KABANATA 3
“Alalahanin Ninyo ang mga Nangunguna sa Inyo”
ANG mga salitang ito ni apostol Pablo, na nakaulat sa Hebreo 13:7, ay maaari ding isalin nang ganito: “Alalahanin ninyo ang mga namamahala sa inyo.” Mula Pentecostes 33 C.E., ang tapat na mga apostol ng Panginoong Jesu-Kristo ang nagsilbing lupong tagapamahala na nanguna sa pagpatnubay sa bagong-tatag na kongregasyong Kristiyano. (Gawa 6:2-4) Pero noong mga 49 C.E., may iba pang naging miyembro ng lupong tagapamahala, bukod pa sa mga apostol ni Jesus. Nang pagpasiyahan ang isyu tungkol sa pagtutuli, ang lupong tagapamahala ay binubuo na ng “mga apostol at matatandang lalaki” sa Jerusalem. (Gawa 15:1, 2) Pananagutan nila na isaalang-alang ang mga bagay na nakaaapekto sa lahat ng Kristiyano. Nagpadala sila ng mga liham at mga tuntunin, na nagpatibay sa mga kongregasyon at nagpanatili sa pagkakaisa ng mga alagad sa isip at gawa. Ang mga kongregasyon ay sumunod at nagpasakop sa patnubay ng lupong tagapamahala, kaya pinagpala sila ni Jehova at sumulong.—Gawa 8:1, 14, 15; 15:22-31; 16:4, 5; Heb. 13:17.
2 Pagkamatay ng mga apostol, nagsimula ang apostasya. (2 Tes. 2:3-12) Gaya ng inihula ni Jesus sa kaniyang talinghaga tungkol sa trigo at panirang-damo, ang trigo (mga pinahirang Kristiyano) ay mahahasikan ng panirang-damo (mga huwad na Kristiyano). Sa loob ng daan-daang taon, ang dalawang grupong ito ay hahayaang sabay na lumaki hanggang sa pag-aani, sa “katapusan ng isang sistema.” (Mat. 13:24-30, 36-43) Kahit patuloy na sinasang-ayunan ni Jesus ang bawat pinahirang Kristiyano, walang lupong tagapamahala noon; walang instrumentong ginagamit si Jesus sa lupa para patnubayan ang kaniyang mga tagasunod. (Mat. 28:20) Pero inihula niyang may magaganap na pagbabago sa panahon ng pag-aani.
3 “Sino talaga ang tapat at matalinong alipin?” Sa tanong na iyan, sinimulang ilahad ni Jesu-Kristo ang isang ilustrasyon tungkol sa isang bahagi ng “tanda” ng “katapusan ng sistemang ito.” (Mat. 24:3, 42-47) Ipinahiwatig ni Jesus na magiging abalá ang tapat na aliping ito sa paglalaan sa bayan ng Diyos ng espirituwal na pagkain “sa tamang panahon.” Gumamit si Jesus ng isang grupo ng mga lalaki—sa halip na isang indibidwal—para manguna noong unang siglo. Kaya hindi rin isang indibidwal ang tapat na aliping ginagamit ni Jesus sa katapusan ng sistemang ito.
KUNG SINO ANG “TAPAT AT MATALINONG ALIPIN”
4 Sino ang inatasan ni Jesus para pakainin ang kaniyang mga tagasunod? Angkop lang na gamitin niya ang mga pinahirang Kristiyano sa lupa. Tinatawag sila ng Bibliya na “mga saserdoteng maglilingkod bilang mga hari.” Inatasan silang “‘ihayag nang malawakan ang kadakilaan’ ng tumawag sa [kanila] mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kamangha-manghang liwanag.” (1 Ped. 2:9; Mal. 2:7; Apoc. 12:17) Lahat ba ng pinahirang nasa lupa ay kabilang sa tapat na alipin? Hindi. Nang makahimalang pakainin ni Jesus ang mga 5,000 lalaki, bukod pa sa mga babae at bata, ipinamahagi niya ang pagkain sa mga alagad niya, at ang mga alagad naman sa mga tao. (Mat. 14:19) Pinakain niya ang marami sa pamamagitan ng iilan. Sa ganiyang paraan din siya naglalaan ng espirituwal na pagkain sa ngayon.
5 Kaya ang “tapat na katiwala, ang matalino,” ay isang maliit na grupo na binubuo ng pinahirang mga brother na tuwirang nakikibahagi sa paghahanda at paglalaan ng espirituwal na pagkain sa panahon ng presensiya ni Kristo. (Luc. 12:42) Sa mga huling araw na ito, ang pinahirang mga brother na bumubuo sa “tapat at matalinong alipin” ay magkakasamang naglilingkod sa punong-tanggapan. Sa ngayon, sila ang bumubuo sa Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova.
6 Ginagamit ni Kristo ang lupon na ito para maglathala ng impormasyon tungkol sa katuparan ng mga hula sa Bibliya at magbigay ng napapanahong tagubilin kung paano susundin ang mga prinsipyo sa Bibliya sa araw-araw. Ginagamit ang lokal na mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova para maipamahagi ang espirituwal na pagkain. (Isa. 43:10; Gal. 6:16) Noong panahon ng Bibliya, ang isang pinagkakatiwalaang alipin, o katiwala, ay tagapamahala sa sambahayan. Ganiyan din sa tapat at matalinong alipin. Ipinagkatiwala sa kanila ang pananagutang mangasiwa sa sambahayan ng mga mananampalataya. Kaya naman ang tapat na alipin din ang nangangasiwa sa materyal na mga pag-aari, gawaing pangangaral, mga programa sa asamblea at kombensiyon, paghirang ng mga tagapangasiwa na gaganap ng iba’t ibang atas sa organisasyon, at sa paglalathala ng salig-Bibliyang mga literatura—lahat para sa kapakinabangan ng “mga lingkod ng sambahayan.”—Mat. 24:45.
7 Sino kung gayon ang “mga lingkod ng sambahayan”? Sa simpleng pananalita, sila ang pinakakain. Noon, lahat ng lingkod ng sambahayan ay mga pinahiran lang. Pero nang maglaon, naging bahagi na rin nito ang malaking pulutong ng “ibang mga tupa.” (Juan 10:16) Ang dalawang grupo ay nakikinabang sa espirituwal na pagkaing inilalaan ng tapat na alipin.
8 Sa malaking kapighatian, pagdating ni Jesus para ipahayag at ilapat ang hatol sa masamang sistemang ito, aatasan niya ang tapat na alipin para mangasiwa sa “lahat ng [kaniyang] pag-aari.” (Mat. 24:46, 47) Ang mga bumubuo sa tapat na alipin ay tatanggap ng kanilang gantimpala. Sila at ang iba pang kabilang sa 144,000 ay mamamahalang kasama ni Kristo sa langit. Sa panahong iyon, kahit wala nang tapat at matalinong alipin sa lupa, patuloy na papatnubayan ni Jehova at ni Jesus ang makalupang mga sakop ng Mesiyanikong Kaharian sa pamamagitan ng inatasang “matataas na opisyal.”—Awit 45:16.
KUNG BAKIT DAPAT ‘ALALAHANIN ANG MGA NANGUNGUNA’
9 Maraming dahilan para ‘alalahanin natin ang mga nangunguna’ at ipakitang nagtitiwala tayo sa kanila. Paano tayo makikinabang dito? Sinabi ni apostol Pablo: “Patuloy nila kayong binabantayan na isinasaisip na mananagot sila, para magawa nila ito nang masaya at hindi nagbubuntonghininga, dahil makapipinsala ito sa inyo.” (Heb. 13:17) Napakahalagang sumunod at magpasakop sa tagubilin ng mga nangunguna dahil nagbabantay sila para maprotektahan tayo at manatiling malakas sa espirituwal.
10 Sinabi ni Pablo sa 1 Corinto 16:14: “Gawin ninyo ang lahat ng bagay nang may pag-ibig.” Ang mga desisyong ginagawa para sa kapakanan ng bayan ng Diyos ay nakasalig sa pag-ibig. Tungkol sa katangiang ito, sinasabi ng 1 Corinto 13:4-8: “Ang pag-ibig ay matiisin at mabait. Ang pag-ibig ay hindi naiinggit. Hindi ito nagyayabang, hindi nagmamalaki, hindi gumagawi nang hindi disente, hindi inuuna ang sariling kapakanan, at hindi nagagalit. Hindi ito nagkikimkim ng sama ng loob. Hindi ito natutuwa sa kasamaan kundi nagsasaya sa katotohanan. Pinagpapasensiyahan nito ang lahat ng bagay, pinaniniwalaan ang lahat ng bagay, inaasahan ang lahat ng bagay, at tinitiis ang lahat ng bagay. Ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.” Dahil salig sa pag-ibig ang lahat ng desisyong ginagawa ng mga nangunguna para sa mga lingkod ni Jehova, talagang makapagtitiwala tayo sa kanilang patnubay. Isa pa, repleksiyon ito ng pag-ibig ni Jehova.
Napakahalagang magpasakop sa mga nangunguna dahil nagbabantay sila para manatili tayong malakas sa espirituwal
11 Noong unang siglo, hindi perpekto ang mga lalaking ginagamit ni Jehova para manguna sa kaniyang bayan. Pero bago pa nito, gumamit na si Jehova ng hindi perpektong mga lalaki para maisakatuparan ang kaniyang kalooban. Gumawa si Noe ng arka at nangaral siya tungkol sa nalalapit na pagkapuksa noong panahon niya. (Gen. 6:13, 14, 22; 2 Ped. 2:5) Inatasan si Moises na pangunahan ang bayan ni Jehova sa paglabas sa Ehipto. (Ex. 3:10) Ginabayan ang hindi perpektong mga lalaki para isulat ang Bibliya. (2 Tim. 3:16; 2 Ped. 1:21) Kaya ang paggamit ni Jehova sa ngayon ng hindi perpektong mga lalaki para mangasiwa sa gawaing pangangaral at paggawa ng alagad ay hindi nagpapahina ng ating tiwala sa organisasyon ng Diyos. Sa halip, napapatibay tayo dahil alam natin na kung wala ang tulong ni Jehova, hinding-hindi maisasakatuparan ng organisasyon ang lahat ng naisasagawa nito. Sa lahat ng naranasan at pinagdaanan ng tapat na alipin, kitang-kita ang paggabay sa kanila ng espiritu ng Diyos. Saganang pagpapala ang ibinubuhos sa nakikitang bahagi ng organisasyon ni Jehova sa ngayon. Kaya naman buong-puso ang ating suporta at pagtitiwala rito.
KUNG PAANO NATIN IPINAPAKITA ANG ATING TIWALA
12 Ipinapakita ng mga inatasan sa kongregasyon ang kanilang tiwala sa pamamagitan ng buong-pusong pagtanggap at tapat na pagganap sa mga pananagutang kaakibat ng paghirang sa kanila. (Gawa 20:28) Bilang mga tagapaghayag ng Kaharian, tayo ay masigasig na nagbabahay-bahay, dumadalaw-muli, at nagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya. (Mat. 24:14; 28:19, 20) Para lubusang makinabang sa saganang espirituwal na pagkaing inilalaan ng tapat na alipin, naghahanda tayong mabuti at dumadalo sa mga pulong, pati na sa mga asamblea at kombensiyon. Nakikinabang tayo nang husto kapag nakikipagpatibayan at nakikipagsamahan tayo sa mga kapatid sa mga pagtitipong ito.—Heb. 10:24, 25.
13 Kapag nagbibigay tayo ng kontribusyon para suportahan ang organisasyon, patunay ito na nagtitiwala tayo rito. (Kaw. 3:9, 10) Kapag nakikita nating nangangailangan sa materyal ang ating mga kapatid, agad tayong tumutulong. (Gal. 6:10; 1 Tim. 6:18) Ginagawa natin ito dahil mahal natin ang mga kapatid. Lagi tayong naghahanap ng mga pagkakataon para ipakita kay Jehova at sa kaniyang organisasyon na pinahahalagahan natin ang kabutihang natatanggap natin.—Juan 13:35.
14 Ipinapakita rin nating nagtitiwala tayo sa organisasyon kung sinusuportahan natin ang mga desisyon nito. Kasama rito ang mapagpakumbabang pagsunod sa tagubilin ng mga inatasang tagapangasiwa, gaya ng mga tagapangasiwa ng sirkito at mga elder sa kongregasyon. Kabilang ang mga brother na ito sa “mga nangunguna,” kaya dapat tayong maging masunurin at mapagpasakop sa kanila. (Heb. 13:7, 17) Kahit hindi natin lubusang nauunawaan ang mga dahilan sa ilang desisyon, alam natin na ang pagsunod dito ay para sa ikabubuti natin. Pagpapalain tayo ni Jehova kapag sinusunod natin ang kaniyang Salita at organisasyon. Sa paggawa nito, naipapakita natin na nagpapasakop tayo sa ating Panginoon, si Jesu-Kristo.
15 Oo, walang dahilan para hindi magtiwala sa tapat at matalinong alipin. Talagang sinisikap ni Satanas, ang diyos ng sistemang ito, na dustain ang pangalan at organisasyon ni Jehova. (2 Cor. 4:4) Huwag magpabiktima sa mga pakana ni Satanas! (2 Cor. 2:11) Alam niyang “kaunti na lang ang panahong natitira” sa kaniya bago siya ihagis sa kalaliman, at gagawin niya ang lahat para mas marami pang lingkod ni Jehova ang mailayo niya sa Diyos. (Apoc. 12:12) Habang mas nagsisikap si Satanas, lalo sana tayong maging malapít kay Jehova. Magtiwala tayo kay Jehova at sa instrumentong ginagamit niya para patnubayan ang kaniyang bayan sa ngayon. Sa paggawa nito, magkakaisa tayo bilang magkakapatid.