Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • it-2 “Pentecostes”
  • Pentecostes

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pentecostes
  • Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Kapistahan ng Pag-aani; Kapistahan ng mga Sanlinggo
    Glosari
  • “Ikaw ay Lubusang Magagalak”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Mahahalagang Kapistahan sa Kasaysayan ng Israel
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
Iba Pa
Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
it-2 “Pentecostes”

PENTECOSTES

Isang pangalang ginagamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan upang tumukoy sa Kapistahan ng Pag-aani (Exo 23:16) o Kapistahan ng mga Sanlinggo (Exo 34:22), na tinatawag ding “araw ng mga unang hinog na bunga.” (Bil 28:26) Ang mga tagubilin para sa kapistahang ito ay nasa Levitico 23:15-21; Bilang 28:26-31; at Deuteronomio 16:9-12. Dapat itong ipagdiwang sa ika-50 araw (ang Pentecostes ay nangangahulugang “Ikalimampu”) mula Nisan 16, ang araw kung kailan inihahandog ang tungkos ng sebada. (Lev 23:15, 16) Pumapatak ito sa Sivan 6 ng kalendaryong Judio. Ito ay ginaganap pagkatapos ng pag-aani ng sebada at sa pasimula ng pag-aani ng trigo, na mas huling nahihinog kaysa sa sebada.​—Exo 9:31, 32.

Hindi pinahihintulutan ang mga Israelita na simulan ang pag-aani hangga’t hindi pa naihahandog kay Jehova ang mga unang bunga ng sebada sa araw ng Nisan 16. Kaayon nito, tinagubilinan sila sa Deuteronomio 16:9, 10: “Mula sa unang paggamit ng karit sa nakatayong halamang butil ay magpapasimula kang bumilang ng pitong sanlinggo. Pagkatapos ay ipagdiriwang mo ang kapistahan ng mga sanlinggo kay Jehova na iyong Diyos.” Ang bawat lalaki ay dapat dumalo, at sinabi rin may kaugnayan sa kapistahang ito: “Magsasaya ka sa harap ni Jehova na iyong Diyos, ikaw at ang iyong anak na lalaki at ang iyong anak na babae at ang iyong aliping lalaki at ang iyong aliping babae at ang Levita na nasa loob ng iyong mga pintuang-daan at ang naninirahang dayuhan at ang batang lalaking walang ama at ang babaing balo, na nasa gitna mo, sa dakong pipiliin ni Jehova na iyong Diyos upang doon patahanin ang kaniyang pangalan.” (Deu 16:11) Ang Paskuwa ay partikular nang isang pampamilyang pagdiriwang. Sa kabilang dako, ang Kapistahan ng Pag-aani, o Pentecostes, ay humihiling ng pagiging mas mapagpatuloy at bukas-palad, anupat sa ganitong diwa ay katulad ito ng Kapistahan ng mga Kubol.

Ang paghahandog ng mga unang bunga ng pag-aani ng trigo ay naiiba sa paghahandog ng mga unang bunga ng sebada. Dalawang ikasampu ng isang epa ng mainam na harinang trigo (4.4 L; 4 na tuyong qt) na may kasamang lebadura ang niluluto upang maging dalawang tinapay. Ang mga iyon ay dapat na “mula sa inyong mga tahanang dako,” na nangangahulugang ang mga iyon ay kagaya ng tinapay na niluluto bilang pang-araw-araw na pagkain ng pamilya at hindi pantanging ginawa para sa banal na mga layunin. (Lev 23:17) May kasama ang mga iyon na mga handog na sinusunog at isang handog ukol sa kasalanan, at dalawang lalaking kordero bilang handog na pansalu-salo. Ilalagay ng saserdote ang mga tinapay at ang mga piraso ng kordero sa kaniyang mga palad at pagkatapos ay ikakaway niya ang mga ito nang paroo’t parito sa harap ni Jehova bilang sagisag ng paghahandog ng mga ito sa Kaniya. Pagkatapos na maihandog ang mga tinapay at mga kordero, ang mga iyon ay mapupunta sa saserdote upang kainin niya bilang handog na pansalu-salo.​—Lev 23:18-20.

May kinalaman sa iba pang mga handog (maliban sa handog na pansalu-salo), ang ulat ng Bilang 28:27-30 ay naiiba nang kaunti sa Levitico 23:18, 19. Sa halip na pitong kordero, isang guyang toro, dalawang barakong tupa, at isang anak ng kambing, na siyang mababasa sa Levitico, ang hinihiling sa Mga Bilang ay pitong kordero, dalawang guyang toro, isang barakong tupa, at isang anak ng kambing. Sinasabi ng mga Judiong komentarista na ang hain na binabanggit sa Levitico ay tumutukoy sa hain na kasama ng mga tinapay na ikinakaway, at yaon namang nasa Mga Bilang ay tumutukoy sa itinalagang hain para sa kapistahan, anupat parehong inihahandog ang mga haing ito. Bilang suporta rito, nang ilarawan ni Josephus ang mga hain sa araw ng Pentecostes, binanggit muna niya ang dalawang kordero na handog na pansalu-salo, at pagkatapos ay pinagsama-sama niya ang iba pang mga handog, samakatuwid nga, tatlong guya, dalawang barakong tupa (dapat ay tatlo ngunit maliwanag na nagkamali ang tagakopya), 14 na kordero, at dalawang anak ng kambing. (Jewish Antiquities, III, 253 [x, 6]) Ang araw na ito ay isang banal na kombensiyon, isang araw ng sabbath.​—Lev 23:21; Bil 28:26.

Ang Kapistahan ng Pentecostes ay pumapatak sa katapusan ng pag-aani ng sebada at isang panahon ng pagsasaya, gaya ng ipinahihiwatig ng handog na pansalu-salo na inihahandog ng kongregasyon at ibinibigay sa saserdote. Ang handog na ito ay nagpapahiwatig din ng mapayapang pakikipagsamahan kay Jehova. Kasabay nito, ang handog ukol sa kasalanan ay nagpapaalaala sa mga Israelita na sila’y makasalanan at isa rin itong pakiusap sa Diyos na patawarin at linisin sila. Ang dinagdagang handog na sinusunog ay nagsisilbi namang isang nakikitang kapahayagan ng kanilang pasasalamat sa Kaniyang pagkabukas-palad at isang sagisag ng kanilang buong-pusong pagtupad sa kanilang pakikipagtipan sa Diyos.

Sa araw ng Pentecostes, hindi lamang napakaangkop na magpasalamat ang Israel kay Jehova kundi dapat din nilang alalahanin ang kanilang mga dukhang kapatid. Matapos magbigay ng mga tagubilin hinggil sa kapistahan, ipinag-utos ni Jehova: “At kapag gagapasin ninyo ang ani ng inyong lupain, huwag mong sasairin ang gilid ng iyong bukid kapag gumagapas ka, at ang himalay ng iyong ani ay huwag mong pupulutin. Iiwan mo ang mga iyon para sa napipighati at sa naninirahang dayuhan. Ako ay si Jehova na inyong Diyos.” (Lev 23:22) Sa gayon ay tunay na mapasisigla ang mga dukha upang pasalamatan ang Panginoon at magsaya sa kapistahan kasama ng lahat ng iba pa. Sa panahon ng kapistahang ito, marami ring personal na mga handog na ibinibigay ang mga Israelita mula sa mga unang bunga ng kanilang ani.

Ayon sa mga impormasyong rabiniko, pagkatapos ng pagkatapon, naging kaugalian ng mga nakikibahagi sa kapistahan na umahon sa Jerusalem isang araw bago ito magsimula upang doon ihanda ang lahat ng kailangan para sa pagdiriwang. Sa kinagabihan, ipatatalastas ng tunog ng mga trumpeta ang pagsapit ng araw ng kapistahan. (Bil 10:10) Ang altar ng haing sinusunog ay nililinis, at ang mga pintuang-daan ng templo ay kaagad na binubuksan paglampas ng hatinggabi para makapasok ang mga saserdote upang masuri ng mga ito ang mga haing dinadala ng taong-bayan sa looban bilang mga handog na sinusunog at mga handog ng pasasalamat. Nagkomento si Alfred Edersheim: “Bago ang pang-umagang hain, ang lahat ng mga handog na sinusunog at mga handog ukol sa kapayapaan na nais ng taong-bayan na dalhin sa kapistahan ay kailangang suriin ng mga nanunungkulang saserdote. Yamang napakarami ng mga iyon, tiyak na isa itong magawaing panahon, hanggang sa ipatalastas na nagsimula nang lumiwanag sa Hebron kung kaya dapat nang ihinto ang lahat ng gayong paghahanda, sa pamamagitan ng paghuhudyat na panahon na para sa regular na pang-umagang hain.”​—The Temple, 1874, p. 228.

Pagkatapos na maihandog ang regular na pang-umagang hain, ang mga haing pangkapistahan na inilarawan sa Bilang 28:26-30 ay dinadala. Kasunod nito, inihahain ang handog na para lamang sa Pentecostes​—ang mga tinapay na ikinakaway at ang mga haing kasama ng mga ito. (Lev 23:18-20) Pagkatapos na maikaway ang mga tinapay, ang isa sa mga ito ay kukunin ng mataas na saserdote, at ang ikalawa naman ay paghahati-hatian ng lahat ng mga nanunungkulang saserdote.

Makasagisag na Kahulugan ng Kapistahan. Araw ng Pentecostes noon nang ibuhos ni Jesu-Kristo ang banal na espiritu sa mga 120 alagad na nagkakatipon sa isang silid sa itaas sa Jerusalem noong taóng 33 C.E. (Gaw 1:13-15) Si Jesus ay binuhay-muli noong Nisan 16, sa araw kung kailan inihahandog ng mataas na saserdote ang tungkos ng sebada. Sa makasagisag na diwa, si Jesus ay walang lebadura, na lumalarawan sa kasalanan. (Heb 7:26) Noong Pentecostes, bilang ang dakilang Mataas na Saserdote, maaari na niyang iharap sa kaniyang Amang si Jehova ang karagdagang espirituwal na mga anak, yaong mga sumusunod sa kaniyang yapak, na kinuha mula sa makasalanang sangkatauhan at tumanggap sa kaniyang hain. Ang pagbubuhos sa kanila ng banal na espiritu ay nagpakita na sinang-ayunan ng Diyos ang hain ni Jesus bilang tao at ang paghaharap ni Jesus sa kaniyang mga alagad (bagaman ipinanganak na makasalanan) upang maging inianak-sa-espiritung mga anak ng Diyos. Ang paghahandog kay Jehova ng dalawang tinapay na gawa sa kahihinog na butil tuwing Pentecostes ay nagpapahiwatig na mahigit sa isang indibiduwal ang nasasangkot sa katuparan nito. Maaari ring itinatawag-pansin nito na yaong magiging mga inianak-sa-espiritung tagasunod ni Jesu-Kristo ay kukunin mula sa dalawang grupo sa lupa: Una ay mula sa likas at tuling mga Judio, at sa kalaunan ay mula sa lahat ng iba pang mga bansa sa daigdig, ang mga Gentil.​—Ihambing ang Efe 2:13-18.

Ayon sa tradisyong Judio, ang Pentecostes ay pumapatak sa panahon ng pagbibigay ng Kautusan sa Sinai, nang maging isang natatanging bayan ang Israel. Noong maagang bahagi ng ikatlong buwan (Sivan) ay natipon ang mga Israelita sa Sinai at tinanggap nila ang Kautusan. (Exo 19:1) Kung paanong ginamit si Moises bilang tagapamagitan upang dalhin ang Israel sa tipang Kautusan, dinala rin ni Jesu-Kristo, bilang Tagapamagitan ng espirituwal na Israel, ang bagong bansang ito tungo sa bagong tipan. Pinaghambing ng apostol na si Pablo ang dalawang pangyayaring ito, anupat sinabi niya na ang mga Kristiyano ay tinitipon sa isang mas dakilang kapulungan sa “isang Bundok Sion at isang lunsod ng Diyos na buháy, makalangit na Jerusalem,” sa ilalim ng mga kaayusan ng bagong tipan.​—Heb 12:18-24; ihambing ang Apo 14:1-5.

Noong gabi ng huling Paskuwa ni Jesus, ipinatalastas niya sa kaniyang mga alagad ang tungkol sa bagong tipan at, bago siya umakyat sa langit, tinagubilinan niya sila na hintayin sa Jerusalem ang ipinangakong banal na espiritu. Nang matanggap nila ang espiritung iyon, ipinaliwanag ng apostol na si Pedro na “sa dahilang siya [si Jesus] ay itinaas sa kanan ng Diyos at tumanggap ng ipinangakong banal na espiritu mula sa Ama, ibinuhos niya ito na inyong nakikita at naririnig.” (Luc 22:20; Gaw 2:33) Nahayag ang presensiya ng espiritu ng Diyos nang mga 120 alagad ang makahimalang makapagsalita ng iba’t ibang wika. Sa ganitong paraan, narinig at naunawaan ng maraming Judio at proselita mula sa lahat ng bahagi ng Imperyo ng Roma ang “mariringal na mga bagay ng Diyos.” (Gaw 2:7-11) Noon, sa unang pagkakataon, sa pamamagitan ni Pedro, ipinangaral ang bautismo sa pangalan ng Ama, ng Anak, at ng banal na espiritu, gaya ng iniutos ni Jesus sa Mateo 28:19. (Gaw 2:21, 36, 38, 39) Yamang nasa langit na noon si Jesus taglay ang halaga ng kaniyang hain, maaari na niyang dalhin sa bagong tipan ang kaniyang mga tagasunod.​—Heb 9:15-26.

Samakatuwid, ang mga tagasunod na ito, kasama ang 3,000 na naparagdag noong araw na iyon (Gaw 2:41) at ang iba pa na nadagdag nang dakong huli, ay hindi ang kauna-unahan sa mga unang bunga sa Diyos, sapagkat ang kauna-unahan ay si Jesu-Kristo mismo, na binuhay-muli noong Nisan 16 ng 33 C.E. (1Co 15:23), sa araw kung kailan ikinakaway ang mga tungkos ng sebada. Sa halip, sila ay tulad ng mga unang bunga ng trigo, na pangalawa sa mga ani, “isang uri ng mga unang bunga” sa Diyos. (San 1:18) Sa gayon, sila ay naging isang bagong bansa ng Diyos, ang kaniyang “piniling lahi, isang maharlikang pagkasaserdote, isang banal na bansa, isang bayang ukol sa pantanging pag-aari.”​—1Pe 2:9.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share