Pagbabalik ni Kristo
Kahulugan: Bago umalis sa lupa, nangako si Jesu-Kristo na siya’y babalik. Kasama sa pangakong iyan ay ang kapanapanabik na mga pangyayari na may kaugnayan sa Kaharian ng Diyos. Dapat pansinin na may pagkakaiba ang pagparito at ang pagkanaririto. Kaya, samantalang ang pagparito ng isang tao (na may kaugnayan sa kaniyang pagdating o pagbabalik) ay nangyayari sa isang takdang panahon, ang pagkanaririto niya pagkatapos nito ay maaaring tumagal ng ilang taon. Sa Bibliya ang Griyegong salitang erʹkho·mai (na nangangahulugang “pumarito”) ay ginagamit din may kaugnayan sa pagbaling ng pansin ni Jesus sa isang mahalagang gawain sa isang takdang oras sa panahon ng kaniyang pagkanaririto, alalaong baga’y, sa gawain niya bilang tagapuksa ni Jehova sa digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat.
Ang mga pangyayari bang may kaugnayan sa pagkanaririto ni Kristo ay nagaganap sa isang maikling panahon o sa loob ng ilang taon?
Mat. 24:37-39: “Kung paano ang mga araw ni Noe, gayon din naman ang pagkanaririto [“pagparito,” RS, TEV; “pagkanaririto,” Yg, Ro, ED; Griyego, pa·rou·siʹa] ng Anak ng tao. Sapagka’t gaya ng mga araw bago bumaha, sila’y nagsisikain at nagsisiinom, nag-aasawa ang mga lalake at pinapapag-asawa ang mga babae, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong; at hindi sila nagbigay-pansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat, ay gayon din naman ang pagkanaririto ng Anak ng tao.” (Ang mga pangyayari noong “mga araw ni Noe” na inilalahad dito ay naganap sa loob ng maraming taon. Inihambing ni Jesus ang kaniyang pagkanaririto sa nangyari noon.)
Sa Mateo 24:37 ang Griyegong salitang pa·rou·siʹa ay ginagamit. Sa literal ito’y nangangahulugang “pagiging katabi.” Ang Greek-English Lexicon nina Liddell at Scott (Oxford, 1968) ay nagbibigay ng “pagkanaririto, ng mga tao,” bilang unang kahulugan ng pa·rou·siʹa. Maliwanag na ipinakikita ang diwa ng salitang ito sa Filipos 2:12, na doo’y inihambing ni Pablo ang kaniyang pagkanaririto (pa·rou·siʹa) sa kaniyang pagkawala (a·pou·siʹa). Sa kabilang dako, sa Mateo 24:30, na bumabanggit ng “Anak ng tao na napaparitong sumasa alapaap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian” bilang tagapuksa ni Jehova sa digmaan ng Armagedon, ang Griyegong salitang er·khoʹme·non ang ginamit. May mga tagapagsalin na gumagamit ng ‘pagparito’ sa dalawang Griyegong salitang ito, nguni’t ang mga iba na mas maingat ay nagpapakita sa kaibahan ng dalawa.
Babalik ba si Kristo sa paraang makikita ng mga mata ng tao?
Juan 14:19: “Kaunti pang panahon at hindi na ako makikita ng sanlibutan, nguni’t inyong [mga tapat na apostol ni Jesus] makikita ako, sapagka’t ako’y nabubuhay at kayo’y mabubuhay rin.” (Ipinangako ni Jesus sa kaniyang mga apostol na siya’y babalik upang dalhin sila sa langit na kasama niya. Siya’y kanilang makikita sapagka’t sila’y magiging espiritung mga nilalang na tulad niya. Nguni’t hindi siya makikita muli ng sanlibutan. Ihambing ang 1 Timoteo 6:16.)
Gawa 13:34: “Siya’y [si Jesus] binuhay niya [ng Diyos] sa mga patay upang kailanma’y huwag nang magbalik sa kabulukan.” (Ang katawan ng tao ay likas na may kabulukan. Kaya ginagamit ang salitang “kabulukan” sa 1 Corinto 15:42, 44 may kaugnayan sa “pisikal na katawan.” Hindi na muling magkakaroon si Jesus ng gayong uri ng katawan.)
Juan 6:51: “Ako ang tinapay na buháy na bumababang galing sa langit; kung ang sinoman ay kumain ng tinapay na ito siya’y mabubuhay magpakailanman; at sa katunayan ang tinapay na aking ibibigay ay ang aking laman, sa ikabubuhay ng sanlibutan.” (Yamang ito’y ibinigay na ni Jesus, hindi niya kukuning muli. Sa gayon ay hindi niya ipinagkakait sa sangkatauhan ang mga kapakinabangan ng hain ng kaniyang sakdal na buhay-tao.)
Tingnan din ang mga pahina 350, 351, sa ilalim ng “Rapture.”
Ano ang kahulugan ng pagparito ni Jesus “sa gayon ding paraan” ng kaniyang pag-akyat sa langit?
Gawa 1:9-11: “Samantalang sila [mga apostol ni Jesus] ay nakatingin, siya’y dinala sa itaas at tinakpan siya ng isang alapaap at ikinubli sa kanilang mga paningin. At samantalang tinitingnan nila ang langit habang siya’y lumalayo, narito! may dalawang lalaking nakatayo sa tabi nila na may puting damit, at sinabi nila: ‘Kayong mga lalaking taga Galilea, bakit kayo’y nakatayong tumitingin sa langit? Itong si Jesus, na tinanggap sa langit mula sa inyo, ay paparito sa gayon ding paraan na nakita ninyong pagparoon niya sa langit.’ ” (Pansinin na ang sinasabi dito ay “sa gayon ding paraan,” hindi sa gayon ding katawan. Ano ang “paraan” ng kaniyang pag-akyat? Tulad ng ipinakikita ng Gaw 1 talatang 9, siya’y nawala sa paningin, anupa’t ang nakakita lamang sa kaniyang pag-alis ay ang kaniyang mga alagad. Ang pangyayaring ito ay hindi nabatid ng sanlibutan. Magiging totoo rin ito sa pagbabalik ni Kristo.)
Ano ang ibig sabihin ng kaniyang ‘pagparitong nasasa alapaap’ at ‘makikita siya ng bawa’t mata’?
Apoc. 1:7: “Narito! Siya’y pumaparitong nasasa alapaap, at makikita siya ng bawa’t mata, at ng mga nangagsiulos sa kaniya; at ang lahat ng mga angkan sa lupa ay magsisitaghoy dahil sa kaniya.” (Gayundin ang Mateo 24:30; Marcos 13:26; Lucas 21:27)
Ano ang ipinahihiwatig ng “alapaap”? Ang pagka-di-nakikita. Kapag ang isang eroplano ay nasa gitna ng isang makapal na ulap o nasa itaas ng mga ulap, hindi ito makikita ng mga tao sa lupa, bagama’t maririnig nila ang ingay ng makina. Sinabi ni Jehova kay Moises: “Ako’y naparirito sa iyo sa isang masalimuot na ulap.” Hindi nakita ni Moises ang Diyos, nguni’t ipinahiwatig ng ulap na iyan ang di-nakikitang presensiya ni Jehova. (Exo. 19:9; tingnan din ang Levitico 16:2; Bilang 11:25.) Kung ang pagdating ni Kristo sa langit ay makikita, tiyak na hindi siya makikita ng “bawa’t mata.” Kung siya’y magpakita sa bandang itaas ng Australya, halimbawa, hindi siya makikita sa Europa, sa Aprika, at sa mga bansa ng Amerika, hindi ba?
Sa anong diwa siya ‘makikita ng bawa’t mata’ ? Sa diwa na matatalos nila, batay sa mga pangyayari sa lupa, na siya’y naririto bagama’t di-nakikita. Sa pagtukoy din sa pagkakitang hindi literal, iniuulat ng Juan 9:41: “Sinabi ni Jesus sa [mga Pariseo]: ‘Kung kayo’y mga bulag, ay hindi kayo nagkakaroon ng kasalanan. Datapuwa’t ngayo’y sinasabi ninyo, “Nakakakita kami.” Kaya nananatili ang inyong kasalanan.’ ” (Ihambing ang Roma 1:20.) Pagbalik ni Kristo, may ilan na sumasampalataya; kinikilala nila ang tanda ng kaniyang pagkanaririto. Tinatanggihan ng iba ang ebidensiya, nguni’t kapag nagsimulang kumilos si Kristo bilang tagapuksa ng Diyos laban sa mga balakyot, sila man ay makatatalos na ang pagkapuksang iyon ay hindi mula sa tao kundi mula sa langit, dahil sa kapahayagan ng kaniyang kapangyarihan. Mauunawaan nila kung ano ang nagaganap sapagka’t una pa’y binabalaan sila. Dahil sa hirap ng nangyayari sa kanila, sila’y “magsisitaghoy.”
Sino yaong “mga nangagsiulos sa kaniya”? Aktuwal na ginawa ito ng mga kawal na Romano noong pinatay si Jesus. Nguni’t ang mga ito’y matagal nang patay. Kaya maliwanag na ito’y tumutukoy sa mga tulad nilang nagpapahirap, o ‘nagsisiulos,’ sa tunay na mga tagasunod ni Kristo sa “mga huling araw.”—Mat. 25:40, 45.
Talaga bang masasabing ‘dumating’ o ‘naririto’ ang isang tao kahit na hindi siya nakikita?
Sinabi ni apostol Pablo na siya’y “wala sa katawan nguni’t naroroon sa espiritu” may kaugnayan sa kongregasyon sa Corinto.—1 Cor. 5:3.
Sinabi ni Jehova na siya’y ‘bumaba’ upang guluhin ang wika ng mga nagtatayo ng tore ng Babel. (Gen. 11:7) Sinabi rin niya na siya’y “bumaba” upang iligtas ang Israel mula sa pagkaalipin sa Ehipto. At tiniyak ng Diyos kay Moises, “Ako mismo’y sasama sa iyo” upang akayin ang Israel sa Lupang Pangako. (Exo. 3:8; 33:14) Nguni’t ang Diyos ay hindi nakita ng sinomang tao.—Exo. 33:20; Juan 1:18.
Ano ang ilan sa mga pangyayari na sinasabi ng Bibliyang magaganap may kaugnayan sa pagkanaririto ni Kristo?
Dan. 7:13, 14: “Kasama ng mga alapaap ng langit ay lumabas ang isang gaya ng anak ng tao [si Jesu-Kristo]; at siya’y naparoon sa Matanda sa mga Araw [ang Diyos na Jehova], at inilapit nila siya sa mismong harapan ng Isang iyon. At binigyan siya ng kapamahalaan at karangalan at isang kaharian, upang lahat ng mga bayan, bansa at mga wika ay mangaglingkod sa kaniya.”
1 Tes. 4:15, 16: “Ito ang sinasabi namin sa inyo sa salita ni Jehova, na tayong mga mananatiling buháy hanggang sa pagkanaririto ng Panginoon ay hindi mauuna sa anomang paraan sa mga natutulog sa kamatayan; sapagka’t ang Panginoon din ay bababang mula sa langit na may isang panawagan, na may tinig ng arkanghel at may pakakak ng Diyos, at ang mga namatay kay Kristo ay unang bubuhayin.” (Kaya, yaong mga maghaharing kasama ni Kristo ay bubuhaying-muli upang makasama niya sa langit—una yaong mga namatay noong unang mga panahon at pagkatapos ay yaong mga mamamatay pagkatapos ng pagbabalik ng Panginoon.)
Mat. 25:31-33: “Pagparito ng Anak ng tao na nasa kaniyang kaluwalhatian, na kasama niya ang lahat ng mga anghel, kung magkagayo’y luluklok siya sa kaniyang maluwalhating luklukan. At titipunin sa harap niya ang lahat ng mga bansa, at sila’y pagbubukdin-bukdin niya na gaya ng pagbubukud-bukod ng pastol sa mga tupa at sa mga kambing. At ilalagay niya ang mga tupa sa kaniyang kanan, datapuwa’t sa kaliwa ang mga kambing.”
2 Tes. 1:7-9: “Kayong mga pinighati ay bigyang kasama namin ng kapahingahan sa pagpapakahayag ng Panginoong Jesus mula sa langit na kasama ang makapangyarihan niyang mga anghel na nasa nagniningas na apoy, samantalang kaniyang paghihigantihan yaong mga hindi kumikilala sa Diyos at yaong mga hindi tumatalima sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus. Ang mga ito ay tatanggap ng kaparusahan ng walang-hanggang pagkalipol mula sa harapan ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kaniyang kalakasan.”
Luc. 23:42, 43: “At sinabi niya [ng nakikiramay na manlalabag-batas na nakabayubay katabi ni Jesus]: ‘Jesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian.’ At sinabi niya sa kaniya: ‘Katotohanang sinasabi ko sa iyo ngayon, Kakasamahin kita sa Paraiso.’ ” (Sa ilalim ng pamamahala ni Jesus, ang buong lupa ay magiging paraiso; ang mga patay na nasa alaala ng Diyos ay bubuhaying-muli at bibigyan ng pagkakataong tamasahin ang sakdal na buhay sa lupa magpakailanman.)
Tingnan din ang mga pahina 169-174, sa paksang “Mga Huling Araw.”