‘Makipagkaibigan sa Pamamagitan ng Di-Matuwid na mga Kayamanan’
“Gumawa kayo ng kaibigan para sa inyong sarili sa pamamagitan ng di-matuwid na mga kayamanan . . . Ang taong tapat sa pinakakaunti ay tapat din sa marami.”—LUCAS 16:9, 10.
1. Papaano pumuri kay Jehova si Moises at ang mga anak na lalaki ng Israel pagkatapos na sila’y makalaya mula sa Ehipto?
INILIGTAS ng isang himala—anong nakapagpapatibay -pananampalatayang karanasan! Ang paglabas ng Israel mula sa Ehipto ay ipinalalagay na dahilan kay Jehova, ang Makapangyarihan-sa-Lahat, at wala nang iba. Hindi kataka-taka kung umawit man nang ganito si Moises at ang mga Israelita: “Si Jah ay aking lakas at aking kapangyarihan, yamang siya’y nagsilbing aking kalakasan. Ito ang aking Diyos, at siya’y aking pupurihin; Diyos ng aking ama, at siya’y aking tatanghalin.”—Exodo 15:1, 2; Deuteronomio 29:2.
2. Ano ang dinala ng bayan ni Jehova nang sila’y umalis sa Ehipto?
2 Tunay na ibang-iba sa kanilang kalagayan sa Ehipto ang bagong taglay na kalayaan ng Israel! Ngayon ay makasasamba na sila kay Jehova nang walang sagabal. At hindi sila umalis sa Ehipto nang walang dala. Isinalaysay ni Moises: “Ang mga anak na lalaki ng Israel . . . ay humingi sa mga Ehipsiyo ng mga hiyas na pilak at mga hiyas na ginto at mga damit. At binigyan ni Jehova ang bayan ng pagsang-ayon sa paningin ng mga Ehipsiyo, kung kaya ibinigay ng mga ito sa kanila ang anumang hingin; at hinubaran nila ang mga Ehipsiyo.” (Exodo 12:35, 36) Subalit papaano nila ginamit ang mga kayamanang ito ng Ehipto? Ito ba’y nagbunga ng ‘pagtatanghal kay Jehova’? Ano ang ating matututuhan mula sa kanilang halimbawa?—Ihambing ang 1 Corinto 10:11.
“Ang Abuloy kay Jehova”
3. Ang paggamit ng Israel ng ginto sa maling pagsamba ay nag-udyok kay Jehova na gawin ang ano?
3 Sa 40-araw na pansamantalang pananatili ni Moises sa Bundok Sinai upang tanggapin ang mga tagubilin ng Diyos para sa Israel, ang mga taong naghihintay sa ibaba ay di-mapakali. Habang inaalis ang kanilang mga gintong hikaw, inutusan nila si Aaron na gumawa ng isang larawan na kanilang sasambahin. Iginawa rin sila ni Aaron ng isang altar, at maaga kinabukasan, sila’y nagsipaghandog doon. Ang paggamit bang ito ng kanilang mga ginto ay naging dahilan upang mapamahal sila sa kanilang Tagapagligtas? Hinding-hindi! “Ngayo’y bayaan mo ako,” pahayag ni Jehova kay Moises, “na ang aking galit ay mag-alab laban sa kanila at lipulin sila.” Dahil lamang sa pakiusap ni Moises kung kaya pinatawad ni Jehova ang bayan, bagaman ang mapaghimagsik na mga pasimuno ay pinatay ng salot mula kay Jehova.—Exodo 32:1-6, 10-14, 30-35.
4. Ano ang “abuloy kay Jehova,” at sino ang naghandog niyaon?
4 Nang maglaon, nagkaroon ng pagkakataon ang Israel na magamit ang kayamanang taglay nila sa isang paraang talagang sinasang-ayunan ni Jehova. Sila’y nag-ipon ng “isang abuloy para kay Jehova.”a Ginto, pilak, tanso, káyong bughaw, iba’t ibang tininaang gamit, balat ng tupang lalaki, balat ng poka, at kahoy na akasya ang ilan sa mga donasyon para sa pagtatayo at sa paglalagay ng kagamitan ng tabernakulo. Inaakay tayo ng ulat tungo sa saloobin ng mga nag-abuloy. “Hayaang bawat may kusang-loob ay magdala nito bilang abuloy kay Jehova.” (Exodo 35:5-9) Puspusang tumugon ang Israel. Kaya nga, ang tabernakulo ay naging isang kayarian ng “kagandahan at dakilang karingalan,” bilang pagsipi sa mga salita ng isang iskolar.
Pag-aabuluyan sa Templo
5, 6. May kaugnayan sa templo, papaano ginamit ni David ang kaniyang mga kayamanan, at papaano tumugon ang iba?
5 Bagaman pinangasiwaan ni Haring Solomon ng Israel ang pagtatayo ng isang permanenteng bahay para sa pagsamba kay Jehova, si David, ang kaniyang ama, ay gumawa ng isang malawakang paghahanda para rito. Nagtipon siya ng napakaraming ginto, pilak, tanso, bakal, kahoy, at mamahaling mga bato. “Yamang nalulugod ako sa bahay ng aking Diyos,” ang sabi ni David sa kaniyang bayan, “mayroon pa akong isang tanging tinatangkilik, na sariling ginto at pilak; aking ibibigay iyon sa bahay ng aking Diyos bukod sa lahat na aking inihanda para sa banal na bahay: tatlong libong talentong ginto . . . at pitong libong talentong dalisay na pilak, upang ibalot sa mga pader ng mga bahay.” Hinimok ni David ang iba na maging bukas-palad din naman. Labis-labis ang pagtugon: higit pang mga ginto, pilak, tanso, bakal, at mamahaling mga bato. “May sakdal na puso,” ang bayan ay “naghandog na kusa kay Jehova.”—1 Cronica 22:5; 29:1-9.
6 Sa pamamagitan ng kusang-loob na pag-aabuloy na ito, nagpamalas ang mga Israelita ng lubusang pagpapahalaga sa pagsamba kay Jehova. Mapagpakumbabang nanalangin si David: “Sino ako at sino ang aking bayan, anupat dapat naming mapanatili ang kapangyarihan na naghahandog na kusa na gaya nito?” Bakit? “Sapagkat ang lahat ng bagay ay mula sa iyo, at mula sa iyong sariling kamay aming ibinigay sa iyo. . . . Ako, para sa aking bahagi, sa katuwiran ng aking puso ay naghahandog na kusa ng lahat ng bagay na ito.”—1 Cronica 29:14, 17.
7. Anong babalang aral ang natututuhan natin sa kaarawan ni Amos?
7 Subalit, ang mga tribo ng Israel ay nabigong ipagpatuloy na gawing pinakamahalaga sa kanilang isip at puso ang pagsamba kay Jehova. Noong ika-siyam na siglo B.C.E., nagkasala ng pagkukulang sa espirituwal ang nabahaging Israel. May kinalaman sa sampung-tribong kaharian ng Israel sa hilaga, nagpahayag si Jehova sa pamamagitan ni Amos: “Sa aba niyaong nagwawalang-bahala sa Sion at niyaong nagtitiwala sa bundok ng Samaria!” Inilarawan niya sila bilang mga lalaking “nahihiga sa higaang garing . . . nagsisiunat sa kanilang mga hiligan, . . . kumakain ng mga batang tupa mula sa kawan at ng mga batang toro mula sa mga pinatabang guya; . . . umiinom mula sa mga mangkok ng alak.” Ngunit ang kanilang kariwasaan ay hindi sanggalang. Nagbabala ang Diyos: “Sila’y magsisiyaong bihag sa unahan niyaong nagsisiyaong bihag, at ang maingay na pagsasaya nila na nagsisiunat ay dapat lumisan.” Noong 740 B.C.E., nagdusa ang Israel sa mga kamay ng Asiria. (Amos 6:1, 4, 6, 7) At dumating ang takdang panahon na naging biktima rin ng materyalismo ang kaharian ng Juda sa timog.—Jeremias 5:26-29.
Angkop na Paggamit ng Tinatangkilik Noong Panahon ng mga Kristiyano
8. Anong mabuting halimbawa ang ipinakita nina Jose at Maria kung tungkol sa paggamit ng tinatangkilik?
8 Kabaligtaran naman, ang mahirap na kalagayan ng mga lingkod ng Diyos noong sumunod na mga panahon ay hindi nakahadlang sa pagpapamalas nila ng sigasig para sa tunay na pagsamba. Halimbawa’y sina Maria at Jose. Bilang pagsunod sa utos ni Cesar Augusto, sila’y naglakbay patungo sa sariling bayan ng kanilang pamilya, ang Betlehem. (Lucas 2:4, 5) Doon ipinanganak si Jesus. Pagkaraan ng apatnapung araw, dumalaw sina Jose at Maria sa templo sa karatig na Jerusalem upang iharap ang iniutos na handog sa pagdadalisay. Nagpapahiwatig ng kanilang mahirap na kalagayan sa materyal, naghandog si Maria ng dalawang maliliit na ibon. Hindi nila ginawang dahilan ang kahirapan. Sa halip, buong-pagsunod nilang ginamit ang kanilang kaunting tinatangkilik.—Levitico 12:8; Lucas 2:22-24.
9-11. (a) Ang mga salita ni Jesus sa Mateo 22:21 ay naglalaan ng anong patnubay kung tungkol sa paggamit ng ating salapi? (b) Bakit hindi nawalan ng kabuluhan ang paghahandog ng babaing balo ng maliit na abuloy?
9 Nang maglaon, sinubok ng mga Fariseo at ng kasamahang mga tagasunod ni Herodes na linlangin si Jesus, sa pagsasabing: “Sabihin mo sa amin, kung gayon, Ano sa palagay mo? Kaayon ba ng batas na magbayad ng pangulong buwis kay Cesar o hindi?” Ang sagot ni Jesus ay nagsiwalat ng kaniyang mabuting pagpapasiya. Tinutukoy ang baryang ibinigay nila sa kaniya, nagtanong si Jesus: “Kaninong larawan at inskripsiyon ito?” Sumagot sila: “Kay Cesar.” May-katalinuhang nagtapos siya: “Kung gayon, ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” (Mateo 22:17-21) Alam ni Jesus na ang awtoridad na nagpalabas ng barya ay umaasa na dapat bayaran ang buwis. Subalit tinulungan niya roon ang kaniyang mga tagasunod at gayundin ang mga kaaway na maunawaang ang isang tunay na Kristiyano ay nagsisikap din na ibayad “sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” Kalakip dito ang angkop na paggamit ng materyal na tinatangkilik ng isa.
10 Ang isang pangyayari na nasaksihan ni Jesus sa templo ay naglalarawan nito. Katutuligsa pa lamang niya sa sakim na mga eskriba na ‘lumamon sa mga bahay ng mga babaing balo.’ “Nang siya ay tumingin nakita niya ang mayayaman na naghuhulog ng kanilang mga kaloob sa mga kabang-yaman,” ang pag-uulat ni Lucas. “Pagkatapos nakita [ni Jesus] ang isang nagdarahop na babaing balo na naghulog ng dalawang maliit na barya na may napakaliit na halaga, at sinabi niya: ‘Sinasabi ko sa inyo nang may katotohanan, Ang babaing balo na ito, bagaman dukha, ay naghulog ng higit kaysa sa kanilang lahat. Sapagkat ang lahat ng mga ito ay naghulog ng mga kaloob mula sa kanilang labis, ngunit ang babaing ito mula sa kaniyang kakapusan ay naghulog ng lahat ng kabuhayang taglay niya.’ ” (Lucas 20:46, 47; 21:1-4) Binanggit ng ilan na ang templo ay nagagayakan ng mamahaling mga bato. Sumagot si Jesus: “Kung tungkol sa mga bagay na ito na inyong minamasdan, ang mga araw ay darating na walang bato sa ibabaw ng isang bato ang maiiwan dito na hindi ibabagsak.” (Lucas 21:5, 6) Nawalan ba ng kabuluhan ang maliit na abuloy ng babaing balong iyon? Tiyak na hindi. Itinaguyod niya ang kaayusan na itinatag ni Jehova noon.
11 Sinabi ni Jesus sa kaniyang tunay na mga tagasunod: “Walang tagapaglingkod sa bahay ang maaaring maging alipin ng dalawang panginoon; sapagkat, alinman sa kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, o mananatili siya sa isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo maaaring maging mga alipin ng Diyos at ng kayamanan.” (Lucas 16:13) Samakatuwid, papaano natin maipakikita ang tamang pagtitimbang sa paggamit ng ating materyal na tinatangkilik?
Tapat na mga Katiwala
12-14. (a) Ang mga Kristiyano ay mga katiwala ng anong tinatangkilik? (b) Sa anong natatanging mga paraan ginagampanan ng bayan ni Jehova ang kanilang pagiging katiwala? (c) Saan nanggagaling ang salaping sumusuporta sa gawain ng Diyos sa ngayon?
12 Nang ialay natin ang ating buhay kay Jehova, tayo sa katunayan ay nagsasabing lahat ng taglay natin, lahat ng ating tinatangkilik, ay pag-aari niya. Kung gayon, papaano natin dapat gamitin ang tinataglay natin? Sa pagtalakay sa paglilingkurang Kristiyano sa kongregasyon, sumulat si Brother C. T. Russell, unang presidente ng Samahang Watch Tower: “Itinuturing ng bawat isa ang kaniyang sarili bilang hinirang ng Panginoon na katiwala ng kaniyang sariling panahon, impluwensiya, salapi, atb., at bawat isa ay dapat maghangad na gamitin ang mga talentong ito sa abot ng kaniyang makakaya, sa ikaluluwalhati ng Panginoon.”—The New Creation, pahina 345.
13 “Ang hinahanap sa mga katiwala ay na masumpungang tapat ang isang tao,” ang sabi sa 1 Corinto 4:2. Bilang isang pandaigdig na organisasyon, nagsisikap ang mga Saksi ni Jehova na kumilos ayon sa paglalarawang iyan, na ginagamit ang pinakamaraming panahon nila hangga’t maaari sa Kristiyanong ministeryo, anupat nililinang ang kanilang mga kakayahan sa pagtuturo. Bukod pa riyan, pangkat-pangkat na mga boluntaryo sa ilalim ng pangangasiwa ng mga Regional Building Committee ang nalulugod na maglaan ng kanilang panahon, lakas, at kakayahan upang magtayo ng maiinam na pulungan para sa pagsamba. Sa lahat ng ito, si Jehova ay nalulugod.
14 Saan nanggagaling ang salaping ginugugol sa malawak na kampanya ng pagtuturo at gawaing pagtatayo? Mula sa mga may kusang-loob, gaya nga noong panahon ng pagtatayo ng tabernakulo. Nakikibahagi ba ang bawat isa sa atin? Ipinakikita ba sa paraan ng paggamit natin ng ating salapi na pinakamahalaga sa atin ang paglilingkod kay Jehova? May kinalaman sa pananalapi, maging tapat na mga katiwala tayo.
Isang Huwaran ng Pagkabukas-Palad
15, 16. (a) Papaano nagpamalas ng pagkabukas-palad ang mga Kristiyano noong kaarawan ni Pablo? (b) Papaano natin dapat malasin ang ating kasalukuyang pinag-uusapan?
15 Sumulat si apostol Pablo hinggil sa bukas-palad na espiritu ng mga Kristiyano sa Macedonia at Acaya. (Roma 15:26) Bagaman sila mismo ay naghihirap, sila’y handang mag-abuloy upang makatulong sa kanilang mga kapatid. Hinimok ni Pablo ang mga Kristiyano sa Corinto na sila man ay bukas-palad na magbigay, anupat iniaabuloy ang kanilang labis upang mapunan ang kakulangan ng iba. Walang sinuman ang maaaring magbintang kay Pablo ng pangingikil. Isinulat niya: “Siya na naghahasik nang kakaunti ay mag-aani rin nang kakaunti; at siya na naghahasik nang sagana ay mag-aani rin nang sagana. Gawin ng bawat isa ang ayon sa ipinasiya ng kaniyang puso, nang hindi masama ang loob o sa ilalim ng pamimilit, sapagkat iniibig ng Diyos ang isang masayahing nagbibigay.”—2 Corinto 8:1-3, 14; 9:5-7, 13.
16 Ang bukas-palad na pag-aabuloy na ginagawa ng ating mga kapatid at ng interesadong mga tao para sa gawaing pang-Kaharian sa buong daigdig sa ngayon ay nagpapatunay lamang kung gaano nila pinahahalagahan ang pribilehiyong ito. Ngunit, gaya ng paalaala ni Pablo sa mga taga-Corinto, makabubuti para sa atin na isaalang-alang ang pag-uusap na ito bilang pagunita.
17. Anong huwaran ng pagbibigay ang iminumungkahi ni Pablo, at maikakapit ba ito sa ngayon?
17 Hinimok ni Pablo ang mga kapatid na sundin ang isang tiyak na kaayusan sa kanilang pagbibigay. “Sa bawat unang araw ng sanlinggo,” sabi niya, “ang bawat isa sa inyo ay magbukod na nakatabi sa kaniyang sariling bahay ng anuman ayon sa kaniyang pananagana.” (1 Corinto 16:1, 2) Iyan ay magsisilbing halimbawa para sa atin at sa ating mga anak sa pag-aabuloy natin, maging sa kongregasyon man o sa pinakamalapit na tanggapang pansangay mismo ng Samahang Watch Tower. Isang mag-asawang misyonero na inatasang mangaral sa isang bayan sa Silangang Aprika ang nag-anyaya sa mga interesado na sumama sa kanila sa isang pag-aaral ng Bibliya. Sa pagtatapos ng unang pulong na ito, maingat na naghulog ng ilang barya ang mga misyonerong ito sa isang kahon na may nakalagay na “Contributions for the Kingdom work.” Ang iba pang dumalo ay gayon din ang ginawa. Nang maglaon, pagkatapos na ang mga baguhang ito ay maorganisa sa pagiging isang Kristiyanong kongregasyon, dumalaw ang tagapangasiwa ng sirkito at nagkomento hinggil sa pagiging palagian ng kanilang pag-aabuloy.—Awit 50:10, 14, 23.
18. Papaano natin matutulungan ang mga kapatid nating nagdurusa?
18 Mayroon din tayong pribilehiyo na gamitin ang ating tinatangkilik upang tumulong sa mga biktima ng kalamidad dulot ng kalikasan at sa mga nakatira sa mga lugar na may digmaan. Gayon na lamang ang ating pagkamangha nang mabasa ang hinggil sa tulong na ipinadala sa Silangang Europa nang magkaroon ng pagkakagulo sa ekonomiya at pulitika sa lugar na iyan sa daigdig! Sa mga abuloy na produkto at salapi ay naipakita ang pagiging bukas-palad at pakikiisa ng ating mga kapatid sa naghihikahos na mga Kristiyano.b—2 Corinto 8:13, 14.
19. Anong praktikal na mga bagay ang magagawa natin upang matulungan yaong nasa buong-panahong paglilingkod?
19 Lubos nating pinahahalagahan ang gawain ng mga kapatid na nasa buong-panahong paglilingkod bilang mga payunir, naglalakbay na mga tagapangasiwa, misyonero, at mga boluntaryo sa Bethel, hindi ba? Ayon sa ipinahihintulot ng ating kalagayan, baka tuwirang makapag-aalok tayo sa kanila ng ilang tulong sa materyal. Halimbawa, kapag dumadalaw ang tagapangasiwa ng sirkito sa inyong kongregasyon, baka puwedeng mapaglaanan mo siya ng matutuluyan, pagkain, o tulong para sa kaniyang gastos sa pamasahe. Ang pagkabukas-palad na iyan ay nakikita ng ating Ama sa langit, na nagnanais pagmalasakitan ang kaniyang mga lingkod. (Awit 37:25) May ilang taon na ang nakalilipas isang kapatid na lalaki na walang maidudulot kundi isang karaniwang meryenda lamang ang nag-anyaya sa naglalakbay na tagapangasiwa at sa asawa nito sa kanilang bahay. Bago umalis ang mag-asawa para sa panggabing paglilingkod, iniabot ng kapatid ang isang sobre sa kaniyang mga bisita. Ang laman nito ay isang bank note (katumbas ng isang dolyar ng E. U.) na may kalakip na maikling sulat ng kamay: “Para sa tig-isang tasa ng tsa o isang galon ng gasolina.” Anong inam na pagpapahalaga ang naipamalas sa isang abang paraang ito!
20. Anong pribilehiyo at pananagutan ang hindi natin nais makaligtaan?
20 Sa espirituwal na paraan, ang bayan ni Jehova ay pinagpapala! Nasisiyahan tayo sa espirituwal na mga piging sa ating mga asamblea at mga kombensiyon, na doo’y nakatatanggap tayo ng mga bagong publikasyon, maiinam na turo, at praktikal na mga payo. Palibhasa’y nag-uumapaw ang puso sa pagpapahalaga sa ating espirituwal na mga pagpapala, hindi natin nalilimutan ang ating pribilehiyo at pananagutan na mag-abuloy ng salapi upang gamitin sa higit pang pagpapalawak sa kapakanan ng Kaharian ng Diyos sa buong daigdig.
‘Makipagkaibigan sa Pamamagitan ng Di-Matuwid na mga Kayamanan’
21, 22. Ano ang malapit nang mangyari sa “di-matuwid na mga kayamanan,” anupat kailangan na tayong gumawa ng ano sa ngayon?
21 Tunay nga, napakaraming paraan na maipakikitang inuuna natin sa ating buhay ang pagsamba kay Jehova, at ang isa ngang lalo nang mahalagang paraan ay nagsasangkot ng ating pagsunod sa payo ni Jesus: “Gumawa kayo ng kaibigan para sa inyong sarili sa pamamagitan ng di-matuwid na mga kayamanan, upang, kapag ang mga iyon ay nabigo, ay tanggapin nila kayo sa walang-hanggang mga tahanang dako.”—Lucas 16:9.
22 Pansinin na binanggit ni Jesus ang pagkabigo ng di-matuwid na mga kayamanan. Oo, darating ang araw na mawawalan na ng halaga ang salapi ng sistemang ito. “Sa mga lansangan ay ihahagis nila ang kanila mismong mga pilak, at magiging isang kasuklam-suklam na bagay ang kanilang sariling ginto,” ang hula ni Ezekiel. “Ang kanilang pilak ni ang kanilang ginto man ay hindi makapagliligtas sa kanila sa araw ng poot ni Jehova.” (Ezekiel 7:19) Bago mangyari ito, dapat na tayo’y maging matalino at may mabuting pagpapasiya sa paraan ng ating paggamit ng ating materyal na tinatangkilik. Sa gayon ay hindi natin pagsisisihan ang di-pakikinig sa babala ni Jesus: “Kung hindi pa ninyo napatunayang tapat ang inyong sarili may kaugnayan sa di-matuwid na mga kayamanan, sino ang magkakatiwala sa inyo ng kung ano ang totoo? . . . Hindi kayo maaaring maging mga alipin ng Diyos at ng kayamanan.”—Lucas 16:11-13.
23. Ano ang dapat nating gamitin nang may katalinuhan, at ano ang ating magiging gantimpala?
23 Kung gayon, harinawang tayong lahat ay buong-katapatang sumunod sa mga paala-alang ito na unahin sa ating buhay ang pagsamba kay Jehova at buong-katalinuhang gamitin ang lahat ng ating tinatangkilik. Sa gayon ay mapananatili natin ang ating pakikipagkaibigan kay Jehova at kay Jesus, na siyang nangako na kapag nabigo ang salapi tatanggapin nila tayo tungo sa “walang-hanggang mga tahanang dako,” taglay ang pag-asang mabuhay magpakailanman sa makalangit na Kaharian man o sa isang paraisong lupa.—Lucas 16:9.
[Mga talababa]
a Ang salitang Hebreo na isinaling “abuloy” ay galing sa isang pandiwa na literal na nangangahulugang “itanghal; itaas; iangat.”
b Tingnan ang Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos, pahina 307-15, inilathala noong 1993 ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
Maalaala Mo Kaya?
◻ Papaano tumugon ang Israel sa paanyaya ni Jehova na mag-abuloy sa pagtatayo ng tabernakulo?
◻ Bakit hindi nawalan ng kabuluhan ang abuloy ng babaing balo?
◻ Anong pananagutan ang nasa balikat ng mga Kristiyano sa paraan ng paggamit nila ng kanilang tinatangkilik?
◻ Papaano natin maiiwasan ang pagsisisi sa ating paggamit ng salapi?
[Larawan sa pahina 15]
Ang abuloy ng babaing balo, bagaman maliit, ay di nawalan ng kabuluhan
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Ang ating abuloy ay sumusuporta sa gawaing pang-Kaharian sa buong daigdig