Kung Papaano Ka Apektado ng Pagbabagong-Anyo ni Kristo
Apat na lalaki ang kaaakyat lamang sa isang matayog na bundok. Sa kaitaasan niyaon isang bagay na kagila-gilalas ang naganap. Samantalang nakamasid ang tatlong nagulantang na mga alagad ni Jesu-Kristo, siya’y dumaan sa isang pagbabago sa harapan ng kanilang mga mata. Makinig ka samantalang iniuulat ng manunulat ng Ebanghelyo na si Marcos ang nakaaantig na pangyayaring ito:
“ISINAMA ni Jesus si Pedro at si Santiago at si Juan, at sila’y dinalang bukod sa isang mataas na bundok. At siya’y nagbagong-anyo sa harap nila, at ang kaniyang panlabas na kasuotan ay nagningning, na anupa’t sinumang magpapaputi nito sa lupa ay hindi makapagpapaputi nang gayon. Si Elias kasama si Moises ay nagpakita sa kanila, at sila’y nakikipag-usap kay Jesus. Bilang tugon ay sinabi ni Pedro kay Jesus: ‘Rabbi, mabuti sa atin na tayo’y dumito, kaya hayaan mong magtayo kami ng tatlong tabernakulo, isa para sa iyo at isa para kay Moises at isa para kay Elias.’ Sa katunayan, hindi niya malaman kung ano ang dapat niyang isagot, sapagkat sila’y lubhang natakot. At nabuo ang isang alapaap, na sa kanila’y lumilim, at may isang tinig na nanggaling sa alapaap: ‘Ito ang aking Anak, na sinisinta; siya ang inyong pakinggan.’ Gayunman, biglang nagmasid sila sa palibot at wala silang nakitang anuman na kasama nila, maliban kay Jesus lamang.”—Marcos 9:2-8.
Isip-isipin lamang! Ang mukha ni Jesus ay nagniningning na gaya ng araw. (Mateo 17:2) Ang kaniyang mga kasuotan ay nagniningning, “na anupa’t sinumang magpapaputi nito sa lupa ay hindi makapagpapaputi nang gayon.” Naroon ang tunog ng sariling makapangyarihang tinig ng Diyos na nagpapatotoo tungkol sa kaniyang Anak. Anong kagila-gilalas na pangyayari nga naman!
Ang salitang Griego na dito’y isinaling “nagbagong-anyo” ay nangangahulugang “magbago tungo sa ibang anyo.” Ito’y makikita rin sa Roma 12:2, kung saan ang mga Kristiyano ay pinapayuhan na “magbago” sa pamamagitan ng pag-iiba ng kanilang mga kaisipan.—An Expository Dictionary of New Testament Words, ni W. E. Vine, Tomo IV, pahina 148.
Oo, isang dramatikong pangyayari ang naganap nang si Jesus ay magbagong-anyo minsan pagkatapos ng selebrasyon ng Paskuwa noong 32 C.E. Ano ba ang umakay tungo sa himalang ito? Ito ba’y may natatanging layunin? Bakit si Moises at si Elias ay kasangkot? At papaano ka apektado ng pagbabagong-anyo ni Kristo?
Naunang mga Pangyayari
Bago umakyat sa bundok, si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay malapit na sa Cesarea Filipos. Yamang ang siyudad na ito ay mga 25 kilometro sa timog-kanluran ng Bundok Hermon, ang pagbabagong-anyo ay marahil naganap sa isa sa mga matatayog na nakausling bahagi nito.
Samantalang lumalakad sa “matayog na bundok,” tinanong ni Jesus ang kaniyang mga alagad: “Ano ba ang sabi ng mga tao kung sino ako?” Sila’y nagsitugon: “Si Juan Bautista, at ng iba pa, si Elias, at ng mga iba pa rin, Isa sa mga propeta.” Nang magkagayo’y nagtanong si Kristo: “Kayo naman, ano ang sabi ninyo kung sino ako?” Si Pedro ay tumugon: “Ikaw ang Kristo.” Pagkatapos, si Jesus ay “mahigpit na nagbilin sa kanila na huwag sasabihin kaninuman ang tungkol sa kaniya. At, siya’y nagsimulang magturo sa kanila na ang Anak ng tao ay kailangang magbata ng maraming kahirapan at itakwil ng nakatatandang mga lalaki at ng mga pangulong saserdote at ng mga eskriba at patayin, at pagkaraan ng tatlong araw ay muling magbangon.”—Marcos 8:27-31.
Si Jesus ay nagpatuloy na gawin ang ganitong pangako: “May ilan sa mga nakatayong ito na hindi titikim sa anumang paraan ng kamatayan hanggang sa makita nila ang kaharian ng Diyos na dumating nang taglay ang kapangyarihan.” (Marcos 9:1; Mateo 16:28) Ang pangakong ito ay natupad “makalipas ang anim na araw,” nang si Jesus ay nananalangin at nagbagong-anyo sa harapan nina Pedro, Santiago, at Juan. Ang sinasabi naman ni Lucas ay naganap ito makalipas ang “walong araw,” marahil dahil sa isinali niya ang araw nang ipangako ito at ang araw ng katuparan.—Mateo 17:1, 2; Marcos 9:2; Lucas 9:28.
Hindi Isang Panaginip o Guniguni
Ang pagbabagong-anyo ni Jesus ay hindi isang panaginip. Ang tatlong apostol ay hindi maaaring magkaroon ng iisang panaginip, at ito’y tinawag ni Jesus na isang “pangitain.” Iyan ay hindi nagpapahiwatig na ito’y isang guniguni, sapagkat ang salitang Griego na ginamit sa Mateo 17:9 ay isinasaling “tanawin” sa ibang lugar. (Gawa 7:31) Samakatuwid ang mga nakakita ay gising na gising, at sa pamamagitan ng kanilang mga mata at tainga, kanilang aktuwal na nakita at narinig ang mga bagay na nagaganap.—Lucas 9:32.
Samantalang gising na gising ngunit hindi alam kung ano ang sasabihin, si Pedro ay nagmungkahi ng pagtatayo ng tatlong tabernakulo—tig-iisa si Jesus, si Moises, at si Elias. (Lucas 9:33) Ang ulap na nabuo samantalang nagsasalita si Pedro ay maliwanag na nagpapakilala ng pagkanaroroon ng Diyos sa bundok, tulad ng naganap sa Israel sa tabernakulo ng kapisanan sa ilang. (Exodo 40:34-38; Lucas 9:34) At tiyak naman na hindi natutulog ang mga apostol nang ipahayag ng “Diyos na Ama”: “Ito ay aking Anak, ang isang pinili. Sa kaniya kayo makinig.”—2 Pedro 1:17, 18; Lucas 9:35.
Kung Bakit Nakita si Moises
Nang maganap ang pagbabagong-anyo, si Moises ay “walang kamalayan sa anuman,” sapagkat siya’y patay na daan-daang taon na ang nakalipas. (Eclesiastes 9:5, 10) Tulad ni David, siya’y hindi pa binubuhay at samakatuwid hindi pa naroroon nang personal. (Gawa 2:29-31) Subalit bakit nakita si Moises na kasama ni Kristo sa pangitaing ito?
Sinabi ng Diyos kay Moises: “Aking palilitawin sa kanila ang isang propeta sa gitna ng kanilang mga kapatid, na gaya mo; at aking ilalagay ang aking mga salita sa bibig niya, at kaniyang sasalitain sa kanila ang lahat ng aking iuutos sa kaniya.” (Deuteronomio 18:18) Ang hulang ito ay espesipikong ikinapit ni Pedro kay Jesu-Kristo. (Gawa 3:20-23) Maliban kay Jesus, si Moises ang pinakadakilang propeta na isinugo ng Diyos sa bansang Israel.
May mga pagkakahawig sa pagitan ni Moises at ng Lalong-dakilang Moises, si Jesu-Kristo. Halimbawa, samantalang sila’y mga sanggol, ang buhay nila kapuwa ay isinapanganib ng malulupit na mga tagapamahala, ngunit pinapangyari ng Diyos na maligtas ang mga sanggol. (Exodo 1:20–2:10; Mateo 2:7-23) Silang dalawa ay gumugol ng 40 araw sa pag-aayuno sa pasimula ng kanilang mga karera bilang pantanging mga lingkod ni Jehova. (Exodo 24:18; 34:28; Deuteronomio 9:18, 25; Mateo 4:1, 2) At si Moises at si Jesus ay kapuwa gumawa ng mga himala sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos.—Exodo 14:21-31; 16:11-36; Awit 78:12-54; Marcos 4:41; Lucas 7:18-23; Juan 14:11.
Si Moises ay ginamit ng Diyos upang iligtas ang Israel sa pagkaalipin sa mga Ehipsiyo, gaya rin naman ni Jesus na nagdala ng espirituwal na paglaya. (Exodo 12:37–14:31; Juan 8:31, 32) Si Moises ay nagkapribilehiyo na maging tagapamagitan sa tipang Kautusan ng Diyos at ng mga Israelita, samantalang si Jesus ang Tagapamagitan ng bagong tipan. (Exodo 19:3-9; 34:3-7; Jeremias 31:31-34; Lucas 22:20; Hebreo 8:3-6; 9:15) Ginamit din ni Jehova si Moises upang itanyag ang Kaniyang pangalan sa harapan ng mga Israelita, ng mga Ehipsiyo, at ng mga iba pa, gaya ni Jesu-Kristo na dumakila sa banal na pangalan ni Jehova. (Exodo 9:13-17; 1 Samuel 6:6; Juan 12:28-30; 17:5, 6, 25, 26) Sa gayong pagpapakita ni Moises na siya’y kasama ng nagbagong-anyong si Jesus, ipinakita ng Diyos na si Kristo ay maglilingkod sa tatlong katungkulan nang lalong malawakan.
Kung Bakit Nagpakita si Elias
Bagaman ang namatay na propetang si Elias ay hindi pa binubuhay, angkop naman na siya’y pakita sa pangitain ng pagbabagong-anyo. Malaki ang nagawa ni Elias sa pagsasauli sa tunay na pagsamba at pagbanal sa pangalan ni Jehova sa gitna ng mga Israelita. Gayundin ang ginawa ni Jesu-Kristo nang siya’y narito sa lupa at higit pa nga ang gagawin upang maisauli ang dalisay na relihiyon at maipagbangong-puri ang kaniyang Ama sa langit sa pamamagitan ng Mesiyanikong Kaharian.
Ipinakita ni propeta Malakias na ang gawain ni Elias ay may inilalarawan sa hinaharap. Sa pamamagitan ni Malakias, sinabi ng Diyos: “Narito! Aking susuguin sa inyo si Elias na propeta bago dumating ang dakila at kakila-kilabot na kaarawan ni Jehova. At kaniyang pagbabaliking-loob ang puso ng mga ama sa mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga ama; upang ako’y huwag pumariyan at aktuwal na saktan ang lupa sa pagtatalaga nito sa pagkapuksa.”—Malakias 4:5, 6.
Ang hulang ito ay may maliit na katuparan sa gawain ni Juan Bautista. Ito’y binanggit ni Jesus pagkatapos ng pagbabagong-anyo, nang magtanong ang kaniyang mga alagad kung bakit sinabi ng mga eskriba na kailangang pumarito muna si Elias—bago lumitaw ang Mesiyas. Sinabi ni Jesus: “Katotohanan nga, si Elias ay paririto at isasauli ang lahat ng mga bagay. Datapuwat sinasabi ko sa inyo na naparito na si Elias at hindi nila siya nakilala kundi ginawa nila sa kaniya ang anumang kanilang inibig. Sa paraang ito rin naman ang Anak ng tao ay itinakdang magdusa sa kanilang mga kamay.” Isinususog ng ulat: “Nang magkagayo’y napag-unawa ng mga alagad na si Juan Bautista ang sa kanila’y sinasabi niya.”—Mateo 17:10-13.
Ang ginawa ni Juan ay isang gawain na tulad ng kay Elias nang kaniyang bautismuhan ang mga Judio na nagsisi sa kanilang mga kasalanan laban sa tipang Kautusan. Higit na mahalaga, si Juan ang naghanda ng daan ng Mesiyas at nagpakilala kay Jesu-Kristo. (Mateo 11:11-15; Lucas 1:11-17; Juan 1:29) Subalit bakit ang gawain ni Juan ay isa lamang munting katuparan ng hula ni Malakias?
Sa kaniyang pangitain, si Elias ay nakitang nakikipag-usap kay Jesus. Ito’y pagkatapos nang kamatayan ni Juan Bautista, sa gayo’y nagpapahiwatig na isang gawaing katulad ng kay Elias ang isasagawa sa hinaharap. Isa pa, ipinakita ng hula na ang gawaing ito ay gagawin bago sumapit ang “dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova.” Sa mabilis na dumarating na pangyayaring iyan ay kasali “ang digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” sa Har–Magedon, o Armagedon. (Apocalipsis 16:14-16) Ito’y nangangahulugan na sa noo’y panghinaharap pang pagtatatag ng makalangit na Kaharian ng Diyos ay mauuna ang isang gawain na katumbas ng mga gawain ni Elias at ng kaniyang kahalili, si Eliseo. At sa loob ng mahigit na isang siglo, ang modernong-panahong mga Saksi ni Jehova ay nagsasagawa ng isang gawaing may kaugnayan sa pagsasauli ng tunay na pagsamba at ng pagdakila sa pangalan ng Diyos.—Awit 145:9-13; Mateo 24:14.
Ang Layunin Nito
Ang pagbabagong-anyo ay tiyak na nagpatibay kay Jesus para sa mga pagdurusa at kamatayan na noo’y malapit na niyang danasin. Ang pagkarinig sa kaniyang Ama sa langit na bumanggit sa kaniya bilang Kaniyang sinang-ayunang Anak ay tiyak na nagpatibay sa pananampalataya ni Jesus. Subalit ano ba ang ginawa para sa iba ng pagbabagong-anyo?
Ang pagbabagong-anyo ni Jesus ay nagpatibay rin sa pananampalataya ng mga nagmamasid. Ikinintal nito sa kanilang pag-iisip na si Jesu-Kristo ay Anak ng Diyos. Totoo, yamang ang Punong Tagapagsalita ni Jehova, ang Salita, ay naroroon sa gitna nila, kanilang narinig ang sariling tinig ng Diyos na nagsasabi: “Ito ang aking Anak, na sinisinta, na aking sinang-ayunan.” Bagaman si Jehova ay nagpatotoo rin nang ganiyan nang bautismuhan si Jesus, noong mga sandali ng pagbabagong-anyo, isinusog ng Diyos na ang mga alagad ay dapat makinig sa Kaniyang Anak.—Mateo 3:13-17; 17:5; Juan 1:1-3, 14.
Ang pagbabagong-anyo ay nagpatibay ng pananampalataya sa isa pang paraan. Noong nagaganap ang pangitain, si Jesus, si “Moises,” at si “Elias” ay bumanggit ng tungkol sa “pagyao na nakatakdang ganapin [ni Kristo] sa Jerusalem.” (Lucas 9:31) Ang “pagyao” ay isinalin buhat sa isang anyo ng salitang Griego na eʹxo·dos. Ang exodus, o pagyao na ito, ay maliwanag na kapuwa tumutukoy sa kamatayan ni Jesus at sa pagbuhay sa kaniya ng Diyos sa buhay-espiritu. (1 Pedro 3:18) Samakatuwid ang pagbabagong-anyo ay nagpatibay ng pananampalataya sa pagkabuhay-muli ni Kristo. Lalo nang nagpatibay ito ng pananampalataya sa pamamagitan ng pagbibigay ng kapani-paniwalang patotoo na si Jesus ang magiging Hari ng Mesiyanikong Kaharian ng Diyos. Higit pa, ipinakita ng pangitain na ang Kaharian ay magiging maningning.
Ang pagbabagong-anyo ay nagpatibay rin ng pananampalataya sa hula ng Kasulatan. Mga 32 taon ang nakalipas (humigit-kumulang 64 C.E.), naalaala pa rin ni Pedro ang karanasang ito at sumulat: “Hindi, hindi sa pagsunod sa magagaling ang pagkakathang di-totoong mga kuwento ipinakilala namin sa inyo ang kapangyarihan at pagkanaririto ng ating Panginoong Jesu-Kristo, kundi dahil sa kami ay naging mga saksing nakakita ng kaniyang kadakilaan. Sapagkat siya’y tumanggap sa Diyos Ama ng karangalan at kaluwalhatian, nang dumating sa kaniya ang mga salitang gaya nito buhat sa dakilang kaluwalhatian: ‘Ito ang aking anak, ang aking minamahal, na sinang-ayunan ko.’ Oo, ang tinig na ito ay aming narinig na nanggaling sa langit nang kami ay kasama niya sa banal na bundok. Kaya kami ay may lalong panatag na salita ng hula; na mabuti ang inyong ginagawa kung ito’y inyong binibigyang-pansin na gaya ng isang ilawang lumiliwanag sa isang dakong madilim, hanggang sa pagbubukang-liwayway at ang tala sa umaga ay sumilang sa inyong mga puso.”—2 Pedro 1:16-19.
Ang Kahulugan Nito Para sa Iyo
Oo, ang pagbabagong-anyo ni Jesus ay minalas ni Pedro bilang isang makapangyarihan katibayan ng makahulang salita ng Diyos. Si apostol Juan ay maaari ring ang pangitaing ito ang tinutukoy nang kaniyang sabihin: “Ang salita ay naging laman at tumahan sa gitna natin, at nakita namin ang kaniyang kaluwalhatian, isang kaluwalhatian na gaya ng sa isang bugtong na anak ng isang ama; at siya’y puspos ng di-sana-nararapat na awa at katotohanan.” (Juan 1:14) Sa katulad na paraan, ang pagbabagong-anyo ay makapagpapatibay ng iyong pananampalataya sa makahulang salita ni Jehova.
Ang pagbabagong-anyo at ang kaugnay na mga pangyayari ay makapagpapatibay ng iyong pananampalataya na si Jesu-Kristo ay Anak ng Diyos at siyang ipinangakong Mesiyas. Maaaring patibayin nito ang iyong paniniwala sa pagkabuhay ni Jesus tungo sa buhay-espiritu sa langit. Ang kagila-gilalas na pangitaing ito ay dapat ding makaragdag sa iyong pananampalataya sa pamahalaan ng Diyos, sapagkat ang pagbabagong-anyo ay isang patiunang tanawin ng kaluwalhatian ni Kristo at ng kapangyarihan sa Kaharian.
Lalo nang nagpapatibay-pananampalataya ang pagkaalam na ang pagbabagong-anyo ni Kristo ay lumalarawan sa ating kaarawan, na isang katunayan ang pagkanaririto ni Jesus. (Mateo 24:3-14) Magmula noong 1914 siya ay naghahari na bilang hinirang ng Diyos na Hari sa kalangitan. Hindi na magtatagal at ang kaniyang bigay-Diyos na autoridad at kapangyarihan ay gagamitin laban sa lahat ng kaaway ng banal na pamahalaan, na magbubukas ng daan para sa isang bagong sanlibutan. (2 Pedro 3:13) Maaari mong tamasahin ang walang-hanggang pagpapalang ito kung isasagawa mo ang pananampalataya sa kahanga-hangang mga bagay na inilarawan ng pagbabagong-anyo ni Jesu-Kristo.