“Tulungan Mo Ako Kung Saan Kailangan Ko ng Pananampalataya!”
“Sinabi ng ama ng bata: ‘Ako’y may pananampalataya! Tulungan mo ako kung saan kailangan ko ng pananampalataya!’”—MARCOS 9:24.
1. Ano ang nagpapangyari na ang isang ama ay bumulalas, “Tulungan mo ako kung saan kailangan ko ng pananampalataya”?
ANG ama ng isang batang lalaking inaalihan ng demonyo ay nakatayo sa harapan ni Jesu-Kristo. Anong laki ng pagnanasa ng taong iyon na mapagaling ang kaniyang anak! Ang mga alagad ni Jesus ay kulang ng sapat na pananampalataya upang mapalabas ang demonyo, ngunit ang ama ay bumulalas: “Ako’y may pananampalataya! Tulungan mo ako kung saan kailangan ko ng pananampalataya!” Sa pamamagitan ng bigay-Diyos na kapangyarihan, ang demonyo ay pinalabas ni Jesus, walang-alinlangan na nakapagpatibay ng pananampalataya ng ama ng bata.—Marcos 9:14-29.
2. Tungkol sa pananampalataya, sa anong dalawang paraan hindi nahihiya ang mga Kristiyano?
2 Tulad ng umaasang ama ng bata, ang isang tapat na lingkod ni Jehova ay hindi nahihiyang magsabi: “Ako’y may pananampalataya!” Ang mga manlilibak ay marahil itatatuwâ ang kapangyarihan ng Diyos, ang pagiging totoo ng kaniyang Salita, at maging ang kaniya mismong pag-iral. Subalit agad aaminin ng tunay na mga Kristiyano na sila’y may pananampalataya sa Diyos na Jehova. Gayunman, pagka nakikipag-usap nang sarilinan sa kanilang makalangit na Ama sa panalangin, ang mga tao ring ito ay maaaring humiling: “Tulungan mo ako kung saan kailangan ko ng pananampalataya!” Ito’y ginagawa rin nila nang hindi nahihiya, sa pagkaalam na maging ang mga apostol ni Jesu-Kristo ay humiling: “Bigyan kami ng higit pang pananampalataya.”—Lucas 17:5.
3. Ano ang makahulugan tungkol sa kung papaano ginamit ni Juan ang salitang “pananampalataya” sa kaniyang Ebanghelyo, at bakit ito angkop?
3 Ang Kasulatang Griego Kristiyano ang lalo nang maraming masasabi tungkol sa pananampalataya. Sa katunayan, ang Ebanghelyo ni Juan ay gumagamit ng sari-saring Griegong salita na may kaugnayan sa “pananampalataya” (Ugat sa Griego, pi·steu’o) sa 40 porsiyentong higit na madalas kaysa natitirang tatlong Ebanghelyo na pinagsama-sama. Idiniin ni Juan na ang pagkakaroon ng pananampalataya ay hindi sapat; ang pagsasagawa nito ang mahalaga. Sa kaniyang pagsulat noong mga 98 C.E., kaniyang nakini-kinita ang makamandag na mga galamay ng apostasya na nakaabang upang manilo ng mga Kristiyanong mahina sa pananampalataya. (Gawa 20:28-30; 2 Pedro 2:1-3; 1 Juan 2:18, 19) Kaya mahalaga na isagawa ang pananampalataya, upang patunayan iyon sa pamamagitan ng mga gawa ng maka-Diyos na debosyon. Mahihirap na mga panahon ang dumarating.
4. Bakit walang imposible para sa mga may pananampalataya?
4 Sa pananampalataya ay napagtatagumpayan ng mga Kristiyano ang anumang mga kahirapan. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad na kung sila’y may “pananampalataya na sinlaki ng isang binhi ng mustasa,” walang imposible para sa kanila. (Mateo 17:20) Sa ganiyang paraan, kaniyang idiniin ang bisa ng pananampalataya, isang bunga ng banal na espiritu. Sa gayo’y idiniin ni Jesus, hindi ang magagawa ng mga tao, kundi ang magagawa ng espiritu, o aktibong puwersa ng Diyos. Yaong mga inaakay nito ay hindi pinalalaki ang maliliit na balakid at mga suliranin. Ang pagkakapit ng karunungan na itinuturo ng espiritu ng Diyos ang tumutulong sa kanila na ilagay sa wastong dako ang mga bagay-bagay. Kahit na ang malulubhang suliranin ay napapawi pagka ginamitan ng nagpapalakas na bisa ng pananampalataya.—Mateo 21:21, 22; Marcos 11:22-24; Lucas 17:5, 6.
Pananalangin na Huwag Sanang Magkulang ang Pananampalataya
5-7. (a) Anong babala tungkol sa pananampalataya ang sinabi ni Jesus nang kaniyang itatag ang Memoryal? (b) Papaano ang pananampalataya ni Pedro ay tutulong sa kaniya na patibayin ang kaniyang mga kapatid?
5 Noong 33 C.E., ginanap ni Jesus ang Paskuwa kasama ang kaniyang mga alagad sa huling pagkakataon. Pagkatapos na paalisin na si Judas Iscariote, kaniyang itinatag ang selebrasyon ng Memoryal, na nagsasabi: “Ako’y gumagawa ng isang tipan sa inyo [na mga tao], gaya ng aking Ama na gumawa ng isang tipan sa akin, ukol sa isang kaharian . . . Simon, Simon, narito! Hiningi ka ni Satanas upang kayong mga tao ay maliglig niya na gaya ng trigo. Ngunit ikaw ay ipinagsumamo ko na huwag sanang magkulang ang iyong pananampalataya; at ikaw, kung makabalik ka nang muli, patibayin mo ang iyong mga kapatid.”—Lucas 22:28-32.
6 Si Jesus ay dumalangin na huwag sanang magkulang ang pananampalataya ni Simon Pedro bagaman buong pagtitiwala-sa-sariling ipinangalandakan ni Pedro na siya’y hindi kailanman magtatatuwâ kay Jesus, di-nagtagal pagkatapos ay makaitlong ginawa niya ang gayon. (Lucas 22:33, 34, 54-62) Sa katunayan, dahil sa inihulang pagkamatay ng Pastol pagkatapos na saktan, ang mga tupa ay nagsipangalat. (Zacarias 13:7; Marcos 14:27) Gayunman, nang bumalik si Pedro buhat sa kaniyang pagkahulog sa silo ng pagkatakot, kaniyang pinatibay ang kaniyang espirituwal na mga kapatid. Kaniyang binanggit ang tungkol sa isang ihahalili sa taksil na si Judas Iscariote. Bilang tagapagsalita para sa mga apostol noong Pentecostes 33 C.E., ginamit ni Pedro ang una sa “mga susi” na ibinigay ni Jesus sa kaniya, na nagbukas ng daan upang ang mga Judio ay maging mga miyembro ng Kaharian. (Mateo 16:19; Gawa 1:15–2:41) Hiniling ni Satanas na ang mga apostol ay mapasakaniya upang sila’y maliglig na gaya ng trigo, ngunit pinangyari ng Diyos na ang kanilang pananampalataya ay huwag magkulang.
7 Gunigunihin ang nadama ni Pedro nang kaniyang marinig na sinabi ni Jesus: “Ikaw ay ipinagsumamo ko na huwag sanang magkulang ang iyong pananampalataya.” Isip-isipin nga! Ang kaniyang Panginoon at Maestro ay nanalangin na huwag sanang magkulang ang pananampalataya ni Pedro. At iyon ay hindi nga nagkulang, o kinapos. Sa katunayan, noong araw ng Pentecostes, si Pedro at ang mga iba pa ang naging mga unang pinahiran ng banal na espiritu upang maging espirituwal na mga anak ng Diyos, umaasang magiging mga kasamang tagapagmana na kasama ni Kristo sa makalangit na kaluwalhatian. Nang ang banal na espiritu noon ay nagpakilos na sa kanila sa lawak na noon lamang nasaksihan, kanilang maipakikita ang bunga niyaon, kasali na ang pananampalataya, higit kailanman. Anong kahanga-hangang kasagutan sa kanilang paghiling na: “Bigyan mo kami ng higit pang pananampalataya”!—Lucas 17:5; Galacia 3:2, 22-26; 5:22, 23.
May Pananampalatayang Pagharap sa Napipintong mga Pagsubok
8. Anong napapanahong babala ang ibinigay sa atin ng organisasyon tungkol sa katuparan ng 1 Tesalonica 5:3?
8 Bilang katuparan ng hula ng Bibliya, hindi na magtatagal at maririnig natin ang sigaw na “Kapayapaan at katiwasayan!” (1 Tesalonica 5:3) Ito kaya’y pagsubok sa ating pananampalataya? Oo, sapagkat tayo’y nasa panganib na mahuling di-handa dahil sa waring tagumpay na nakakamtan ng mga bansa sa pagdadala ng kapayapaan. Ngunit hindi tayo makikibahagi sa espiritu ng gayong mga tagapagbalita ng kapayapaan kung ating isinasaisip na hindi ginagamit ng Diyos ang alinman sa mga ahensiya ng sanlibutang ito upang makamtan ang tunguhing iyan. Mayroon siya ng kaniyang sariling paraan ng pagdadala ng tunay na kapayapaan, at iyan ay sa pamamagitan lamang ng Kaharian sa ilalim ni Jesu-Kristo. Samakatuwid, anumang tagumpay ang kamtin ng mga bansa sa pagtatatag ng kapayapaan, iyon ay sandalian at kunwari lamang. Upang matulungan tayo na maging mapagbantay tungkol dito, “ang tapat at maingat na alipin” ay patuloy na maglalathala ng napapanahong mga babala upang ang mga lingkod ni Jehova ay huwag maratnan na di-handa tungkol sa napipintong pagpapahayag ng pakitang-taong “Kapayapaan at katiwasayan” ng mga bansa ng matandang sistemang ito ng mga bagay.—Mateo 24:45-47.
9. Bakit ang pagkapuksa ng Babilonyang Dakila ay nangangailangan ng lakas ng loob at pananampalataya sa ganang atin?
9 Ang sigaw na “Kapayapaan at katiwasayan!” ang magiging hudyat para sa “biglaang pagkapuksa” na darating sa Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. (Apocalipsis 17:1-6; 18:4, 5) Ito rin ay magsisilbing pagsubok sa pananampalatayang Kristiyano. Samantalang gumuguho na hanggang sa magiba ang huwad na relihiyon, ang mga Saksi ba ni Jehova ay mananatiling matatag sa pananampalataya? Siyempre pa. Ang pangyayaring ito—di-inaasahan at di-maubos-maisip ng karamihan ng mga tao—ay hindi kagagawan ng tao. Kailangang makilala ng mga tao na ang totoo ay kahatulan ito ni Jehova, bilang pagbanal sa pangalan na malaon nang inuupasala ng huwad na relihiyon. Ngunit papaano nga malalaman ng mga tao maliban sa may magsabi sa kanila? At sino maliban sa mga Saksi ni Jehova ang maaasahang magsasabi sa kanila ng gayon?—Ihambing ang Ezekiel 35:14, 15; Roma 10:13-15.
10. Papaano ang pag-atake ni Gog sa bayan ng Diyos ay magiging isang pagsubok din ng pananampalataya?
10 Ang pinahirang mga Saksi ni Jehova at ang kanilang mga kasamahan na may makalupang pag-asa ay may lakas ng loob na kinakailangan upang sabihin sa iba ang tungkol sa napipintong pagsasagawa ng inihatol ni Jehova laban sa Babilonyang Dakila at sa natitirang bahagi ng sistema ng mga bagay ni Satanas. (2 Corinto 4:4) Sa kaniyang ginagampanang papel bilang si Gog ng Magog, na tumutukoy sa kaniyang kasalukuyang pinababang kalagayan, isasaayos ni Satanas ang kaniyang makalupang mga puwersa para sa isang lubus-lubusang pag-atake sa bayan ng Diyos. Ang pananampalataya sa banal na kapangyarihang magligtas sa mga Saksi ni Jehova ay malalagay sa pagsubok. Subalit tayo’y maaaring magkaroon ng pananampalataya na gaya ng inihula ng Salita ng Diyos, sasagipin ni Jehova ang kaniyang bayan.—Ezekiel 38:16; 39:18-23.
11, 12. (a) Ano ang tumiyak sa kaligtasan ni Noe at ng kaniyang pamilya sa panahon ng Baha? (b) Tungkol sa ano hindi tayo kailangang mabalisa sa panahon ng malaking kapighatian?
11 Sa ngayon, hindi natin alam nang eksakto kung papaano bibigyan ni Jehova ng proteksiyon ang kaniyang bayan sa panahon ng “malaking kapighatian,” ngunit ito’y hindi dahilan upang mag-alinlangan na gagawin nga niya iyon. (Mateo 24:21, 22) Ang situwasyon ng kasalukuyang-panahong mga lingkod ng Diyos ay magiging katulad ng kay Noe at ng kaniyang pamilya noong nagaganap ang Baha. Samantalang sila’y nakukulong sa loob ng daong at nakapalibot sa kanila ang umaalimpuyong tubig na pumupuksa, malamang na sila’y nasindak sa ganitong pagtatanghal ng kapangyarihan ng Diyos at tiyak na nanalangin nang taimtim. Walang ipinakikita ang Kasulatan na sila’y nabalisa at nagtanong sa kanilang sarili: ‘Ang daong ba ay talagang matibay upang makatawid sa mga puwersang mapamuksa? Tayo ba’y may sapat na pagkain na tatagal hanggang sa matapos ang Baha? Tayo ba’y makaaagwanta sa nagbagong mga kalagayan sa lupa pagkatapos?’ Ang sumunod na mga pangyayari ay nagpatunay na ang gayong mga pagkabalisa ay walang batayan.
12 Upang matiyak ang kanilang kaligtasan, si Noe at ang kaniyang pamilya ay kailangang magsagawa ng pananampalataya. Ito’y nangangahulugan ng pagsunod sa mga tagubilin at sa mga pag-akay ng banal na espiritu ng Diyos. Sa panahon ng malaking kapighatian, kasinghalaga rin na tayo’y sumunod sa pag-akay ng banal na espiritu at tumalima sa mga tagubilin ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon. Kung magkagayon ay hindi tayo magkakaroon ng dahilan na mabalisa at magtanong: ‘Papaano nga matutustusan ang ating espirituwal at materyal na mga pangangailangan? Ano ang paglalaan para sa mga may edad na o sa mga nangangailangan ng pantanging pag-aasikaso o panggagamot ng doktor? Papaano pangyayarihin ni Jehova na tayo’y makaligtas tungo sa bagong sanlibutan?’ Taglay ang matibay na pananampalataya, lahat ng tapat na mga lingkod ni Jehova ay ipauubaya ang lahat ng bagay sa kaniyang maaasahang mga kamay.—Ihambing ang Mateo 6:25-33.
13. Sa pagsisimula ng malaking kapighatian, bakit tayo’y mangangailangan ng pananampalataya na katulad ng kay Abraham?
13 Pagsisimula ng malaking kapighatian, walang alinlangan na ang ating pananampalataya sa Diyos ay lubhang mapatitibay. Ngayon, makikita natin na ginagawa na ni Jehova ang sinabi niyang gagawin niya. Makikita ng ating sariling mga mata ang kaniyang pagsasakatuparan ng inihatol niya! Ngunit tayo ba sa personal ay magkakaroon ng sapat na pananampalataya upang maniwala na samantalang pinupuksa ang mga balakyot, ang kaniyang bayan ay iingatan ng Diyos? Tayo ba’y magiging katulad ni Abraham, na may pananampalataya na ‘ang Hukom ng buong lupa ay gagawa ng kung ano ang matuwid’ hindi pinupuksa ang mga matuwid kasama ng mga balakyot?—Genesis 18:23, 25.
14. Anong mga tanong ang dapat mag-udyok sa atin na suriin ang ating pananampalataya at gumawang masikap upang patibayin iyon?
14 Gaano kahalaga nga na ngayon ay patibayin natin ang ating pananampalataya! Ngayong totoong malapit na ang katapusan ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay, hayaan nating tayo’y pukawin ng espiritu ng Diyos sa “banal na pamumuhay at mga gawang bunga ng maka-Diyos na debosyon.” (2 Pedro 3:11-14) Kung magkagayo’y hindi tayo liligaligin sa panahon ng malaking kapighatian ng mga nakababalisang kaisipan na gaya nito: ‘Ako ba’y karapat-dapat tumanggap ng proteksiyon ni Jehova? Mas higit pa kaya ang dapat kong nagawa sa paglilingkod sa kaniya? Talaga kayang ako’y nagsikap nang husto upang magbihis ng “bagong pagkatao”? Ako ba ang uri ng tao na ibig ni Jehova sa kaniyang bagong sanlibutan?’ Ang ganiyang mahalagang mga katanungan ang dapat mag-udyok sa atin na suriin ang ating pananampalataya at gumawang masikap upang patibayin iyon sa mismong sandaling ito!—Colosas 3:8-10.
Pananampalataya na Magpapagaling sa Atin
15. Ano ang kung minsan ay sinasabi ni Jesus sa mga taong kaniyang pinagaling, ngunit bakit ito ay hindi sumusuhay sa kasalukuyang-panahong makahimalang pagpapagaling?
15 Hindi lamang ang mga taong may pananampalataya ang pinagaling ni Jesus sa pisikal. (Juan 5:5-9, 13) Kaya ang kaniyang pagpapagaling ay hindi sumusuhay sa di-maka-Kasulatang doktrina ng makahimalang pagpapagaling. Totoo, minsan ay sinabihan ni Jesus yaong kaniyang mga pinagaling: “Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” (Mateo 9:22; Marcos 5:34; 10:52; Lucas 8:48; 17:19; 18:42) Ngunit sa pagsasabi nito, tinutukoy lamang niya ang isang malinaw na katotohanan: Kung ang mga maysakit na iyon ay nagkulang ng pananampalataya sa kakayahan ni Jesus na magpagaling, kaipala’y hindi sila lumapit sa kaniya para sila mapagaling unang-una.
16. Anong programa sa pagpapagaling ang pinangungunahan ni Jesus sa ngayon?
16 Sa ngayon, si Jesu-Kristo ay nangunguna sa isang programa ng espirituwal na pagpapagaling at mahigit na 4,000,000 katao ang nasa kalagayang makinabang dito. Bilang mga Saksi ni Jehova, sila’y nagtatamasa ng espirituwal na kalusugan sa kabila ng anumang pisikal na mga karamdaman na taglay nila. Ang pinahirang mga Kristiyano na kasama nila ay may makalangit na pag-asa, at sila’y ‘nakatingin sa walang-hanggang mga bagay na di-nakikita.’ (2 Corinto 4:16-18; 5:6, 7) At ang mga Kristiyanong may makalupang pag-asa ay naghihintay naman ng kagila-gilalas na pisikal na pagpapagaling na magaganap sa bagong sanlibutan ng Diyos.
17, 18. Anong paglalaan ni Jehova ang tinutukoy sa Apocalipsis 22:1, 2, at papaano nangangailangan ng pananampalataya upang makinabang dito?
17 Ang mga paglalaan ng Diyos ukol sa buhay na walang-hanggan ang tinukoy ni apostol Juan sa mga salitang ito sa Apocalipsis 22:1, 2: “Sa akin ay ipinakita niya ang isang ilog ng tubig ng buhay, sinlinaw ng kristal, na umaagos buhat sa trono ng Diyos at ng Kordero patungo sa gitna ng maluwang na lansangan. At sa dako rito ng ilog sa kabilang ibayo ay naroon ang mga punungkahoy ng buhay na namumunga sa labindalawang pag-aani, nagbubunga sa bawat buwan. At ang mga dahon ng punungkahoy ay pampagaling sa mga bansa.” Sa “tubig ng buhay” ay kasali ang Salita ng Diyos na katotohanan at bawat iba pang paglalaan ni Jehova upang mabawi ang masunuring mga tao buhat sa kasalanan at kamatayan at pagkalooban sila ng buhay na walang-hanggan salig sa haing pantubos na inihandog ni Jesus. (Efeso 5:26; 1 Juan 2:1, 2) Samantalang nasa lupa, ang 144,000 na pinahirang mga tagasunod ni Jesus ay umiinom sa paglalaan ng Diyos ukol sa buhay sa pamamagitan ni Kristo at sila’y tinatawag na “malalaking punungkahoy ng katuwiran.” (Isaias 61:1-3; Apocalipsis 14:1-5) Sila’y namunga ng saganang espirituwal na mga bunga sa lupa. Bilang mga binuhay-muli sa langit, sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo, sila’y makikibahagi sa pamamahagi ng mga biyaya na dulot ng pantubos na ukol sa “pagpapagaling sa mga bansa” buhat sa kasalanan at kamatayan.
18 Mientras matibay ang ating pananampalataya sa mga paglalaang ito ng Diyos, mas madali tayong makasunod sa mga pag-akay ng kaniyang espiritu upang makibahagi sa mga ito. Ang pisikal na kasakdalan ay maliwanag na makakamit ng isang tao habang kaniyang isinasagawa ang pananampalataya kay Kristo at siya’y sumusulong sa espirituwal. Bagaman ang isang tao ay makahimalang gagaling sa malulubhang karamdaman, siya’y lalong mapapalapit sa kasakdalan habang kaniyang isinasagawa ang mga bagay na matuwid. Siya’y regular na makikibahagi sa paglalaan ng Diyos na pagpapagaling sa pamamagitan ng inihandog na hain ni Kristo. Samakatuwid ang pananampalataya ay may magagawa sa ating pisikal na paggaling at pagiging sakdal.
“Naligtas sa Pamamagitan ng Pananampalataya”
19. Bakit kailangang manatiling matatag sa pananampalataya?
19 Hanggang hindi napapawi magpakailanman ng bukang-liwayway ng bagong sanlibutan ng Diyos ang kadiliman ng kasalukuyang balakyot na sanlibutan, lubhang kailangan nga na ang mga lingkod ni Jehova ay manatiling matatag sa pananampalataya! Ang mga taong “walang pananampalataya” ay ibubulid sa “dagat-dagatang nagniningas sa apoy at asupre,” ang ikalawang kamatayan. Sa pinakahuli, ito’y magaganap pagkatapos ng pangkatapusang pagsubok sa dulo ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo. (Apocalipsis 20:6-10; 21:8) Kaypalad ng mga magpapatuloy na isagawa ang pananampalataya at maliligtas upang tamasahin ang isang walang-hanggang buhay sa hinaharap!
20. Papaano ang 1 Corinto 13:13 ay magkakaroon ng natatanging kahulugan sa dulo ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo?
20 Saka lamang ang mga salitang ito ni Pablo sa 1 Corinto 13:13 ay magkakaroon ng isang natatanging kahulugan: “Nananatili ang pananampalataya, pag-asa, pag-ibig, ang tatlong ito; ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig.” Hindi na natin kakailanganing isagawa ang pananampalataya na ang makahulang pangako sa Genesis 3:15 ay magkakatotoo o umasa na ito ay matutupad. Iyan ay nangyari na sa panahong iyon. Bilang mga tapat, tayo’y magpapatuloy na umasa kay Jehova, magtaglay ng pananampalataya sa kaniya at sa kaniyang Anak, at atin silang iibigin bilang ang nagpapangyari ng katuparan ng hulang ito. Higit sa riyan, ang matimyas na pag-ibig at taos-pusong pasasalamat sa kanila dahil sa ating kaligtasan ang magbubuklod sa atin sa Diyos sa walang pagkasirang debosyon magpakailanman.—1 Pedro 1:8, 9.
21. Ano ang dapat nating gawin sa ngayon upang ‘maligtas sa pamamagitan ng pananampalataya’?
21 Sa pamamagitan ng kaniyang nakikitang organisasyon, si Jehova ay gumawa ng isang kagila-gilalas na mga paglalaan upang patibayin ang ating pananampalataya. Lubusang samantalahin natin ang lahat ng iyan. Regular na dumalo at makibahagi sa mga pulong ng bayan ng Diyos. (Hebreo 10:24, 25) Masigasig na pag-aralan ang kaniyang Salita at ang mga publikasyong Kristiyano. Manalangin kay Jehova na bigyan ka ng kaniyang banal na espiritu. (Lucas 11:13) Tularan ang pananampalataya ng mga mapagpakumbabang nangunguna sa kongregasyon. (Hebreo 13:7) Labanan ang makasanlibutang mga tukso. (Mateo 6:9, 13) Oo, at patuloy na patindihin mo ang iyong personal na kaugnayan kay Jehova sa bawat posibleng paraan. Higit sa lahat, patuloy mong isagawa ang pananampalataya. Kung magkagayon ay makakabilang ka sa mga nagbibigay-lugod kay Jehova at nagkakamit ng kaligtasan, sapagkat sinabi ni Pablo: “Sa . . . di-sana-nararapat na awa, sa katunayan, kayo naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito’y hindi sa inyong sarili, ito’y kaloob ng Diyos.”—Efeso 2:8.
Ano ang Iyong mga Sagot?
◻ Anong mga pagsubok sa pananampalataya ang tuwirang nakaharap sa atin?
◻ Sa anong dalawang paraan mapagagaling tayo ng ating pananampalataya?
◻ Ayon sa 1 Pedro 1:9, hanggang kailan tayo kailangang manatili sa pananampalataya?
◻ Anong mga paglalaan mayroon tayo upang patibayin ang ating pananampalataya?
[Larawan sa pahina 15]
Tulad ng amang ang anak ay pinagaling ni Jesus, nadarama mo ba ang isang personal na pangangailangan para sa higit pang pananampalataya?
[Larawan sa pahina 17]
Ang pananampalataya na katulad ng kay Noe at sa kaniyang pamilya ay kakailanganin upang makaligtas sa “malaking kapighatian”