may mga wika man, ang mga ito ay titigil; kahit may kaalaman man, ito ay aalisin. Sapagkat mayroon tayong bahagyang kaalaman at nanghuhula tayo nang bahagya; ngunit kapag yaong ganap ay dumating, yaong bahagya ay aalisin.”—1 Corinto 12:28-31; 13:8-10.
Sabihin pa, mahalaga sa ating kapakanan ang pananampalataya sa Diyos. Gayunman, hahantong lamang sa kabiguan ang pagsasalig ng pananampalataya ng isa sa mga huwad na pangako ng pagpapagaling. Isa pa, hinggil sa panahon ng kawakasan, ganito ang babala ni Jesus: “Ang mga bulaang Kristo at ang mga bulaang propeta ay babangon at magbibigay ng mga dakilang tanda at mga kababalaghan upang iligaw, kung posible, maging ang mga pinili.” (Mateo 24:24) Bukod sa panlilinlang at panghuhuwad, magkakaroon din ng mga kapahayagan ng kapangyarihan ng mga demonyo. Bunga nito, hindi natin dapat ipagtaka ang mga pag-aangkin sa di-maipaliwanag na mga pangyayari, at tiyak na hindi batayan ang mga ito ng tunay na pananampalataya sa Diyos.
Yamang walang sinuman sa ngayon ang gumagawa ng mga pagpapagaling na gaya ng ginawa ni Jesus, ito ba ay isang kawalan sa atin? Tunay na hindi. Ang totoo, yaong mga pinagaling ni Jesus ay maaaring muling nagkasakit nang dakong huli. Silang lahat ay tumanda at namatay. Panandalian lamang ang mga pakinabang sa pagpapagaling na natamo nila. Gayunman, may walang-hanggang kabuluhan ang makahimalang pagpapagaling ni Jesus sa bagay na ang mga ito ay lumalarawan sa mga pagpapala sa hinaharap.
Kaya naman, matapos suriin ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, hindi na nanampalataya sina Alexandre at Benedita, mga nabanggit na, sa modernong pagpapagaling sa pamamagitan ng pananampalataya at espiritistikong paggamot. Kasabay nito, kumbinsido sila na ang mga makahimalang pagpapagaling ay hindi mga bagay na bahagi na lamang ng nakalipas. Bakit gayon? Tulad ng milyun-milyon sa buong daigdig, umaasa sila sa mga pagpapala ng pagpapagaling sa ilalim ng Kaharian ng Diyos.—Mateo 6:10.
Wala Nang Sakit at Kamatayan
Gaya ng naunawaan na natin, ang pangunahing layunin ng ministeryo ni Jesus ay hindi ang magpagaling sa maysakit at gumawa ng iba pang himala. Sa halip, naging pangunahing gawain niya ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 9:35; Lucas 4:43; 8:1) Ang Kahariang iyan ang gagamitin ng Diyos upang isagawa ang makahimalang pagpapagaling sa sangkatauhan at alisin ang lahat ng pinsala na idinulot ng kasalanan at di-kasakdalan sa pamilya ng tao. Paano at kailan niya gagawin ito?
Tinatanaw ang malayo pang hinaharap, binigyan ni Kristo Jesus ang kaniyang apostol na si Juan ng isang makahulang pangitain: “Ngayon ay naganap na ang kaligtasan at ang kapangyarihan at ang kaharian ng ating Diyos at ang awtoridad ng kaniyang Kristo!” (Apocalipsis 12:10) Ipinakikita ng lahat ng ebidensiya na sapol noong 1914 ang pusakal na mananalansang sa Diyos, si Satanas, ay ibinulid na sa kapaligiran ng lupa, at talagang umiiral na ngayon ang Kaharian! Itinalaga na si Jesus bilang Hari ng Mesiyanikong Kaharian at handa na ngayong gumawa ng malalaking pagbabago sa lupa.
Di na magtatagal, ang makalangit na pamahalaan ni Jesus ay mamamahala sa isang matuwid na bagong lipunan ng tao, na sa diwa ay “isang bagong lupa.” (2 Pedro 3:13) Ano ang magiging mga kalagayan sa panahong iyon? Narito ang isang maluwalhating pangitain: “Nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong lupa; sapagkat ang dating langit at ang dating lupa ay lumipas na . . . At papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”—Apocalipsis 21:1, 4.
Nakikini-kinita mo ba ang magiging kalagayan ng buhay kapag nagkatotoo na ang makahimalang pagpapagaling sa sangkatauhan? “Walang mamamayan ang magsasabing: ‘Ako’y maysakit.’ Ang mga taong naninirahan sa lupain ay yaong mga pinatawad na sa kanilang mga pagkakamali.” Oo, isasagawa ng Diyos ang hindi kailanman magagawa ng mga tagapagpagaling sa pamamagitan ng pananampalataya. “Aktuwal na sasakmalin niya ang kamatayan magpakailanman.” Oo, “tunay na papahirin ng Soberanong Panginoong Jehova ang mga luha sa lahat ng mukha.”—Isaias 25:8; 33:24.
[Larawan sa pahina 7]
Makahimalang pagagalingin ang sangkatauhan sa ilalim ng Kaharian ng Diyos