Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Bakit sinabi ni Jesus na ang isang nakomberte ng mga Fariseo ay “makaibayo pang anak ng Gehenna” kaysa mga Fariseo?
Maliwanag, ang mga Gentil na nakomberte sa sekta ng mga Fariseo ng Judaismo ay may lalong malaking pagkakasala. Ang iba sa kanila ay dati nang hindi sinasang-ayunan ng Diyos, subalit nang sila’y maging mga Fariseo, sila’y makadobleng hindi sinasang-ayunan, na tiyak na kapahamakan sa Gehenna ang tinutungo.
Ang Libis ng Hinnom ay nasa timog/timog-kanluran ng mga pader ng Jerusalem. Noon ay ginagamit ito kung minsan sa idolatriya at pinagsusunugan ng mga tao na isinasakripisyo. (2 Cronica 28:1-3; 33:1-6; Jeremias 32:35) Kaya ito ay nagsilbing tapunan ng basura, kasali na rito ang mga bangkay ng mga kriminal na itinuturing na hindi karapat-dapat ilibing at walang pag-asang buhaying-muli.—Ihambing ang Mateo 5:22.
Sa The New Bible Dictionary (editado ni J. D. Douglas, 1962) ay sinasabi na ang ‘libis ng Hinnom ay naroon sa labas ng Jerusalem, na kung saan ang mga bata ay sinusunog sa apoy bilang hain kay Moloch. Ito’y naging isang makahulang sagisag para sa paghuhukom at sa bandang huli para sa pangwakas na pagpaparusa.’ Ang Jesuitang si John L. McKenzie, sa kaniyang Dictionary of the Bible (1965), ay nagsususog ng ganito: “Dahilan dito [sa simbahan ng kulto para sa pagsasakripisyo sa mga tao] sinumpa ni Jeremias ang lugar na iyon at kaniyang inihula na ito’y magiging isang dako ng kamatayan at kabulukan (Jer 7:32; 19:6 ff). Ang libis na ito ay tinutukoy, hindi sa pangalan sa Is[aias] 66:24, bilang isang dako na kung saan ilalagak ang mga bangkay ng mga rebelde kay Yahweh . . . Subalit, sa literatura ng mga rabbi ang walang-hanggang apoy ay tiyak na hindi walang-hanggang parusa . . . [Ang Gehenna] ay isang dako na kung saan ang mga balakyot ay pinupuksa katawan at kaluluwa, na marahil mababanaag dito ang ideya ng pagkalipol (Mat. 10:28).”
Pagka nabasa natin ang mga paglalahad na gaya sa Mateo 15:1-8; Juan 8:12-19, 31-41; 9:13-34; 11:45-53, mauunawaan natin kung bakit sinabi ni Jesus na ang mga Fariseo ay karapat-dapat lipulin, na Gehenna ang sumasagisag. Totoo, ang iba ay baka magsisi at kamtin ang pagsang-ayon ng Diyos, subalit bilang isang grupo, sila ay karapat-dapat na puksain magpakailanman. Sinabi ni Kristo: “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagkat inyong nililibot ang dagat at ang lupa sa paghahanap ng isang makukomberte, at pagka nakomberte na ninyo ay ginagawa ninyo siya na makaibayo pang anak ng Gehenna kaysa inyong sarili.”—Mateo 23:15.
Iwan natin muna ang mga Fariseong Judio, ngunit paanong yaong mga nakukomberte ay nagiging ‘makaibayong anak ng Gehenna’ kaysa mga Fariseo? Ang mga nakomberteng ito ay hindi mga Gentil na kumakampi lamang sa mga Judio o maging iyon mang mga nakomberte at tinuli. (Lucas 7:2-10; Marcos 7:24-30; Gawa 8:26-34; 10:1, 2) Hindi, hindi ang tinutukoy ni Jesus ay mga nakomberte sa Judaismo kundi mga nakomberte sa mapagpaimbabaw na Farisaismo. Ano ang naging kalagayan nila?
Ang iba sa mga ito ay marahil dating mga pusakal na makasalanan o panatikong mga mananamba sa mga demonyong diyos, kaya’t totoong hindi sila sinasang-ayunan ng Diyos. Marahil ang iba ay nakahanay pa para mapuksa sa Gehenna sapagkat sila’y nagkasala laban sa espiritu ng Diyos. (Mateo 12:32) Kung ang kanilang kalagayan sa harap ni Jehova ay hindi pa sumasapit sa ganiyang antas, sila’y gumagawa ng lalong masamang hakbang. Sila’y nakukomberte upang sumunod sa pagmamalabis ng mga Fariseo. Ang mga nakomberteng ito ay napapalubalob sa mapagpaimbabaw na ritwal at sa sukdulang mga paniniwala na walang bahagya mang kabutihan at katotohanan na maaaring marahil ay nakamit ng mga ibang nakomberte sa Judaismo. Marahil, ang mga nakomberteng ito ng mga Fariseo ay naging lalong labis na masama kaysa kanilang hinatulang mga guro. Kaya kung ang mga Fariseong Judio ay ‘mga anak ng Gehenna,’ ang mga nakomberteng ito ay higit pa, o gaya ng pagkasabi ni Jesus, makaibayo pa.
[Mapa/Larawan sa pahina 31]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon]
MAPA NG UNANG-SIGLONG JERUSALEM
LUGAR NG TEMPLO
LIBIS NG HINNOM
(GEHENNA)
[Larawan]
Isang panig ng Libis ng Hinnom ngayon
[Credit Line]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.