Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • rs p. 243-p. 247
  • Misa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Misa
  • Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan
  • Kaparehong Materyal
  • Paano Dapat Malasin ng mga Kristiyano ang Misa?
    Gumising!—1999
  • Memoryal (Hapunan ng Panginoon)
    Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan
  • Hapunan ng Panginoon
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Bakit Naiiba sa Ibang Relihiyon ang Pagdiriwang ng mga Saksi ni Jehova sa Hapunan ng Panginoon?
    Karaniwang mga Tanong Tungkol sa mga Saksi ni Jehova
Iba Pa
Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan
rs p. 243-p. 247

Misa

Kahulugan: Ayon sa inilahad ng Sacred Congregation of Rites ng Iglesiya Katolika Romana, ang Misa ay: “​—Isang sakripisyo na doon ang Hain ng Krus ay laging isinasagawa;​—Isang memoryal ng kamatayan at pagkabuhay-muli ng Panginoon, na nagsabi ‘gawin ito sa pag-aalaala sa akin’ (Lucas 22:19);​—Isang banal na kapistahan na doon, sa komunyon ng Katawan at Dugo ng Panginoon, ang Bayan ng Diyos ay nakikibahagi sa kapakinabangan ng Hain ng Paskuwa, sinasariwa ang Bagong Tipan na ginawa ng Diyos sa tao minsan at magpakailanman sa pamamagitan ng Dugo ni Kristo, at sa pananampalataya at pag-asa ay inilalarawan at inaasam-asam ang sukdulang kapistahan sa kaharian ng Ama, na inihahayag ang kamatayan ng Panginoon ‘hanggang sa pagdating Niya.’ ” (Eucharisticum Mysterium, Mayo 25, 1967) Ito ang paraan ng Iglesiya Katolika upang tularan ang ginawa ni Jesu-Kristo sa Huling Hapunan ayon sa kanilang pagkaunawa.

Ang tinapay ba at ang alak ay talagang nagbabago upang maging ang katawan at dugo ni Kristo?

Sa isang “Tapat na Kapahayagan ng Pananampalataya” noong Hunyo 30, 1968, sinabi ni Papa Paul VI: “Kami ay naniniwala na kung paano ang tinapay at alak na kinonsagra ng Panginoon sa Huling Hapunan ay nagbago upang maging Kaniyang Katawan at Kaniyang Dugo na ihahain sa krus para sa atin, gayon din ang tinapay at alak na kinokonsagra ng pari ay nagbabago upang maging ang Katawan at Dugo ni Kristo na maluwalhating nakaluklok sa langit, at Kami ay naniniwala na ang mahiwagang presensiya ng Panginoon, na kinakatawan ng mga elementong iyon na sa wari natin ay pareho maging bago o pagkatapos ng Konsagrasyon, ay isang tunay, makatotohanan at totoong presensiya. . . . Ang mahiwagang pagbabagong ito ay angkop na tinatawag ng Iglesiya na transubstantiation.” (Official Catholic Teachings​—Christ Our Lord, Wilmington, N.C.; 1978, Amanda G. Watlington, p. 411) Sumasang-ayon ba ang Banal na Kasulatan sa paniniwalang ito?

Ano ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin niya: “Ito ang aking katawan,” “Ito ang aking dugo”?

Mat. 26:26-29, JB: “Samantalang sila’y kumakain, ay dumampot si Jesus ng tinapay, at matapos pagpalain ay pinagputul-putol niya at ibinigay ito sa mga alagad. ‘Kunin ninyo at kanin ninyo;’ ang sabi niya ‘ito ang aking katawan.’ Saka kumuha siya ng isang saro, at matapos na magpasalamat ay ibinigay ito sa kanila. ‘Uminom kayong lahat dito,’ ang sabi niya ‘sapagka’t ito ang aking dugo, ang dugo ng tipan, na ibubuhos para sa marami sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. Sinasabi ko sa inyo na, buhat ngayon, hindi na ako iinom ng alak hanggang sa araw na inumin ko ang bagong alak na kasalo ko kayo sa kaharian ng aking Ama.’ ”

Tungkol sa mga pangungusap na “ito ang aking katawan” at “ito ang aking dugo,” kapansinpansin ang sumusunod: Ang Mo ay kababasahan ng, “ito’y nangangahulugan ng aking katawan,” “ito’y nangangahulugan ng aking dugo.” (Idinagdag namin ang mga pahilis.) Ang NW ay kahawig din nito. Ang mga pangungusap na ito ay isinasalin ng LEF na, “ito’y kumakatawan sa aking katawan,” “ito’y kumakatawan sa aking dugo.” (Idinagdag namin ang mga pahilis.) Ang mga saling ito ay kasuwato ng sinasabi sa konteksto, sa Mat 26 talata 29, sa iba’t-ibang edisyong Katoliko. Ang Kx ay kababasahan ng: “Hindi na ako iinom ng bungang ito ng ubas, hanggang sa inumin kong kasalo ko kayo, bagong alak, sa kaharian ng aking Ama.” (Idinagdag namin ang mga pahilis.) Ipinakikita rin ng CC, NAB, Dy na tinukoy ni Jesus ang laman ng saro bilang “ang bungang ito ng ubas,” at ito’y matapos niyang sabihin: “Ito ang aking dugo.”

Isaalang-alang ang mga pangungusap na “ito ang aking katawan” at “ito ang aking dugo” sa liwanag ng iba pang makukulay na pananalita na ginagamit sa Kasulatan. Sinabi din ni Jesus, “Ako ang ilaw ng sanlibutan,” “Ako ang pintuan ng mga tupa,” “Ako ang tunay na puno ng ubas.” (Juan 8:12; 10:7; 15:1, JB) Hindi ipinahihiwatig ng mga pangungusap na ito ang anomang makahimalang pagbabago, hindi ba?

Sa 1 Corinto 11:25 (JB), si apostol Pablo ay sumulat tungkol sa Huling Hapunan at inulit niya ang diwa din nito sa ibang pananalita. Sa halip na sipiin si Jesus ng ganito tungkol sa saro, “Uminom kayong lahat dito . . . sapagka’t ito ang aking dugo, ang dugo ng tipan,” ang ginamit niyang salita ay: “Ang sarong ito ang bagong tipan sa aking dugo.” Tiyak na hindi ibig sabihin nito na ang saro ay makahimalang nagbago upang maging ang bagong tipan. Hindi ba mas makatuwirang unawain na ang laman ng saro ay kumakatawan sa dugo ni Jesus na siyang nagbigay-bisa sa bagong tipan?

Ano ang ibig sabihin ni Jesus sa pananalita niya sa Juan 6:53-57?

“Sumagot si Jesus: ‘Tapatan kong sinasabi sa inyo, kung hindi ninyo kakainin ang laman ng Anak ng Tao at iinumin ang kaniyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay sa inyong sarili. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at siya’y aking ibabangon sa huling araw. Sapagka’t ang aking laman ay tunay na pagkain at ang aking dugo ay tunay na inumin. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananahan sa akin at ako’y sa kaniya. Kung paanong ako, na sinugo ng Amang buháy, ay nabubuhay dahil sa Ama, gayon din naman ang kumakain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin.’ ”​—Juan 6:53-57, JB.

Ito ba’y nangangahulugan na literal nilang kakainin ang laman ni Jesus at iinumin ang kaniyang dugo? Kung totoo iyon, si Jesus ay nagtuturo ng labag sa Kautusan na ibinigay ng Diyos sa Israel sa pamamagitan ni Moises. Ipinagbawal ng Kautusang iyan ang pagkain ng anomang uri ng dugo. (Lev. 17:10-12) Sa halip na ituro ang gayong bagay, tahasang hinatulan ni Jesus ang anomang paglabag sa mga kahilingan ng Kautusan. (Mat. 5:17-19) Kaya maliwanag na ang nasa isip ni Jesus ay ang pagkain at pag-inom sa isang makasagisag na paraan, sa pamamagitan ng pananampalataya sa halaga ng kaniyang sakdal na haing tao.​—Ihambing ang Juan 3:16; 4:14; 6:35, 40.

Ipinagbilin ba ni Jesus sa kaniyang mga alagad na magkaroon hindi lamang ng memoryal ng kaniyang kamatayan kundi isang rituwal bilang pag-uulit ng kaniyang hain?

Ayon sa The Documents of Vatican II: “Noong Huling Hapunan, noong gabing Siya’y ipagkanulo, pinasinayaan ng ating Tagapagligtas ang Eukaristang Hain ng Kaniyang Katawan at Dugo. Ginawa niya ito upang laging isagawa ang hain ng Krus . . . ”​—(Nueba York, 1966), pinatnugutan ni W. M. Abbott, S.J., p. 154; idinagdag namin ang mga pahilis.

Sinasabi ng The Catholic Encyclopedia: “Ibig ng Iglesiya na ang Misa ay malasin bilang isang ‘tunay at wastong hain’ . . . Gayunman, ang pangunahing pinagkunan ng doktrina namin ay ang tradisyon, na mula nang sinaunang panahon ay naghahayag ng bisa ng pagsusumamo sa Sakripisyo ng Misa.”​—(1913), Tomo X, p. 6, 17.

Si Jesus mismo ay nagsabi: “Gawin ito bilang alaala sa akin.” (Luc. 22:19; 1 Cor. 11:24, JB) Sa Lucas 22:19, ang Kx at Dy ay kababasahan ng: “Gawin ito bilang paggunita sa akin.” Ang NAB ay kababasahan ng: “Gawin ito bilang pag-aalaala sa akin.” Hindi sinabi ni Jesus na ang ginawa niya sa Huling Hapunan ay isang hain ng kaniyang sarili o na dapat ulitin ng kaniyang mga alagad ang kaniyang hain.

Heb. 9:25-28, JB: “Siya’y hindi kailangang ihandog na paulit-ulit, na gaya ng [Judiong] mataas na saserdote na pumapasok sa santuwaryo taun-taon na may dalang dugo na hindi niya sarili, sapagka’t kung gayon ay kailangan siyang paulit-ulit na magdusa mula nang itatag ang sanlibutan. Bagkus, siya’y nahayag minsan at magpakailanman . . . upang alisin ang kasalanan sa pamamagitan ng paghahain ng kaniyang sarili. Yamang minsan lamang namamatay ang tao, at pagkatapos nito ay ang paghuhukom, gayon din naman si Kristo ay inihandog nang minsan lamang.” (Idinagdag namin ang mga pahilis.)

Ang lahat bang ito ay basta “isang di-masayod na hiwaga”?

Mayroon ngang binabanggit sa Bibliyang mga banal na misteryo, o banal na lihim. Subali’t wala sa mga ito ang sumasalungat sa inihayag na katotohanan ng Kasulatan. Tungkol sa mga sumusunod muna sa tradisyon bago sa Kasulatan, sinabi ni Jesus: “Mga mapagpaimbabaw! Kayo ang tinukoy ni Isaias sa wastong pagkahula niya: Ang bayang ito’y gumagalang sa akin ng kanilang mga labi, datapuwa’t ang kanilang puso ay malayo sa akin. Walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin; ang itinuturo nilang aral ay mga utos lamang ng tao.”​—Mat. 15:7-9, JB.

Layunin ba ni Jesus na ang memoryal na ito’y ipagdiwang araw-araw o kaya’y linggu-linggo?

Sinasabi ng Basic Catechism: “Ang Pantanging mga Tungkulin ng Katolikong mga Kristiyano” ay naglalakip ng “pakikibahagi sa Misa bilang obligasyon sa bawa’t Linggo at mahal na araw.” (Boston, 1980, p. 21) “Sa katunayan ang mga tapat ay pinasisiglang makibahagi sa Misa at tumanggap ng Komunyon nang madalas, araw-araw kung maaari.”​—The Teaching of Christ​—A Catholic Catechism for Adults, Pinaikling Edisyon (Huntington, Ind.; 1979), p. 281.

Ang lahat ba ng binabanggit sa Kasulatan na “pagpuputul-putol ng tinapay” ay tumutukoy sa pagdiriwang ng kamatayan ni Kristo? (Gawa 2:42, 46; 20:7, JB) Si Jesus ay ‘nagputul-putol ng tinapay’ sa isang pagsasalu-salo kahit bago ang Huling Hapunan. (Mar. 6:41; 8:6) Ang tinapay na ginamit ng mga Judio noong panahong iyon ay hindi katulad ng kinasasanayan ng marami ngayon. Kapag kinakain ito, karaniwan nilang pinuputol ito o pinagpipira-piraso.

Hindi tiniyak ni Jesus kung gaanong kadalas dapat ipagdiwang ang Memoryal ng kaniyang kamatayan. Gayunman, pinasinayaan niya ito sa petsa ng Paskuwa ng mga Judio, na siyang hinalinhan ng Memoryal ng kamatayan ni Kristo sa gitna ng kaniyang mga alagad. Ang Paskuwa ay taunang pangyayari, na ipinagdiwang sa Nisan 14. Katulad din nito, ang Judiong Kapistahan ng Tinapay na Walang Lebadura, ang Kapistahan ng mga Sanlinggo (Pentekostes), ang Kapistahan ng mga Balag, o Pag-aani, at ang Araw ng Katubusan ay pawang ipinagdiwang minsan bawa’t taon.

Ang Pagmimisa ba ay nagdudulot ng ginhawa sa mga kaluluwang nasa purgatoryo?

Sinasabi ng The Teaching of Christ​—A Catholic Catechism for Adults: “Ang salitang ‘purgatoryo’ ay wala sa Bibliya, ni malinaw na itinuturo doon ang doktrina ng purgatoryo. . . . Sa sulat ng mga Ama ay maraming reperensiya hindi lamang sa pag-iral ng purgatoryo, kundi rin naman sa bagay na ang tapat na mga yumao ay matutulungan ng pananalangin ng mga buháy, lalo na sa Sakripisyo ng Misa.”​—p. 347, 348.

Tungkol sa kalagayan ng mga patay, sinasabi ng Banal na Kasulatan: “Alam ng mga buháy na sila’y mamamatay, ang mga patay ay walang nalalamang anoman.” (Ecles. 9:5, JB) “Ang kaluluwa [“kaluluwa,” Kx; “tao,” JB] na nagkakasala, ay mamamatay.” (Ezek. 18:4, Dy) (Tingnan din ang mga pahina 107-109, sa ilalim ng paksang “Kamatayan.”)

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share