Magtagumpay ng Pag-iwas sa Silo ng Kasakiman
“Silang mga desididong yumaman ay nahuhulog sa tukso at sa silo.”—1 TIMOTEO 6:9.
1. Bakit tayo dapat mabahala tungkol sa mga silo?
ANG salitang “silo” ay marahil magpapaalaala sa iyo ng isang mangangaso na naglalagay ng isang nakabalatkayong pansilo upang makahuli ng walang-malay na biktima. Gayunman, nililinaw ng Diyos na para sa atin ang pinakamapanganib ay, hindi ang gayong literal na mga pansilo, kundi yaong maaaring maging silo sa ating espirituwalidad o moral. Ang Diyablo ay isang eksperto sa paglalagay ng gayong mga silo.—2 Corinto 2:11; 2 Timoteo 2:24-26.
2. (a) Papaano tayo tinutulungan ni Jehova upang makaiwas sa mapanganib na mga silo? (b) Anong pantanging uri ng silo ang tinututukan ngayon ng pansin?
2 Tinutulungan tayo ni Jehova na makilala ang ilan sa marami at sari-saring mga silo ni Satanas. Halimbawa, binababalaan tayo ng Diyos na ang ating mga labì, o bibig, ay maaaring maging isang silo kung tayo’y nagsasalita nang may kamangmangan, padalus-dalos, o tungkol sa hindi natin dapat salitain. (Kawikaan 18:7; 20:25) Ang pagmamataas ay maaaring maging isang silo, gaya rin ng pakikisama sa mga taong magagalitin. (Kawikaan 22:24, 25; 29:25) Subalit bumaling tayo sa isa pang silo: “Silang mga desididong yumaman ay nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming pitang walang kabuluhan at nakasasamâ, na nagbubulusok sa mga tao sa kapahamakan at pagkapariwara.” (1 Timoteo 6:9) Kung ano ang nasa likod ng silong iyan o ang saligan niyan ay maaaring mabuo sa salitang “kasakiman.” Bagaman ang kasakiman ay malimit na nahahalata sa pagkadesididong yumaman, ang kasakiman ay talagang isang silo na may maraming pitak.
Tayo’y Pinaaalalahanan ni Jehova Tungkol sa Panganib
3, 4. Ang sinaunang kasaysayan ng tao ay may anong aral tungkol sa kasakiman?
3 Sa madali’t sabi, ang kasakiman ay isang gahaman o labis na paghahangad ng higit at higit pa, maging iyon man ay salapi, ari-arian, kapangyarihan, sekso, o iba pang mga bagay. Hindi tayo ang unang napalagay sa panganib sa silo ng kasakiman. Malaon nang panahon sa halamanan ng Eden, si Eva ay nasilo ng kasakiman at pagkatapos ay si Adan. Ang kabiyak ni Eva, na may higit na karanasan sa buhay kaysa kaniya, ay tinuruan mismo ni Jehova. Naglaan ang Diyos ng isang paraisong tahanan para sa kanila. Maaari sanang tinamasa nila ang kasaganaan ng mabuti at sari-saring pagkain, na ani mula sa isang lupaing walang polusyon. Sila’y makaaasang magkaanak ng mga sakdal, na makakasama nila na mabuhay at maglingkod sa Diyos nang walang katapusan. (Genesis 1:27-31; 2:15) Iyan ba ay waring di-sapat upang makapagbigay ng kasiyahan sa kaninumang tao?
4 Gayunman, ang pagkakaroon ng isang tao ng sapat ay hindi humahadlang sa kasakiman upang maging isang silo sa kaniya. Si Eva ay nasilo ng pag-asang maging katulad ng Diyos, magkakaroon ng higit pang kalayaan at magtatakda ng sarili niyang mga pamantayan. Waring ang ibig naman ni Adan ay patuloy na makapiling ang kaniyang magandang kabiyak, anuman ang kaparusahang bunga nito. Yamang kahit na ang sakdal na mga taong ito ay nasilo ng kasakiman, makikita mo kung bakit ang kasakiman ay magiging isang panganib para sa atin.
5. Gaano kahalaga para sa atin na iwasan ang silo ng kasakiman?
5 Tayo’y kailangang mag-ingat laban sa pagkasilo sa kasakiman sapagkat si apostol Pablo ay nagbababala sa atin: “Hindi ba ninyo alam na ang mga taong liko ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos? Huwag kayong padaya. Kahit ang mga mapakiapid, ni ang mga sumasamba sa diyus-diyusan, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga lalaking ukol sa di-natural na layunin, ni ang mga lalaking sumisiping ng paghiga sa kapuwa mga lalaki, ni ang mga magnanakaw, ni ang masasakim . . . ay magmamana ng kaharian ng Diyos.” (1 Corinto 6:9, 10) Sinabi rin sa atin ni Pablo: “Ang pakikiapid at ang ano mang uri ng karumihan o ang kasakiman ay huwag man lamang masambit sa gitna ninyo.” (Efeso 5:3) Samakatuwid ang kasakiman ay hindi dapat maging isang paksa kahit ng usapan sa layunin na busugin ang ating di-sakdal na laman.
6, 7. (a) Anong mga halimbawa sa Bibliya ang nagbibigay-diin sa pinsalang maaaring magawa ng kasakiman? (b) Bakit ang mga halimbawang iyon ay dapat maging isang babala sa atin?
6 Si Jehova ay nagpasulat ng maraming halimbawa upang maging alisto tayo sa panganib ng kasakiman. Alalahanin ang kasakiman ni Achan. Sinabi ng Diyos na ang Jerico ay pupuksain, subalit ang ginto, pilak, tanso, at bakal na makukuha roon ay para sa Kaniyang kabang-yaman. Marahil sa pasimula ay nais ni Achan na sundin ang gayong utos, subalit nasilo siya ng kasakiman. Nang siya’y nasa Jerico na, para bang siya’y namimilí doon na kinakitaan niya ng di-kapani-paniwalang mga baratilyo, kasali na ang isang magandang kasuutan na waring tamang-tama para sa kaniya. Sa pangunguha ng ginto at pilak na nagkakahalaga ng libu-libong dolyar, marahil ay naisip niya, ‘Anong laking kapalaran! Murang-mura, mistulang pagnanakaw.’ Ganiyang-ganiyan! Sa pagnanasa ng mga bagay na dapat sana’y pinuksa o ibinigay sa dapat pagbigyan, nagnakaw siya sa Diyos, at ang kapalit niyaon ay buhay ni Achan. (Josue 6:17-19; 7:20-26) Isaalang-alang, din naman, ang mga halimbawa nina Gehazi at Judas Iscariote.—2 Hari 5:8-27; Juan 6:64; 12:2-6.
7 Huwag nating kaliligtaan na ang tatlong binanggit na ay hindi mga pagano na walang alam sa mga pamantayan ni Jehova. Bagkus, sila’y nasa isang nag-alay na kaugnayan sa Diyos. Lahat sila ay nakasaksi ng mga himala na dapat sanang nagkintal sa kanila ng kapangyarihan ng Diyos at ng kahalagahan ng patuloy na pagkakamit ng kaniyang pagsang-ayon. Gayunman, ang silo ng kasakiman ang nagpabagsak sa kanila. Tayo man ay maaaring magpahamak ng ating kaugnayan sa Diyos kung hahayaan natin na masilo tayo ng anumang anyo ng kasakiman. Anu-ano bang uri o anyo ng kasakiman ang maaaring magsilbing higit na mapanganib sa atin?
Nasilo ng Kasakiman sa Kayamanan o mga Ari-arian
8. Ang Bibliya ay nagbibigay ng anong babala tungkol sa kayamanan?
8 Karamihan ng Kristiyano ay nakarinig ng malinaw na mga babala buhat sa Bibliya laban sa pag-ibig sa kayamanan, ang pagnanasang yumaman. Bakit hindi repasuhin ang ilan sa mga ito, gaya ng matatagpuan sa Mateo 6:24-33; Lucas 12:13-21 at 1 Timoteo 6:9, 10? Bagaman inaakala mong tinatanggap mo at sinusunod ang gayong payo, hindi ba sina Achan, Gehazi, at Judas ay malamang na nagsabing sila’y sumasang-ayon din doon? Maliwanag, hindi lamang ang pagsang-ayon sa isip ang kailangan natin. Pakaingatan natin na ang silo ng kasakiman sa kayamanan o mga ari-arian ay huwag makaapekto sa ating araw-araw na pamumuhay.
9. Bakit dapat nating suriin ang ating saloobin tungkol sa pamimili?
9 Sa araw-araw na pamumuhay, kalimitan na tayo’y kinakailangang bumili—ng pagkain, pananamit, at mga bagay na para sa tahanan. (Genesis 42:1-3; 2 Hari 12:11, 12; Kawikaan 31:14, 16; Lucas 9:13; 17:28; 22:36) Subalit pinasisigla ng daigdig ng komersiyo ang hangarin para sa higit pa at mas bagong mga bagay. Marami sa mga anunsiyo sa mga pahayagan, magasin, at TV ay nakabalatkayong mga pagsisikap na pukawin ang damdamin ng kasakiman. Ang ganiyang mga anunsiyo ay maaaring makita rin sa mga tindahan na may nakasabit na mga blusa, amerikana, bestida, at mga pangginaw, may mga eskaparate ng bagong mga sapatos, mga gamit na electronic, at mga kamera. Isang katalinuhan para sa mga Kristiyano na tanungin ang kanilang sarili, ‘Ang pamimilí ba ay naging isang tampok o pangunahing kasiyahan ko sa buhay?’ ‘Talaga bang kailangan ko ang nakikita kong mga bagong bagay, o ang daigdig ng komersiyo ay naghahasik lamang sa akin ng mga binhi ng kasakiman?’—1 Juan 2:16.
10. Anong silo ng kasakiman ang lalong higit na isang panganib para sa mga lalaki?
10 Kung ang pamimilí ay waring isang karaniwang silo para sa mga babae, ang pagkita ng higit pang salapi ay isang silo para naman sa napakaraming lalaki. Ang silong ito ay ipinaghalimbawa ni Jesus sa isang taong mayaman na kumikita ng malaki ngunit desididong ‘gibain ang kaniyang mga bangan at magtayo ng lalong malalaki upang doon tipunin ang lahat ng kaniyang ani at mabubuting bagay.’ Niliwanag ni Jesus ang tungkol sa panganib: “Kayo’y manatiling gising at mag-ingat kayo laban sa lahat ng uri ng kaimbutan” o kasakiman. (Lucas 12:15-21) Mayaman man tayo o hindi, dapat nating bigyang-pansin ang payong iyan.
11. Papaanong ang isang Kristiyano ay maaaring masilo ng kasakiman sa higit pang salapi?
11 Ang kasakiman sa higit pang salapi, o sa mga bagay na nabibili ng salapi, ay kadalasan pinauunlad sa ilalim ng isang balatkayo. Isang panukala para sa madaling pagyaman ang maaaring iharap—marahil isang minsanang-pagkakataon-sa-buhay para matamo ang kasiguruhan sa kabuhayan sa pamamagitan ng isang mapanganib na pamumuhunan. O ang isa ay maaaring matuksong kumita ng pera sa pamamagitan ng kahina-hinala o ilegal na mga pamamaraan sa negosyo. Ang mapag-imbot na hangaring ito ay maaaring makapanaig, makasilo. (Awit 62:10; Kawikaan 11:1; 20:10) Ang ilan sa loob ng kongregasyong Kristiyano ay nagsimulang magnegosyo na umaasang ang kanilang nagtitiwalang mga kapatid ang magiging pangunahing suki nila. Kung ang kanilang layunin ay hindi ang basta makapaglaan lamang ng isang kinakailangang produkto o serbisyo sa pamamagitan ng ‘pagpapagal, na ginagamit ang kanilang mga kamay sa mabuting gawain,’ kundi ang mabilis na kumita ng salapi sa ikapipinsala ng kanilang kapuwa mga Kristiyano, sila ay kumikilos nang dahil sa kasakiman. (Efeso 4:28; Kawikaan 20:21; 31:17-19, 24; 2 Tesalonica 3:8-12) Ang kasakiman sa salapi ang umakay sa ilan upang magsugal sa pamamagitan ng mga ripa, sweepstakes, o mga loterya. Ang iba, na ipinagwawalang-bahala ang pakikiramay at pagkamakatuwiran, ay agad nagsampa ng mga demanda sa pag-asang makakuha ng malaking bayad-pinsala.
12. Bakit natin nalalaman na ang kasakiman sa kayamanan ay maaaring madaig?
12 Ang mga nabanggit na ay mga pitak na kung saan nararapat na gumawa ng pagsusuri sa sarili upang makita natin nang may kataimtiman kung tayo nga’y pinakikilos na ng kasakiman. Kahit na kung gayon nga, maaari tayong magbago. Tandaan na si Zakeo ay nagbago. (Lucas 19:1-10) Kung sakaling masumpungan ng isa na ang kasakiman sa kayamanan o mga ari-arian ay isang suliranin, dapat siyang maging desididong gaya ni Zakeo upang makakalas sa silo.—Jeremias 17:9.
Ang Kasakiman sa Iba Pang mga Pitak ng Buhay
13. Sa Awit 10:18 ay tinatawagan tayo ng pansin sa ano pang ibang silo ng kasakiman?
13 Para sa ilan ay mas madaling makita ang panganib ng kasakiman sa salapi o mga ari-arian kaysa iba pang mga paraan. Isang diksiyunaryo sa Griego ang nagsasabi na ang grupo ng mga salitang isinaling “kasakiman” o “kaimbutan” ay may diwa na “ ‘pagnanasa sa higit pa,’ may kaugnayan sa kapangyarihan atb. at gayundin sa ari-arian.” Oo, maaari tayong masilo sa pamamagitan ng may kasakimang pagnanais na magtaglay ng kapangyarihan sa iba, marahil upang sila’y mangilabot sa ilalim ng ating awtoridad.—Awit 10:18.
14. Sa anong mga larangan naging mapaminsala ang paghahangad ng kapangyarihan?
14 Buhat pa noong una ang di-sakdal na mga tao ay nagtamasa na ng kapangyarihan sa iba. Nakinikinita na ng Diyos na isang malungkot na resulta ng pagkakasala ng tao ay ang pagiging “dominado” ng maraming lalaki ang kani-kanilang asawa. (Genesis 3:16) Subalit, ang ganitong kahinaan ay hindi lamang sa relasyon ng mag-asawa naganap. Libu-libong taon ang nakalipas, binanggit ng isang manunulat ng Bibliya na “dominado ng tao ang kaniyang kapuwa tao sa kaniyang ikapipinsala.” (Eclesiastes 8:9) Malamang na alam mo na totoong-totoo nga ito sa larangan ng pulitika at militar, ngunit hindi kayâ sa mga naiimpluwensiyahan natin, maaaring nagsisikap tayo na magkamit ng higit na personal na kapangyarihan o kontrol?
15, 16. Sa anu-anong paraan maaaring masilo ang isang Kristiyano ng hangaring magkaroon ng higit pang kapangyarihan? (Filipos 2:3)
15 Lahat tayo ay may kaugnayan sa iba pang mga tao—sa ating malapit o malayong mga kamag-anak, sa ating pinapasukang trabaho o sa paaralan, sa ating mga kaibigan, at sa kongregasyon. Paminsan-minsan, o madalas, baka may bahagi tayo sa pagpapasiya kung ano ang gagawin, at kung papaano o kung kailan gagawin iyon. Iyan kung sa ganang sarili ay hindi naman mali o masama. Ngunit, tayo ba ay labis na nasisiyahang gamitin ang anumang awtoridad na taglay natin? Baka naman gusto nating tayo palagi ang gumagawa ng pangkatapusang desisyon at ibig natin ng higit at higit pa nito? Ang makasanlibutang mga manedyer o mga boss ay kalimitan makikitaan ng ganitong saloobin sa pamamagitan ng nakapalibot sa kanila na mga taong basta lamang amen-nang-amen, na hindi sumasalungat man lamang at hindi hinahamon ang makasanlibutang pagkagahaman (kasakiman) sa kapangyarihan ng mga nakatataas sa kanila.
16 Ito ay isang silo na dapat iwasan sa pakikitungo sa kapuwa mga Kristiyano. Sinabi ni Jesus: “Alam ninyo na ang mga pinunò ng mga bansa ay nag-aastang panginoon sa kanila at ang kanilang mga dakila ay nagsisigamit ng awtoridad sa kanila. Sa inyo’y hindi magkakagayon; kundi sino man sa inyo na ibig maging dakila ay kailangang maging ministro ninyo.” (Mateo 20:25, 26) Ang ganiyang pagpapakumbaba ay dapat makita sa pakikitungo sa isa’t isa ng Kristiyanong matatanda, sa ministeryal na mga lingkod, at sa kawan. Hindi ba ang paghahangad ng kapangyarihan ay masasalamin, halimbawa, sa isang punong tagapangasiwa na kumukunsulta sa kaniyang kapuwa matatanda sa maliliit na bagay lamang ngunit lahat ng pangunahing desisyon ay siya ang gumagawa? Siya ba ay tunay na handang ipagkatiwala sa iba ang pananagutan? Mga suliranin ang ibubunga kung ang isang ministeryal na lingkod na nangunguna sa isang pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan ay di-makatuwiran at mapaghanap kung tungkol sa kaniyang mga kaayusan, gumagawa pa mandin ng mga alituntunin.—1 Corinto 4:21; 9:18; 2 Corinto 10:8; 13:10; 1 Tesalonica 2:6, 7.
17. Bakit angkop na isaalang-alang ang pagkain pagka pinag-uusapan ang silo ng kasakiman?
17 Ang pagkain ay isa pa ring bagay na marami ang nasisilo ng kasakiman. Mangyari pa, natural na makasumpong ng kasiyahan sa pagkain at pag-inom; sang-ayon diyan ang Bibliya. (Eclesiastes 5:18) Gayunman, posible na ang isang hangarin tungkol dito ay tumindi pagkalipas ng isang yugto ng panahon, na lumalampas pa kaysa makatuwirang tamasahin at masapatan. Kung ito’y hindi angkop na ikabahala ng mga lingkod ng Diyos, bakit sinasabi ng Salita ni Jehova sa Kawikaan 23:20: “Huwag kang mapasama sa malalakas uminom ng alak, sa mga matatakaw sa karne”? Subalit, papaano natin iniiwasan ang silo na ito?
18. Anong pagsusuri sa sarili tungkol sa pagkain at pag-inom ang maaari nating gawin?
18 Hindi ipinapayo ng Diyos na ang kaniyang mga lingkod ay sumunod sa isang mahigpit at sistematikong plano sa pagkain. (Eclesiastes 2:24, 25) Ngunit hindi rin naman siya sang-ayon na ang ating pagkain at pag-inom ay maging isang nangingibabaw na bahagi ng ating pag-uusap at pagpaplano. Maitatanong natin sa ating sarili, ‘Malimit bang ako’y labis na masigla pagka ako’y nagbibida tungkol sa kinain kong pananghalian o pinaplano kong kainin?’ ‘Ako ba’y laging nagbibida tungkol sa pagkain at pag-inom?’ Maaaring ang isa pang panukat ay kung papaano tayo naaapektuhan pagka kumain nang hindi tayo ang naghanda o nagbayad, marahil pagka tayo ay isang bisita sa tahanan ng iba o pagka kumakain sa isang asambleang Kristiyano. Maaari kayâ na kung ganoon ay mas marami tayong nakakain? Nagugunita natin na pinayagan ni Esau na ang pagkain ay maging labis na mahalaga sa kaniya, sa walang-hanggang ikinapinsala niya.—Hebreo 12:16.
19. Papaano magiging suliranin ang kasakiman sa seksuwal na kaluguran?
19 Binibigyan tayo ni Pablo ng matalinong unawa sa isa pang silo: “Ang pakikiapid at lahat ng uri ng karumihan o ang kasakiman ay huwag man lamang masambit sa gitna ninyo, gaya ng nararapat sa mga banal.” (Efeso 4:17-19; 5:3) Oo, maaaring tumubo ang kasakiman sa seksuwal na kaluguran. Mangyari pa, ang kasiyahang ito ay angkop na tamasahin ng mga mag-asawa lamang. Ang matimyas na pagmamahalang kaugnay ng kalugurang ito ay gumaganap ng bahagi sa pagtulong sa mag-asawa na manatiling tapat sa isa’t isa sa loob ng maraming taon ng pagsasama. Ngunit, kakaunting tao ang magtatatwa na sa kasalukuyang sanlibutan ay labis na idiniriin ang tungkol sa sekso, na inaaring pangkaraniwan na ang mga bagay na sa totoo ay kinasasalaminan ng kasakiman na binanggit ni Pablo. Ang lalo nang madaling sumunod sa gayong maling pagkakilala sa seksuwal na kaluguran ay yaong naghahantad ng kanilang sarili sa imoralidad at pagkahubo’t hubad na karaniwang makikita ngayon sa maraming pelikula, video, at magasin, gayundin sa mga lugar ng aliwan.
20. Papaano maipakikilala ng mga Kristiyano na sila’y alisto sa panganib ng kasakiman sa seksuwal na pagtatalik?
20 Ang ulat ng kasalanan ni David na pakikiapid kay Bath-sheba ay nagpapakita na ang isang lingkod ng Diyos ay maaaring masilo ng kasakiman sa sekso. Bagaman malayang makapagtatamasa ng kaluguran sa kaniyang sariling asawa, pinayagan ni David na umunlad sa kaniya ang bawal na hangarin sa sekso. Nang mapansin na napakaganda ang asawa ni Uriah, hindi niya napigil ang kaniyang kaisipan—at mga kilos—na magkaroon ng bawal na pakikipagtalik sa kaniya. (2 Samuel 11:2-4; Santiago 1:14, 15) Tunay na kailangang iwasan natin ang ganitong anyo ng kasakiman. Kahit na sa pakikipagtalik sa sariling asawa ay nararapat na iwasan ang kasakiman. Kasali na rito ang pagtanggi sa sukdulang mga paraan sa seksuwal na pagtatalik. Ang isang lalaking desididong iwasan ang kasakiman sa bagay na ito ay tunay na magiging interesado sa kaniyang kabiyak, kung kaya anuman ang minabuti nilang gawing mag-asawa tungkol sa pagpaplano ng pamilya, hindi ituturing ng lalaki na ang kaniyang kasiyahan ay lalong mahalaga kaysa kasalukuyan o hinaharap na kalusugan ng kaniyang asawa.—Filipos 2:4.
Patuloy na Maging Desididong Iwasan ang Kasakiman
21. Bakit ang ating pagtalakay sa kasakiman ay hindi dapat magpahina ng ating loob?
21 Si Jehova ay hindi nagbibigay ng payo na mag-ingat o ng mga babala nang dahil sa anumang kawalang-pagtitiwala. Batid niya na ang kaniyang tapat na mga lingkod ay nagnanais maglingkod sa kaniya nang buong katapatan, at nagtitiwala siya na ang lubhang karamihan ay magpapatuloy sa paggawa niyan. Tungkol sa kaniyang bayan sa kabuuan, kaniyang masasambit ang gaya ng sinabi niya tungkol kay Job nang nakikipag-usap kay Satanas: “Iyo bang pinansin ang aking lingkod na si Job, na walang gaya niya sa lupa, isang lalaking walang kapintasan at matuwid, natatakot sa Diyos at humihiwalay sa kasamaan?” (Job 1:8) Binibigyan tayo ng babala ng ating maibigin, mapagtiwalang Ama sa langit tungkol sa mapanganib na mga silo, halimbawa yaong may kaugnayan sa mga anyo ng kasakiman, sapagkat ibig niya na magpatuloy tayo na walang bahid-dungis at tapat sa kaniya.
22. Ano ang dapat nating gawin kung sa ating pag-aaral ay nahayag ang isang personal na panganib o kahinaan?
22 Bawat isa sa atin ay nagmana ng hilig sa kasakiman, at maaaring higit pang umunlad sa atin ang gayon sa ilalim ng impluwensiya ng balakyot na sanlibutan. Ano kung sa pag-aaral natin ng kasakiman—sa kayamanan, mga ari-arian, kapangyarihan at awtoridad, pagkain, o seksuwal na kaluguran—ay nakakita ka ng kahinaan? Kung gayo’y isapuso ang payo ni Jesus: “Kung ang kamay mo ay makapagpapatisod sa iyo, putulin mo; mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na pingkaw kaysa may dalawang kamay ka na mapabulid sa Gehenna.” (Marcos 9:43) Gumawa ng anumang mga pagbabago na kailangan sa saloobin o mga interes. Iwasan ang nakamamatay na silo ng kasakiman. Sa gayon, sa tulong ng Diyos, ikaw ay maaaring “makapasok sa buhay.”
Ano ba ang Natutuhan Ko?
◻ Bakit tayo dapat mabahala tungkol sa silo ng kasakiman?
◻ Sa anu-anong paraan maaaring makasilo sa atin ang kasakiman sa kayamanan o mga ari-arian?
◻ Papaano maaaring ang kasakiman sa ibang mga pitak ng buhay ay makapagharap ng tunay na mga panganib?
◻ Ano ang dapat na maging saloobin natin sa anumang kahinaan na taglay natin may kaugnayan sa kasakiman?