Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 2/8 p. 8-11
  • Hindi Pagkakamali at ang Unang mga Kristiyano

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Hindi Pagkakamali at ang Unang mga Kristiyano
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Sino ang Mahalagang “Batong” Pundasyon?
  • Si Pedro​—Papa o Isa na Kapantay ng Iba?
  • Si Pedro Ba ang Kauna-unahang Papa?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
  • Papa sa Roma—“Kahalili ni San Pedro”?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • Nanatiling Matapat sa Harap ng mga Pagsubok
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
  • Matapat Siya sa Harap ng mga Pagsubok
    Tularan ang Kanilang Pananampalataya
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 2/8 p. 8-11

Hindi Pagkakamali at ang Unang mga Kristiyano

ANG doktrina ng hindi pagkakamali ay nauugnay sa “kahigtán,” o kataas-taasang kapangyarihan, ng papa. Ayon sa Enciclopedia Cattolica, “ang mga teksto ng Bibliya na nagtatatag sa kahigtán ay nagpapatotoo sa h[indi pagkakamali] ng papa.” Bilang suporta sa doktrinang ito, binabanggit ng akda ring iyon ang sumusunod na mga talata kung saan si Kristo ay nakikipag-usap kay Pedro.

Mateo 16:18: “Ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya.”

Lucas 22:32: “Datapuwat ikaw ay ipinagdasal ko na huwag magkulang ang iyong pananampalataya; at kung makapagbalik ka nang muli, ay papagtibayin mo ang iyong mga kapatid.”

Juan 21:15-17: “Pakanin mo ang aking mga kordero.” “Alagaan mo ang aking mga tupa.” “Pakanin mo ang aking mga tupa.”​—Revised Standard Version, Edisyong Katoliko.

Sang-ayon sa Iglesya Katolika, dapat ilarawan ng nabanggit na mga talata: una, na si Pedro ang “prinsipe ng mga apostol,” yaon ay, na nakahihigit siya sa kanila; ikalawa, na siya ay hindi maaaring magkamali; at ikatlo, na siya ay magkakaroon ng “mga kahalili” na makikibahagi sa kaniyang tanging mga karapatan, ang kahigtán at ang hindi pagkakamali.

Gayunman, tungkol dito, si Giuseppe Alberigo, lektyurer sa kasaysayan ng simbahan, ay nagbibigay ng mahalagang mga komentong ito: “Gaya ng nalalaman, sa BT [Bagong Tipan] ang salitang ‘papa,’ o ang kahawig na kahulugan ng ‘pagka-papa,’ ay hindi lumilitaw. Ang tanging kilalang tauhan ay si Jesus ng Nazaret; sa gitna ng kaniyang mga alagad, at lalo na sa gitna ng mga apostol, mahirap makilala, salig sa mga teksto, ang isang tao na nakahihigit sa lahat ng iba pa. Sina Pedro, Juan, Santiago, Pablo, ay mga tao na may mga katangian at mahalaga, nagkakaiba-iba at kapupunan ng isa’t isa. Walang alinlangan, si Pedro ay inihaharap bilang isa sa mga apostol na mas madalas na kinausap ni Kristo, bagaman hindi siya ang natatangi ni ang pinakamahalaga.”

Ano ang paniwala ng unang mga Kristiyano? Si Propesor Alberigo ay sumasagot: “Noong unang mga siglo, walang masalimuot na doktrina o pragmatismo na umiiral para sa katauhan at sa mga gawain ng papa. . . . Ang posibilidad ng ‘episcopus episcoporum’ [obispo ng mga obispo] ay isang pagkaligaw sa landas ni Cyprian [isang manunulat noong ikatlong-siglo], gaya ng pinatutunayan sa sinodo sa Carthage.”

Kailan nagsimula ang doktrina tungkol sa pagka-papa? Sabi ni Propesor Alberigo: “Sa pagtatapos ng ikaapat na siglo, ang pag-aangkin ng Iglesya Romano sa isang apostolikong gawain, yaon ay, ang koordinasyon sa kanluraning mga iglesya, ay naging lalong mapilit.” Noong “panahon ng pagka-obispo ni Leo I [ikalimang siglo],” susog ni Alberigo, na “ang ideya tungkol sa ‘pagka-prinsipe’ ni Pedro sa gitna ng mga apostol, batay sa Mt 16:18,” ay nabuo. “Hindi masusumpungan sa BT ang anumang pahiwatig ni Jesus tungkol sa mga kahalili ni Pedro o ng iba pang mga apostol.”

Subalit itinataguyod ba ng gayong mga teksto na gaya ng Mateo 16:18, isa na pinakamadalas na gamitin ng mga teologong Katoliko, ang doktrina ng pagka-papa?

Sino ang Mahalagang “Batong” Pundasyon?

“Ikaw ay Pedro [Griego, Peʹtros], at sa ibabaw ng batong [Griego, peʹtrai] ito ay itatayo ko ang aking iglesya.” Kung ang pag-uusapan ay ang Iglesya Katolika, ang pagkakahawig ng dalawang termino ay nagpapakita na si Pedro ang batong pundasyon ng tunay na iglesya, o ng kongregasyong Kristiyano. Subalit yamang ang Bibliya ay maraming sinasabi tungkol sa simbolikong bato, mahalagang suriin natin ang iba pang mga talata upang magtamo tayo ng tamang pagkaunawa.​—Mateo 16:18, Revised Standard Version, Edisyong Katoliko.

Naihayag na ng mahalagang mga hula sa Hebreong Kasulatan ang pagdating ng isang simbolikong batong pundasyon at ang dalawang papel na gagampanan nito. Ito ay magiging isang instrumento ng kaligtasan para sa mga sumasampalataya: “Narito aking inilalagay sa Sion na pinaka-pundasyon ang isang bato, isang batong subók, isang mahalagang batong pansulok na may matibay na pundasyon. Ang sumasampalataya ay hindi maliligalig.” (Isaias 28:16) Balintuna, ito ang magiging isang bato na katitisuran ng di sumasampalatayang mga Israelita: “Ang bato na itinakwil ng mga nagtayo ng bahay ay naging pangulo sa sulok.” (Awit 118:22) “Bilang isang batong katitisuran at bilang isang batong pambuwal sa dalawang sambahayan ng Israel.”​—Isaias 8:14.

Posible ba para sa isang tao lamang, lalo na sa mapusok na si Pedro, na gampanan ang dalawang papel ng simbolikong bato? (Mateo 26:33-35, 69-75; Marcos 14:34-42) Kanino tayo dapat sumampalataya upang magtamo ng kaligtasan, kay Pedro o sa isa na mas dakila? Kanino natisod ang mga Israelita, kay Pedro o kay Jesus? Malinaw na ipinakikita ng mga Kasulatan na ang mga hula tungkol sa mahalagang bato ay natupad, hindi kay Pedro, kundi sa Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo. Si Jesus ang nagkapit ng mga hula ni Isaias at ng Awit 118 sa kaniyang sarili, gaya ng ipinakikita ng Mateo 21:42-45.

Itinuring mismo ni Pedro, gaya ng mababasa natin sa 1 Pedro 2:4-8, si Jesus, at hindi ang kaniyang sarili, na siyang batong pundasyon. Sa isang naunang okasyon, nang nagsasalita sa Judiong mga lider ng relihiyon, pinatunayan niya na “si Jesu-Kristo na Nazareno” ay “ang bato na itinakwil ninyong mga nagtayo ng bahay na naging pangulo sa sulok.”​—Gawa 4:10, 11.

Gayundin ang kaisipan ni apostol Pablo, na makikita sa mga kasulatan na gaya ng Roma 9:31-33, 1 Corinto 10:4, at Efeso 2:20, ang huling talatang ito ay tumitiyak sa bagay na ang mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano ay “itinayo sa pundasyon ng mga apostol at mga propeta, samantalang si Kristo Jesus mismo ang pundasyong batong pansulok.” Siya rin ang ‘ulo ng kongregasyon,’ na pinapatnubayan niya mula sa langit. “Ako’y sumasa-inyo lahat ng araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay,” sabi ni Jesus.​—Efeso 1:22; 5:23; Mateo 28:20; Colosas 1:18.

Si Pedro​—Papa o Isa na Kapantay ng Iba?

Anong instrumento ang ginamit ni Jesus sa pagpapatnubay sa gawain ng kaniyang tapat na mga tagasunod pagkatapos niyang umakyat sa langit? Hinirang ba niya ang isa sa kanila bilang kaniyang “kahalili” taglay ang kataas-taasang kapangyarihan, gaya ng papa? Hindi, hindi siya nagtatag ng isang monarkiyang anyo ng gobyerno sa ibabaw ng kongregasyon. Bagkus, ipinagkatiwala niya ang pangangalaga sa kawan sa isang lupon, o grupo, ng tapat na mga lingkod. Sa simula nito, ang kongregasyong Kristiyano ay pinapatnubayan ng buong lupon ng 12 apostol, kasama ng hinirang na mga matatanda sa kongregasyon sa Jerusalem.

Ang 12 apostol, sa kabuuan, ang siyang nagpapasiya kung paano paglalaanan ang materyal na pangangailangan ng mga nangangailangan. (Gawa 6:1-6) Ang lupon ng 12 ang siya ring nagpasiya kung sino ang ipadadala sa mga Samaritano pagkatapos nilang tanggapin ang mabuting balita, at sina Pedro at Juan ang napili. Noong pagkakataong ito, lumilitaw na si Pedro, malayo sa paggawa ng sariling mga disisyon, ay isa lamang sa mga “isinugo” ng mga apostol.​—Gawa 8:14.

Sa wakas, noong panahon ng asamblea na ginanap sa Jerusalem noong taóng 49 C.E. na “ang mga apostol at ang matatanda” ay nagpasiya salig sa Kasulatan na hindi na kailangan pang tuliin ang mga Gentil na nakomberte sa Kristiyanismo. (Gawa 15:1-29) Mula sa ulat ng kasaysayan, maliwanag na hindi si Pedro kundi si Santiago, na kapatid ni Jesus sa ina, ang siyang namunò sa asambleang iyon. Sa katunayan, kaniyang winakasan ang katitikan sa pagsasabing: “Ang pasiya ko ay huwag na nating gambalain yaong sa mga Gentil ay nagbabalik-loob sa Diyos.” (Gawa 15:19) Masasabi ba ni Santiago ang tungkol sa ‘kaniyang pasiya’ kung si Pedro, na naroroon, ang nakahihigit sa gitna ng mga apostol?

Si apostol Pablo, na nagsasalita tungkol sa iba’t ibang ministeryo na nakatulong sa pagpapatibay ng kongregasyon, ay hindi bumanggit tungkol sa autoridad ng papa kundi bagkus sa sama-samang paglilingkod ng lahat ng mga apostol.​—1 Corinto 12:28; Efeso 4:11, 12.

Dahil sa kaniyang sigasig at pagkukusa, walang alinlangan na si Pedro ay gumanap ng isang “mahalagang” papel, gaya ng sulat ni Alberigo. Ibinigay sa kaniya ni Jesus “ang mga susi ng kaharian ng langit.” (Mateo 16:19) Ginamit niya ang simbolikong mga susing ito upang buksan sa mga Judio, sa mga Samaritano, at sa mga Gentil ang pagkakataon na pumasok sa Kaharian ng langit. (Gawa 2:14-40; 8:14-17; 10:24-48) Binigyan din siya ng pananagutan ng ‘pagtatali’ at ‘pagkakalag,’ isang atas na ginawa niya na kasama ng iba pang mga apostol. (Mateo 16:19; 18:18, 19) Papastulin niya ang kongregasyong Kristiyano, isang bagay na dapat gawin ng lahat ng mga tagapangasiwang Kristiyano.​—Gawa 20:28; 1 Pedro 5:2.

Gayunman, dahil sa kanilang mga katangiang Kristiyano, ang mga apostol maliban pa kay Pedro ay “natatangi” rin. Binanggit ni Pablo ang tungkol sa “mga inaring haligi” ng kongregasyon, tinutukoy sina “Santiago at Cefas [Pedro] at Juan.” (Galacia 2:2, 9) Ang kapatid sa ina ni Jesus na si Santiago ay partikular na gumanap ng mahalagang bahagi. Gaya nang nabanggit na, siya ay namunò sa asamblea sa Jerusalem, at maraming ulat ang nagpapatunay sa kaniyang mahalagang bahagi.​—Gawa 12:17; 21:18-25; Galacia 2:12.

Pinagkalooban ng Diyos ng dakilang kapangyarihan ang tapat na mga alagad ni Jesus, pati na ang kakayahang magsagawa ng mga himala. Subalit hindi natin mababasa na pinagkalooban niya sila na magpahayag ng hindi maaaring magkamaling mga salita. Gaano man siya katapat, si Pedro ay nakagawa ng mga pagkakamali. Siya ay sinaway ni Jesus, at noong minsan itinuwid siya ni apostol Pablo sa madla.​—Mateo 16:21-23; 26:31-34; Galacia 2:11-14.

Ang Kasulatan lamang ang hindi maaaring magkamali, sapagkat ito ang Salita ng Diyos. Binanggit ni Pedro ang tungkol sa “salita ng hula” na dapat bigyan-pansin na parang isang nagniningning na ilawan. (2 Pedro 1:19-21) Kung nais nating malaman ang kalooban ng Diyos, kung gayon dapat nating ipagkatiwala ang ating mga sarili sa kaniyang ‘buháy’ na Salita. (Hebreo 4:12) Tanging ang Salita ng Diyos, at hindi ang malabong pagpapakahulugan ng mga lider ng relihiyon, ang nagbibigay ng mga katiyakan na kailangang-kailangan ng sangkatauhan. Gayundin sa ating panahon, ginagamit ni Kristo Jesus ang isang grupo ng kaniyang mga lingkod, nagkakamali subalit tapat, na sa kabuuan ay tinatawag na “ang tapat at maingat na alipin.”​—Mateo 24:45-47.

Sino ang kumakatawan sa simbolikong aliping ito sa lupa ngayon? Ang wastong pag-aaral ng Bibliya ay makatutulong sa iyo na makilala ang makasagisag na alipin. Ang mga Saksi ni Jehova ay magagalak na tulungan ka.

[Mga larawan sa pahina 9]

Sino ang batong pundasyon​—ang tapat na si Kristo? O si Pedro, na tatlong beses na nagkaila sa kaniya?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share