Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Bakit sa Mga Panaghoy 4:10 “mga mahabaging babae” ang pagkatukoy sa mga ina na kumain sa kanilang sariling mga anak?
Sa paglalarawan sa katayuan ng wala nang pag-asang mga Judio nang kinukubkob ng Babilonya ang Jerusalem noong 607 B.C.E., si Jeremias ay sumulat: “Ang mismong mga kamay ng mga mahabaging babae ang nangagluto ng kanilang sariling mga anak. Ito’y naging mistulang pagkaing pampalubag-loob ng panahon ng pagkapahamak ng anak na babae ng aking bayan.”—Mga Panaghoy 4:10.
Mga daan-daang taon bago pa noon, si Moises ay nagbabala sa mga Israelita na ang kanilang hinaharap ay magiging sa “ikapagpapala” o “ikasusumpa.” Sila’y magtatamasa ng pagpapala kung kanilang susundin ang mga utos ng Diyos, subalit sila’y magdudulot ng pagdurusa sa kanilang sarili kung kanilang tatanggihan ang kaniyang matuwid na mga daan. Isa sa mga kakila-kilabot na kahihinatnan ay ang pagkain ng mga Israelita sa kanilang sariling mga anak. (Deuteronomio 28:1, 11-15, 54, 55; 30:1; Levitico 26:3-5, 29) Ito’y talagang nangyari pagkatapos na pabayaan ni Jehova na mapasakamay ng mga taga-Babilonya ang walang pananampalatayang, masuwaying bansa.
Sa Mga Panaghoy 4:10 pinagbatayan ni propeta Jeremias ang kilalang-kilalang katotohanan na ang ina ay likas na malumanay, mahabagin, at kumukupkop sa kaniyang mga anak. (1 Hari 3:26, 27; 1 Tesalonica 2:7) Subalit, ang taggutom sa kinubkob na Jerusalem ay labis-labis at totoong matindi ang kagutuman doon kung kaya’t ang mga inang karaniwan nang mahabagin ang nagluto ng mismong mga supling nila at kinain na animo sila’y mga asuwang.—Ihambing ang Mga Panaghoy 2:20.
Isang nahahawig na kalagayan ang naganap pagkatapos na tanggihan ng mga Judio ang Mesiyas, na nagbabala tungkol sa isang darating na pagkubkob sa Jerusalem. (Mateo 23:37, 38; 24:15-19; Lucas 21:20-24) Inilarawan ng historyador na si Josephus ang isa sa mga kakilabutan ng pagkubkob noong 70 C.E.: “Pinatay ni Maria, na anak ni Eleazar . . . ang kaniyang anak na lalaki, pagkatapos ay inihaw at kinain ang kalahati, itinabi at itinago ang natira.”—The Jewish War, isinalin ni G. A. Williamson, kabanata 20, pahina 319.
Oo, hindi paglakad sa landas ng karunungan ang pagtatakuwil sa mga kautusan at mga daan ng Diyos.