“Isang Tanda Mula sa Langit”
ISANG matandang rima, o tugmâ ang nagsasabi: “Mapulang langit sa gabi, katuwaan ng mga mandaragat,/Mapulang langit sa umaga, nagbababala sa mga mandaragat.” Sa ngayon, ang mga satelayt, mga pag-aaral sa temperatura na pinabibilis ng computer, Doppler radar, at iba pang kaparaanang siyentipiko ang ginagamit upang hulaan ang lagay ng panahon. Ang mga paghula ay kadalasan nakakasuwato ng rima na kasisipi lamang.
Ang relihiyosong mga kaaway ni Jesu-Kristo ay humingi sa kaniya minsan ng “isang tanda mula sa langit,” isang di-pangkaraniwang pagtatanghal upang patunayan na siya ang Mesiyas. “Sa kinahapunan,” aniya, “ay nahirati kayong sabihin, ‘Bubuti ang panahon, sapagkat ang langit ay mapulang-mapula’; at sa umaga, ‘Ngayo’y magiging malamig at maulan, sapagkat ang langit ay mapulang-mapula nga, ngunit makulimlim naman.’ Marunong kayong kumilala ng anyo ng langit, ngunit hindi ninyo nakikilala ang mga tanda ng mga panahon. Ang salinlahing balakyot at mangangalunya ay laging humahanap ng tanda, ngunit walang tanda na ibibigay sa kaniya kundi ang tanda ni Jonas.”—Mateo 16:1-4.
Ang mga kaaway ni Jesus ay nakahuhula ng lagay ng panahon subalit hindi nila maintindihan ang espirituwal na mga bagay. Halimbawa, ano ba “ang tanda ni Jonas”? Pagkatapos ng tatlong araw na nasa tiyan ng isang malaking isda, ang propeta ng Diyos na si Jonas ay nangaral sa Nineve at sa ganoon ay naging isang tanda sa kabiserang lunsod na iyon ng Asiria. Ang lahi ng mga tao noong panahon ni Jesus ay taglay “ang tanda ni Jonas” nang gumugol si Kristo ng mga bahagi ng tatlong araw sa isang puntod at binuhay muli. Ibinalita ng kaniyang mga alagad ang ebidensiya ng pangyayaring iyon, at sa ganoo’y naging isang tanda si Jesus sa salinlahing iyon.—Mateo 12:39-41.
Sa isa pang pagkakataon, si Jesus ay tinanong ng kaniyang mga alagad kung ano “ang tanda” ng kaniyang hinaharap na “pagkanaririto” sa kapangyarihan ng Kaharian. Bilang tugon, nagbigay siya ng isang kabuuang tanda na may sari-saring bahagi, kasali na ang walang-katulad na mga digmaan, malalakas na lindol, kakapusan sa pagkain, at buong-lupang pangangaral tungkol sa natatag na makalangit na Kaharian ng Diyos.—Mateo 24:3-14.
Nakikilala mo ba ang tanda ng pagkanaririto ni Kristo bilang di-nakikitang makalangit na Hari? Ang mga bahagi nito ay natutupad sa salinlahing ito. (Mateo 24:34) At kumusta naman ang hinaharap? Hindi lamang isinisiwalat ng Bibliya na ang wakas ng sistemang ito ng mga bagay ay malapit na kundi inihuhula rin ang ipinangakong bagong araw ng Diyos na kaylapit-lapit nang mamitak at magsimula para sa sangkatauhan.—2 Pedro 3:13.