Handa Ka Na ba Para sa Araw ni Jehova?
“Malapit na ang dakilang araw ni Jehova. Iyon ay malapit na, at iyon ay lubhang nagmamadali.”—ZEFANIAS 1:14.
1. Paano inilalarawan ng Kasulatan ang araw ni Jehova?
ANG “dakila at kakila-kilabot na araw” ni Jehova ay malapit nang sumapit sa balakyot na sistemang ito ng mga bagay. Inilalarawan ng Kasulatan ang araw ni Jehova bilang isa na may pakikipagbaka, kadiliman, poot, kabagabagan, panggigipuspos, pangamba, at pagkatiwangwang. Gayunman, may mga makaliligtas, sapagkat “ang lahat ng tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.” (Joel 2:30-32; Amos 5:18-20) Oo, kung magkagayo’y pupuksain ng Diyos ang kaniyang mga kaaway at ililigtas ang kaniyang bayan.
2. Bakit tayo dapat na makadama ng pagkaapurahan tungkol sa araw ni Jehova?
2 Idiniin ng mga propeta ng Diyos ang pagkaapurahan ng araw ni Jehova. Halimbawa, sumulat si Zefanias: “Malapit na ang dakilang araw ni Jehova. Iyon ay malapit na, at iyon ay lubhang nagmamadali.” (Zefanias 1:14) Lalo nang apurahan ang situwasyon sa ngayon sapagkat ang Punong Tagapuksa na inatasan ng Diyos, ang Haring si Jesu-Kristo, ay ‘magbibigkis na ng kaniyang tabak sa kaniyang hita at sasakay alang-alang sa katotohanan, kapakumbabaan, at katuwiran.’ (Awit 45:3, 4) Handa ka na ba para sa araw na iyan?
Labis ang Kanilang mga Inaasahan
3. Ano ang mga inaasahan ng ilang Kristiyanong taga-Tesalonica, at nagkamali sila sa anong dalawang dahilan?
3 Marami ang may mga inaasahang di-natupad hinggil sa araw ni Jehova. Sinabi ng ilang naunang Kristiyano sa Tesalonica, ‘Narito na ang araw ni Jehova!’ (2 Tesalonica 2:2) Subalit may dalawang saligang dahilan kung bakit matagal pa iyon. Sa pagbanggit sa isa sa mga ito, sinabi ni apostol Pablo: “Kailanma’t kanilang sinasabi: ‘Kapayapaan at katiwasayan!’ kung magkagayon ay biglang pagkapuksa ang kagyat na mapapasa-kanila.” (1 Tesalonica 5:1-6) Sa “panahon[g ito] ng kawakasan,” hinihintay natin mismo ang katuparan ng mga salitang ito. (Daniel 12:4) Hindi rin taglay ng mga taga-Tesalonica ang isa pang patotoo na dumating na ang dakilang araw ni Jehova, sapagkat sinabi sa kanila ni Pablo: “Hindi ito darating malibang ang apostasya ay dumating muna.” (2 Tesalonica 2:3) Nang isulat ni Pablo ang mga salitang ito (mga 51 C.E.), hindi pa lubusang lumilitaw “ang apostasya” mula sa tunay na Kristiyanismo. Sa ngayon, kitang-kita natin ang sukdulang paglago nito sa Sangkakristiyanuhan. Subalit kahit na hindi natupad ang kanilang mga inaasahan, yaong tapat na mga pinahiran sa Tesalonica, na nanatiling naglilingkod sa Diyos nang buong-katapatan hanggang sa kamatayan, ay tumanggap sa wakas ng makalangit na gantimpala. (Apocalipsis 2:10) Tayo rin naman ay gagantimpalaan kung mananatili tayong tapat habang hinihintay natin ang araw ni Jehova.
4. (a) Sa ano iniugnay ang araw ni Jehova sa 2 Tesalonica 2:1, 2? (b) Ano ang pangmalas ng tinaguriang mga Ama ng Simbahan hinggil sa pagbabalik ni Kristo at sa kaugnay na mga bagay?
4 Iniuugnay ng Bibliya “ang dakilang araw ni Jehova” sa “pagkanaririto ng ating Panginoong Jesu-Kristo.” (2 Tesalonica 2:1, 2) Ang tinaguriang mga Ama ng Simbahan ay may sari-saring ideya tungkol sa pagbabalik ni Kristo, sa kaniyang pagkanaririto, at sa kaniyang Sanlibong Taóng Paghahari. (Apocalipsis 20:4) Noong ikalawang siglo C.E., inaasahan ni Papias ng Hierapolis ang kamangha-manghang pagkamabunga ng lupa sa panahon ng Milenyong Paghahari ni Kristo. Paulit-ulit na bumanggit si Justin Martyr tungkol sa pagkanaririto ni Jesus at umasang ang isinauling Jerusalem ang magiging siyang luklukan ng Kaniyang Kaharian. Itinuro ni Irenæus ng Lyons na pagkatapos mapuksa ang Imperyong Romano, si Jesus ay magpapakita, gagapusin si Satanas, at maghahari sa makalupang Jerusalem.
5. Ano ang sinabi ng ilang iskolar tungkol sa “Ikalawang Pagdating” ni Kristo at sa kaniyang Milenyong Paghahari?
5 Sinabi ng istoryador na si Philip Schaff na “ang pinakanamumukod-tanging paksa” nang panahon bago ang Konseho ng Nicaea noong 325 C.E. ay ang “paniniwala sa isang nakikitang maluwalhating paghahari ni Kristo sa lupa kasama ng ibinangon na mga santo sa loob ng isang libong taon, bago ang pangkalahatang pagkabuhay-muli at paghuhukom.” Ganito ang sabi ng A Dictionary of the Bible, na isinaayos ni James Hastings: “Umasa pa rin sina Tertullian, Irenæus, at Hippolytus sa napipintong Pagdating [ni Jesu-Kristo]; subalit sa mga Ama mula sa Alexandria ay pumapasok tayo sa isang bagong hanay ng kaisipan. . . . Dahil sa iniugnay ni Augustine ang Milenyo sa panahon ng militante ng Simbahan, ang Ikalawang Pagdating ay ipinagpaliban sa matagal pang hinaharap.”
Araw ni Jehova at Pagkanaririto ni Jesus
6. Bakit hindi natin dapat na isiping matagal pa ang araw ni Jehova?
6 Ang mga maling akala ay humantong sa pagkasiphayo, ngunit huwag nating isipin na matagal pa ang araw ni Jehova. Iniuugnay ito ng Kasulatan sa di-nakikitang pagkanaririto ni Jesus, na nagsimula na. Ang Bantayan at kaugnay na mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova ay malimit maglaan ng maka-Kasulatang patotoo na ang pagkanaririto ni Kristo ay nagsimula noong taong 1914.a Kaya ano, kung gayon, ang sinabi ni Jesus tungkol sa kaniyang pagkanaririto?
7. (a) Ano ang ilang bahagi ng tanda ng pagkanaririto ni Jesus at ng katapusan ng sistema ng mga bagay? (b) Paano tayo maaaring maligtas?
7 Naging paksang mapag-uusapan ang pagkanaririto ni Jesus di-nagtagal bago siya mamatay. Pagkatapos siyang marinig na humula tungkol sa pagkawasak ng templo sa Jerusalem, nagtanong ang kaniyang mga alagad na sina Pedro, Santiago, Juan, at Andres: “Kailan mangyayari ang mga bagay na ito, at ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” (Mateo 24:1-3; Marcos 13:3, 4) Bilang sagot, humula si Jesus ng mga digmaan, taggutom, lindol, at iba pang bahagi ng “tanda” ng kaniyang pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay. Sinabi rin niya: “Siya na nakapagbata hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.” (Mateo 24:13) Maliligtas tayo kung buong-katapatan tayong magbabata hanggang sa wakas ng ating kasalukuyang buhay o hanggang sa wakas ng balakyot na sistemang ito.
8. Bago ang wakas ng Judiong sistema, ano ang dapat na isakatuparan, at ano ang ginagawa tungkol dito sa ngayon?
8 Bago ang wakas, matutupad ang isang natatangi at mahalagang bahagi ng pagkanaririto ni Jesus. Hinggil dito, sinabi niya: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Bago puksain ng mga Romano ang Jerusalem at nagwakas ang Judiong sistema ng mga bagay noong 70 C.E., sinabi ni Pablo na ang mabuting balita ay “ipinangaral sa lahat ng nilalang na nasa ilalim ng langit.” (Colosas 1:23) Ngunit sa ngayon, isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova ang isang makapupong higit ang lawak na gawaing pangangaral “sa buong tinatahanang lupa.” Sa nakalipas na ilang taon, binuksan ng Diyos ang daan para sa isang mas malaking pagpapatotoo sa Silangang Europa. Sa pamamagitan ng mga palimbagan at iba pang pasilidad sa buong daigdig, nakahanda ang organisasyon ni Jehova para sa ibayong gawain, maging sa “teritoryo na di-nagagawa.” (Roma 15:22, 23) Pinakikilos ka ba ng iyong puso na gawin ang iyong sukdulang makakaya sa pagpapatotoo bago dumating ang wakas? Kung gayon, mapalalakas ka ng Diyos upang magkaroon ng kasiya-siyang bahagi sa gawaing nasa unahan.—Filipos 4:13; 2 Timoteo 4:17.
9. Anong punto ang sinabi ni Jesus, gaya ng nakaulat sa Mateo 24:36?
9 Ang inihulang gawaing pangangaral ng Kaharian at iba pang bahagi ng tanda ng pagkanaririto ni Jesus ay natutupad na ngayon mismo. Kaya naman, malapit na ang wakas ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay. Totoo, sinabi ni Jesus: “May kinalaman sa araw at sa oras na iyon ay walang sinuman ang nakaaalam, kahit ang mga anghel sa mga langit kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang.” (Mateo 24:4-14, 36) Subalit matutulungan tayo ng hula ni Jesus na maging handa para “sa araw at sa oras na iyon.”
Sila ay Handa
10. Paano natin nalalaman na posibleng manatiling gising sa espirituwal?
10 Upang makaligtas sa dakilang araw ni Jehova, kailangan tayong manatiling gising sa espirituwal at manindigan sa panig ng tunay na pagsamba. (1 Corinto 16:13) Alam natin na posible ang gayong pagbabata, sapagkat isang maka-Diyos na pamilya ang gumawa nang gayon at nakaligtas sa Baha na lumipol sa balakyot na mga tao noong 2370 B.C.E. Upang ihambing ang panahong iyon sa kaniyang pagkanaririto, sinabi ni Jesus: “Kung paano ang mga araw ni Noe, magiging gayon ang pagkanaririto ng Anak ng tao. Sapagkat gaya nila noong mga araw na iyon bago ang baha, na kumakain at umiinom, ang mga lalaki ay nag-aasawa at ang mga babae ay ibinibigay sa pag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong; at hindi sila nagbigay-pansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat, magiging gayon ang pagkanaririto ng Anak ng tao.”—Mateo 24:37-39.
11. Anong landasin ang itinaguyod ni Noe sa kabila ng karahasan na umiiral noong kaniyang panahon?
11 Tulad natin, si Noe at ang kaniyang pamilya ay namuhay sa isang marahas na sanlibutan. Nagkatawang-tao ang masuwaying anghelikong “mga anak ng tunay na Diyos” at kumuha ng mga asawa na nagsilang sa kanila ng masasamang Nefilim—mga mapanupil na tiyak na lalong nagpatindi sa karahasan. (Genesis 6:1, 2, 4; 1 Pedro 3:19, 20) Gayunpaman, “si Noe ay lumakad na kasama ng tunay na Diyos” taglay ang pananampalataya. “Pinatunayan niya ang kaniyang sarili na walang-pagkukulang sa gitna ng kaniyang mga kontemporaryo”—ang balakyot na salinlahi noong panahon niya. (Genesis 6:9-11) Taglay ang may pananalanging pananalig sa Diyos, magagawa rin natin ang gayon sa marahas at balakyot na sanlibutang ito habang hinihintay natin ang araw ni Jehova.
12. (a) Bukod sa pagtatayo ng daong, ano pa ang ginawa ni Noe? (b) Paano tumugon ang mga tao sa pangangaral ni Noe, at ano ang ibinunga sa kanila?
12 Kilalang-kilala si Noe bilang tagapagtayo ng isang daong para sa ikaliligtas ng buhay mula sa Delubyo. Siya rin naman ay “isang mangangaral ng katuwiran,” subalit ang kaniyang mga kontemporaryo ay ‘hindi nagbigay-pansin’ sa kaniyang bigay-Diyos na mensahe. Sila’y kumain at uminom, nagsipag-asawa, nagpamilya, at nagpatuloy sa normal na kalakaran ng buhay hanggang sa silang lahat ay tangayin ng Baha. (2 Pedro 2:5; Genesis 6:14) Hindi nila ibig na marinig ang tungkol sa matuwid na pananalita at paggawi, kung paanong nagbibingi-bingihan ang balakyot na salinlahi sa ngayon sa sinasabi ng mga Saksi ni Jehova tungkol sa “pagsisisi sa Diyos,” pananampalataya kay Kristo, katuwiran, at sa “hatol na darating.” (Gawa 20:20, 21; 24:24, 25) Walang makukuhang ulat kung gaano karaming tao ang nabubuhay sa lupa nang ipinahahayag ni Noe ang mensahe ng Diyos. Subalit isang bagay ang tiyak, totoong lumiit ang populasyon ng lupa noong 2370 B.C.E.! Pinalis ng Delubyo ang mga balakyot, anupat pinaligtas lamang yaong handa para sa gawang iyon ng Diyos—si Noe at ang pitong iba pa sa kaniyang pamilya.—Genesis 7:19-23; 2 Pedro 3:5, 6.
13. Sa anong hudisyal na dekreto lubusang nagtiwala si Noe at paano siya kumilos kasuwato nito?
13 Hindi sinabi ng Diyos kay Noe ang eksaktong araw at oras ng Baha maraming taon bago pa maganap ito. Gayunman, nang si Noe ay 480 taong gulang, itinakda ni Jehova: “Ang aking espiritu ay hindi gagana sa tao nang walang-takda sa bagay na siya ay laman din. Alinsunod dito ang kaniyang mga araw ay aabot ng isang daan at dalawampung taon.” (Genesis 6:3) Lubusang nagtiwala si Noe sa hudisyal na dekretong ito ng Diyos. Pagkatapos tumuntong sa gulang na 500, siya ay “naging ama kina Shem, Ham, at Jafet,” at ang kaugalian noon ay nagpapahiwatig na 50 hanggang 60 taon ang lumipas bago nagsipag-asawa ang kaniyang mga anak. Nang sabihan si Noe na magtayo ng daong para makaligtas sa Baha, maliwanag na tinulungan siya ng mga anak na ito at ng kani-kanilang asawa sa gawaing iyon. Malamang na ang pagtatayo ng daong ay kasabay ng paglilingkod ni Noe bilang “isang mangangaral ng katuwiran,” anupat naging abala siya sa loob ng 40 hanggang 50 taon bago ang Baha. (Genesis 5:32; 6:13-22) Sa lahat ng mga taóng iyon, siya at ang kaniyang pamilya ay kumilos nang may pananampalataya. Magpamalas din sana tayo ng pananampalataya habang ipinangangaral natin ang mabuting balita at hinihintay ang araw ni Jehova.—Hebreo 11:7.
14. Ano ang sinabi ni Jehova kay Noe nang dakong huli, at bakit?
14 Nang malapit nang matapos ang daong, baka naisip ni Noe na napipinto na ang Baha, bagaman hindi niya alam kung kailan talaga ito magaganap. Sinabi ni Jehova sa kaniya nang dakong huli: “Sa loob lamang ng pitong araw pa ay magpapaulan ako sa ibabaw ng lupa nang apatnapung araw at apatnapung gabi.” (Genesis 7:4) Nagbigay ito ng sapat na panahon kay Noe at sa kaniyang pamilya upang ipasok sa daong ang lahat ng uri ng hayop at sila mismo ay pumasok doon bago magsimula ang Baha. Hindi natin kailangang malaman ang araw at oras ng pagsisimula ng pagpuksa sa sistemang ito; hindi ipinagkatiwala sa atin ang tungkol sa kaligtasan ng mga hayop, at ang mga taong may pag-asang makaligtas ay pumapasok na sa makasagisag na daong, ang espirituwal na paraiso ng bayan ng Diyos.
“Manatili Kayong Mapagbantay”
15. (a) Sa iyong sariling pananalita, paano mo ipaliliwanag ang mga salita ni Jesus na nasa Mateo 24:40-44? (b) Ano ang epekto ng hindi pagkaalam ng eksaktong oras ng pagdating ni Jesus upang isagawa ang paghihiganti ng Diyos?
15 Hinggil sa kaniyang pagkanaririto, ipinaliwanag ni Jesus: “Kung magkagayon dalawang lalaki ay [magtatrabaho sa] bukid: ang isa ay kukunin at ang isa naman ay iiwan; dalawang babae ay maggigiling [ng butil upang maging harina] sa gilingang pangkamay: ang isa ay kukunin at ang isa naman ay iiwan. Manatili kayong mapagbantay, kung gayon, dahil hindi ninyo alam kung anong araw darating ang inyong Panginoon. Subalit alamin ninyo ang isang bagay, na kung nalaman ng may-bahay kung sa anong pagbabantay darating ang magnanakaw, nanatili sana siyang gising at hindi pinayagang looban ang kaniyang bahay. Dahil dito ay patunayan din ninyo ang inyong mga sarili na handa, sapagkat sa oras na hindi ninyo iniisip, ang Anak ng tao ay darating.” (Mateo 24:40-44; Lucas 17:34, 35) Ang hindi pagkaalam sa eksaktong panahon ng pagparito ni Jesus upang isagawa ang paghihiganti ng Diyos ay mag-uudyok sa atin na manatiling mapagbantay at magbibigay sa atin ng pagkakataon sa araw-araw upang patunayan na naglilingkod tayo kay Jehova nang walang mapag-imbot na motibo.
16. Ano ang mangyayari sa mga tao na “iiwan” at doon sa mga “kukunin”?
16 Kabilang sa mga taong “iiwan” sa pagkapuksa kasama ng balakyot ay yaong mga dating naliwanagan ngunit nalulong sa mapag-imbot na paraan ng pamumuhay. Sana’y mapabilang tayo sa mga “kukunin,” yaong lubusang nakatalaga kay Jehova at totoong nagpapahalaga sa kaniyang espirituwal na mga paglalaan sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45-47) Hanggang sa wakas, paglingkuran natin ang Diyos taglay ang “pag-ibig mula sa isang malinis na puso at mula sa isang mabuting budhi at mula sa pananampalatayang walang pagpapaimbabaw.”—1 Timoteo 1:5.
Mahalaga ang Banal na mga Paggawi
17. (a) Ano ang inihula sa 2 Pedro 3:10? (b) Ano ang ilan sa mga paggawi at gawa na pinasisigla ng 2 Pedro 3:11?
17 Sumulat si apostol Pedro: “Ang araw ni Jehova ay darating na gaya ng isang magnanakaw, na dito ang mga langit ay lilipas na may sumasagitsit na ingay, ngunit ang mga elemento dahil sa matinding init ay mapupugnaw, at ang lupa at ang mga gawang naroroon ay mahahantad.” (2 Pedro 3:10) Ang makasagisag na mga langit at lupa ay hindi makaliligtas mula sa init ng nag-aapoy na galit ng Diyos. Kaya sinabi pa ni Pedro: “Yamang ang lahat ng mga bagay na ito ay mapupugnaw nang gayon, ano ngang uri ng pagkatao ang nararapat sa inyo sa banal na mga paggawi at mga gawa ng maka-Diyos na debosyon!” (2 Pedro 3:11) Kabilang sa mga paggawi at gawang ito ay ang pagiging regular sa mga pulong Kristiyano, paggawa ng mabuti sa iba, at pagkakaroon ng makabuluhang bahagi sa pangangaral ng mabuting balita.—Mateo 24:14; Hebreo 10:24, 25; 13:16.
18. Kung tinutubuan tayo ng pagkagiliw sa sanlibutan, ano ang dapat nating gawin?
18 Sa “banal na mga paggawi at mga gawa ng maka-Diyos na debosyon” ay kailangan na ating ‘ingatan ang ating sarili na walang batik mula sa sanlibutan.’ (Santiago 1:27) Subalit paano kung tinutubuan tayo ng pagkagiliw sa sanlibutang ito? Marahil ay nalilibang tayo tungo sa isang mapanganib na katayuan sa harap ng Diyos sa pamamagitan ng paghahangad ng di-malinis na libangan o pakikinig sa musika at mga awitin na nagtataguyod ng di-maka-Diyos na espiritu ng sanlibutang ito. (2 Corinto 6:14-18) Kung ganito ang kalagayan, humingi tayo ng tulong sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin upang hindi tayo lumipas na kasama ng sanlibutan kundi makatayo bilang sinang-ayunan sa harap ng Anak ng tao. (Lucas 21:34-36; 1 Juan 2:15-17) Kung nakapag-alay na tayo sa Diyos, tiyak na nanaisin nating gawin ang ating buong makakaya upang maitatag at mapanatili ang isang matalik na kaugnayan sa kaniya at sa gayo’y maging handa para sa dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova.
19. Bakit makaaasa ang lubhang karamihan ng mga tagapaghayag ng Kaharian na makaligtas sa katapusan ng sistemang ito ng mga bagay?
19 Nakaligtas ang maka-Diyos na si Noe at ang kaniyang pamilya mula sa Baha na lumipol sa sinaunang sanlibutan. Nakaligtas ang matutuwid na mga tao sa wakas ng Judiong sistema ng mga bagay noong 70 C.E. Halimbawa, aktibo pa rin sa paglilingkod si apostol Juan noong mga 96-98 C.E., nang isulat niya ang aklat ng Apocalipsis, ang kaniyang ulat ng Ebanghelyo, at ang tatlong kinasihang liham. Sa libu-libong yumakap sa tunay na pananampalataya noong Pentecostes ng 33 C.E., malamang na marami ang nakaligtas na buháy sa katapusan ng Judiong sistema. (Gawa 1:15; 2:41, 47; 4:4) Sa ngayon ang lubhang karamihan ng mga tagapaghayag ng Kaharian ay makaaasang makaligtas sa katapusan ng kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay.
20. Bakit tayo dapat na maging masigasig na ‘mga mangangaral ng katuwiran’?
20 Yamang nasa harap natin ang kaligtasan tungo sa bagong sanlibutan, harinawang tayo’y maging masigasig na ‘mga mangangaral ng katuwiran.’ Ano ngang laking pribilehiyo na maglingkod sa Diyos sa mga huling araw na ito! At anong laking kagalakan na akayin ang mga tao tungo sa kasalukuyang “daong,” ang espirituwal na paraisong tinatamasa ng bayan ng Diyos! Manatili sanang tapat, gising sa espirituwal, at handa ang milyun-milyon sa ngayon na nasa loob nito para sa dakilang araw ni Jehova. Subalit ano ang tutulong sa ating lahat na manatiling gising?
[Talababa]
a Tingnan ang kabanata 10 at 11 ng aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
Paano Mo Sasagutin?
◻ Ano ang mga inaasahan ng ilan tungkol sa araw ni Jehova at sa pagkanaririto ni Kristo?
◻ Bakit natin masasabi na si Noe at ang kaniyang pamilya ay handa para sa Baha?
◻ Ano ang mangyayari sa mga ‘nananatiling mapagbantay’ at sa mga hindi gumagawa nang gayon?
◻ Bakit mahalaga ang banal na mga paggawi, lalo na habang papalapit tayo sa dakilang araw ni Jehova?