Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w89 7/15 p. 24-25
  • Mga Hiyas Buhat sa Ebanghelyo ni Mateo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Hiyas Buhat sa Ebanghelyo ni Mateo
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagsilang at Maagang Ministeryo
  • Si Jesus ay Isang Mabisang Tagapagturo
  • Makinig sa Payo ng Anak ng Diyos
  • Ang Ating Tinutularang Isang Nag-iingat ng Katapatan
  • Aklat ng Bibliya Bilang 40—Mateo
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
  • Bakit Hindi Nag-aayuno ang mga Alagad ni Jesus?
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
  • Aklat ng Bibliya Bilang 41—Marcos
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
  • Ano Bang Talaga ang Ebanghelyo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
w89 7/15 p. 24-25

Mga Hiyas Buhat sa Ebanghelyo ni Mateo

KINASIHAN ng Diyos na Jehova ang dating maniningil ng buwis na si Mateo upang sumulat ng isang kapana-panabik na salaysay ng kapanganakan, buhay, kamatayan, at pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo. Sa ilang mga manuskrito na nasulat pagkatapos ng ikasampung siglo ang taglay na mga pahiwatig ay nagsasabing ang Ebanghelyong ito ay isinulat noong humigit-kumulang ikawalong taon pagkatapos na makaakyat na si Jesus (c. 41 C.E.). Ito’y hindi salungat sa panloob na patotoo, yamang ang paglalahad ay natatapos sa pagbibigay-utos ni Jesus na gumawa ng mga alagad noong 33 C.E. at ito’y walang sinasabing anuman tungkol sa pagkawasak ng Jerusalem sa kamay ng mga Romano noong 70 C.E.

Sa kaniyang Historia Ecclesiastica (Kasaysayang Ecclesiastical), ang historyador na si Eusebius noong ikaapat na siglo ay sumisipi kay Papias at kay Irenaeus noong ikalawang siglo at kay Origen noong ikatlo, na lahat ay nagpatotoo na si Mateo ang sumulat ng Ebanghelyong ito at nagsabing kaniyang isinulat ito sa Hebreo. Ito ba ay talagang Aramiko? Hindi kung sang-ayon sa mga dokumentong binanggit ni George Howard, propesor ng relihiyon sa Pamantasan ng Georgia. Siya’y sumulat: “Ang palagay na ito’y dahil unang-una sa paniniwala na ang Hebreo noong kaarawan ni Jesus ay hindi na ginagamit sa Palestina kundi hinalinhan ng Aramiko. Pagkatapos dahil sa pagkatuklas sa Dead Sea Scrolls, na marami sa mga ito ay isinulat sa Hebreo, at gayundin sa iba pang dokumentong Hebreo buhat sa Palestina mula noong pangkalahatang yugto ng panahon ni Jesus, ang nagpapakita ngayon na ang Hebreo ang buháy noon at ginagamit noong unang siglo.” Maliwanag, isinulat ni Mateo ang kaniyang Ebanghelyo upang pakinabangan ng mga Hebreong Kristiyano ngunit marahil ay isinalin din ito sa karaniwang Griego.

Hinihimok ka namin na basahin ang Ebanghelyo ni Mateo. Sa pagmamasid natin sa ilan sa mga hiyas na taglay nito, pansinin ang saligang materyal na nagbibigay-linaw sa paglalahad.

Pagsilang at Maagang Ministeryo

Ang Ebanghelyo ni Mateo ay nag-uumpisa sa talaangkanan at pagkapanganak kay Jesus. Nang si Maria’y masumpungang nagdadalantao, ang kaniyang magiging asawa, si Jose, ay “nag-isip na hiwalayan siya nang lihim.” (1:19) Subalit papaano niya magagawa ang gayon, yamang sila’y magkatipan lamang? Bueno, sa mga Judio ang isang babaing may katipan ay mayroong katulad na mga obligasyon na gaya ng taglay ng mga babaing may-asawa. Kung siya’y napasiping sa iba, siya’y babatuhin na gaya ng isang adultera. (Deuteronomio 22:23-29) Dahilan sa gayong kaayusan sa pakikipagtipan, kaya naman, binalak ni Jose na hiwalayan si Maria, bagaman walang seremonyang nagbuklod sa kanila tulad sa ikinakasal.

Sa mga unang kabanata ng Ebanghelyo ni Mateo makikita ang Sermon ni Jesus sa Bundok. Dito, si Jesus ay nagbabala na ang isang tao’y mananagot “sa Kataas-taasang Hukuman” sa pagsasalita sa isang kapatid ng “di-nararapat na pananalitang kadustaan.” (5:22) Ang gayong pagsasalita ay katumbas na rin ng pagsasabi sa isang kapatid na siya’y isang walang kabuluhang estupido.

Subalit ano ba ang “Kataas-taasang Hukuman”? Iyon ay ang 71-kagawad na Sanedrin sa Jerusalem. Ano bang katangian ang kailangan upang maging miyembro niyaon? Ganito ang sabi ng Cyclopedia ni McClintock at Strong: “Ang aplikante ay kailangang walang anumang kapintasan sa moral at sa pangangatawan. Siya’y kailangang nasa katanghaliang-edad, matangkad, magandang lalaki, mayaman, may pinag-aralan . . . Kailangang siya’y may kaalaman sa ilang mga wika . . . Ang mga taong napakatanda, mga proselita, bating, at Nethinim ay hindi maaaring maging miyembro dahilan sa kanilang mga ugaling di-karaniwan; hindi rin maaaring ihalal ang mga kandidatong walang mga anak, sapagkat hindi sila makapagpapakita ng simpatiya sa mga suliraning may kinalaman sa sambahayan . . . ; hindi rin maaari yaong mga hindi makapagpatotoo na sila’y lehitimong mga anak ng isang saserdote, Levita, o Israelita. . . . Ang isang kandidato sa Dakilang Sanedrin ay hinihilingan, una sa lahat, na siya’y naging isang hukom sa kaniyang bayang tinubuan; na lumipat mula roon tungo sa Maliit na Sanedrin . . . , mula rito ay muli na namang sumulong tungo sa ikalawang Maliit na Sanedrin . . . bago siya tanggapin bilang miyembro ng pitumpu’t-isa.”

Kaya’t ang ibig sabihin ni Jesus ay na “sinumang magsalita sa kaniyang kapatid ng di-nararapat na pananalitang kadustaan” ay nagkakasala ng kasalanang tulad ng sa isang nilitis at hinatulang mamatay ng Judiong Korte Suprema. Maliwanag na isang babala iyan na huwag nating dudustain ang ating mga kapatid! Pigilin natin ang ating dila upang tayo’y huwag hatulan ng Kataas-taasang Hukuman, sa harap ni Jehova, “ang Hukom ng buong lupa.”​—Genesis 18:25; Santiago 3:2-12.

Si Jesus ay Isang Mabisang Tagapagturo

Sa Ebanghelyong ito ay inilalarawan din si Jesus bilang isang tagapagturo na nakasasagot ng buong husay sa mga katanungan. Halimbawa, sa pagsagot sa isang tanong, kaniyang ipinaliliwanag kung bakit hindi nag-aayuno ang kaniyang mga alagad. (9:14-17) Sila’y walang dahilang mag-ayuno habang siya’y buháy pa. Subalit gaya ng kaniyang sinalitang hula, sila’y nag-ayuno at nagsipagdalamhati nang siya’y mamatay sapagkat hindi nila alam kung bakit pinahintulutang siya’y mamatay. Gayunman, pagkatapos na tanggapin ang banal na espiritu noong Pentecostes sila’y naliwanagan at hindi na nag-ayuno sa kalungkutan.

Tungkol pa rin sa gayong paksa, isinusog ni Jesus na sinuma’y hindi nagtatagpi ng bagong tela sa damit na luma pagkat ang tagpi ay bumabatak sa damit at lalong lumalala ang punit. Sinabi rin niya na hindi nagsisilid ng bagong alak sa mga balat na luma. Ang balat na sisidlan ng alak, o boteng balat, ay balat ng hayop na pinatuyo at na marahil tinahi ang lusutan ng isang paa. Sa pangangasim ng bagong alak ay sumisingaw ang carbon dioxide kung kaya’t dahil sa matinding presyon ay nasisira ang lumang, tigang nang mga balat na sisidlan ng alak. Sa katulad na paraan, ang katotohanang itinuro ni Kristo ay totoong matindi para sa luma nang, napakatigas na Judaismo. Isa pa, ang sinisikap niya’y hindi ang tagpian o pamalagiin ang anumang gapok na gapok nang sistema ng relihiyon na may kaugalian sa pag-aayuno at iba pang mga rituwal. Bagkus, ginamit ng Diyos si Jesus upang magtatag ng isang bagong sistema ng pagsamba. Kung gayon, tiyak na tayo’y di-dapat gumawa ng anuman upang sumuporta sa mga kilusang interfaith o para panatilihin ang huwad na relihiyon.

Makinig sa Payo ng Anak ng Diyos

Sang-ayon sa pag-uulat ni Mateo ng pagbabagong-anyo, si Jesus ay tinawag ng Diyos na Kaniyang sinang-ayunang Anak at sinabing tayo’y dapat makinig sa kaniya. (17:5) Kaya’t nararapat na sundin natin ang lahat ng payo ni Kristo, tulad baga ng kaniyang babala na sinumang tumitisod sa isang taong naglalagak sa kaniya ng pananampalataya ay mabuti pang tumalon sa dagat na taglay ang isang gilingang bato na isinabit sa kaniyang leeg. (18:6) Anong uri ito ng bato? Hindi isang maliit lamang na bato, sapagkat ang tinutukoy ni Jesus na gilingan ay yaong may diyametrong apat hanggang limang talampakan. Ang pagpapaandar nito sa ibabaw ng isang malaking bato sa gawing ibaba ay nangangailangan ng mistulang lakas ng isang hayop. Walang sinumang makaliligtas sa dagat kapag may gayong kabigat na dala sa kaniyang leeg. Kung gayon, ang ibig sabihin ay na pinapayuhan tayo ni Jesus na iwasan ang makatisod sa sinuman sa kaniyang mga tagasunod. Ganiyan din ang layunin ni apostol Pablo nang siya’y sumulat: “Makabubuting huwag kumain ng karne o uminom ng alak o gumawa ng anuman na katitisuran ng iyong kapatid.”​—Roma 14:21.

Ang Anak ng Diyos ay nagbigay ng di-tuwirang payo nang magsalita siya ng kaabahan laban sa mga eskriba at mga Fariseo at sabihin na sila’y mistulang mga libingang pinaputi sa labas. (23:27, 28) Kaugalian noon na ang mga puntod at mga nitso ay paputiin upang huwag mahipo ng mga tao sa di-sinasadya at sila’y maging karumal-dumal. Sa pamamagitan ng pahiwatig ng tungkol sa kaugaliang ito, ipinakita ni Jesus na ang mga eskriba at ang mga Fariseo ay tinging matuwid sa panlabas subalit “punô ng pagpapaimbabaw at kalikuan.” Ang pagsunod sa ipinahiwatig na payong ito ay aakay sa atin upang iwasan ang kalikuan at kumilos “nang may pananampalataya na walang pagpapaimbabaw.”​—1 Timoteo 1:5; Kawikaan 3:32; 2 Timoteo 1:5.

Ang Ating Tinutularang Isang Nag-iingat ng Katapatan

Pagkatapos isulat ang hula ni Jesus tungkol sa ‘tanda ng kaniyang pagkanaririto,’ inilahad naman ni Mateo ang pagkakanulo kay Kristo, pagdakip, paglilitis, pagkamatay, at pagkabuhay-muli niya. Sa tulos, tinanggihan ni Jesus ang alak na hinaluan ng apdo, isang sustansiya na may epektong gaya ng nagagawa ng isang narkotiko. (27:34) Nakaugalian ng mga babae na magbigay ng gayong alak sa mga kriminal upang huwag nilang maramdaman ang hapdi ng pagkabayubay. Sa Marcos 15:23 ay sinasabi na ang alak ay “hinaluan ng mirra,” upang bumuti-buti ang lasa. Marahil ang apdo at mirra ay kapuwa nasa alak na tinanggihan ni Kristo. Samantalang palapit siya sa sukdulan ng kaniyang makalupang takbuhin, hindi niya ibig na padala sa droga o malango. Nais ni Jesus na siya’y may lubos na kapamahalaan sa kaniyang mga pandamdam upang makapanatiling tapat hanggang kamatayan. Tulad ng ating Tinutularan, harinawang tayo’y laging mabahala tungkol sa pananatiling tapat sa Diyos na Jehova.​—Awit 26:1, 11.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share