Magkaroon Kayo ng Espiritu ng Pagsasakripisyo sa Sarili!
SI Rolfa ay isang itinatanging empleyado. Nang siya’y magpasiyang magtrabaho nang limitadong panahon upang mapalawak niya ang kaniyang bahagi sa ministeryong Kristiyano, agad namang sumang-ayon ang kaniyang amo. Sa lumipas na mga taon si Rolf ay nakapagtamasa ng kagalakan ng paglilingkod bilang payunir. Ngunit, isang araw ay nabago ang situwasyon ng trabaho. Pinatunayan ni Rolf na siya’y may kakayahan sa kaniyang trabaho na anupa’t inialok sa kaniya ang posisyon ng pagiging marketing manager sa kompanya. Ang trabahong iyon ay may nakatutuksong suweldo at mga pagkakataon na umasenso. Gayunman, hindi na maaari ang pagtatrabaho nang kung ilang oras lamang.
Si Rolf ay may asawa at dalawang anak na sinusuportahan, at ang ekstrang salapi ay malaki sana ang maitutulong. Gayunman, tinanggihan niya ang alok at nag-aplay siya para sa ibang trabaho, na nagbibigay sa kaniya ng kaluwagang maisagawa kapuwa ang kaniyang espirituwal at ang kaniyang pinansiyal na mga obligasyon. Ang amo ni Rolf ay namangha sa pasiyang ito. Sa pagkatanto na kahit na ang alok na isang mas mataas na suweldo ay hindi rin tatanggapin, sinabi ng kaniyang amo: “Nakikita ko na hindi ako maaaring makipagkompetensiya sa iyo sa iyong kombiksiyon.”
Oo, si Rolf ay may kombiksiyon. Ngunit siya’y may isa pang katangian—ang espiritu ng pagsasakripisyo sa sarili. Ang ganiyang espiritu ay pambihira sa ating sanlibutan na mapagpalayaw sa sarili. Ngunit maaaring humantong iyan sa isang paraan ng pamumuhay na kapaki-pakinabang at kasiya-siya. Ano ba ang espiritu ng pagsasakripisyo sa sarili? Ano ba ang kasali rito? At ano ang kailangang gawin natin upang mapanatili ito?
Isang Kahilingan ng Bibliya
Ang pagsasakripisyo ay nangangahulugan na binibitiwan o isinusuko mo ang isang bagay na mahalaga. Ang pagsasakripisyo ay naging isang bahagi na ng dalisay na pagsamba sapol nang ang unang tapat na saksi, si Abel, ay maghandog ng “ilang mga panganay sa kaniyang kawan” bilang hain sa Diyos. (Genesis 4:4) Ang mga taong may pananampalataya, gaya ni Noe at ni Jacob, ay sumunod sa gayong halimbawa. (Genesis 8:20; 31:54) Ang mga haing hayop ay isa ring mahalagang bahagi ng Kautusang Mosaiko. (Levitico 1:2-4) Gayunman, sa ilalim ng Kautusang iyan ang mga mananamba ay hinihilingan na ihandog ang pinakamagaling nilang maihahandog. Sila’y hindi pinapayagang maghandog ng anumang may depektong hayop bilang isang hain. (Levitico 22:19, 20; Deuteronomio 15:21) Nang labagin ng apostatang mga Israelita ang kautusang ito, sila’y sinaway ng Diyos, na ang sabi: “Pagka kayo’y naghahandog ng hayop na pilay [para maging hain, sabi ninyo]: ‘Walang masama riyan.’ Pakisuyo nga, dalhin ninyo sa inyong tagapamahala. Kayo kaya’y kalugdan niya? O tatanggapin kaya niya kayo nang may kagandahang-loob? . . . Ako ba’y malulugod doon sa inyong kamay?”—Malakias 1:8, 13.
Ang prinsipyo ng paghahain ay dala rin hanggang sa pagsambang Kristiyano. Gayunman, yamang si Kristo ang nagbayad ng buong halagang pantubos, ang mga haing hayop ay hindi na tinatanggap ng Diyos. Kaya, ano ba ang maaaring ibigay ng mga Kristiyano bilang kalugud-lugod na hain? Si Pablo ay sumulat sa Roma 12:1: “Kaya nga, mga kapatid, ipinamamanhik ko sa inyo, alang-alang sa mga kahabagan ng Diyos, na ang inyong mga katawan ay ihandog ninyo na isang haing buháy, banal, kalugud-lugod sa Diyos, isang may kabanalang paglilingkod lakip ang inyong kakayahang mangatuwiran.” Anong nakapagtatakang pagbabago! Sa halip na maghain ng patay na mga hayop, ang mga Kristiyano ay gagawa ng buháy na paghahain ng kanilang sarili—ng kanilang lakas, ari-arian, at mga kakayahan. Katulad sa Israel, hindi tatanggapin ni Jehova ang “pilay,” o malahininga, na mga hain. Kaniyang hinihiling na ang ibigay sa kaniya ng kaniyang mga mananamba ay ang kanilang pinakamagagaling na maibibigay, na sila’y maglingkod sa kaniya nang kanilang buong-puso, kaluluwa, isip, at lakas.—Marcos 12:30.
Bahagi ng espiritu ng pagsasakripisyo sa sarili ang higit pa kaysa basta pagkakaroon ng isang sinusunod na iskedyul ng mga pulong at gawain sa ministeryong Kristiyano. Ito’y nangangahulugan ng pagkadesidido na gawin ang kalooban ng Diyos anuman ang ibayad na halaga. Ito’y nangangahulugan ng pagiging handa na magdanas ng mga kahirapan at mga di-kaalwanan. “Kung ang sinuman ay ibig sumunod sa akin,” ang sabi ni Jesus, “itakuwil niya ang kaniyang sarili at pasanin ang kaniyang pahirapang tulos at patuloy na sumunod sa akin.” (Mateo 16:24) Hindi ginagawa ng isang Kristiyano na ang personal na ambisyon niya o materyalistikong mga tunguhin ang maging kaniyang pangunahing pinagkakaabalahan. Ang kaniyang buhay ay nakasentro sa bagay na ang hinahanap muna niya ay ang Kaharian ng Diyos at ang kaniyang katuwiran. (Mateo 6:33) Kung kinakailangan, handa niyang “pasanin ang kaniyang pahirapang tulos,” dumanas ng pag-uusig, kahihiyan, o kahit na kamatayan!
Ang mga Pagpapalang Dulot ng Pagsasakripisyo sa Sarili
Samantalang nakaharap sa gayong maseselang na posibilidad, marahil ang isa ay natural na mag-uusisa kung sulit naman ang pagsasakripisyo sa sarili. Para sa mga taong umiibig sa Diyos na Jehova at nagnanasang makitang pinararangalan ang kaniyang pangalan, tiyak na gayon nga. (Mateo 22:37) Isaalang-alang ang sakdal na halimbawa na ipinakita ni Jesu-Kristo. Bago siya naparito sa lupa, siya’y nagtatamasa ng pagpapala ng isang napakataas na posisyon sa langit bilang isang espiritung nilalang. Gayumpaman, gaya ng sinabi niya sa kaniyang mga alagad, ang kaniyang hinanap ay ‘hindi ang kaniyang sariling kalooban, kundi ang kalooban ng Diyos, na nagsugo sa kaniya.’ (Juan 5:30) Kaya kusang “hinubaran niya ng kaluwalhatian ang kaniyang sarili at nag-anyong alipin at naparito na kawangis ng mga tao. Higit diyan, nang siya’y nasa anyong tao na siya’y nagpakababa at nagmasunurin hanggang kamatayan, oo, ang kamatayan sa isang pahirapang tulos.”—Filipos 2:7, 8.
Ang gayong pagsasakripisyo ay hindi nawalan ng kabuluhan. Dahilan sa handa si Jesus na “isuko ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa kaniyang mga kaibigan,” kaniyang mababayaran nga ang halagang pantubos, upang ang di-sakdal na mga tao ay magtamo ng alinman sa pagkawalang-kamatayan sa langit, o walang-hanggang buhay sa lupa. (Juan 3:16; 15:13; 1 Juan 2:2) Sa lubusang pag-iingat ng kaniyang katapatan, kaniyang pinapangyaring ang pangalan ni Jehova ay pakapurihin. (Kawikaan 27:11) Hindi naman katakataka na siya’y pagpalain ni Jehova dahilan sa kaniyang ginawang pagsasakripisyo sa sarili! “Siya’y dinakila ng Diyos tungo sa isang nakatataas na kalagayan at may kagandahang-loob na binigyan ng pangalan na mataas kaysa lahat ng ibang pangalan.”—Filipos 2:9.
Kung sa bagay, si Jesus ay bugtong na Anak ng Diyos. Ang Diyos ba ay nagbibigay rin ng gantimpala sa mga iba na nagsasakripisyo para sa kaniya? Oo, at ito’y ipinakikita ng maraming halimbawa sa kapuwa sinauna at modernong panahon. Isaalang-alang ang pag-uulat ng Bibliya tungkol kay Ruth na Moabita. Waring nakilala niya si Jehova sa pamamagitan ng kaniyang asawang Israelita. Nang ito’y mamatay, siya’y kinailangang magpasiya. Siya ba ay mananatili sa paganong lupain na kaniyang sinilangan, o siya’y maglalakbay tungo sa Lupang Pangako kasama ng kaniyang matanda nang biyanang babae, si Naomi? Ang pinili ni Ruth ay itong huli, bagaman kinailangan na kaniyang isakripisyo ang pagiging kapiling ng kaniyang mga magulang at marahil kahit na ang pag-asang muling makapag-asawa. Gayumpaman, nakilala ni Ruth si Jehova, at ang pagnanasang sumamba sa kaniya kasama ng kaniyang piniling bayan ang nag-udyok sa kaniya na huwag nang humiwalay kay Naomi.
Si Ruth ba ay ginantimpalaan sa gayong pagsasakripisyo sa sarili? Oo, ginantimpalaan nga! Nang sumapit ang panahon isang may bukid na nagngangalang Boaz ang naging asawa niya, at si Ruth ay naging ina ng isang sanggol na lalaking nagngangalang Obed, kaya siya’y naging isang ninuno ni Jesu-Kristo.—Mateo 1:5, 16.
Mga pagpapala ang tinamasa rin naman ng mga lingkod ng Diyos sa modernong panahon dahil sa pagsasakripisyo sa sarili. Halimbawa, noong 1923, si William R. Brown, kilala sa tawag na “Bible” Brown, ay lumisan sa kaniyang tahanan sa West Indies upang manguna sa gawaing pangangaral sa Kanlurang Aprika. Kasama niya ang kaniyang maybahay at anak na babae. Sa wakas ay lumipat siya sa Nigeria, na kung saan nagsisimula pa lamang magbunga ang pangangaral. Kasama ang isang Amerikanong itim na nagngangalang Vincent Samuels at isa pang Saksi sa West Indies na nagngangalang Claude Brown, si “Bible” Brown ay gumanap ng isang mahalagang papel sa mga unang yugto ng gawain sa Kanlurang Aprika.
Sa ngayon mahigit na 187,000 mga mamamahayag ang naglilingkod sa Sierra Leone, Liberia, Ghana, at Nigeria, mga teritoryong ang nagbukas ay sina “Bible” Brown at ang kaniyang mga kasamahan. Bago siya namatay noong 1967, sinabi ni “Bible” Brown: “Anong laking kagalakan na makitang ang mga lalaki at mga babae ay nagiging masunurin sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos!” Oo, siya’y saganang pinagpala dahil sa kaniyang ginawang pagsasakripisyo sa sarili.
Mga Paraan Upang Maging Mapagsakripisyo sa Sarili
Ano ang ilang mga paraan na magagamit natin upang ipakita ang gayunding espiritu sa ngayon? Ang isa ay ang pagkakaroon ng isang regular na lingguhang pakikibahagi sa ministeryo sa bahay-bahay. (Gawa 20:20) Ang paggawa ng gayon, lalo na pagkatapos ng isang nakahahapong sanlinggo ng paghahanapbuhay, ay marahil hindi madali. Baka kailangan ang disiplina at mabuting pag-iiskedyul. Subalit ang mga kagalakan ay higit pa kaysa anumang dinaranas na mga di-kaalwanan. Aba, may pribilehiyo ka na tumulong sa iba na maging “isang liham ni Kristo . . . isinulat hindi ng tinta kundi ng espiritu ng isang Diyos na buháy, hindi sa mga tapyas ng bato, kundi sa mga tapyas ng laman, sa mga puso.”—2 Corinto 3:3.
Samantalang maingat na “sinasamantala ang pagkakataon,” marahil buhat sa hanapbuhay o libangan, ang iba’y napasulong ang kanilang bahagi sa gawaing pangangaral. (Efeso 5:16) Marami ang nagsaayos ng kanilang mga iskedyul upang makapag-auxiliary pioneer man lamang minsan isang taon. Ang iba ay nakapag-au-auxiliary pioneer nang patuluyan o nakapaglilingkod bilang mga regular pioneer. Ang isa pang sakripisyo na maisasaalang-alang ay ang paglipat sa mga lugar na nangangailangan ng higit pang mga mamamahayag ng Kaharian. Dito kadalasan ay kinakailangan ang malalaking pagbabago sa istilo ng pamumuhay, na binabata ang mga di-kaalwanan, nakikibagay sa mga bagong kultura at mga kaugalian. Subalit ang mga pagpapala ng pagkakaroon ng isang lalong malaking bahagi ng pagtulong sa iba na magkamit ng buhay ay nagpapangyaring maging sulit ang gayong mga pagsasakripisyo.
Ang isinilang sa Canada na si John Cutforth ay personal na makapagpapatunay nito. Pagkatapos ng kaniyang graduwasyon buhat sa Watchtower Bible School of Gilead, siya’y naatasan na magmisyonero sa Australia. “Anong layo sa amin ang lugar na iyan!” naalaala pa ni Brother Cutforth. “Ako kaya ay makabalik pa sa Canada upang makita ang aking mga magulang at mga kaibigan bago dumating ang Armagedon? Ang tanging paraan upang malaman iyan ay ang pumaroon.” Pumaroon nga si Brother Cutforth, at hindi niya pinagsisihan ang mga pagsasakripisyong ginawa niya. Nang huling mga taon siya ang nanguna sa gawaing pagpapatotoo sa Papua New Guinea, na kung saan naglilingkod pa siya nang masigasig, pagkatapos na makumpleto ang 50 taon sa buong panahong paglilingkod. Minsan ay sinabi niya: “Ang laging pagsisikap na makasunod sa pag-akay ni Jehova, pagtanggap sa anumang atas na kaniyang minamarapat na ibigay, ang nagdadala ng kagalakan, kaligayahan, pagkakontento, at di-mabilang na mga kaibigan.”
Kung sa bagay, ang mga kalagayan na tulad ng kalusugan, pananalapi, at mga obligasyon sa pamilya ay maaaring maglagay ng hangganan sa iyong magagawa; hindi lahat ay makapaglilingkod bilang mga payunir at mga misyonero. Gayunman, maging desidido hangga’t maaari na magkaroon ng ganap na mga bahagi sa pulong at sa paglilingkod sa larangan, na hindi pinapayagang ang baha-bahagyang mga di-kaalwanan, tulad ng masungit na lagay ng panahon, ay makahadlang sa iyo. (Hebreo 10:24, 25) Baka ikaw ay makapagsasakripisyo rin ng higit na panahon para sa personal na pag-aaral ng Salita ng Diyos. Ang ibang mga pamilya ay gayon nga ang ginagawa sa pamamagitan ng paglalagay ng limitasyon sa panahon na ginugugol sa panonood ng mga palabas sa TV, marahil sila’y mayroon pa ngang gabi na “walang TV” bawat linggo o tuluyan na ngang walang TV. Sa pamamagitan ng pagtatakda ng panahon para sa personal na pag-aaral, ang “hain ng papuri” na sa pamamagitan niyaon ikaw ay “gumagawa ng pangmadlang pagpapahayag sa kaniyang pangalan” sa mga pulong at sa paglilingkod sa larangan ay malamang na higit pang maging isang paghahain na may mataas na uri.—Hebreo 13:15.
Alalahanin, ang gawaing pangangaral ngayon ay nasa mga huling yugto na. Hindi na magtatagal at hahatulan ng Diyos ang sakim at mapagpalayaw na sanlibutang ito. (Zefanias 2:3) Upang manatili sa atin ang biyaya ng Diyos, hindi tayo maaaring maging maluwag sa ating sarili. Kailangang ‘ihandog natin ang ating mga katawan bilang isang haing buháy, banal, nakalulugod sa Diyos.’ (Roma 12:1) Ang ganiyang espiritu ay nagdudulot ng malaking kaligayahan at pagkakontento. Tutulong iyan upang kamtin natin ang lalong malaking kagalakan sa ating ministeryo. At pagagalakin niyan ang puso ng Diyos na Jehova!—Kawikaan 27:11.
Kaya manatiling taglay ang isang espiritu ng pagsasakripisyo! Huwag mag-atubili na kahit na kayo nahihirapan ay tumutulong pa rin kayo sa iba at sumusuporta sa mga kapakanan ng Kaharian. Si Pablo ay nagpapayo: “Huwag kalilimutan ang paggawa ng mabuti at ang bahaginan ang iba ng mga bagay-bagay, sapagkat lugod na lugod ang Diyos sa gayong mga hain.”—Hebreo 13:16.
[Talababa]
a Binago ang pangalan.
[Larawan sa pahina 26]
Ang pagbibigay ng panahon para sa personal na pag-aaral at paglilingkod sa larangan ay nangangailangan ng pagsasakripisyo, ngunit ito’y kasiya-siya
[Larawan sa pahina 28]
Si W. R. Brown at si John Cutforth ay saganang pinagpala dahil sa kanilang ginawang pagsasakripisyo sa sarili