Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Tanda ng mga Huling Araw
NGAYON ay Martes na ng hapon. Samantalang nakaupo si Jesus sa Bundok ng Olibo, nagmamasid sa templo sa ibaba, sina Pedro, Andres, Santiago, at Juan ay naparoon sa kaniya nang bukod. Sila’y may pagkabahala tungkol sa templo, palibhasa’y kasasabi-sabi lamang ni Jesus na ‘walang batong maiiwan sa ibabaw ng kapuwa bato.’
Ngunit maliwanag na higit pa ang kanilang iniisip habang sila’y papalapit kay Jesus. Mga ilang linggo lamang ang nakalipas, kaniyang binanggit sa kanila ang tungkol sa kaniyang “pagkanaririto,” isang panahon “na ang Anak ng tao ay mahahayag.” At sa isang pagkakataon na una rito, kaniyang binanggit sa kanila ang tungkol sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.” Kaya’t ang mga apostol ay lubhang nasasabik.
“Sabihin mo sa amin,” anila, “kailan mangyayari ang mga bagay na ito [na hahantong sa pagkawasak ng Jerusalem at ng kaniyang templo], at ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” Sa katunayan, ito’y isang tatlong-bahaging katanungan. Una, ibig nilang maalaman ang tungkol sa wakas ng Jerusalem at ng templo nito, pagkatapos ay yaong tungkol sa pagkanaririto ni Jesus na taglay ang kapangyarihan sa Kaharian, at sa katapus-tapusan ang tungkol sa wakas ng buong sistema ng mga bagay.
Sa kaniyang mahabang tugon, sinagot ni Jesus ang lahat ng tatlong bahagi ng tanong. Siya’y nagbigay ng tanda na nagpapakilala kung kailan matatapos ang Judiong sistema ng mga bagay; ngunit higit pa ang kaniyang binanggit. Siya’y nagbigay rin ng tanda na pupukaw sa kaniyang hinaharap na mga alagad upang magpaunawa sa kanila na sila’y nabubuhay sa panahon ng kaniyang pagkanaririto at malapit na sa wakas ng buong sistema ng mga bagay.
Habang lumalakad ang mga taon, ang mga apostol ay nagsimulang makakita ng katuparan ng hula ni Jesus. Oo, ang mismong mga bagay na kaniyang inihulang magsisimulang maganap noong kanilang kaarawan. Samakatuwid, ang mga Kristiyanong nabubuhay 37 taon ang nakalipas, noong 70 C.E., ay hindi dinadatnang walang malay tungkol sa pagkapuksa ng Judiong sistema ng mga bagay at ng templo nito.
Gayunman, ang pagkanaririto ni Kristo at ang katapusan ng sistema ng mga bagay ay hindi naganap noong 70 C.E. Ang kaniyang pagkanaririto na taglay ang kapangyarihan sa Kaharian ay naganap nang mas huli pa. Ngunit kailan? Ang pagsasaalang-alang sa hula ni Jesus ang nagsisiwalat nito.
Inihula ni Jesus na magkakaroon ng “mga digmaan at alingawngaw ng mga digmaan.” “Ang bansa ay titindig laban sa bansa,” at magkakaroon ng mga kakapusan sa pagkain, ng mga lindol, at ng mga salot. Ang kaniyang mga alagad ay kapopootan at papatayin. Babangon ang mga bulaang propeta at kanilang ililigaw ang marami. Lalago ang katampalasanan, at ang pag-ibig ng lalong marami ay manlalamig. Kasabay nito, ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa.
Bagaman ang hula ni Jesus ay may limitadong katuparan noong bago mapuksa ang Jerusalem noong 70 C.E., ang malaking katuparan nito ay magaganap sa panahon ng kaniyang pagkanaririto at sa katapusan ng sistema ng mga bagay. Ang maingat na pagbabalik-tanaw sa mga pangyayari sa daigdig sapol noong 1914 ay nagsisiwalat na ang napakahalagang hula ni Jesus ay nagaganap na ang malaking katuparan sapol ng taóng iyan.
Ang isa pang bahagi ng tanda na ibinigay ni Jesus ay ang paglitaw ng “kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng kagibaan.” Noong 66 C.E. ang kasuklam-suklam na bagay na ito ay lumitaw sa kaanyuan ng “nagkampamentong mga hukbo” ng Roma na pumalibot sa Jerusalem at sumira sa pader ng templo. Ang “Kasuklam-suklam na bagay” ay tumayo sa dakong hindi nararapat katayuan.
Sa malaking katuparan ng tanda, ang kasuklam-suklam na bagay ay ang Liga ng mga Bansa at ang kahalili nito, ang Nagkakaisang mga Bansa. Ang pandaigdig na organisasyong ito ng kapayapaan ay itinuturing ng Sangkakristiyanuhan bilang panghalili sa Kaharian ng Diyos. Tunay na kasuklam-suklam nga! Kung gayon, sa takdang panahon ang mga kapangyarihang pulitikal na kaugnay ng UN ay babaling sa Sangkakristiyanuhan (antitipikong Jerusalem) at siya’y wawasakin.
Kaya inihula ni Jesus: “Magkakaroon ng malaking kapighatian na hindi pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanlibutan hanggang ngayon, oo, ni mangyayari pa man kailanman.” Bagaman ang pagkapuksa ng Jerusalem noong 70 C.E. ay tunay ngang isang malaking kapighatian, na mahigit na isang milyong katao ang iniulat na nangasawi, iyon ay hindi isang kapighatian na mas malaki kaysa pangglobong Baha noong kaarawan ni Noe. Kaya ang malaking katuparan ng bahaging ito ng hula ni Jesus ay hihintayin pang matupad. Mateo 24:2-22; 13:40, 49; Marcos 13:3-20; Lucas 21:7-24; 19:43, 44; 17:20-30; 2 Timoteo 3:1-5.
◆ Ano ang nag-udyok sa mga apostol na magharap ng gayong tanong, ngunit ano pa ang malinaw na sumasaisip nila?
◆ Anong bahagi ng hula ni Jesus ang natupad noong 70 C.E., ngunit ano ang hindi naganap noon?
◆ Kailan nagkaroon ng unang katuparan ang hula ni Jesus, ngunit kailan ito may malaking katuparan?
◆ Ano ang kasuklam-suklam na bagay sa kaniyang una at pangwakas na mga katuparan?
◆ Bakit ang malaking kapighatian ay hindi nagkaroon ng katapusang katuparan sa pagkapuksa ng Jerusalem?