Apostolikong Paghahalili
Kahulugan: Ang doktrina na ang 12 apostol ay may mga kahalili at na ang karapatang humalili ay isang bigay-Diyos na atas. Sa Iglesiya Katolika Romana, inaangkin na ang mga obispo sa kabuuan ay kahalili ng mga apostol, at na ang papa ay inaangking siyang kahalili ni Pedro. Iginigiit na ang mga papang Romano ay tuwirang kahalili, nanunungkulan sa posisyon at gumaganap ng mga tungkulin ni Pedro, na di-umano’y siyang pinagkalooban ni Kristo ng pangunahing kapamahalaan sa buong Iglesiya. Hindi itinuturo ng Bibliya.
Si Pedro ba ang “bato” na siyang pinagtayuan ng iglesiya?
Mat. 16:18, JB: “Sinasabi ko ngayon sa iyo: Ikaw ay si Pedro at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking Iglesiya. At ang mga pintuan ng kalaliman ay hindi mananaig dito.” (Pansinin na sa konteksto [Mat 16 bers. 13, 20] ang pag-uusap ay nakasentro sa pagkakakilanlan kay Jesus.)
Sino ang kinilala nina apostol Pedro at Pablo bilang “bato,” ang “batong-panulok”?
Gawa 4:8-11, JB: “Si Pedro, na puspos ng Banal na Espiritu, ay nagsabi sa kanila, ‘Kayong mga pinuno sa bayan, at matatanda! . . . sa pangalan ni Jesu-Kristo na taga-Nazaret, na inyong ipinako sa krus, na binuhay ng Diyos mula sa mga patay, dahil sa pangalang ito hindi sa kanino pa man kung kaya’t nakatindig ang taong ito nang walang sakit, sa harapan ninyong lahat. Siya ang bato na itinakwil ninyong mga tagapagtayo, subali’t siyang naging pangulong bato [“batong-panulok,” NAB].”
1 Ped. 2:4-8, JB: “Kayo’y magsilapit sa kaniya [ang Panginoong Jesu-Kristo] na kayo rin naman . . . gaya ng mga batong-buháy ay natatayong bahay ukol sa espiritu. Gaya ng sinasabi ng mga kasulatan: Tingnan ninyo kung papaano ko inilalagay sa Sion ang isang mahalagang batong panulok na ako ang pumili at sinomang maglalagak ng tiwala rito ay hindi mapapahiya. Sa inyo ngang nangagsisisampalataya, ito’y mahalaga; datapuwa’t sa hindi sumasampalataya, ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ang siyang naging pangulong bato, batong katitisuran, at bato na pangbuwal.”
Efe. 2:20, JB: “Kayo’y bahagi ng gusali na ang pinakasaligan ay ang mga apostol at propeta, at na si Kristo Jesus mismo ang siyang pangulong bato sa panulok.”
Ano ang paniwala ni Agustin (na itinuring na santo ng Iglesiya Katolika)?
“Sa panahon ding ito ng aking pagpapari, ay sumulat ako ng isang aklat laban sa liham ni Donato . . . Sa isang talata ng aklat na ito, ay sinabi ko tungkol kay Apostol Pedro: ‘Sa ibabaw niya na pinakabato ay itinayo ang Iglesiya.’ . . . Subali’t nalalaman ko na madalas pagkaraan nito, ay ipinaliwanag ko ang sinabi ng Panginoon: ‘Ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking Iglesiya,’ upang maunawaan na ito ay nakatayo sa Kaniya na siyang pinagsabihan ni Pedro: ‘Ikaw ang Kristo, ang Anak ng nabubuhay na Diyos,’ kung kaya’t si Pedro, na ang pangala’y nangangahulugang bato, ay kumakatawan sa pagka-persona ng Iglesiya na nakatayo sa ibabaw ng batong ito, at siyang tumanggap ng ‘mga susi ng kaharian ng langit.’ Sapagka’t ang sinabi sa kaniya ay ‘Ikaw ay Pedro’ at hindi ‘Ikaw ang bato.’ Datapuwa’t ‘ang bato ay si Kristo,’ bilang pagpapahayag gaya ng ipinapahayag ng buong Iglesiya, na si Simon ay tinawag na Pedro.”—The Fathers of the Church—Saint Augustine, the Retractations (Washington, D.C.; 1968), isinalin ni Mary I. Bogan, Aklat I, p. 90.
Si Pedro ba ay itinuring ng ibang apostol bilang nakahihigit sa kanilang lahat?
Luc. 22:24-26, JB: “At nagkaroon din naman ng isang pagtatalo sa gitna nila [mga apostol] hinggil sa kung sino ang ibibilang na pinakadakila, nguni’t kaniyang sinabi sa kanila, ‘Sa mga pagano ang mga hari ay namamanginoon sa kanila, at yaong mga may kapamahalaan sa kanila ay tinatawag na Tagapagpala. Hindi ito dapat mangyari sa inyo.’ ” (Kung si Pedro ang “bato,” may alinlangan pa kaya kung sino sa kanila ang “ibibilang na pinakadakila”?)
Yamang si Jesu-Kristo, ang ulo ng kongregasyon, ay nabubuhay, nangangailangan ba siya ng mga kahalili?
Heb. 7:23-25, JB: “At nagkaroon nga ng malaking bilang ng mga saserdote [sa Israel], sapagka’t dahil sa kamatayan ay napigil sila ng pagpapatuloy; datapuwa’t siya [si Jesu-Kristo], palibhasa’y namamalagi magpakailanman, ay hindi maaaring mapalitan bilang saserdote. Dahil din dito, kung kaya’t natitiyak ang kapangyarihan niyang magligtas, yamang siya’y nabubuhay magpakailanman upang mamagitan sa lahat ng nagsisilapit sa Diyos sa pamamagitan niya.”
Roma 6:9, JB: “Si Kristo, gaya ng nalalaman natin, palibhasa’y binuhay na muli sa mga patay ay hindi na muling dadanas ng kamatayan.”
Efe. 5:23, JB: “Si Kristo ang ulo ng Iglesiya.”
Ano ang “mga susi” na ipinagkatiwala kay Pedro?
Mat. 16:19, JB: “Ibinibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit; anomang iyong talian sa lupa ay ituturing na natalian na sa langit; at anomang iyong kalagan sa lupa ay ituturing na nakalagan na sa langit.”
Sa Apocalipsis, tinukoy ni Jesus ang isang makasagisag na susi na ginamit niya mismo upang buksan ang mga pribilehiyo at pagkakataon para sa mga tao
Apoc. 3:7, 8, JB: “Narito ang mensahe ng banal at tapat na siyang may susi ni David, upang anomang buksan niya, ay walang sinomang makapaglalapat, at ang inilalapat niya, ay walang sinomang makapagbubukas: . . . Binuksan ko sa harapan mo ang isang pintuan na hindi mailalapat ninoman.”
Ginamit ni Pedro ang “mga susi” na ipinagkatiwala sa kaniya upang buksan (sa mga Judio, Samaritano, Gentil) ang pagkakataon na tumanggap ng espiritu ng Diyos sa layuning sila’y makapasok sa makalangit na Kaharian
Gawa 2:14-39, JB: “Tumindig si Pedro na kasama ng Labing-Isa at nagsalita sa malakas na tinig: ‘Mga lalaking taga-Judea, at kayong lahat na nangananahan sa Jerusalem . . . Ginawa ng Diyos na Panginoon at Kristo itong si Jesus na inyong ipinako sa krus.’ Nang marinig nila ito, ay nangasaktan ang kanilang puso, at sinabi nila kay Pedro at sa ibang mga apostol, ‘Ano ang dapat naming gawin, mga kapatid?’ ‘Mangagsisi kayo,’ sumagot si Pedro ‘at bawa’t isa sa inyo ay dapat mabautismuhan sa pangalan ni Jesu-Kristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan, at upang tanggapin ninyo ang kaloob ng Banal na Espiritu. Sapagka’t ang pangakong binitiwan ay sa inyo at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nangasa malayo, sa kanilang lahat na tinatawag ng Panginoon nating Diyos bilang kaniya.’ ”
Gawa 8:14-17, JB: “Nang mabalitaan ng mga apostol na nasa Jerusalem na tinanggap ng Samaria ang salita ng Diyos, ay kanilang isinugo sina Pedro at Juan, kaya’t nagsiparoon sila, at nanalangin upang matanggap ng mga Samaritano ang Banal na Espiritu, sapagka’t ito’y hindi pa bumababa sa kaninoman sa kanila: sila’y nababautismuhan pa lamang sa pangalan ng Panginoong Jesus. Kaya’t ipinatong nila ang kanilang kamay sa kanila, at tumanggap sila ng Banal na Espiritu.” (Ipinahihiwatig ng Gaw 8 bersikulo 20 na si Pedro ang nanguna sa pagkakataong yaon.)
Gawa 10:24-48, JB: “Kinabukasa’y dumating sila sa Caesaria, at si Cornelio [isang di-tuling Gentil] ay naghihintay sa kanila. . . . Nagsalita si Pedro sa kanila . . . Samantalang nagsasalita pa si Pedro ay bumaba ang Banal na Espiritu sa lahat ng nangakikinig.”
Hinintay ba ng langit na magpasiya si Pedro at saka lamang ito sumunod sa kaniyang pangunguna?
Gawa 2:4, 14, JB: “Silang lahat ay napuspos ng Banal na Espiritu, at nagpasimulang magsalita sa mga wikang banyaga ayon sa ipinagkaloob ng Espiritu sa kanila. . . . Kaya [matapos na si Kristo, ang ulo ng kongregasyon, ay pumukaw sa kanila sa pamamagitan ng banal na espiritu] nagtindig si Pedro na kasama ng Labing-Isa at nagpahayag sa kanila.” (Tingnan ang Gaw 2 bersikulo 33.)
Gawa 10:19, 20, JB: “Sinabi ng Espiritu sa kaniya [kay Pedro], ‘May mga taong humahanap sa iyo. Magmadali ka, huwag kang mag-atubiling sumama sa kanila [sa tahanan ng Gentil na si Cornelio]; ako ang nagsugo sa kanila.’ ”
Ihambing ang Mateo 18:18, 19.
Si Pedro ba ang hukom sa kung sino ang karapatdapat pumasok sa Kaharian?
2 Tim. 4:1, JB: “Si Kristo Jesus . . . ang siyang huhukom sa mga buháy at sa mga patay.”
2 Tim. 4:8, JB: “Wala na akong hinihintay kundi ang putong ng katuwiran na nakalaan sa akin, na ang Panginoon [si Jesu-Kristo], bilang matuwid na hukom, ang siyang magbibigay sa akin sa Araw na yaon; at hindi lamang sa akin kundi sa lahat ng umaasa sa kaniyang Pagpapakita.”
Si Pedro ba ay nakarating sa Roma?
Ang Roma ay binabanggit sa siyam na talata ng Banal na Kasulatan; ni isa sa mga ito’y hindi nagsasabi na si Pedro ay naroon. Ipinakikita ng Unang Pedro 5:13 na siya’y nasa Babilonya. Ito ba’y isang lihim na pagtukoy sa Roma? Ang pagkanaroroon niya sa Babilonya ay kasuwato ng kaniyang atas na mangaral sa mga Judio (gaya ng ipinahihiwatig ng Galacia 2:9), yamang maraming Judio ang naninirahan sa Babilonya. Ang Encyclopaedia Judaica (Jerusalem, 1971, Tomo 15, col. 755), nang tumatalakay sa pagbuo ng Babilonikong Talmud, ay tumutukoy sa “dakilang mga akademiya” ng Judaismo “sa Babilonya” noong Karaniwang Kapanahunan.
Natunton ba ang isang walang-patid na hanay ng paghahalihalili mula kay Pedro hanggang sa makabagong-panahong mga papa?
Ganito ang isinulat ng Jesuitang si John McKenzie, dating propesor ng teolohiya sa Notre Dame: “Hindi umiiral ang makasaysayang katibayan ukol sa buong kawing ng paghahalihalili sa pamamahala ng simbahan.”—The Roman Catholic Church (Nueba York, 1969), p. 4.
Inaamin ng New Catholic Encyclopedia: “ . . . dahil sa kakulangan ng mga dokumento ang sinaunang pagkakabuo ng episkopa ay nananatiling malabo . . . ”—(1967), Tomo I, p. 696.
Ang mga pag-aangkin hinggil sa banal na pagkakaatas ay walang kabuluhan kung yaong mga nag-aangkin ay hindi masunurin sa Diyos at kay Kristo
Mat. 7:21-23, JB: “Hindi yaong mga nagsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ang siyang magsisipasok sa kaharian ng langit, kundi yaong gumaganap sa kalooban ng aking Ama sa langit. Darating ang araw na marami ang magsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon, hindi ba kami nanghula sa iyong pangalan, nagpalayas ng mga demonyo sa iyong pangalan, gumawa ng maraming kababalaghan sa iyong pangalan?’ Sasabihin ko nga sa kanila nang mukhaan: Kailanma’y hindi ko kayo nangakilala; lumayas kayo, mga balakyot!”
Tingnan din ang Jeremias 7:9-15.
Ang mga nag-aangkin bang kahalili ng mga apostol ay nanghawakang mahigpit sa mga turo at gawain ni Jesu-Kristo at ng mga apostol?
Ganito ang sinasabi ng A Catholic Dictionary: “Ang Iglesiya Romana ay Apostoliko, sapagka’t ang kaniyang doktrina ay ang pananampalataya na unang inihayag sa mga Apostol, pananampalatayang kaniyang ipinagsasanggalang at ipinaliliwanag, nang hindi nagdaragdag ni nagbabawas man.” (Londres, 1957, W. E. Addis at T. Arnold, p. 176) Sumasang-ayon ba ang mga katotohanan?
Pagkakakilanlan sa Diyos
“Ang Trinidad ang katagang ginagamit upang tukuyin ang pangunahing doktrina ng relihiyong Kristiyano.”—The Catholic Encyclopedia (1912), Tomo XV, p. 47.
“Ang salitang Trinidad, ni ang maliwanag na turo tungkol dito, ay hindi lumilitaw sa Bagong Tipan . . . Ang doktrina ay unti-unting nabuo sa loob ng maraming siglo at sa kabila ng napakaraming pagtatalo.”—The New Encyclopædia Britannica (1976), Micropædia, Tomo X, p. 126.
“Tinatanggap ng mga tagapagpaliwanag ng kasulatan at ng mga teologong maka-Bibliko, lakip na ang isang lumalaking bilang ng mga Romano Katoliko, na ang isa ay hindi maaaring magsalita tungkol sa Trinitaryanismo sa Bagong Tipan nang walang pasubali. Umiiral din ang kahawig na pag-amin sa bahagi ng mga mananalaysay ng doktrina at ng sistematikong mga teologo na kapag nagsalita ang isa nang walang pag-aalinlangan hinggil sa Trinitaryanismo, siya ay lumilisan sa yugto ng Kristiyanong pinagmulan tungo sa huling kapat na bahagi ng ikaapat na siglo.”—New Catholic Encyclopedia (1967), Tomo XIV, p. 295.
Pananatiling walang-asawa ng klero
Si Papa Pablo VI, sa kaniyang liham na Sacerdotalis Caelibatus (Priestly Celibacy, 1967) ay sumang-ayon sa hindi pag-aasawa bilang isang kahilingan para sa mga klero, subali’t inamin niya na “ang Bagong Tipan na nag-iingat ng turo ni Kristo at ng mga Apostol . . . ay hindi hayagang nag-uutos na huwag mag-asawa ang banal na mga ministro . . . Si Jesus mismo ay hindi gumawa nito bilang isang kahilingan nang piliin Niya ang Labindalawa, ni hiniling ito ng mga Apostol para sa mga nangasiwa sa unang Kristiyanong mga komunidad.”—The Papal Encyclicals 1958-1981 (Falls Church, Va.; 1981), p. 204.
1 Cor. 9:5, NAB: “Wala ba tayong karapatan na pakasalan ang isang kapananampalatayang babae na gaya din naman ng ibang apostol at ng mga kapatid ng Panginoon at ni Cefas?” (Ang “Cefas” ay isang pangalang Aramaiko na ibinigay kay Pedro; tingnan ang Juan 1:42. Tingnan din ang Marcos 1:29-31, na kung saan tinutukoy ang biyenang babae ni Simon, o Pedro.)
1 Tim. 3:2, Dy: “Kinakailangan nga, na ang isang obispo ay maging . . . asawa ng iisa lamang babae [“minsan lamang mag-aasawa,” NAB].”
Bago ang kapanahunang Kristiyano, hiniling ng Buddhismo na huwag mag-asawa ang mga saserdote at monghe nito. (History of Sacerdotal Celibacy in the Christian Church, Londres, 1932, ikaapat na ed., nirebisa, Henry C. Lea, p. 6) Maaga pa rito, ang matataas na orden ng Babilonikong pagkasaserdote ay hinilingan na manatiling hindi nag-aasawa, ayon sa The Two Babylons ni A. Hislop.—(Nueba York, 1943), p. 219.
1 Tim. 4:1-3, JB: “Maliwanag na sinasabi ng Espiritu na sa mga huling panahon ay may ilang tatalikod sa pananampalataya at pipiliin pang makinig sa mapandayang mga espiritu at mga doktrina na nagbubuhat sa mga diyablo; . . . sasabihin nila na bawal ang pag-aasawa.”
Pagiging-hiwalay sa sanlibutan
Si Papa Pablo VI, nang nagpapahayag sa Nagkakaisang mga Bansa noong 1965, ay nagsabi: “Ang mga tao sa lupa ay bumabaling sa Nagkakaisang mga Bansa bilang huling pag-asa ukol sa pagkakasundo at kapayapaan. Kalakip ang sariling Amin, ay lakas-loob naming inihaharap ngayon ang kanilang pag-uukol ng karangalan at pag-asa.”—The Pope’ s Visit (Nueba York, 1965) Time-Life Special Report, p. 26.
Juan 15:19, JB: “[Sinabi ni Jesu-Kristo:] Kung kabilang kayo sa sanlibutan, kayo’y mamahalin ng sanlibutan bilang kaniya; datapuwa’t palibhasa’y hindi kayo kabilang sa sanlibutan, dahil sa pinili ko kayo mula sa sanlibutan, kaya naman ang sanlibutan ay napopoot sa inyo.”
Sant. 4:4, JB: “Hindi ba ninyo natatalos na ang pagiging kaibigan ng sanlibutan ay pagiging kaaway ng Diyos?”
Pagtitiwala sa mga sandata ng digmaan
Sumulat ang Katolikong historyador na si E. I. Watkin: “Masakit mang tanggapin, hindi natin, alang-alang sa di-umano’y katapatan, maitatanggi o maikakaila ang makasaysayang katotohanan na ang mga Obispo ay laging tumatangkilik sa lahat ng mga digmaan na itinataguyod ng pamahalaan ng kanilang bansa. Wala akong nalalamang kahit iisang pagkakataon na kung saan ang pambansang herarkiya ay humatol sa alinmang digmaan bilang di-makatarungan . . . Anoman ang opisyal na teoriya, sa gawa ang laging sinusunod ng mga Obispong Katoliko sa panahon ng digmaan ay ‘ang aking bansa ay laging tama.’ ”—Morals and Missiles (Londres, 1959), pinamatnugutan ni Charles S. Thompson, p. 57, 58.
Mat. 26:52, JB: “Kaya sinabi ni Jesus, ‘Ibalik mo ang iyong tabak, sapagka’t lahat ng humahawak ng tabak ay sa tabak mamamatay.’ ”
1 Juan 3:10-12, JB: “Sa ganitong paraan ay ating makikilala ang mga anak ng Diyos at ang mga anak ng diyablo: sinomang . . . hindi umiibig sa kaniyang kapatid ay hindi anak ng Diyos. . . . Tayo’y dapat mag-ibigan sa isa’t-isa; at huwag gumaya kay Cain, na kapanalig ng Balakyot at gumilit sa leeg ng kaniyang kapatid.”
Sa liwanag nito, yaon bang mga nag-aangking kahalili ng mga apostol ay talagang nagtuturo at nagkakapit ng mga ginawa ni Kristo at ng kaniyang mga apostol?