Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 10/15 p. 10-14
  • Anong Ligaya ng Maaamo!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Anong Ligaya ng Maaamo!
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Malapitang Pagmamasid sa Kaamuan
  • Kung Papaano Mapauunlad ang Kaamuan
  • Mga Kapakinabangan sa Kaamuan
  • Ang Kaamuan ay Nagdudulot ng Kaligayahan
  • Kahinahunan—Paano Tayo Nakikinabang Dito?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2020
  • Magbihis ng Kaamuan!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Kahinahunan
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Kahinahunan—Isang Napakahalagang Katangiang Kristiyano
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 10/15 p. 10-14

Anong Ligaya ng Maaamo!

“Maligaya ang maaamo, sapagkat mamanahin nila ang lupa.”​—MATEO 5:5.

1. Ano ang kaamuan na binanggit ni Jesus sa kaniyang Sermon sa Bundok?

SA KANIYANG Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesu-Kristo: “Maligaya ang maaamo, sapagkat mamanahin nila ang lupa.” (Mateo 5:5) Ang pagkamahinahon, o kaamuan, na ito ay hindi isang pakitang-taong paimbabaw na pagkamalumanay, ni ito man ay isa lamang likas na ugali ng pagkatao. Bagkus, ito ay tunay na panloob na pagkamahinahon at pagkamapayapa na ginaganap unang-una bilang pagtugon sa kalooban at patnubay ng Diyos na Jehova. Tunay na ang mga taong maaamo ay may matinding damdamin ng pagkaumaasa sa Diyos na makikita sa kanilang malumanay na pakikitungo sa mga kapuwa tao nila.​—Roma 12:17-19; Tito 3:1, 2.

2. Bakit sinabi ni Jesus na ang maaamo ay maligaya?

2 Sinabi ni Jesus na maligaya ang maaamo sapagkat kanilang mamanahin ang lupa. Bilang ang sakdal na maamong Anak ng Diyos, si Jesus ang Punong Tagapagmana ng lupa. (Awit 2:8; Mateo 11:29; Hebreo 1:1, 2; 2:5-9) Subalit bilang ang Mesiyanikong “anak ng tao,” siya’y magkakaroon ng kasamang mga tagapamahala sa kaniyang makalangit na Kaharian. (Daniel 7:13, 14, 22, 27) Bilang “kasama [ni Kristo] na mga tagapagmana,” ang pinahirang maaamong mga ito ay makikibahagi sa kaniyang mamanahing lupa. (Roma 8:17) Ang ibang maaamo, tulad-tupang mga tao ay magtatamasa ng buhay na walang-hanggan sa Paraiso sa makalupang sakop ng Kaharian. (Mateo 25:33, 34, 46; Lucas 23:43) Ang pag-asang iyan ay tunay na nagpapaligaya sa kanila.

3. Ang Diyos at si Kristo ay nagpakita ng anong halimbawa tungkol sa kaamuan?

3 Ang lupa ay tinatanggap ng maamong Punong Tagapagmana buhat sa kaniyang Ama, si Jehova, ang pangunahing halimbawa ng kaamuan. Anong dalas nga na sinasabi ng Kasulatan na ang Diyos ay “mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-awa”! (Exodo 34:6; Nehemias 9:17; Awit 86:15) Siya’y may malawak na kapangyarihan ngunit nagpapakita ng ganoon ding kalawak na kaamuan kung kaya’t ang mga sumasamba sa kaniya ay makalalapit sa kaniya nang walang bahagya mang pangamba. (Hebreo 4:16; 10:19-22) Ang Anak ng Diyos, na “maamo at mapagpakumbabang-puso,” ay nagturo sa kaniyang mga alagad na maging maamo. (Mateo 11:29; Lucas 6:27-29) Pagkatapos naman, ang maaamong mga aliping ito ng Diyos at ang kaniyang Anak ay tumulad at sumulat tungkol sa “kaamuan at kabaitan ng Kristo.”​—2 Corinto 10:1; Roma 1:1; Santiago 1:1, 2; 2 Pedro 1:1.

4. (a) Sang-ayon sa Colosas 3:12, ano ba ang nagawa ng mga taong talagang maaamo? (b) Anong mga katanungan ang nararapat nating isaalang-alang?

4 Sa ngayon, kapuwa ang pinahirang mga Kristiyano at ang kanilang makalupang mga kasamahan ay kailangang maging maaamo. Pagkatapos na iwaksi na ang anumang kasamaan, pandaraya, pagpapaimbabaw, inggit, at paninira, sila’y tinulungan ng banal na espiritu ng Diyos upang magbago sa ‘puwersa na nagpapakilos sa kanilang isip.’ (Efeso 4:22-24; 1 Pedro 2:1, 2) Sila’y hinihimok na magbihis ng “isang pusong mahabagin, ng kabaitan, ng kababaang-loob, ng kaamuan, at ng pagtitiis.” (Colosas 3:12) Subalit ano bang talaga ang saklaw ng kaamuan? Bakit kapaki-pakinabang na maging maamo? At papaano may bahagi sa ating ikaliligaya ang katangiang ito?

Isang Malapitang Pagmamasid sa Kaamuan

5. Papaano maipaliliwanag kung ano ang kaamuan?

5 Ang isang taong maamo ay malumanay sa kaniyang pag-uugali at pagkilos. Sa mga ibang salin ng Bibliya, ang pang-uri na pra·ysʹ ang isinalin na “mababang-loob,” “mahinahon,” “maamo,” at “malumanay.” Sa klasikong Griyego, ang pang-uring pra·ysʹ ay maaaring tumukoy sa isang malumanay na simoy ng hangin o tinig. Maaari ring tumukoy ito sa isang taong magiliw. Ang iskolar na si W. E. Vine ay nagsasabi nang ganito: “Ang kinauukulan ng [pangngalang pra·yʹtes] ay una at pangunahin sa Diyos tumutukoy. Iyan ang lagay ng isip na nasa atin sa pagtanggap natin sa Kaniyang mga pakikitungo sa atin bilang mabuti, at samakatuwid hindi natin sinasalungat o nilalabanan; ito ay may malapit na kaugnayan sa salitang tapeinophrosunē [kababaang-loob].”

6. Bakit masasabing ang kaamuan ay hindi kahinaan?

6 Ang kaamuan ay hindi kahinaan. “May pagkamalumanay sa praus,” ang isinulat ng iskolar na si William Barclay, “subalit sa likod ng pagkamalumanay ay naroon ang lakas na taglay ng bakal.” Kailangan ang lakas upang maging maamo. Halimbawa, lakas ang kailangan upang ang isa’y maging mahinahon sa ilalim ng mga kalagayang di-kaaya-aya o pagka tayo’y pinag-uusig. Ang maamong Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, ang nagpakita ng mainam na halimbawa sa bagay na ito. “Nang siya’y alipustain, hindi siya gumanti ng pag-alipusta. Nang siya’y nagdurusa, hindi siya nagbanta, kundi ipinagkatiwala ang kaniyang sarili sa isa [ang Diyos na Jehova] na humahatol nang matuwid.” (1 Pedro 2:23) Tulad ng maamong si Jesus, tayo’y makapagtitiwala na ang Diyos ang makikitungo sa mga umaalipusta at umuusig sa atin. (1 Corinto 4:12, 13) Tayo’y maaaring tumahimik, gaya ng pinag-usig na si Esteban, sa pagkatanto na kung tayo’y tapat, aalalayan tayo ni Jehova at hindi niya papayagang tayo’y magawan ng walang-hanggang pinsala.​—Awit 145:14; Gawa 6:15; Filipos 4:6, 7, 13.

7. Ano ang pinakikita ng Kawikaan 25:28 tungkol sa isang taong kulang ng kaamuan?

7 Si Jesus ay maamo, gayunman ay nagpakita siya ng lakas sa paninindigang matatag sa panig ng matuwid. (Mateo 21:5; 23:13-39) Sinuman na may “kaisipan ni Kristo” ay tutulad sa kaniya sa bagay na ito. (1 Corinto 2:16) Kung ang isang tao ay hindi maamo, siya ay hindi tulad-Kristo. Bagkus, kumakapit sa kaniya ang mga salitang ito: “Parang isang siyudad na nasira nang lampas-lampasan, na walang pader, ganiyan ang tao na hindi nagpipigil ng kaniyang diwa.” (Kawikaan 25:28) Ang gayong tao na kulang ng kaamuan ay madaling mapapasok ng mga maling kaisipan na aakay sa kaniya sa di-wastong pagkilos. Bagaman ang isang Kristiyanong maamo ay hindi isang taong mahina, gayunman ay alam niya na “ang sagot, kung mahinahon, ay pumapawi ng poot, ngunit ang salitang nakakasakit ay humihila ng galit.”​—Kawikaan 15:1.

8. Bakit hindi madaling maging maamo?

8 Hindi madali na maging maamo, sapagkat tayo ay nagmana ng di-kasakdalan at kasalanan. (Roma 5:12) Kung tayo ay mga lingkod ni Jehova, tayo ay nakikipagbaka rin sa mga hukbo ng masasamang espiritu na maaaring magsilbing pagsubok sa ating kaamuan dahil sa pag-uusig. (Efeso 6:12) At karamihan sa atin ay napaliligiran sa ating trabaho ng mga taong may mabagsik na diwa ng sanlibutan na nakalugmok sa kapangyarihan ng Diyablo. (1 Juan 5:19) Kaya papaano natin mapauunlad ang kaamuan?

Kung Papaano Mapauunlad ang Kaamuan

9. Anong punto de vista ang tutulong sa atin na paunlarin ang kaamuan?

9 Ang salig-Bibliyang matatag na paniniwala na tayo ay kailangang magpakita ng kaamuan ang tutulong sa atin na paunlarin ang katangiang ito. Sa araw-araw ay kailangang magsikap tayo na pagyamanin ang kaamuan. Kung hindi gayon, tayo’y makakatulad ng mga taong ang tingin sa kaamuan ay kahinaan at naniniwalang ang tagumpay ay bunga ng pagiging arogante, magaspang, malupit pa nga. Gayunman, hinahatulan ng Salita ng Diyos ang pagmamataas, at isang kawikaang pantas ang nagsasabi: “Ang taong maawain ay gumagawa ng mabuti sa kaniyang sariling kaluluwa, ngunit ang taong malupit ay nagtatakwil sa kaniyang sariling laman.” (Kawikaan 11:17; 16:18) Ang mga tao ay lumalayo sa isang mabalasik, malupit na tao, dahilan sa ibig nilang maiwasan ang pinsalang lilikhain ng kaniyang kalupitan at kakulangan ng kaamuan.

10. Kung nais nating maging maamo, kailangang pailalim tayo sa ano?

10 Upang tayo’y maging maamo, kailangang pailalim tayo sa impluwensiya ng banal na espiritu ng Diyos, o aktibong puwersa. Kung papaano pinangyari ni Jehova na ang lupa ay magbigay ng mga aning produkto, ganoon kaniyang pinapangyayari na ang kaniyang mga lingkod ay magsibol ng mga bunga ng kaniyang espiritu, kasali na ang kaamuan. Si Pablo ay sumulat: “Ang bunga ng espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kaamuan, pagpipigil sa sarili. Laban sa ganiyang mga bagay ay walang kautusan.” (Galacia 5:22, 23) Oo, ang kaamuan ay isa sa mga bunga ng espiritu ng Diyos na ipinakikita ng mga nakalulugod sa kaniya. (Awit 51:9, 10) At anong laking mga pagbabago ang nililikha ng kaamuan! Isang halimbawa: Mayroong isang sangganong nagngangalang Tony na palaaway, nagnanakaw sa mga tao, nagpupuslit ng mga narkotiko, lider ng isang gang ng mga nakamotorsiklo, at napabilanggo na. Subalit, nang magkaroon ng kaalaman sa Bibliya at sa tulong ng espiritu ng Diyos, siya’y nabago at naging maamong lingkod ni Jehova. Ang istorya ng buhay ni Tony ay karaniwan. Kung gayon, ano ang magagawa ng isang tao kung nangingibabaw sa kaniyang pagkatao ang kawalan ng kaamuan?

11. Sa pagpapaunlad sa kaamuan, ano ang bahagi ng panalangin?

11 Ang taos-pusong panalangin na humihiling ng espiritu ng Diyos at ng bunga nito na kaamuan ay tutulong sa atin upang paunlarin ang katangiang ito. Marahil ay kailangan na tayo ay “patuloy na humingi,” gaya nang sinabi ni Jesus, at ibibigay ng Diyos na Jehova ang ating kahilingan. Pagkatapos ipaliwanag na mabubuting mga bagay ang ibinibigay ng mga ama sa kanilang mga anak, sinabi ni Jesus: “Kung kayo, bagaman [makasalanan at kung paghahambingin] masasama, ay marunong magbigay ng mabubuting regalo sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama sa kalangitan na magbibigay ng banal na espiritu sa mga humihingi sa kaniya!” (Lucas 11:9-13) Ang panalangin ay makatutulong upang ang kaamuan ay maging isang permanenteng sangkap ng ating ugali​—isang katangian na kaligayahan ang idudulot sa atin at sa ating mga kasama.

12. Bakit tutulong sa atin na maging maamo ang laging pagsasaisip na ang mga tao ay di-sakdal?

12 Ang laging pagsasaisip na di-sakdal ang mga tao ay tutulong sa atin na maging maamo. (Awit 51:5) Tayo ay hindi makapag-iisip o makakikilos nang may kasakdalan, gaya rin ng mga ibang tao, kaya tayo ay dapat na magkaroon ng empatiya at makitungo sa kanila gaya ng ibig nating maging pakikitungo sa atin. (Mateo 7:12) Ang pagiging palaisip na lahat tayo ay nagkakamali ang dapat magtulak sa atin na maging mapagpatawad at maamo sa pakikitungo sa iba. (Mateo 6:12-15; 18:21, 22) Higit sa lahat, hindi ba tayo napasasalamat na tayo’y pinakikitunguhan ng Diyos na taglay ang pag-ibig at kaamuan?​—Awit 103:10-14.

13. Papaano tayo matutulungan na paunlarin ang kaamuan kung ating kinikilala na ang mga tao ay ginawa ng Diyos na may kalayaan na magpasiya?

13 Ang pagkilala na ginawa ng Diyos ang mga tao na taglay ang kalayaang magpasiya ay makatutulong din sa atin na paunlarin ang kaamuan. Ito’y hindi nagpapahintulot kaninuman na ipagwalang-bahala ang mga kautusan ni Jehova nang hindi siya napaparusahan, kundi ipinahihintulot nito ang pagkakaroon ng sari-saring panlasa, kagustuhan, at mga di-nagugustuhan ng kaniyang mga lingkod. Kaya kilalanin natin na walang sinumang obligado na umayon sa isang espisipikong personalidad na itinuturing natin na pinakamagaling. Ang ganitong espiritu ay tutulong sa atin na maging maamo.

14. Tungkol sa kaamuan, ano ang dapat na maging ating matatag na pasiya?

14 Ang matatag na pasiyang laging magtaglay ng kaamuan ay tutulong sa atin na patuloy na paunlarin ang katangiang ito. Ang pagpapailalim sa impluwensiya ng espiritu ni Jehova ay gumawa ng pagbabago sa ating kaisipan. (Roma 12:2) Ang isang maamo, tulad-Kristong espiritu ngayon ay tumutulong upang tayo’y mapigil ng pagkahulog sa paggawa ng “kalibugan, masasamang pita, pagmamalabis sa alak, mga kalayawan, mga paligsahan sa pag-inom, at labag-kautusang idolatriya.” Kailanman ay huwag nating ipagpalit ang kaamuan para sa pinansiyal, sosyal, o iba pang mga dahilan o dahilan sa ang mga tao ay nagsasalita nang may pang-aabuso tungkol sa ating mga gawang maka-Diyos. (1 Pedro 4:3-5) Huwag nating payagang tayo’y mahila sa “mga gawa ng laman,” na anupa’t naiwawala natin ang ating kaamuan at hindi natin namamana ang Kaharian ng Diyos o natatamasa ang kaniyang mga pagpapala. (Galacia 5:19-21) Laging pakamahalin natin ang pribilehiyo ng pagiging maaamong mga lingkod ng Diyos, tayo man ay pinahiran para sa buhay sa langit o kaya’y may makalupang pag-asa. Sa layuning iyan, isaalang-alang natin ang ilang mga kapakinabangan sa kaamuan.

Mga Kapakinabangan sa Kaamuan

15. Sang-ayon sa Kawikaan 14:30, bakit isang kapantasan na maging maamo?

15 Ang isang taong maamo ay may matiwasay na puso, isip, at katawan. Ito’y dahilan sa hindi siya mahilig sa alitan, hindi nababagabag dahilan sa kilos ng iba, o pinahihirapan ang kaniyang sarili sa walang puknat na pagkabalisa. Dahilan sa kaamuan ay napipigil niya ang kaniyang damdamin, at ito’y nakabubuti sa isip at sa katawan. Isang kawikaan ang nagsasabi: “Ang pusong matiwasay ang buhay ng katawan.” (Kawikaan 14:30) Ang kawalan ng kaamuan ay maaaring humantong sa galit na nakapagpapataas ng presyon ng dugo o nagiging sanhi ng diperensiya sa panunaw, hika, karamdaman sa mata, at iba pang mga problema. Ang maamong Kristiyano ay nagtatamasa ng sari-saring kapakinabangan, kasali na “ang kapayapaan ng Diyos” na nag-iingat sa kaniyang puso at kaisipan. (Filipos 4:6, 7) Anong laking kapantasan ang maging maamo!

16-18. Ano ang epekto ng kaamuan sa ating kaugnayan sa mga iba?

16 Ang katangian na kaamuan ay lalong nagpapabuti sa ating kaugnayan sa iba. Marahil dati ay ugali natin na gipitin ang iba hanggang sa makamtan natin ang ibig natin. Baka may mga taong nagalit sa atin dahilan sa hindi tayo nakitaan ng kababaang-loob at kaamuan. Sa ilalim ng gayong mga kalagayan, hindi natin dapat ipagtaka kung tayo’y mapasangkot sa sunud-sunod na alitan. Gayunman, isang kawikaan ang nagsasabi: “Sa kakulangan ng gatong ay namamatay ang apoy, at kung saan walang mapaghatid-dumapit ay tumitigil ang mga alitan. Kung papaano ang mga uling sa mga baga, at ang kahoy sa apoy, ganoon ang taong madaldal na nagpapaningas ng pagkakagalit.” (Kawikaan 26:20, 21) Kung tayo ay maamo, imbis na ‘gatungan ang apoy’ at pukawin ang iba, tayo ay magkakaroon ng magandang kaugnayan sa kanila.

17 Ang isang taong maamo ay malamang na magkaroon ng mabubuting kaibigan. Ang mga tao ay nawiwiling makisama sa kaniya dahilan sa siya ay may positibong saloobin, at ang kaniyang mga pananalita ay nakarerepresko at singtamis ng pulut-pukyutan. (Kawikaan 16:24) Naging totoo iyan kay Jesus, na nakapagsabi: “Pasanin ninyo ang aking pamatok at kayo’y maging mga alagad ko, sapagkat ako’y maamo at mapagpakumbabang-puso, at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagkat malambot ang aking pamatok at magaan ang aking pasan.” (Mateo 11:29, 30) Si Jesus ay hindi naging mabagsik, at ang kaniyang pamatok ay hindi mapaniil. Yaong mga lumalapit sa kaniya ay tumanggap ng mabuting trato at naginhawahan sa espirituwal. Ganiyan din ang nangyayari pagka tayo ay nakisama sa isang kaibigang Kristiyano na maamo.

18 Dahil sa kaamuan ay napapamahal tayo sa ating mga kapananampalataya. Kaya, karamihan sa mga Kristiyano sa Corinto ay naakit kay Pablo sapagkat kaniyang pinakitunguhan sila “nang may kaamuan at kabaitan ng Kristo.” (2 Corinto 10:1) Tiyak na ang mga taga-Tesalonica ay tumugon sa apostol, yamang siya ay maamo, malumanay na tagapagturo. (1 Tesalonica 2:5-8) Walang alinlangan na ang mga matatanda sa Efeso ay natuto nang malaki kay Pablo at lubhang napamahal siya sa kanila. (Gawa 20:20, 21, 37, 38) Sa iyo ba ay may nakikitang kaamuan na umaakit sa iba na mahalin ka?

19. Papaanong ang kaamuan ay tumutulong sa mga lingkod ni Jehova upang makapanatili sa kanilang dako sa kaniyang organisasyon?

19 Ang kaamuan ay tumutulong sa mga lingkod ni Jehova upang maging mapagpasakop at makapanitili sa kanilang dako sa kaniyang organisasyon. (Filipos 2:5-8, 12-14; Hebreo 13:17) Ang kaamuan ang pumipigil sa atin na maghangad ng katanyagan, na nakasalig sa kapalaluan at kasuklam-suklam sa Diyos. (Kawikaan 16:5) Ang isang taong maamo ay hindi nag-iisip na siya’y nakahihigit sa kaniyang mga kapananampalataya, at hindi siya nagsisikap na sa pamamagitan nila ay makahigit siya. (Mateo 23:11, 12) Sa halip, kaniyang kinikilala ang kaniyang pagkamakasalanan at ang pangangailangan niya ng inilaan ng Diyos na pantubos.

Ang Kaamuan ay Nagdudulot ng Kaligayahan

20. Ano ang epekto ng kaamuan sa buhay pampamilya?

20 Tatandaan ng lahat ng lingkod ng Diyos na ang kaamuan ay isang bunga ng kaniyang espiritu na nagdudulot ng kaligayahan. Halimbawa, dahilan sa ang mga lingkod ni Jehova ay nagpapakita ng mga katangian na gaya bagá ng pag-ibig at kaamuan, sa gitna nila ay makikita ang maraming maliligayang sambahayan. Pagka ang mag-asawa ay nakikitungo sa isa’t isa nang may kaamuan, ang kanilang mga anak ay nagsisilaki sa isang kapaligiran na matiwasay, hindi sa isang sambahayan na mahilig sa mga salita at mga kilos na mararahas. Pagka ang isang ama ay nagpapayo nang may kaamuan sa kaniyang mga anak, ito’y may mabuting epekto sa kanilang murang mga kaisipan, at ang kaamuan ay malamang na maging bahagi ng kanilang pagkatao. (Efeso 6:1-4) Ang kaamuan ay tumutulong sa mga lalaki na patuloy na ibigin ang kani-kanilang asawa. Ito’y tumutulong sa mga babae na pasakop sa kani-kanilang asawa at nagpapakilos sa kanilang mga anak na sumunod sa kanilang mga magulang. Ang kaamuan ay nagpapakilos din sa mga miyembro ng pamilya na magkaroon ng espiritu ng pagpapatawad na nagdudulot ng kaligayahan.​—Colosas 3:13, 18-21.

21. Sa pinakadiwa, anong payo ang ibinigay ni apostol Pablo sa Efeso 4:1-3?

21 Ang maaamong mga pamilya at mga indibiduwal ay nagdudulot ng kaligayahan sa mga kongregasyon na kinauugnayan nila. Kung gayon, ang mga lingkod ni Jehova ay kailangang gumawa ng puspusang pagsisikap na maging maaamo. Gayon ba ang ginagawa mo? Si apostol Pablo ay nakiusap sa kaniyang kapuwa pinahirang mga Kristiyano na lumakad nang karapat-dapat sa kanilang makalangit na pagkatawag, anupa’t ginagawa ito nang “may buong kapakumbabaan ng isip at kaamuan, pagtitiis, na nagtitiisan sa isa’t isa nang may pag-ibig, na lubusang pinagsusumikapan na ingatan ang pagkakaisa ng espiritu sa tagapagkaisang buklod ng kapayapaan.” (Efeso 4:1-3) Ang mga Kristiyanong may makalupang pag-asa ay kailangan ding magpakita ng kaamuan at iba pang maka-Diyos na mga katangian. Ito ang landasin na nagdadala ng tunay na kaligayahan. Anong ligaya nga ng maaamo!

Papaano Mo Sasagutin?

◻ Bakit maligaya ang mga taong maaamo?

◻ Ano ang ibig sabihin ng pagiging maamo?

◻ Papaano mapauunlad ang kaamuan?

◻ Ano ang ilang mga kapakinabangan sa kaamuan?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share