Mga Babaing Lubhang Nagpapagal sa Panginoon”
“Batiin ninyo si Trifena at si Trifosa, na mga babaing lubhang nagpapagal sa Panginoon.”—ROMA 16:12.
1. Sa papaano napatunayang isang pagpapala para sa mga babae ang makalupang ministeryo ni Jesus?
ANG makalupang ministeryo ni Jesus ay tunay na isang pagpapala para sa mga babaing Judio. Ang gawaing kaniyang pinasimulan ay magdadala ng kaaliwan, pag-asa, at isang bagong karangalan sa mga babae ng lahat ng lahi. Hindi niya inalintana ang mga sali’t saling-sabi ng Judaismo na “nagpawalang-kabuluhan sa Salita ng Diyos.” (Mateo 15:6) Marami sa mga sali’t saling-sabing iyon ang labag sa saligang bigay-Diyos na mga karapatan ng mga babae.
Ang Pakikitungo ni Jesus sa mga Babae
2. Bakit masasabi na ang pakikitungo ni Jesus sa mga babae ay isang ganap na pagbabago para sa panahong iyon?
2 Kaylaking pagkakaiba ng pakikitungo ni Jesus sa mga babae at ng pakikitungo naman ng mga lider relihiyosong Judio! Bilang pagsipi sa Encyclopaedia Judaica, itinuturing nitong huli na ang mga babae ay “masasakim, mahilig makinig nang lihim sa mga usapan ng iba, mga tamad, at selosa.” Ang pakikipag-usap sa isang babae ay hindi minamabuti, at “nakahihiya para sa isang iskolar na makipag-usap sa isang babae sa kalye.” (Jerusalem in the Time of Jesus, ni Joachim Jeremias; ihambing ang Juan 4:27.) Higit pa ang masasabi tungkol sa paghamak ng mga lider ng Judaismo sa mga kababaihan. Subalit ang binanggit na ay sapat na upang ipakita kung papaanong ang pakikitungo ni Jesus sa mga babae ay tunay na isang ganap na pagbabago para sa panahong iyon.
3. Anong mga pangyayari sa panahon ng ministeryo ni Jesus ang nagpapakita na siya’y nalulugod na magturo sa mga babae ng malalalim na espirituwal na mga katotohanan?
3 Si Jesus ay nagsisilbing sakdal na halimbawa ng kung papaanong ang mga lalaki’y makapagkakaroon ng isang mainit ngunit malinis na relasyon sa mga babae. Hindi lamang niya sila kinausap kundi kaniya ring tinuruan sila ng malalalim na espirituwal na mga katotohanan. Sa katunayan, ang unang-unang tao na dito hayagang isiniwalat niya ang kaniyang pagka-Mesiyas ay isang babae, at bukod diyan ay isang babaing Samaritana. (Juan 4:7, 25, 26) Isa pa, ang pangyayari tungkol kay Marta at kay Maria ay malinaw na nagpapakitang di-tulad ng mga lider relihiyosong Judio, hindi inisip ni Jesus na ang isang babae’y walang karapatang pansamantalang iwanan ang kaniyang mga palayok at mga kawali upang dagdagan ang kaniyang espirituwal na kaalaman. Nang okasyong iyan “pinili [ni Maria] ang mabuting bahagi,” anupa’t inuna niya ang espirituwal na mga bagay. (Lucas 10:38-42) Subalit makalipas ang ilang buwan, pagkamatay ng kanilang kapatid, si Marta, hindi si Maria, ang nagpakita ng lalong malaking pananabik na makausap ang Panginoon. Kaylaki ng ating kagalakan kahit na sa ngayon pagka binabasa ang mahalagang espirituwal na pag-uusap na iyan ni Jesus at ni Marta tungkol sa pag-asa sa pagkabuhay-muli! (Juan 11:20-27) Anong laking pribilehiyo iyan para kay Marta!
Ang mga Babaing Naglingkod kay Jesus
4, 5. Bukod sa mga apostol, sino ang sumunod kay Jesus sa panahon ng kaniyang ministeryo sa Galilea, at papaano nila pinaglingkuran siya?
4 Tinanggap din ni Jesus ang paglilingkod ng mga babae habang kaniyang nilalakbay ang buong lupain. Sa kaniyang ulat ng Ebanghelyo, si Marcos ay bumabanggit ng “mga babae . . . na kasa-kasama niya [ni Jesus] at naglilingkod sa kaniya nang siya’y naroroon sa Galilea.” (Marcos 15:40, 41) Sino ba ang mga babaing ito, at papaano sila naglingkod kay Jesus? Hindi natin alam ang mga pangalan nilang lahat, subalit si Lucas ay nagpapakilala ng ilan at ipinaliliwanag kung papaano sila naglingkod kay Jesus.
5 Si Lucas ay sumulat: “At nangyari pagkatapos ng maikling panahon siya’y naglakbay sa bayan-bayan at sa mga nayon, na nangangaral at naghahayag ng mabuting balita ng kaharian ng Diyos. At ang labindalawa ay kasa-kasama niya, at ilang babaing pinagaling niya sa masasamang espiritu at sa mga sakit, si Maria na tinatawag na Magdalena, na sa kaniya’y pitong demonyo ang nagsilabas, at si Juana na asawa ni Chuza, katiwala ni Herodes, at si Susana at marami pang ibang babae, na ipinaglingkod sa kanila ang kanilang mga ari-arian.” (Lucas 8:1-3) Si Jesus ay nalugod na sumunod sa kaniya ang mga babaing ito at gamitin ang kanilang ari-arian upang matustusan ang kaniyang materyal na pangangailangan at pati sa kaniyang mga apostol.
6. (a) Sino ang nagsisunod kay Jesus sa kaniyang huling pagpunta sa Jerusalem? (b) Sino ang nasa tabi ni Jesus hanggang sa oras ng kaniyang kamatayan, at papaano ginantimpalaan ang iba sa kanila? (c) Buhat sa punto de vista ng mga sali’t saling-sabi ng Judaismo, ano ang kapansin-pansin tungkol sa ulat sa Juan 20:11-18?
6 Nang patayin si Jesus, “naroroon ang maraming babae na nagsisipanood buhat sa malayo, sa Galilea upang maglingkod sa kaniya; kabilang na roon si Maria Magdalena, at si Maria na ina ni Santiago at ni Jose.” (Mateo 27:55, 56) Sa gayon, maraming tapat na mga babae ang nasa tabi ni Jesus sa oras ng kaniyang kamatayan. Kapansin-pansin din na mga babae ang mga unang nakasaksi ng kaniyang pagkabuhay-muli. (Mateo 28:1-10) Kahit ito man ay isang dagok sa sali’t saling-sabing Judio, sapagkat sa loob ng Judaismo ang mga babae ay itinuturing na di-karapat-dapat maging legal na mga saksi. Samantalang isinasaisip ito, basahin ang Juan 20:11-18, at gunigunihin ang matinding kagalakan ni Maria Magdalena nang ang binuhay na Panginoon ay magpakita sa kaniya, tawagin siya sa kaniyang pangalan, at gamitin siya bilang kaniyang saksi upang ipabatid sa kaniyang mga alagad na siya’y talagang nabuhay na!
Ang Tapat na mga Babaing Kristiyano Pagkatapos ng Pentecostes
7, 8. (a) Papaano natin nalalaman na may mga babae roon nang ang espiritu ay ibuhos noong Pentecostes? (b) Papaanong ang mga babaing Kristiyano ay nakibahagi sa maagang pagpapalawak sa Kristiyanismo?
7 Pagkaakyat ni Jesus sa langit, may maka-Diyos na mga babaing kasama ng tapat na mga apostol sa silid sa itaas sa Jerusalem. (Gawa 1:12-14) Maliwanag na may mga babae roon na binuhusan ng banal na espiritu noong Pentecostes. Bakit? Sapagkat nang ipaliwanag ni Pedro kung ano ang nangyari, kaniyang sinipi ang Joel 2:28-30, na doo’y espesipikong binabanggit ang “mga anak na babae” at “mga lingkod na babae,” o “mga aliping babae.” (Gawa 2:1, 4, 14-18) Samakatuwid ang inianak-sa-espiritu, pinahirang mga babaing Kristiyano ay bahagi ng kongregasyong Kristiyano sa pagtatayo pa lamang nito.
8 Ang mga babae ay may ginampanang mahalaga, bagaman hindi pangunahin, na papel sa pagpapalaganap ng Kristiyanismo. Pinayagan ni Maria, na ina ni Marcos at tiyahin ni Bernabe, na ang kaniyang marahil malaking bahay ay gamitin ng kongregasyon sa Jerusalem. (Gawa 12:12) At siya’y handang gawin ito sa panahon na may panibagong pagsiklab ng pag-uusig laban sa mga Kristiyano. (Gawa 12:1-5) Ang apat na mga anak na babae ng ebanghelisador na si Felipe ay nagkapribilehiyo na maging mga propetisang Kristiyano.—Gawa 21:9; 1 Corinto 12:4, 10.
Ang Pakikitungo ni Pablo sa mga Babae
9. Anong payo ang ibinigay ni Pablo tungkol sa mga babaing Kristiyano sa kaniyang unang liham sa mga taga-Corinto, at anong banal na simulain ang kaniyang ipinapayo sa mga babae na igalang?
9 Kung minsan si apostol Pablo ay pinararatangan ng misoginia, na ang ibig sabihin ay, ang pagkapoot at pagkawalang-tiwala sa mga babae. Totoo, si Pablo ang nagbigay ng mahigpit na utos na ang mga babae ay manatili sa kanilang wastong dako sa loob ng kongregasyong Kristiyano. Sa normal na kalakaran ng mga bagay, sila’y hindi dapat magturo sa mga pulong ng kongregasyon. (1 Corinto 14:33-35) Kung, dahil walang lalaking Kristiyano na naroroon o dahilan sa siya’y nanghula udyok ng banal na espiritu, ang isang babaing Kristiyano ay nagsalita sa isang pulong, siya’y kailangang magtalukbong sa ulo. Ang talukbong na ito ay “isang tanda ng autoridad,” ang nakikitang patotoo na ang babae ay kumikilala sa kaayusan ng Diyos sa pagkaulo.—1 Corinto 11:3-6, 10.
10. Inaakusahan ng iba si apostol Pablo ng ano, ngunit ano ang nagpapatunay na hindi totoo ang akusasyong ito?
10 Marahil napag-alaman ni Pablo na kailangang ipaalaala sa sinaunang mga Kristiyano ang teokratikong mga simulaing ito upang ang ‘lahat ng bagay ay maganap sa disenteng paraan’ sa mga pulong ng kongregasyon. (1 Corinto 14:40) Ngunit ang ibig bang sabihin nito ay laban si Pablo sa mga babae, gaya ng sinasabi ng iba? Hindi, hindi ganoon. Hindi ba si Pablo sa huling kabanata ng kaniyang liham sa mga taga-Roma ang nagpahatid ng maiinit na pagbati sa siyam na mga babaing Kristiyano? Hindi ba nagpakita siya ng matinding pagpapahalaga kay Febe, Prisca (Priscilla), Trifena, at Trifosa, na ang huling dalawang ito ay tinukoy na “mga babaing lubhang nagpapagal sa Panginoon”? (Roma 16:1-4, 6, 12, 13, 15) At hindi ba si Pablo ang kinasihang sumulat: “Lahat kayong mga binautismuhan kay Kristo ay ibinihis ninyo si Kristo. Walang Judio ni Griego, walang alipin ni malaya, walang lalaki ni babae; sapagkat kayong lahat ay iisang persona kaisa ni Kristo Jesus.” (Galacia 3:27, 28) Maliwanag na iniibig at pinahahalagahan ni Pablo ang kaniyang mga kapatid na babaing Kristiyano, kasali na si Lydia, na nagpakita ng ulirang kagandahang-loob sa pagpapatuloy sa panahon ng pagsubok.—Gawa 16:12-15, 40; Filipos 4:2, 3.
Ang Nagpapagal na mga Babae Ngayon
11, 12. (a) Papaanong ang Awit 68:11 ay literal na natutupad ngayon? (b) Sa anong kalagayan nalalagay ang marami sa ating mga kapatid na babae, at bakit kailangan nila ang ating pagmamahal at mga panalangin?
11 Sa loob ng kongregasyong Kristiyano ngayon, maraming mga babaing Kristiyano ang “nagpapagal sa Panginoon.” Sa katunayan, ipinakikita ng mga ulat na “ang mga babaing naghahayag ng mabuting balita ay isang malaking hukbo,” na bumubuo ng malaking bahagi ng hukbo ng mga Saksi na ginagamit ni Jehova sa panahong ito ng kawakasan. (Awit 68:11) Ang masisipag na mga babaing Kristiyanong ito ay nagtamo ng isang magandang pangalan para sa kanilang sarili habang sila’y nagpupumilit na ganapin ang kanilang bahagi bilang mga asawang babae, mga ina, mga tagapag-asikaso ng tahanan, mga tagapaghanapbuhay, at gayundin bilang mga ministrong Kristiyano.
12 Marami sa maiinam na mga kapatid na babaing ito ang may mga asawang di-sumasampalataya. Kailangang harapin nila ang ganitong kalagayan 24 na oras maghapon. Ang iba ay nagpupunyagi sa loob ng maraming mga taon upang maging mabubuting asawang babae samantalang tinutupad ang mga kahilingan sa tapat na mga lingkod ni Jehova. Ito’y hindi naging madali, ngunit sila’y nagtiis, na laging umaasang ang kani-kanilang asawa ay “mahikayat nang walang salita” sa pamamagitan ng kanilang mainam na ugaling Kristiyano. At anong laking kagalakan ang tinatamasa ng buong pamilya pagka tumugon ang gayong asawang lalaki! (1 Pedro 3:1, 2) Samantala, ang tapat na mga kapatid na babaing ito ay tunay na nangangailangan ng pagmamahal-kapatid at ng mga panalangin ng iba pang miyembro ng kongregasyon. Kung papaano “ang tahimik at mahinahong espiritu” na kanilang sinisikap na ipakita ay “napakahalaga sa paningin ng Diyos,” gayundin na ang kanilang pananatiling tapat ay mahalaga sa paningin natin.—1 Pedro 3:3-6.
13. Bakit masasabi tungkol sa ating mga kapatid na babaing payunir na sila’y “mga babaing nagpapagal sa Panginoon,” at ano ang dapat ipadama sa kanila sa kani-kanilang mga kongregasyon?
13 Ang mga kapatid na babae na naglilingkod bilang mga payunir ay tiyak na masasabing “nagpapagal sa Panginoon.” Marami sa kanila ang may tahanan, asawa, at mga anak na kailangang asikasuhin, bukod sa kanilang gawaing pangangaral. Ang iba ay may trabahong part-time para matugunan ang kanilang materyal na mga pangangailangan. Lahat na ito ay nangangailangan ng mahusay na organisasyon, ng determinasyon, pagtitiyaga, at kasipagan. Sa Kristiyanong mga babaing ito ay dapat ipadama ang pag-ibig at pagtangkilik ng mga taong ang kalagayan ay hindi nagpapahintulot sa kanila na magbigay ng panahon sa pagpapayunir sa gawaing pagpapatotoo.
14. (a) Anong magandang halimbawa ng pagtitiyaga ang binabanggit? (b) Sino pang ibang mga babaing Kristiyano ang karapat-dapat sa komendasyon, at bakit? Bumanggit ng lokal na mga halimbawa.
14 Ang ilang babaing Kristiyano ay nagpakita ng pambihirang tibay sa pagpapayunir. Sa Canada, si Grace Lounsbury ay unang nakatikim ng pagpapayunir noong 1914. Siya’y huminto sa pagpapayunir noong 1918 dahilan sa karamdaman, subalit noong 1924 ay nakabalik siya sa buong-panahong paglilingkod. Nang isinusulat ito, siya ay nasa talaan pa rin ng mga payunir, bagaman siya’y 104 taóng gulang na noon! Maraming mga kapatid na misyonera na sinanay noong dekada ng 1914 sa naunang mga klase ng Watchtower Bible School of Gilead ang may katapatang naglilingkod hanggang ngayon, sa pagiging misyonera o dili kaya ay mga miyembro ng pamilyang Bethel sa Brooklyn o sa isa sa mga sangay ng Watch Tower Society. Lahat ng mga babaing Kristiyanong ito, at lahat din naman ng mga kapatid na babaing naglilingkod sa Bethel, ay nagpapakita ng espiritu ng pagsasakripisyo sa sarili at mabubuting mga halimbawa. Atin bang ipinaaalam sa kanila na sila’y pinahahalagahan?
Mga Asawa ng Naglalakbay na mga Tagapangasiwa
15, 16. Anong grupo ng mga babaing Kristiyano ang lalong higit na karapat-dapat sa ating mainit na komendasyon, at bakit?
15 Ang mga asawa ng naglalakbay na mga tagapangasiwa ay bumubuo ng isa pang grupo ng mga babaing Kristiyano na karapat-dapat sa mainit na komendasyon at pampatibay-loob. Ang mahal na mga kapatid na babaing ito ay handang sumunod sa kani-kanilang asawa samantalang ang mga ito ay dumadalaw sa sunud-sunod na kongregasyon, o sa sunud-sunod na mga sirkito, upang patibayin sa kanilang espirituwalidad ang mga kapatid. Ang mga kaginhawahan ng isang tahanan ay ipinagparaya na ng karamihan sa kanila; sila’y natutulog sa naiibang higaan bawat sanlinggo at ito’y hindi laging maalwang higaan. Subalit sila’y natutuwa na tanggapin anuman ang ihandog sa kanila ng mga kapatid. Sila’y isang magandang halimbawa para sa kanilang espirituwal na mga kapuwa kapatid na babae.
16 Ang mga babaing Kristiyanong ito ay nagbibigay rin ng walang kasinghalagang suporta sa kani-kanilang asawa, katulad ng maka-Diyos na mga babaing sumunod kay Jesus “upang samahan siya at paglingkuran siya.” (Marcos 15:41) Hindi nila nagagawang gumugol ng malaking panahon kapiling ng kani-kanilang asawa, na sa tuwina’y ‘maraming gawain na kailangang gampanan sa Panginoon.’ (1 Corinto 15:58) Ang iba sa kanila, tulad ni Rosa Szumiga sa Pransiya, na pumasok sa buong-panahong paglilingkod, ay naghahanda ng mga maleta ng kani-kanilang asawa at naglalakbay na kasama nila sa loob ng 30 o 40 taon na. Sila’y handang magsakripisyo alang-alang kay Jehova at sa kanilang mga kapatid. Sila’y karapat-dapat sa ating pagpapahalaga, pag-ibig at mga panalangin.
Mga Asawa ng mga Matatanda
17, 18. (a) Anong mga katangian ang kahilingan sa mga asawa ng mga kapatid na inilagay sa mga katungkulan sa paglilingkod? (b) Anong mga pagsasakripisyo ang pumapayag na gawin ng mga asawa ng mga matatanda alang-alang kay Jehova at sa kanilang mga kapatid, at papaanong ang ibang mga asawang babae ay makatutulong sa kani-kanilang asawa?
17 Samantalang iniisa-isa ang kuwalipikasyon para sa mga kapatid na lalaki na maaaring mahirang na mga matatanda at ministeryal na mga lingkod, binanggit din ni apostol Pablo ang mga babae, at sumulat: “Gayundin naman na ang mga babae ay dapat na seryoso, hindi mapanirang-puri, makatuwiran sa pag-uugali, tapat sa lahat ng bagay.” (1 Timoteo 3:11) Totoo, ang pangkalahatang payong ito ay kumakapit sa lahat ng mga babaing Kristiyano. Subalit dahilan sa konteksto, maliwanag na dapat sundin ito sa isang ulirang paraan ng mga asawa ng mga kapatid na inilalagay sa mga katungkulan sa paglilingkod.
18 Nakatutuwa naman, ganiyan nga ang maraming libu-libong asawa ng mga tagapangasiwang Kristiyano. Sila ay makatuwiran sa kanilang pag-uugali at sa kanilang damit, seryoso tungkol sa pamumuhay-Kristiyano, maingat sa kanilang pananalita, at sila’y taimtim na nagsisikap na maging tapat sa lahat ng bagay. Sila’y pumapayag din na magsakripisyo, sumasang-ayon na ang kani-kanilang asawa ay gumugol ng panahon sa kongregasyon na dapat sana ay gugulin sa kanila. Ang tapat na mga babaing Kristiyanong ito ay karapat-dapat sa ating mainit na pag-ibig at pampatibay-loob. Marahil higit pang mga kapatid na lalaki ang makapagsisikap na kamtin ang mga pribilehiyo sa loob ng ating maraming kongregasyon kung ang kani-kanilang asawa ay may kapakumbabaang papayag na gumawa ng gayong mga pagsasakripisyo alang-alang sa ikabubuti ng lahat.
Tapat na “Nakatatandang mga Babae”
19. Bakit ang maraming tapat na “nakatatandang mga babae” ay lubhang pinahahalagahan sa kani-kanilang mga kongregasyon, at ano ang dapat maging damdamin natin sa kanila?
19 Sa ating pagrerepaso ng mga babaing binanggit sa Bibliya ay nakita natin na sa mga babaing may pananampalataya ay hindi hadlang ang edad sa paglilingkod kay Jehova. Ang bagay na ito ay ipinaghalimbawa sa mga kaso nina Sara, Elizabeth, at Ana. Sa ngayon, maraming babaing Kristiyano na may mga edad na ang magagandang halimbawa ng pananampalataya at pagtitiis. Bukod dito, sila’y may karunungang makatutulong sa mga elder sa pamamagitan ng pagtulong sa nakababatang mga kapatid na babae. Dahil sa kanilang mahabang karanasan, sila’y makapagbibigay ng may karunungang payo sa nakababatang mga babae, gaya ng ibinibigay sa kanila ng Kasulatan na karapatang magpayo. (Tito 2:3-5) Baka naman kung minsan ang isang kapatid na babaing may edad na ay nangangailangan na payuhan din. Kung gayon, ang elder na nagpapayo ay dapat ‘magpayo sa kaniya na gaya sa isang ina.’ Ang matatanda ay dapat “gumalang sa mga babaing balo” at, kung kinakailangan, magsaayos ng materyal na tulong para sa kanila. (1 Timoteo 5:1-3, 5, 9, 10) Dapat madama ng ating mahal na may edad nang mga kapatid na babae na sila’y minamahal at pinahahalagahan.
Mga Kasamang Maghahari ni Kristo
20. Anong pinakamataas na pribilehiyo ang inialok sa maraming babaing Kristiyano, at bakit ito’y nakaliligaya sa mga ibang tupa?
20 Napakaliwanag na makikita sa Kasulatan na “hindi nagtatangi ang Diyos” kung tungkol sa lahi o sekso. (Roma 2:10, 11; Galacia 3:28) At ito’y totoo rin naman sa paraan ng pagpili ni Jehova sa mga makakasama ng kaniyang Anak sa pamahalaan ng Kaharian. (Juan 6:44) Kaylaki ng pasasalamat ng malaking pulutong ng mga ibang tupa sapagkat ang tapat na mga babae, tulad ni Maria na ina ni Jesus, ni Maria Magdalena, ni Priscilla, ni Trifena, ni Trifosa, at ng marami pang iba sa sinaunang kongregasyong Kristiyano, ang ngayo’y nakikibahagi sa pamamahala ng Kaharian, na pinasasagana ang pamahalaang iyan sa kanilang taimtim na pagkaunawa ng mga damdamin at karanasan ng mga kababaihan! Anong maibiging kaunawaan at karunungan sa ganang kay Jehova!—Roma 11:33-36.
21. Ano ang ating mga damdamin ngayon sa “mga babaing lubhang nagpapagal sa Panginoon”?
21 Tayo sa ngayon ay maaaring makibahagi sa mga damdamin ni apostol Pablo nang siya’y mangusap na taglay ang pag-ibig at pagpapahalaga sa “mga babaing ito na nangagpagal na kasama ko sa mabuting balita.” (Filipos 4:3) Lahat ng mga Saksi ni Jehova, mga lalaki at mga babae, ay kumikilala na isang kagalakan at isang pribilehiyo na magpagal kasama ng ‘malaking hukbo ng mga babaing naghahayag ng mabuting balita,’ oo, “mga babaing lubhang nagpapagal sa Panginoon.”—Awit 68:11; Roma 16:12.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Papaano ipinakita ni Jesus na siya’y di-gaya ng mga lider relihiyosong Judio na may maling pagkakilala sa mga babae?
◻ Papaano naglingkod kay Jesus ang mga babaing may takot sa Diyos, at anong malaking pribilehiyo ang tinanggap ng iba sa kanila?
◻ Anong payo ang ibinigay ni Pablo tungkol sa mga babae sa mga pulong ng kongregasyon?
◻ Anong mga katayuan ng mga kapatid na babae ang karapat-dapat sa ating pantanging pagmamahal at suporta, at bakit?
◻ Ano ang dapat na maging damdamin natin sa lahat ng ngayon ay “mga babaing nagpapagal sa Panginoon”?
[Larawan sa pahina 16, 17]
May mga babaing naglingkod kay Jesus at sa kaniyang mga apostol
[Mga larawan sa pahina 18]
Mapagsakripisyo na mga babaing asawa ng naglalakbay na mga tagapangasiwa at ng iba pang matatanda ang may mahalagang bahagi sa gawain ng Diyos