Gawin ang Ating Buong Kaya Upang Ipahayag ang Mabuting Balita
“Gawin mo ang buong kaya upang iharap ang iyong sarili na sinang-ayunan ng Diyos, manggagawa na walang anumang dapat ikahiya.”—2 TIMOTEO 2:15.
1, 2. Anong pagsulong sa bilang ng buong-panahong mga ministro ang napansin mo? Ano ang isang dahilan nito?
“MGA ilang taon na ngayon, marami sa amin ang may akala na yaon lamang nasa mga pantanging kalagayan ang makapagpapayunir,” ang sabi sa sulat ng isang payunir, o buong-panahong ministro, sa Hapón. “Wari ngang kami’y nagkamali. Aming napapag-alaman na yaon lamang nasa mga pantanging kalagayan ang hindi makapagpapayunir.”
2 Ang ganiyang positibong pangmalas ay nagbunga ng isa sa pinakamalaking pagsulong sa bilang ng buong-panahong mga ministro sa mga Saksi ni Jehova noong nakalipas na mga taon. Sa ngayon sa Hapón, dalawa sa bawat limang mamamahayag ng Kaharian ang nasa isang anyo ng buong-panahong ministeryo. Subalit ang masigasig na espiritung ito ay hindi lamang sa Hapón makikita. Noong nakaraang taon ng paglilingkod, ang bilang ng mga mamamahayag sa buong daigdig ay sumulong ng 5 porsiyento, samantalang ang bilang ng buong-panahong mga ministro ay sumulong ng 22 porsiyento. Maliwanag nga, isinapuso ng bayan ni Jehova ang mga salita ni apostol Pablo: “Gawin mo ang buong kaya upang iharap ang iyong sarili na sinang-ayunan ng Diyos, manggagawa na walang anumang dapat ikahiya.” (2 Timoteo 2:15) Ginagawa mo ba ito?
“Ito ang Ibig Sabihin ng Pag-ibig sa Diyos”
3. Ano ang motibong nasa likod ng pagsulong na ito?
3 Nang tanungin ang mga payunir kung bakit sila pumasok sa buong-panahong ministeryo, lahat sila ay sumagot na ito’y dahil sa kanilang pag-ibig sa Diyos na Jehova. (Mateo 22:37, 38) Ito, mangyari pa, ang nararapat, sapagkat kung hindi pag-ibig ang wastong motibo, gaano man kalaki ang pagsisikap ay mawawalang kabuluhan. (1 Corinto 13:1-3) Tunay na kapuri-puri na napakarami ng ating mga kapuwa Kristiyano—ang totoo, sa katamtaman ay mahigit na pitong mamamahayag sa bawat kongregasyon sa buong daigdig—ang nagbigay dako sa kanilang buhay upang ipakilala ang kanilang pag-ibig sa Diyos sa ganitong paraan.
4. Paano nangyaring inibig natin ang Diyos? (Roma 5:8)
4 Mangyari pa, lahat tayo na nag-alay ng ating buhay kay Jehova ay gumawa ng gayon dahilan sa iniibig natin siya. Nang ating mapag-alaman ang tungkol sa pag-ibig sa atin ni Jehova at ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, at ang kahanga-hangang mga pagpapala na idudulot ng kaniyang Kaharian, ang ating mga puso ay napukaw na tumugon na taglay ang pag-ibig sa kaniya. Ganito ang pagkasabi roon ni apostol Juan: “Tayo’y umiibig, sapagkat siya ang unang umibig sa atin.” (1 Juan 4:19) Natural na tayo’y tumugon nang ganiyan sapagkat ganiyan tayo nilalang. Ngunit iyan ba lamang mainit na damdaming iyan sa ating puso ang kasali sa pag-ibig sa Diyos?
5. Ano ba ang kasali sa pag-ibig sa Diyos? (1 Juan 2:5)
5 Hindi, higit pa ang ibig sabihin ng pag-ibig sa Diyos. Sinasabi sa atin ni apostol Juan: “Ito ang ibig sabihin ng pag-ibig sa Diyos, na tupdin natin ang kaniyang mga utos; at hindi naman mabibigat ang kaniyang mga utos.” (1 Juan 5:3) Oo, ang tunay na pag-ibig, tulad ng tunay na pananampalataya, ay ipinahahayag sa pamamagitan ng gawa. (Ihambing ang 2 Corinto 8:24.) Nais nito na makalugod at kamtin ang pagsang-ayon ng isang iniibig. Anong inam na paraan ang pinili ng mga nasa buong-panahong ministeryo upang ipakilala ang kanilang pag-ibig kay Jehova at kay Jesu-Kristo!
6. (a) Anong uri ng mga tao ang nakapagpapayunir? Ano ang dahilan at nagagawa nila ito? (b) May alam ka bang gayong mga halimbawa?
6 Ang kalagayan ng isa’t isa ay nagkakaiba-iba, at kinakailangang isaalang-alang. Gayunman kung titingnan natin yaong mga nasa buong-panahong ministeryo, makikita natin na kasali roon ang mga tao na nasa lahat ng posibleng katayuan—mga bata at matatanda, mga walang asawa at mga may asawa, mga malulusog at mga di-malulusog, mayroong mga may pamilya at mayroong mga wala, at iba pa. Ang pagkakaiba ay na, imbis na tulutan ang mga bagay na ito ay makahadlang, sila, tulad ni apostol Pablo, ay natuto na gumawa sa gitna ng mga ito o mamuhay samantalang nasa ganitong mga kalagayan. (2 Corinto 11:29, 30; 12:7) Isaalang-alang, halimbawa, ang isang karaniwang pamilya.
Si Eiji ay isang hinirang na matanda sa kaniyang kongregasyon. Siya at ang kaniyang maybahay ay magkasamang nagpapayunir nang 12 taon samantalang nagpapalaki ng kanilang tatlong anak. Paano nila nagagawa ito? “Kami’y kailangang mamuhay nang simple,” ang sabi ni Eiji. Kahit ang mga anak ay kinailangan na matutong tumango na lamang pagka sila’y pinahihindian sa maraming mga bagay na gusto nila. “Bagama’t kami’y dumaan sa mga panahon ng kahirapan, sa tuwina’y inilaan ni Jehova ang aming pangangailangan.”
Ang mga pagsasakripisyo ba naman ay sulit? “Gabi-gabi bago kami matulog, minamasdan ko ang aking maybahay sa pagsulat ng kaniyang report sa pangangaral para sa maghapon,” ang sabi ni Eiji. “Pagka namamalas ko ang aking pamilya na espirituwal na mga kapakanan ang inuuna na gaya nito, inaakala ko na talagang ganiyan ang dapat mangyari, at nakadarama ako ng kasiyahan sa aking nagawa. Hindi ko maubos-maisip na kami ay hindi nagpapayunir na magkasama.” Ano naman ang nadarama ng kaniyang maybahay tungkol dito? “Si Eiji ay napakahusay ang pag-aasikaso sa amin,” aniya. “Pagka nakikita kong siya’y abalang-abala sa espirituwal na mga bagay, siyang-siya ang aking kalooban. Inaasahan kong kami’y makapagpapatuloy.”
Ngayong ang ama at ina ay gumugugol ng malaking panahon sa pangangaral araw-araw, ano ba ang naging epekto nito sa mga anak? Ang panganay na anak na lalaki ay nagtatrabaho ngayon sa isang apat-na-taóng proyekto ng pagtatayo sa sangay ng Watch Tower Society. Ang anak na babae ay isang regular na payunir, at ang nag-aaral pang anak na lalaki naman ay naghahangad na maging isang espesyal payunir. Sila ay pawang natutuwa at ang kanilang mga magulang ay payunir.
7. (a) Magbigay ng mga halimbawa na alam mo tungkol sa kung paano nadaig ng iba ang mga hadlang upang sila’y makapasok sa buong-panahong paglilingkod. (b) Anong payo ng Bibliya ang kanilang isinapuso?
7 Ang mga pamilyang katulad nito ay matatagpuan sa mga Saksi ni Jehova sa maraming bansa sa buong daigdig. Sila’y gumagawa ng tunay na pagsisikap anuman ang kalagayan nila upang sila’y makapasok sa buong-panahong paglilingkod at pagkatapos ay manatili roon. Sa pamamagitan ng kanilang mga gawa, ipinakikilala nila kung anong talaga ang ibig sabihin sa kanila ng pag-ibig sa Diyos. Buong kataimtiman, kanilang ginagawa ang ipinayo ni Pablo: “Gawin mo ang buong kaya upang iharap ang iyong sarili na sinang-ayunan ng Diyos, manggagawa na walang anumang dapat ikahiya.”—2 Timoteo 2:15.
“Manggagawa na Walang Anumang Dapat Ikahiya”
8. Bakit hinimok ni Pablo si Timoteo na ‘gawin ang kaniyang buong kaya’ at ano ang ibig sabihin niyan?
8 Nang isulat ni Pablo ang mga salitang iyon kay Timoteo, humigit-kumulang 65 C.E., si Timoteo ay naglilingkod na sa isang lubhang responsableng tungkulin sa kongregasyong Kristiyano. Siya’y tinawag ni Pablo na “isang mahusay na kawal ni Kristo Jesus” at paulit-ulit na ipinaalaala sa kaniya ang kaniyang pananagutan sa pagtuturo at pagtatagubilin sa iba. (2 Timoteo 2:3, 14, 25; 4:2) Gayunman, kaniyang ipinayo kay Timoteo: “Gawin mo ang buong kaya upang iharap ang iyong sarili na sinang-ayunan ng Diyos.” Ang pananalitang “gawin mo ang buong kaya” ay isinalin buhat sa isang terminong Griego na ang ibig sabihin ay “pabilisin ka.” (Tingnan ang Kingdom Interlinear Translation.) Sa ibang pananalita, sinasabi ni Pablo kay Timoteo na upang kamtin ang pagsang-ayon ng Diyos siya’y kailangang magmabilis sa kaniyang paggawa, bagama’t siya’y nagdadala na ng isang mabigat na pasanin ng pananagutan. Bakit? Upang siya’y maging “manggagawa na walang anumang dapat ikahiya.”
9. Anong talinghaga ni Jesus ang makatutulong sa atin upang maunawaan ang sinabi ni Pablo tungkol sa “manggagawa na walang anumang dapat ikahiya”?
9 Ang huling pariralang ito ay nagpapaalaala sa atin ng tatlong alipin sa talinghaga ni Jesus ng mga talento, ayon sa pagkasulat sa Mateo 25:14-30. Nang bumalik na ang panginoon, panahon na para sa kanila na iharap ang kanilang trabaho sa panginoon para kamtin ang kaniyang pagsang-ayon. Ang mga alipin na binigyan ng lima at dalawang talento ay pinuri ng panginoon dahil sa kanilang ginawa sa mga bagay na ipinagkatiwala sa kanila. Sila’y inanyayahan na ‘pumasok sa kagalakan ng kanilang panginoon.’ Subalit ang alipin na pinagkatiwalaan ng isang talento ay nasumpungang nagkukulang. Ang ibinigay sa kaniya ay kinuha rin sa kaniya, at sa kaniyang ikinapahiya, siya’y itinapon “sa kadiliman sa labas.”
10. Bakit ang aliping binigyan ng isang talento ay napahiya at pinarusahan?
10 Ang unang dalawang alipin ay nagpagal nang puspusan at pinarami ang mga intereses ng kanilang panginoon. Sila’y tunay na mga manggagawa “na walang anumang dapat ikahiya.” Subalit bakit ang ikatlong alipin ay napahiya at pinarusahan bagama’t hindi niya iniwala ang ibinigay sa kaniya? Iyon ay dahilan sa wala siyang ginawang anumang mapapakinabang doon. Gaya ng pagkasabi ng panginoon, disin sana’y kaniyang idiniposito sa bangko ang salapi. Ngunit ang talagang pagkakamali niya ay na wala siyang tunay na pag-ibig sa kaniyang panginoon. “Ako’y natakot at yumaon at aking itinago sa lupa ang talento mo,” ang pagtatapat niya sa kaniyang panginoon. (Mateo 25:25; ihambing ang 1 Juan 4:18.) Ang pagkakilala niya sa kaniyang panginoon ay isang mabagsik, na “taong mapaghanap” at inakala niyang isang pabigat ang atas sa kaniya. Ang kaliit-liitang maaari niyang magawa ang ginawa niya upang makalusot lamang imbis na gawin ang kaniyang “buong kaya” upang kamtin ang pagsang-ayon ng kaniyang panginoon.
11. Paano tayo kasangkot sa ngayon sa talinghagang iyan?
11 Sa ngayon ay kasalukuyang natutupad ang talinghagang iyan. Ang Panginoon, si Jesu-Kristo, ay nagbalik na at kaniyang sinisiyasat ang gawain ng kaniyang uring “alipin,” pati na ang gawain ng kanilang mga kasamahan, ang “malaking pulutong” ng mga taong tulad-tupa. (Mateo 24:45-47; Apocalipsis 7:9, 15) Ano ba ang nadaratnan ng Panginoon? Kung tayo’y kontento sa pinakamaliit na paglilingkod para may maiulat lamang, baka naman masumpungan natin na tayo’y kabilang sa mga napapahiya at inihahagis “sa kadiliman sa labas.” Sa kabilang panig, kung ating ‘ginagawa ang ating buong kaya,’ samakatuwid baga, ‘pinabibilis’ ang ating gawain bilang pagtugon sa pagkaapurahan ng panahon, tayo’y masusumpungang sinang-ayunan bilang ‘mga manggagawa na walang dapat ikahiya’ at tayo’y makakabahagi sa ‘kagalakan ng ating panginoon.’
Kailangan ang Disiplina at Sakripisyo-sa-Sarili
12. Anong mga katangian ang dahilan kung kaya marami sa mga mamamahayag sa Hapón ang pumasok sa buong-panahong ministeryo?
12 Ang patuloy na pagdami ng mga payunir sa bansa at bansa sa buong daigdig ay malinaw na patotoo na ang bayan ni Jehova sa kabuuan ay ‘gumagawa ng kanilang buong kaya’ upang patunayan na sila’y ‘mga manggagawa na walang dapat ikahiya.’ Subalit ipinagtataka ba ninyo kung bakit lalong marami sa ating mga kapatid sa mga ilang bansa ang nakapapasok sa buong-panahong paglilingkod kaysa mga ibang bansa? Ang interesanteng tanong na ito ay iniharap sa ilang mga payunir sa Hapón. Isaalang-alang ang mga kasagutang ito:
“Sa palagay ko’y hindi ibig sabihin na ang pananampalataya o ang pag-ibig ng mga Saksing Haponés ay lalong malaki kaysa taglay ng kanilang mga kapatid sa mga ibang bansa,” ang sabi ng isang manggagawa sa Bethel na nasa buong-panahong paglilingkod na sa loob ng mga 30 taon. “Ngunit ako’y naniniwala na marahil ang personalidad ng mga Haponés ay may kinalaman dito. Sa kabuuan, ang mga Haponés ay masunurin; agad silang tumutugon sa pampatibay-loob.”
“Dahilan sa napakaraming payunir sa halos bawat kongregasyon,” isang hinirang na matanda ang nagkomento, “ang laganap na palagay ay na sinuman ay maaaring makagawa nito.” Ang mga Haponés ay mahilig sa paggawa ng mga bagay nang grupu-grupo. Sila’y may napakagaling na espiritu ng pagtutulungan.
Ito’y tunay na mga pangungusap na pumupukaw ng kaisipan, at kung ating dinidibdib ang tungkol sa higit pang pagpapahusay ng ating paglilingkod kay Jehova, narito ang ilang litaw na mga puntong nararapat nating maingat na isaalang-alang.
13. Paano tayo makikinabang sa pagiging masunurin at handang tumugon sa pampatibay-loob?
13 Una sa lahat, nariyan ang tungkol sa pagiging masunurin at handang tumugon sa pampatibay-loob. Pagka ang utos at pampatibay-loob ay nanggagaling sa nararapat pagmulan, matuwid lamang na tayo’y dapat agad-agad tumugon. Kung gayon, imbis na malasin ang mga katangiang ito bilang mga katangian lamang ng isang bansa, ating isinasaisip ang mga salita ni Jesus: “Ang aking mga tupa ay nakikinig sa aking tinig, at nakikilala ko sila, at sila’y sumusunod sa akin.” (Juan 10:27) Natatandaan din natin na isang katangian ng “karunungang mula sa itaas” ay pagiging “handang sumunod.” (Santiago 3:17) Ito ay mga kuwalidad na lahat ng Kristiyano’y hinihimok na taglayin. Dahilan sa karanasan at pinagkalakhan, ang iba ay maaaring nahihilig sa malasariling kaisipan at paggawa ng sariling kalooban kung ihahambing sa iba. Marahil ito ang pitak na kung saan kailangan na tayo’y magdisiplina ng sarili at ‘baguhin ang ating kaisipan’ upang ating makilala nang lalong malinaw kung ano ang “kalooban ng Diyos.”—Roma 12:2.
14. Anong paanyaya ang tinanggap ng lahat ng nag-alay na mga Kristiyano at ano ang kasali rito?
14 Bilang nag-alay na mga Kristiyano, ating tinanggap ang paanyaya ni Jesus: “Kung ang sinuman ay ibig sumunod sa akin, itakwil niya ang kaniyang sarili at pasanin ang kaniyang pahirapang tulos at patuloy na sumunod sa akin.” (Mateo 16:24) Ang ‘pagtatakwil’ ng sarili ay nangangahulugan ng literal na ‘pagtanggi sa sarili nang lubusan’ at pagkatapos ay kusang pagtanggap ng isa na siya’y pag-aari ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo, na hinahayaang sila ang magkaroon ng kapangyarihan sa ating buhay at magsabi sa atin kung ano ang dapat nating gawin at kung ano ang hindi natin dapat gawin. Mayroon pa bang mas magaling na paraan upang maipakita na ating itinakwil ang ating mga sarili kaysa sa pagsunod sa mga yapak ni Jesus sa buong-panahong ministeryo?
15. (a) Paanong ang pagiging kontento sa kaunting materyal na mga bagay ay kaugnay ng pagsunod kay Jesus? (b) Paanong ang mga unang alagad ay tumugon sa paanyaya ni Jesus na sumunod sa kaniya?
15 At nariyan din ang tungkol sa pagiging kontento sa kaunting materyal na mga bagay. Ito’y malinaw na kasalungat ng karaniwang lakad ng sanlibutan, na ang sinusunod ay “ang pita ng laman at ang pita ng mga mata at ang mapasikat na pagpaparangalan ng kabuhayan.” (1 Juan 2:16) Sapagkat sinabi ni Jesus nang buong diin: “Kaya nga matitiyak ninyo, sinuman sa inyo na hindi tumanggi sa lahat niyang ari-arian ay hindi maaaring maging alagad ko.” (Lucas 14:33) Bakit nga ganito? Sapagkat ang pagiging alagad ni Jesus ay nangangahulugan ng higit pa kaysa pagiging isang mananampalataya lamang. Nang tawagin ni Jesus si Andres, Pedro, Santiago, Juan, at ang mga iba pa upang maging kaniyang mga alagad noong ikalawang taon ng kaniyang ministeryo, hindi niya hiniling na maniwala lamang sila sa kaniya bilang ang Mesiyas. Kaniyang inanyayahan sila nang maglaon na sumunod sa kaniya at gawin ang gawain na kaniyang ginagawa, alalaong baga, ang buong-panahong gawaing pangangaral. Ano ba ang tugon nila? “At kapagdaka’y iniwan nila ang kanilang mga lambat at sumunod sa kaniya.” “Iniwan pa man din [ni Santiago at ni Juan] ang kanilang amang si Zebedeo na nasa bangka kasama ang mga lalaking upahan at humayo upang sumunod sa kaniya.” (Marcos 1:16-20) Kanilang iniwan ang kanilang negosyo at dating mga kasamahan at sila’y pumasok sa buong-panahong pangangaral.
16. Bilang nag-alay na mga Kristiyano, sa ano dapat nating gamitin ang ating panahon at lakas? (Kawikaan 3:9)
16 Madaling makita, kung gayon, kung bakit ang pagiging kontento sa kakaunti ay isang mahalagang bahagi ng pagsasagawa ng ating buong kaya sa paglilingkod kay Jehova. Kung tayo’y pinabibigatan ng maraming materyal na mga bagay o mga obligasyon, baka tayo maging katulad ng mayamang binatang tagapamahala na tumanggi sa paanyaya ni Jesus na maging kaniyang tagasunod, hindi dahil sa hindi niya magagawa iyon, kundi dahil sa ayaw niyang iwanan ang kaniyang “maraming ari-arian.” (Mateo 19:16-22; Lucas 18:18-23) Kaya imbis na aksayin ang ating panahon at lakas sa pagkakamal ng mga bagay na malapit nang ‘lumipas,’ ang ibig natin ay gamitin ang mga mahahalagang bagay na ito para sa ating walang hanggang kapakanan.—1 Juan 2:16, 17.
17. Hanggang saan ang positibong impluwensiya ng espiritu ng pagtutulungan?
17 Sa katapus-tapusan, nariyan ang tungkol sa espiritu ng pagtutulungan. Sina Andres, Pedro, Santiago, at Juan ay walang alinlangang may impluwensiya sa isa’t isa sa kanilang desisyon na tanggapin ang paanyaya ni Jesus na sumunod sa kaniya. (Juan 1:40, 41) Gayundin naman, ang bagay na napakarami sa ating mga kapatid ang nakapagbibigay ng dako sa kanilang magawaing mga buhay para sila’y makapasok sa buong-panahong paglilingkod ay dapat magpakilos sa atin na pag-isipan nang dibdiban ang ating sariling katayuan. Sa kabilang panig, yaong mga iba sa atin na nagtatamasa na ng ganitong pribilehiyo ay maaaring ibahagi sa iba ang kanilang masasayang karanasan, at sa ganoo’y himukin din ang mga ito na sumama sa kanila. At, mangyari pa, ang buong panahong mga ministro ay makapagtutulungan sa isa’t isa para sa kapakinabangan ng lahat.—Roma 1:12.
18. Paanong lahat tayo ay makapag-aabuloy ng bahagi sa espiritu ng pagpapayunir?
18 Kahit na yaong mga dahil sa kasalukuyang mga kalagayan nila ay hindi makapasok sa buong-panahong ministeryo ay malaki ang magagawa upang makapag-abuloy ng bahagi sa espiritu ng pagpapayunir. Paano? Sa pamamagitan ng pagsuporta at pagpapalakas-loob sa mga nagpapayunir, sa pamamagitan ng pagpapakita ng masiglang interes sa mga may potensiyal na magpayunir, sa pamamagitan ng pagsasaayos na kahit man lamang isang miyembro ng kanilang pamilya ay magpayunir, at sa pamamagitan ng pag-aauxiliary payunir kailanma’t maaari, at sa pamamagitan ng paghanda upang makapasok sa buong-panahong paglilingkod sa pinakamadaling panahon na posible. Sa paggawa ng gayon, lahat tayo ay makapagpapakita na ating ‘ginagawa ang buong kaya natin’ upang maglingkod kay Jehova tayo man ay sa kasalukuyan nasa buong-panahong ministeryo o wala.
Maging Matiyaga sa Paggawa ng Ating Buong Kaya
19. Ano ang dapat nating ipasiyang gawin dahil sa panahon?
19 Oo, yamang pinabibilis ni Jehova ang gawain, panahon na ngayon para sa atin na ‘gawin ang ating buong kaya’ upang tayo’y maging ‘mga manggagawa na walang anumang ikinahihiya.’ Bilang mahuhusay na kawal ni Jesu-Kristo, kailangan din na itabi natin ang lahat ng di-kinakailangang mga pabigat upang tayo’y makapaglingkod nang epektibo at kamtin ang kaniyang pagsang-ayon. (2 Timoteo 2:3-5) Samantalang tayo’y gumagawang puspusan upang mapalawak ang ating bahagi sa paglilingkod sa Kaharian, matitiyak natin na ang ating mga pagsisikap ay saganang gagantihin. (Hebreo 6:10; 2 Corinto 9:6) Kung gayon, imbis na makaraos lamang, wika nga, tayo’y maging matiyaga sa paggawa ng ating buong kaya sa pangangaral ng mabuting balita, bilang tugon sa imbitasyon ng salmista: “Maglingkod kayo na may kasayahan kay Jehova. Magsilapit kayo sa kaniyang harapan na may masayang awitan.”—Awit 100:2.
Repaso
◻ Ano ba ang kasali sa pag-ibig sa Diyos?
◻ Ano ba ang tunay na problema tungkol sa ikatlong alipin sa ilustrasyon ni Jesus ng mga talento?
◻ Ano ang ibig sabihin ng pagtatakwil ng ating sarili?
◻ Bakit ang mga tagasunod ni Jesus ay kailangang ‘tumanggi sa kanilang materyal na ari-arian’?
◻ Paanong lahat tayo ay makapag-aabuloy ng bahagi sa espiritu ng pagpapayunir?
[Larawan sa pahina 18]
‘Itapon sa labas ang aliping walang kabuluhan’