GALILEA
[Rehiyon; Sirkito [mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “gumulong; igulong”]], Taga-Galilea.
Nang unang banggitin sa Bibliya ang Galilea, tinutukoy ito bilang isang distrito sa bulubunduking pook ng Neptali, na kinaroroonan ng kanlungang lunsod ng Kedes. (Jos 20:7) Pagsapit ng panahon ni Isaias, kung hindi man bago pa nito, ang Galilea ay sakop na ng teritoryo ng Zebulon. Marahil ay maraming di-Israelita ang naninirahan sa Galilea, anupat dito nanggaling ang pananalitang “Galilea ng mga bansa.” (Isa 9:1) Iniisip ng ilang iskolar na ang 20 lunsod ng Galilea na inialok ni Haring Solomon kay Hiram na hari ng Tiro ay malamang na tinatahanan ng mga pagano. (1Ha 9:10-13; tingnan ang CABUL Blg. 2.) Nilupig ng Asiryanong hari na si Tiglat-pileser III ang Galilea noong panahon ng pamamahala ng Israelitang hari na si Peka (noong ikawalong siglo B.C.E.).—2Ha 15:29.
Mga Hangganan. (MAPA, Tomo 2, p. 738) Sa paglipas ng mga taon, nagpabagu-bago ang mga hangganan ng teritoryo ng Galilea. Waring ang pinakamalawak na naabot ng mga ito ay mga 100 por 50 km (60 por 30 mi) at sinaklaw nito ang sinaunang mga teritoryo ng mga tribo nina Aser, Isacar, Neptali, at Zebulon. Gayunman, noong panahon ng ministeryo ni Jesu-Kristo sa lupa, ang Galilea, na nasa ilalim ng kapamahalaan ni Herodes Antipas (Luc 3:1), ay sumaklaw lamang nang mga 40 km (25 mi) mula S hanggang K at mga 60 km (37 mi) mula H hanggang T.
Nasa dakong T ng Galilea ang Samaria, anupat ang timugang hangganan nito ay sumasaklaw mula sa paanan ng Bundok Carmel sa kahabaan ng Libis ng Jezreel (Esdraelon) tungo sa Scythopolis (Bet-sean) at hanggang sa Jordan. Ayon kay Josephus, ang Ilog Jordan, kasama ang Dagat ng Galilea at Lawa ng Hula (sa ngayon ay halos tuyo na), ang naging silanganing hangganan, ngunit maaaring may mga lugar kung saan ang hangganang iyon ay hindi gaanong malinaw. Ang teritoryo ng Tiro, na umaabot hanggang sa ibaba ng sinaunang lunsod ng Kedes (Kedasa, Cydasa), ay kahangga ng Galilea sa H. (The Jewish War, III, 35-40 [iii, 1]; II, 459 [xviii, 1]; IV, 104, 105 [ii, 3]) Nasa dakong K naman ang teritoryo ng Tolemaida (Aco) at ang Bundok Carmel.
Ang hilagaang Romanong probinsiyang ito ng Palestina sa K ng Jordan ay hinati pa at naging Mataas at Mababang Galilea. Ang hangganan sa pagitan ng dalawang Galilea ay umaabot mula sa Tiberias sa K pampang ng Dagat ng Galilea hanggang sa isang lugar sa kapaligiran ng Tolemaida.—The Jewish War, III, 35 (iii, 1).
Heograpiya. Noong unang siglo C.E., bago ang pakikipagdigma sa Roma, makapal ang populasyon ng Galilea at nagtatamasa ito ng malaking kasaganaan. Maunlad ang industriya ng pangingisda sa Dagat ng Galilea. Kabilang sa iba pang mga hanapbuhay ang paghahabi, pagtibag ng mga bato, paggawa ng mga barko, at paggawa ng mga kagamitang luwad. Inangkin ng Judiong istoryador na si Josephus na may 204 na lunsod at nayon sa Galilea, anupat ang pinakamaliit sa mga ito ay tinatahanan ng mahigit pa sa 15,000. Kung ang testimonyong ito ay hindi pagpapalabis, gaya ng pinaniniwalaan ng iba, mangangahulugan ito na ang Galilea ay nagkaroon ng populasyon na mga tatlong milyon.—The Life, 235 (45); The Jewish War, III, 43 (iii, 2).
Maraming bukal sa Galilea at mataba ang lupa roon. Kaya lumilitaw na pagsasaka ang pangunahing hanapbuhay ng mga taga-Galilea. Sa ngayon, maraming iba’t ibang uri ng gulay, bukod pa sa trigo, sebada, igos, mijo, indigo, olibo, palay, tubó, kahel, peras, at apricot, ang itinatanim dito. Makapal ang kagubatan sa Galilea noong sinaunang panahon. Kabilang sa mga punungkahoy na masusumpungan pa rin doon ang sedro, sipres, abeto, ensina, adelpa, palma, pino, sikomoro, at walnut.
Kapuwa ang klima at heograpiya ng Galilea ay kakikitaan ng napakalaking pagkakaiba. Ang bulubunduking lupain ay malamig, ang baybaying dagat ay may katamtamang temperatura, at ang Libis ng Jordan ay mainit. Ang altitud ng Mababang Galilea sa kapaligiran ng Dagat ng Galilea ay mga 210 m (689 na piye) ang kababaan mula sa kapantayan ng dagat at ang pinakamataas na lugar dito ay ang Bundok Tabor, na may taas na 562 m (1,844 na piye). (LARAWAN, Tomo 1, p. 334) Gayunman, ang mga burol at bundok ng Mataas na Galilea ay may taas na mula 460 m (1,500 piye) hanggang 1,208 m (3,963 piye).
Mga Tao ng Galilea. Sa pangkalahatan, ang mga Judio ng Galilea ay naiiba sa mga Judio ng Judea. Ayon sa testimonyo ng mga rabbi noong sinaunang panahon, mahalaga sa mga taga-Galilea ang reputasyon, samantalang mas mahalaga naman sa mga Judeano ang salapi kaysa sa isang mabuting pangalan. Sa pangkalahatan, ang mga taga-Galilea ay hindi metikuloso sa tradisyon gaya ng mga Judeano. Sa katunayan, sa Talmud (Megillah 75a) ay pinaratangan ang mga taga-Galilea ng pagiging pabaya sa tradisyon. Sa bagay na ito, mapapansin na mga Pariseo at mga eskriba mula sa Jerusalem, hindi mula sa Galilea, ang nakipagtalo tungkol sa hindi pagtupad ng mga alagad ni Jesus sa tradisyonal na paghuhugas ng mga kamay.—Mar 7:1, 5.
Yamang ang Sanedrin at ang templo ay nasa Jerusalem, walang alinlangang mas maraming guro ng Kautusan doon; kaya naman may kawikaang Judio: “Pumaroon ka sa hilaga [sa Galilea] para sa kayamanan, pumaroon ka sa timog [sa Judea] para sa karunungan.” Ngunit hindi ito nangangahulugan na ignoranteng-ignorante ang mga taga-Galilea. Sa lahat ng mga lunsod at mga nayon ng Galilea ay may mga guro ng Kautusan at mga sinagoga. Ang mga sinagoga ay nagsilbing mga sentro para sa edukasyon. (Luc 5:17) Gayunman, maliwanag na para sa mga punong saserdote at mga Pariseo sa Jerusalem, nakahihigit sila sa karaniwang mga taga-Galilea anupat minalas nila ang mga ito bilang ignorante sa Kautusan. Halimbawa, nang ipagtanggol ni Nicodemo si Jesu-Kristo, sumagot ang mga Pariseo: “Hindi ka rin naman mula sa Galilea, hindi ba? Magsaliksik ka at tingnan mo na walang propetang ibabangon mula sa Galilea.” (Ju 7:45-52) Sa gayon ay winalang-bahala nila ang katuparan ng hula ni Isaias tungkol sa pangangaral ng Mesiyas.—Isa 9:1, 2; Mat 4:13-17.
Ipinapalagay ng ilan na ang naiibang puntong Galilea ay dahil sa impluwensiya ng mga banyaga. Talagang madaling makilala ang mga taga-Galilea sa kanilang pananalita (Mat 26:73), lalo na yamang nasa pagitan ng Galilea at Judea ang rehiyon ng Samaria. Maging sa ngayon, sa maraming bahagi ng daigdig, ang mga tao ay madaling makilala sa punto ng kanilang rehiyon. Gayundin, mayroon nang pagkakaiba-iba sa pagbigkas sa gitna ng mga tribo ng Israel mga ilang siglo bago pa nito. Ang kapansin-pansing halimbawa nito ay ang kawalang-kakayahan ng mga Efraimita noong mga araw ni Jepte na bigkasin nang wasto ang salitang “Shibolet.”—Huk 12:5, 6.
Ang ministeryo ni Jesus sa Galilea. Ang Galilea ay pinangyarihan ng maraming namumukod-tanging pangyayari sa buhay ni Jesus sa lupa. Ang mga lunsod sa Galilea na Betsaida, Cana, Capernaum, Corazin, Nain, at Nazaret, gayundin ang mga rehiyon ng Magadan, ay espesipikong binanggit may kinalaman sa kaniyang gawain. (Mat 11:20-23; 15:39; Luc 4:16; 7:11; Ju 2:11; tingnan ang BETSAIDA.) Ang kalakhang bahagi ng buhay ni Jesus sa lupa ay ginugol niya sa Nazaret na lunsod ng Galilea. (Mat 2:21-23; Luc 2:51, 52) Sa isang piging ng kasalan sa Cana, isinagawa niya ang kaniyang unang himala nang ang tubig ay gawin niyang napakainam na alak. (Ju 2:1-11) Pagkatapos na maaresto si Juan na Tagapagbautismo, si Jesus ay umalis sa Judea, nagtungo sa Galilea at nagsimulang maghayag: “Magsisi kayo, sapagkat ang kaharian ng langit ay malapit na.” (Mat 4:12-17) Habang naglalakbay si Jesus sa buong Galilea, nagturo siya sa iba’t ibang sinagoga. Nang maglaon ay nakarating siya sa Nazaret na kaniyang sariling bayan, kung saan noong araw ng Sabbath ay binasa niya sa Isaias kabanata 61 ang tungkol sa kaniyang atas. Sa pasimula ay humanga kay Jesus yaong mga nasa sinagoga, ngunit nang ihambing niya sila sa mga Israelita noong mga araw ng mga propetang sina Elias at Eliseo, nagalit sila at nagtangkang patayin siya.—Luc 4:14-30.
Pagkatapos nito ay pumaroon si Jesus sa Capernaum, “isang lunsod ng Galilea,” at ginawa niya itong kaniyang tahanan. Maliwanag na malapit sa Capernaum, tinawag niya sina Andres, Pedro, Santiago, at Juan upang maging mga mangingisda ng mga tao. (Luc 4:31; Mat 4:13-22) Kasama ng apat na alagad na ito, pinasimulan ni Jesus ang isang malawakang paglalakbay sa Galilea upang mangaral. Noong siya’y nagtuturo at nagsasagawa ng makapangyarihang mga gawa, tinawag ni Jesus si Mateo mula sa tanggapan ng buwis sa Capernaum upang maging kaniyang tagasunod. (Mat 4:23-25; 9:1-9) Nang maglaon, sa isang bundok malapit sa Capernaum, pinili niya ang 12 apostol. Silang lahat, posibleng maliban kay Hudas Iscariote, ay mga taga-Galilea. Malapit din sa Capernaum, binigkas ni Jesus ang Sermon sa Bundok. (Luc 6:12-49; 7:1) Sa lunsod ng Nain sa Galilea, binuhay niyang muli ang kaisa-isang anak na lalaki ng isang balo. (Luc 7:11-17) Sa isang mas huling paglalakbay para sa pangangaral, muling dinalaw ni Jesus ang Nazaret ngunit muli siyang tinanggihan doon. (Mat 13:54-58) Sa Capernaum, noong panahon ng Paskuwa ng 32 C.E., noong panahon ng kaniyang panghuling puspusang paggawa sa teritoryo ng Galilea, maraming alagad ang natisod sa mga salita ni Jesus tungkol sa ‘pagkain ng kaniyang laman at pag-inom ng kaniyang dugo’ kung kaya iniwan nila ang Anak ng Diyos.—Ju 6:22-71.
Bagaman pangunahing inilalahad ng mga sinoptikong Ebanghelyo ang ministeryo ni Jesus sa Galilea, hindi pinabayaan ng Anak ng Diyos ang Judea, gaya ng maling palagay ng iba. Kapansin-pansin na sa pasimula ay naging interesado kay Jesus ang mga taga-Galilea dahil sa mga nakita nilang ginawa niya sa Jerusalem. (Ju 4:45) Gayunman, malamang na tinalakay nang higit ang gawain ni Jesus sa Galilea dahil mas handang tumugon ang mga taga-Galilea kaysa sa mga Judeano. Pinatutunayan ito ng pangyayari na ang unang mga alagad na tumanggap ng banal na espiritu ng Diyos ay mga taga-Galilea, na mga 120 katao. (Gaw 1:15; 2:1-7) Malamang na mas malakas ang kontrol at impluwensiya ng mga Judiong lider ng relihiyon sa mga Judeano kaysa sa mga taga-Galilea. (Ihambing ang Luc 11:52; Ju 7:47-52; 12:42, 43.) Sinasabi ng ilan na ang pulutong na nagsigawan na patayin si Jesus ay pangunahin nang binubuo ng mga Judeano (Mat 27:20-23), samantalang yaon namang mga nagbunyi kay Jesus bilang hari bago nito ay marahil pangunahin nang mga taga-Galilea. (Mat 21:6-11) Ang presensiya ng maraming taga-Galilea at iba pang mga di-Judeano noong panahon ng Paskuwa ay maaaring nakaragdag sa takot ng mga lider sa Jerusalem na lantarang dakpin si Jesus dahil ‘sa pangamba na may kaguluhang bumangon.’—Mat 26:3-5.