Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w00 2/15 p. 4-7
  • Manatili sa Labas ng Mapanganib na Dako!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Manatili sa Labas ng Mapanganib na Dako!
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Kakila-kilabot na Araw ni Jehova
  • Magkubli Na Ngayon
  • Kapag Nakatakas Ka Na, Manatiling Nasa Malayo
  • Makinig sa Babala!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • Sino ang Makaliligtas sa “Panahon ng Matinding Kahirapan”?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Handa Ka Na ba Para sa Araw ni Jehova?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Laging Isaisip na Malapit Na ang Araw ni Jehova
    Sambahin ang Tanging Tunay na Diyos
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
w00 2/15 p. 4-7

Manatili sa Labas ng Mapanganib na Dako!

TUNGKULIN ng mga bulkanologo na mag-obserba at magsuri ng ebidensiya at pagkatapos ay magbabala tungkol sa napipintong pagsabog ng bulkan. (Nang minsang sumabog ang Bundok Fugen, kinailangan na ng pulisya na panatilihin ang mga tao sa labas ng mapanganib na dako.) Gayundin naman, inoobserbahan ng mga estudyante ng Bibliya ang tanda ng “katapusan ng sistema ng mga bagay” at pinapaghahanda ang iba sa nagbabantang panganib.​—Mateo 24:3.

Sa kabanata ring iyon ng Bibliya na nagbababala hinggil sa nagbabantang pangglobong kapahamakan, mababasa natin ang paglalarawang ito hinggil sa panimulang mangyayari: “Ang bansa ay titindig laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian, at magkakaroon ng mga kakapusan sa pagkain at mga lindol sa iba’t ibang dako. . . . Maraming bulaang propeta ang babangon at ililigaw ang marami; at dahil sa paglago ng katampalasanan ang pag-ibig ng nakararami ay lalamig. . . . At ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”​—Mateo 24:7-14.

Hindi na tayo kailangang maging mga tagasuri ng balita para lamang maunawaan ang kasalukuyang katuparan ng hulang ito. Lalo na sapol noong 1914, nararanasan na natin ito. Nasaksihan ng siglong ito ang dalawang digmaang pandaigdig, napakaraming gera sibil, lokal na pagdidigmaan, at mga alitan ng lahi at relihiyon. Nagdusa ng kakapusan sa pagkain ang sangkatauhan dahil sa gayong mga digmaan, bukod pa sa kasalatan na dulot ng likas na mga kasakunaan. Maraming buhay ang nilamon ng mga lindol. Naglitawan ang mga kulto na may nakapag-aalinlangang mga pinuno at mga panatikong tagasunod. Itinalikod ng “paglago ng katampalasanan” ang mga tao mula sa pagpapakita ng pag-ibig, at hindi na kalakaran ang pagiging mapagkapuwa-tao.

Ang pambuong-daigdig na gawaing pangangaral, na isa pang aspekto ng tanda, ay tiyak na naisasakatuparan. Balikan lamang ang pabalat ng magasing ito, at mapapansin mo ang mga salitang “Naghahayag ng Kaharian ni Jehova” bilang bahagi ng pamagat. Ang Bantayan, na inilalathala sa 132 wika at may sirkulasyon na mahigit sa 22 milyon, ay isang pangunahing kasangkapan niyaong mga naghahayag ng “mabuting balitang ito ng kaharian” sa buong tinatahanang lupa. Kasali sa mabuting balitang iyan ang mensahe na naitatag na ng Maylalang ng sansinukob, ang Diyos na Jehova, ang makalangit na Kaharian na pupuksa sa balakyot na sistema ng mga bagay at gagawa ng paraiso sa lupa. Sa katunayan, makikita na sa ngayon ang tanda na malapit nang kumilos ang Diyos, anupat nagpapahiwatig na ang buhay ng mga tao sa sistemang ito ng mga bagay ay nanganganib.​—Ihambing ang 2 Timoteo 3:1-5; 2 Pedro 3:3, 4; Apocalipsis 6:1-8.

Ang Kakila-kilabot na Araw ni Jehova

Ano ang mangyayari kapag panahon na upang ilapat ni Jehova ang kaniyang hatol? Pakinggan ang kaniya mismong malinaw na paglalarawan sa magaganap sa panahong iyon: “Ako ay magbibigay ng mga palatandaan sa langit at sa lupa, dugo at apoy at mga haliging usok. Ang araw mismo ay magiging kadiliman, at ang buwan ay magiging dugo, bago dumating ang dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova.”​—Joel 2:30, 31.

Ang araw na iyon, na higit na nakatatakot at mapangwasak kaysa sa alinmang pagsabog ng bulkan o lindol sa isang lugar, ay napakalapit na. Ganito ang sabi ni propeta Zefanias: “Ang dakilang araw ni Jehova ay malapit na. Iyon ay malapit na, at iyon ay lubhang minamadali. . . . Sa pamamagitan ng apoy ng kaniyang sigasig ay lalamunin ang buong lupa, sapagkat siya ay magsasagawa ng paglipol, isa nga na kahila-hilakbot, sa lahat ng mga tumatahan sa lupa.” Bagaman “maging ang kanilang pilak o ang kanilang ginto man ay hindi makapagliligtas sa kanila sa araw ng poot ni Jehova,” may paraan upang makaligtas sa kakila-kilabot na araw na iyon.​—Zefanias 1:14-18.

Ipinakikita kung paano, ganito ang sinabi ni Zefanias: “Bago dumating sa inyo ang nag-aapoy na galit ni Jehova, bago dumating sa inyo ang araw ng galit ni Jehova, hanapin ninyo si Jehova, ninyong lahat na maaamo sa lupa . . . Hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kaamuan. Baka sakaling makubli kayo sa araw ng galit ni Jehova.” (Zefanias 2:2, 3) Makakukubli tayo sa pamamagitan ng ‘paghahanap kay Jehova, paghahanap sa katuwiran, at paghahanap sa kaamuan.’ Sino sa ngayon ang naghahanap kay Jehova?

Walang-alinlangan na naiuugnay mo ang salitang “Jehova” sa mga Saksi ni Jehova dahil sa kanilang gawaing pangangaral. Maaaring natanggap mo ang magasing ito mula sa isa sa kanila. Kilala sila bilang mga mamamayan na may prinsipyo at may matuwid na pamumuhay. Sinisikap nilang magsuot ng “bagong personalidad,” na dito’y kalakip ang pagpapaunlad ng kaamuan. (Colosas 3:8-10) Inaamin nila na ito’y bunga ng pagiging naturuan ng nakikitang organisasyon ni Jehova, na sa buong lupa ay kinakatawan ng mga lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Oo, maaari kang magkubli kasama ng ‘buong samahan ng mga kapatid’ sa gitna ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig.​—1 Pedro 5:9.

Magkubli Na Ngayon

Upang makapagkubli sa pamamagitan ng paghahanap kay Jehova, kailangang maging mga kaibigan niya tayo. Ano ang kasangkot nito? Ang Bibliya ay sumasagot: “Hindi ba ninyo alam na ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-away sa Diyos? Samakatuwid, ang sinumang naghahangad na maging kaibigan ng sanlibutan ay ibinibilang ang kaniyang sarili na kaaway ng Diyos.” (Santiago 4:4) Upang maging mga kaibigan ng Diyos, kailangang alisin natin sa ating mga sarili ang anumang emosyonal na kaugnayan sa kasalukuyang balakyot na sanlibutan, na kakikitaan ng rebelyosong saloobin sa Diyos.

Pinapayuhan tayo ng Bibliya: “Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan o ang mga bagay man sa sanlibutan. Kung ang sinuman ay umiibig sa sanlibutan, ang pag-ibig sa Ama ay wala sa kaniya; sapagkat ang lahat ng bagay sa sanlibutan​—ang pagnanasa ng laman at ang pagnanasa ng mga mata at ang pagpaparangya ng kabuhayan ng isa​—ay hindi nagmumula sa Ama, kundi nagmumula sa sanlibutan. Karagdagan pa, ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” (1 Juan 2:15-17) Nauudyukan ng makalamang mga pagnanasa ang karamihan sa mga tao sa ngayon​—walang-taros na pagnanasa sa sekso, sakim na paghahanap ng salapi, at pag-aabuso sa kapangyarihan. Subalit upang maging nasa panig ni Jehova, dapat na paglabanan ng isa ang gayong mga pagnanasa.​—Colosas 3:5-8.

Maaaring nakababasa ka paminsan-minsan ng magasing ito, at baka sumasang-ayon ka sa pagkakapit nito sa mga hula sa Bibliya. Subalit, baka nag-aatubili kang gawin ang karagdagang hakbangin na makisama sa mga Saksi ni Jehova. Gayunman, kung ikaw ay napapaharap sa isang malaking kapahamakan, sapat na ba na marinig lamang ang babala? Gaya ng nakita natin sa nangyari sa pagsabog ng Bundok Fugen, kailangan tayong kumilos ayon sa babala. Tandaan, di-kukulangin sa 15 reporter ng balita at mga cameraman ang nasawi dahil sa hangaring makakuha ng interesanteng ibabalita. Sa katunayan, isang potograpo ang namatay habang nakadiin pa ang kaniyang daliri sa shutter button (ang buton na idinidiin kapag nagreretrato) ng kaniyang kamera. Isang bulkanologo​—na nagsabi, “Kung dumating na ang araw na ako’y mamamatay, gusto kong mamatay sa gilid ng isang bulkan”​—ang nakitlan ng buhay sa paraan na gusto niya. Sila’y pawang deboto sa kanilang mga gawain at hangarin. Gayunman, pinagbayaran nila iyon ng kanilang buhay​—ang kabayaran ng pagwawalang-bahala sa babala.

Marami sa ngayon ang nakaririnig sa mensahe hinggil sa pasiya ng Diyos na puksain ang balakyot na sistemang ito ng mga bagay at nauunawaan naman nila, sa isang antas, na totoo ang babala. ‘Maaaring dumating nga ito balang araw,’ marahil ay ikakatuwiran nila, ‘ngunit hindi pa ngayon.’ May kaalwanan nilang ipinagpapaliban ang araw ni Jehova sa darating pang panahon upang hindi sila magambala mula sa waring mas mahalaga sa kanilang mga mata sa kasalukuyan.

Gayundin ang naging problema ni Baruc. Bilang ang kalihim ng sinaunang propetang si Jeremias, may-katapangang binabalaan ni Baruc ang mga Israelita hinggil sa nagbabantang pagkawasak ng Jerusalem. Gayunman, minsan ay nanghimagod siya sa kaniyang atas. Dahil dito, itinuwid siya ni Jehova: “Kung tungkol sa iyo, patuloy kang naghahanap ng mga dakilang bagay para sa iyong sarili. Huwag ka nang maghanap.” Iyon man ay kayamanan, katanyagan, o materyal na kapanatagan, si Baruc ay hindi dapat ‘humanap ng mga dakilang bagay para sa kaniyang sarili.’ Siya’y dapat na maging interesado sa isang bagay, ang paggawa ng kalooban ng Diyos upang tulungan ang mga tao na manindigan sa Kaniyang panig. Bilang resulta, tatanggapin niya ang ‘kaniyang kaluluwa bilang samsam.’ (Jeremias 45:1-5) Sa katulad na paraan, sa halip na ‘maghanap ng dakilang mga bagay para sa ating sarili,’ dapat nating hanapin si Jehova, na siyang aakay sa pagkaligtas ng ating sariling buhay.

Sa Bundok Fugen, mahigit sa isang dosenang pulis at boluntaryong bombero ang nagtatrabaho noon nang umagos sa kanila ang napakainit na materyal ng bulkan. Sinisikap nilang tulungan at pangalagaan ang nanganganib na mga tao. Sila’y katulad ng mga lalaki at babaing may mabuting hangarin na abala sa pagpapaunlad sa daigdig na ito. Gaano man katayog ang kanilang mga motibo, “yaong ginawang baluktot ay hindi maitutuwid.” (Eclesiastes 1:15) Ang baluktot na sistema ng mga bagay ay hindi na maaaring ituwid. Makatuwiran ba na gawing “isang kaibigan ng sanlibutan” ang ating sarili sa pamamagitan ng pagsisikap na iligtas ang pambuong-daigdig na sistema na itinakdang alisin ng Diyos?

Kapag Nakatakas Ka Na, Manatiling Nasa Malayo

Isang bagay ang tumakas mula sa nanganganib na sistema, ngunit ibang bagay naman ang manatili sa nagsasanggalang na pangangalaga ng “buong samahan ng mga kapatid.” (1 Pedro 2:17) Huwag nating kalilimutan ang mga magsasaka na, pagkatapos na mailikas, ay nagbalik upang tingnan ang kanilang mga bukirin malapit sa Bundok Fugen. Marahil, gustung-gusto nilang bumalik sa “normal” na buhay na dati nilang tinatamasa. Subalit natatanto ninyo na hindi isang katalinuhan ang kanilang naging pasiya na magbalik. Marahil, hindi iyon ang kanilang unang pagtatangka na tumawid sa hangganan. Maaaring pumasok sila sa mapanganib na lugar sa loob ng ilang sandali at wala namang nangyari. Nang sumunod na pagkakataon, maaaring namalagi sila nang matagal-tagal, at wala ring nangyari. Malamang, di-nagtagal ay nasanay na sila sa pagtawid-tawid sa nagsasanggalang na hangganan at nagkalakas ng loob na magtagal sa nanganganib na lugar.

Tinukoy ni Jesu-Kristo ang isang nakakahawig na situwasyon na sasapit sa panahon ng “katapusan ng sistema ng mga bagay.” Sinabi niya: “Gaya nila noong mga araw na iyon bago ang baha, na kumakain at umiinom, ang mga lalaki ay nag-aasawa at ang mga babae ay ibinibigay sa pag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong; at hindi sila nagbigay-pansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat, magiging gayon ang pagkanaririto ng Anak ng tao.”​—Mateo 24:3, 38, 39.

Pansinin na binanggit ni Jesus ang pagkain, pag-inom, at ang pag-aasawa. Wala sa mga bagay na iyon ang masama sa ganang sarili sa paningin ni Jehova. Kung gayon ay ano ang masama? Ang mga tao noong panahon ni Noe ay ‘hindi nagbigay-pansin,’ anupat nagtaguyod ng isang buhay na nakasentro sa kanilang regular na rutin. Sa panahon ng kagipitan, ang isa ay hindi maaaring mamuhay nang “normal.” Kapag nakatakas ka na, o naihiwalay mo na ang iyong sarili, mula sa kasalukuyang nahatulang daigdig, kailangang paglabanan mo ang anumang pagnanasang magbalik upang samantalahin ang anumang bagay na maaari mo pang makuha mula rito. (1 Corinto 7:31) Maaaring makapaglibut-libot ka sa labas ng espirituwal na ligtas na dako at makabalik nang hindi napipinsala anupat hindi pa nga ito mapapansin ng iba. Gayunman, malamang na palalakasin nito ang iyong loob at aakayin ka upang muling magbalik sa sanlibutan, anupat namamalagi roon nang mas mahaba-habang sandali. Di-magtatagal at maaaring mabuo ang isang saloobin: “Hindi pa ngayon ang pagdating ng wakas.”

Gayundin, isipin ang tatlong drayber ng taksi na nasawi sa paghihintay sa mga reporter ng balita at mga cameraman nang humugos ang materyal mula sa bulkan pababa sa dalisdis. Ang ilan sa ngayon ay maaaring sumasama sa ibang nangangahas na bumalik sa sanlibutan. Anuman ang dahilan, maliwanag na hindi sulit ang pagpapahikayat na magbalik sa mapanganib na dako.

Lahat ng biktima ng pagsabog ng Bundok Fugen ay tumawid sa ligtas na hangganan at pumasok sa mapanganib na dako. Bagaman inaasahan nila na balang araw ay sasabog ang bundok, walang nag-akala na mangyayari iyon sa araw na iyon. Sa pamamagitan ng pag-oobserba sa tanda ng katapusan ng sistema ng mga bagay, marami ang umaasa na balang araw ay darating ang araw ni Jehova ngunit malamang na magtatagal pa. Inaakala pa nga ng ilan na ang araw na iyon ay hindi maaaring mangyari “ngayon.” Ang gayong saloobin ay talagang mapanganib.

“Ang araw ni Jehova ay darating na gaya ng isang magnanakaw,” ang babala ni apostol Pedro. Tayo ay kailangang maging alisto, “na hinihintay at iniingatang malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova,” anupat ginagawa ang ating “sukdulang makakaya upang masumpungan niya na walang batik at walang dungis at nasa kapayapaan.” (2 Pedro 3:10-14) Pagkatapos mawasak ang kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay, naghihintay naman ang isang paraisong lupa sa ilalim ng Kaharian ng Diyos. Huwag nawa tayong matuksong magbakasakali sa pagtungo sa mapanganib na dako anuman ang maaaring idahilan ng ating isipan, yamang sa araw na tumawid tayo sa hangganan pabalik sa sanlibutan ay baka siya namang pagdating ng araw ni Jehova.

Manganlong na kasama ng bayan ni Jehova at manatiling kasama nila.

[Mga larawan sa pahina 7]

Manganlong na kasama ng bayan ni Jehova at manatiling kasama nila

[Picture Credit Line sa pahina 4]

Iwasa/Sipa Press

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share