Magbigay Ka ng Palagiang Pansin sa Iyong Turo
“Magbigay ka ng palagiang pansin sa iyong sarili at sa iyong turo. Mamalagi ka sa mga bagay na ito, sapagkat sa paggawa nito ay ililigtas mo kapuwa ang iyong sarili at yaong mga nakikinig sa iyo.”—1 TIMOTEO 4:16.
1, 2. Bakit kailangang-kailangan sa ngayon ang masisigasig na guro?
“HUMAYO kayo . . . at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, . . . na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20) Dahil sa utos na ito ni Jesu-Kristo, ang lahat ng Kristiyano ay dapat magsumikap na maging mga guro. Kailangan ang masisigasig na guro upang matulungan ang tapat-pusong mga tao na magkaroon ng kaalaman sa Diyos bago maging huli na ang lahat. (Roma 13:11) Nagpayo si apostol Pablo: “Ipangaral mo ang salita, maging apurahan ka rito sa kaayaayang kapanahunan, sa maligalig na kapanahunan.” (2 Timoteo 4:2) Nangangailangan ito ng pagtuturo kapuwa sa loob at sa labas ng kongregasyon. Sa katunayan, higit pa sa paghahayag lamang ng mensahe ng Diyos ang kasali sa atas na pangangaral mismo. Kailangan ang mabisang pagtuturo upang maging mga alagad ang mga taong interesado.
2 Nabubuhay tayo sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Ang pag-iisip ng mga tao ay nakondisyon na ng sekular na mga pilosopiya at huwad na mga turo. Marami ang “nasa kadiliman sa kaisipan” at “nawalan ng lahat ng pakiramdam sa kabutihang-asal.” (Efeso 4:18, 19) Ang ilan ay nagkaroon ng malalalim na sugat sa damdamin. Oo, ang mga tao ay talagang “nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol.” (Mateo 9:36) Gayunpaman, sa pamamagitan ng paggamit ng sining ng pagtuturo, matutulungan natin ang tapat-pusong mga tao upang gumawa ng kinakailangang pagbabago.
Mga Guro sa Loob ng Kongregasyon
3. (a) Ano ang kasali sa ibinigay ni Jesus na atas na magturo? (b) Sino ang pangunahing may pananagutan na magturo sa loob ng kongregasyon?
3 Sa pamamagitan ng kaayusan ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya, milyun-milyon ang personal na natuturuan. Subalit matapos mabautismuhan, ang mga baguhan ay nangangailangan ng karagdagang tulong upang maging ‘nakaugat at naitayo sa pundasyon.’ (Efeso 3:17) Habang tinutupad natin ang utos ni Jesus na nakaulat sa Mateo 28:19, 20 at inaakay ang mga baguhan tungo sa organisasyon ni Jehova, nakikinabang sila sa pagtuturo sa loob ng kongregasyon mismo. Ayon sa Efeso 4:11-13, may mga lalaki na hinirang upang maglingkod “bilang mga pastol at mga guro, na may kinalaman sa pagbabalik sa ayos ng mga banal, ukol sa ministeryal na gawain, ukol sa pagpapatibay sa katawan ng Kristo.” Kung minsan, kasali sa kanilang sining ng pagtuturo ang pangangailangang ‘sumuway, sumawata, magpayo nang masidhi, na may buong mahabang-pagtitiis.’ (2 Timoteo 4:2) Gayon na lamang kahalaga ang gawain ng mga guro anupat nang sumusulat sa mga taga-Corinto, itinala ni Pablo ang mga guro kasunod na kasunod ng mga apostol at mga propeta.—1 Corinto 12:28.
4. Paano tumutulong sa atin ang kakayahang magturo upang masunod ang payo ni Pablo na nakaulat sa Hebreo 10:24, 25?
4 Totoo, hindi lahat ng Kristiyano ay naglilingkod bilang matatanda, o mga tagapangasiwa. Gayunpaman, ang lahat ay pinasisiglang udyukan ang isa’t isa “sa pag-ibig at maiinam na gawa.” (Hebreo 10:24, 25) Kalakip sa paggawa nito sa mga pulong ang inihandang-mabuti at taimtim na mga komento na nakapagpapasigla at nakapagpapatibay-loob sa iba. Maaari ring ‘mag-udyok sa maiinam na gawa’ ang makaranasang mga mamamahayag ng Kaharian sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kanilang kaalaman at karanasan sa mga baguhan kapag gumagawang kasama nila sa ministeryo sa larangan. Sa gayong mga panahon at sa di-pormal na pagkakataon, naitatawid ang napakahalagang instruksiyon. Halimbawa, ang may-gulang na mga babae ay hinihimok na maging “mga guro ng kabutihan.”—Tito 2:3.
Nahikayat na Sumampalataya
5, 6. (a) Paano naiiba ang tunay na Kristiyanismo sa huwad na pagsamba? (b) Paano tinutulungan ng matatanda ang mga baguhan upang makagawa ng matalinong mga pasiya?
5 Kaya ibang-iba ang tunay na Kristiyanismo sa huwad na mga relihiyon, na marami sa mga ito ang nagsisikap na kontrolin ang pag-iisip ng kanilang mga miyembro. Nang nasa lupa si Jesus, sinikap ng mga relihiyosong lider na kontrolin ang halos lahat ng pitak ng pamumuhay ng mga tao sa pamamagitan ng mapaniil na gawang-taong mga tradisyon. (Lucas 11:46) Gayundin ang malimit na gawin ng klero ng Sangkakristiyanuhan.
6 Gayunman, ang tunay na pagsamba ay “sagradong paglilingkod” na inihahandog natin kalakip ng ating “kakayahan sa pangangatuwiran.” (Roma 12:1) Ang mga lingkod ni Jehova ay ‘nahikayat na sumampalataya.’ (2 Timoteo 3:14) Kung minsan, baka kailanganin niyaong mga nangunguna na magharap ng ilang alituntunin at pamamaraan para sa maayos na pagtakbo ng kongregasyon. Subalit sa halip na sikaping gumawa ng mga pasiya para sa mga kapuwa Kristiyano, ang matatanda ay nagtuturo sa kanila na “makilala kapuwa ang tama at ang mali.” (Hebreo 5:14) Pangunahin nang ginagawa ito ng matatanda sa pamamagitan ng paglalaan sa kongregasyon ng “mga salita ng pananampalataya at ng mainam na turo.”—1 Timoteo 4:6.
Pagbibigay ng Pansin sa Iyong Turo
7, 8. (a) Paano nakapaglilingkod bilang mga guro ang mga taong may limitadong mga kakayahan? (b) Ano ang nagpapakita na kailangan ang personal na pagsisikap upang maging isang mabisang guro?
7 Subalit balikan natin ang ating pangkalahatang atas na magturo. Kailangan ba ang anumang partikular na kasanayan, edukasyon, o kakayahan upang makibahagi sa gawaing ito? Hindi naman. Sa kalakhang bahagi, ang pambuong-daigdig na pagtuturong ito ay isinasagawa ng ordinaryong mga tao na may limitadong mga kakayahan. (1 Corinto 1:26-29) Nagpaliwanag si Pablo: “Taglay namin ang kayamanang ito [ang ministeryo] sa yaring-luwad na mga sisidlan [di-sakdal na mga katawan], upang ang lakas na higit sa karaniwan ay maging sa Diyos at hindi mula sa aming mga sarili.” (2 Corinto 4:7) Ang malaking tagumpay ng gawaing pangangaral ng Kaharian sa buong daigdig ay isang patotoo sa kapangyarihan ng espiritu ni Jehova!
8 Gayunpaman, kailangan ng pinagsamang pagsisikap upang maging isang “manggagawa na walang anumang ikinahihiya, na ginagamit nang wasto ang salita ng katotohanan.” (2 Timoteo 2:15) Hinimok ni Pablo si Timoteo: “Magbigay ka ng palagiang pansin sa iyong sarili at sa iyong turo. Mamalagi ka sa mga bagay na ito, sapagkat sa paggawa nito ay ililigtas mo kapuwa ang iyong sarili at yaong mga nakikinig sa iyo.” (1 Timoteo 4:16) Paano nga ba nagbibigay-pansin ang isa sa kaniyang turo, sa loob man o sa labas ng kongregasyon? Kailangan ba talaga ang kasanayan sa ilang kakayahan o pamamaraan ng pagtuturo upang magawa ito?
9. Ano ang higit na mahalaga kaysa sa likas na mga kakayahan?
9 Tiyak na nagpamalas si Jesus ng di-pangkaraniwang kaunawaan sa mga pamamaraan ng pagtuturo sa kaniyang bantog na Sermon sa Bundok. Nang matapos na siyang magsalita, “namangha nang lubha ang mga pulutong sa kaniyang paraan ng pagtuturo.” (Mateo 7:28) Sabihin pa, walang sinuman sa atin ang makapagtuturo na kasinghusay ni Jesus. Gayunman, hindi tayo kailangang maging magagaling na tagapagsalita upang maging mabibisang guro. Aba, ayon sa Job 12:7, kahit ang “mga domestikong hayop” at “may-pakpak na mga nilalang” ay tahimik na nakapagtuturo! Kalakip ng anumang likas na kakayahan o kasanayang maaaring taglay natin, lalong mahalaga ang “uri ng pagkatao” natin—ang mga katangian natin at mga espirituwal na kaugaliang nilinang natin na maaaring tularan ng mga estudyante.—2 Pedro 3:11; Lucas 6:40.
Mga Estudyante ng Salita ng Diyos
10. Paano naglaan si Jesus ng isang mainam na halimbawa bilang isang estudyante ng Salita ng Diyos?
10 Ang isang mabisang guro ng mga katotohanan sa Kasulatan ay dapat na isang estudyante ng Salita ng Diyos. (Roma 2:21) Naglaan si Jesu-Kristo ng isang pambihirang halimbawa sa bagay na ito. Sa panahon ng kaniyang ministeryo, si Jesus ay bumanggit o nagpahayag ng mga kaisipan na kapareho sa mga talata sa halos kalahati ng mga aklat sa Hebreong Kasulatan.a Kitang-kita na ang kaniyang kasanayan sa Salita ng Diyos kahit sa edad na 12, nang masumpungan siyang “nakaupo sa gitna ng mga guro at nakikinig sa kanila at nagtatanong sa kanila.” (Lucas 2:46) Bilang isa na nasa hustong gulang, nakaugalian ni Jesus na pumunta sa sinagoga, kung saan binabasa ang Salita ng Diyos.—Lucas 4:16.
11. Anong mabubuting kaugalian sa pag-aaral ang dapat linangin ng isang guro?
11 Isa ka bang masugid na mambabasa ng Salita ng Diyos? Ang pagsasaliksik dito ang siyang paraan upang “mauunawaan mo ang takot kay Jehova, at masusumpungan mo ang mismong kaalaman sa Diyos.” (Kawikaan 2:4, 5) Kaya magkaroon ka ng mabubuting kaugalian sa pag-aaral. Sikaping basahin ang isang bahagi ng Salita ng Diyos sa araw-araw. (Awit 1:2) Ugaliing basahin ang bawat labas ng Ang Bantayan at Gumising! sa sandaling matanggap ito. Mag-ukol ng matamang pansin sa mga pulong ng kongregasyon. Matuto ng masusing pananaliksik. Sa pagkatutong ‘taluntunin ang lahat ng bagay nang may katumpakan,’ maiiwasan mo ang mga pagdaragdag at pagkakamali kapag nagtuturo ka.—Lucas 1:3.
Pag-ibig at Paggalang sa mga Tinuturuan
12. Ano ang saloobin ni Jesus sa kaniyang mga alagad?
12 Isa pang mahalagang katangian ang wastong saloobin sa mga tinuturuan mo. Nakadama ng paghamak ang mga Fariseo sa mga nakikinig kay Jesus. “Ang pulutong na ito na hindi nakaaalam ng Batas ay mga taong isinumpa,” sabi nila. (Juan 7:49) Subalit malalim ang pag-ibig at paggalang ni Jesus sa kaniyang mga alagad. Sinabi niya: “Hindi ko na kayo tinatawag na mga alipin, sapagkat hindi alam ng alipin kung ano ang ginagawa ng kaniyang panginoon. Subalit tinawag ko na kayong mga kaibigan, sapagkat ang lahat ng bagay na narinig ko mula sa aking Ama ay ipinaalam ko na sa inyo.” (Juan 15:15) Ipinakikita nito kung paano dapat isagawa ng mga alagad ni Jesus ang kanilang pagtuturo.
13. Ano ang nadama ni Pablo tungkol sa mga taong kaniyang tinuturuan?
13 Halimbawa, ang pakikitungo ni Pablo sa kaniyang mga estudyante ay hindi malamig at pormal. Sinabi niya sa mga taga-Corinto: “Bagaman magkaroon kayo ng sampung libong tagapagturo kay Kristo, tiyak na kayo ay walang maraming ama; sapagkat kay Kristo Jesus ay ako ang naging inyong ama sa pamamagitan ng mabuting balita.” (1 Corinto 4:15) Kung minsan, lumuluha pa nga si Pablo habang pinapayuhan yaong kaniyang mga tinuturuan! (Gawa 20:31) Pambihira rin ang kaniyang ipinamalas na pagtitiis at kabaitan. Kaya nga nasabi niya sa mga taga-Tesalonica: “Kami ay naging banayad sa gitna ninyo, gaya ng kapag ang isang nagpapasusong ina ay nag-aaruga sa kaniyang sariling mga anak.”—1 Tesalonica 2:7.
14. Bakit napakahalaga ng personal na interes sa ating mga estudyante sa Bibliya? Ilarawan.
14 Tinutularan mo ba sina Jesus at Pablo? Higit pa sa pagtatakip sa mga kakulangan sa ating likas na mga kakayahan ang magagawa ng taimtim na pag-ibig sa ating mga estudyante. Nadarama ba ng ating mga estudyante sa Bibliya na tayo ay may personal na taimtim na interes sa kanila? Gumugugol ba tayo ng panahon upang makilala sila? Nang nahihirapan ang isang babaing Kristiyano na tulungan ang isang inaaralan upang sumulong sa espirituwal, may-kabaitang nagtanong siya: “May problema ka ba?” Binuksan ng babae ang nilalaman ng kaniyang puso, anupat inilahad ang maraming bagay na nakababahala at nakababalisa sa kaniya. Malaki ang nagawa para sa babae ng maibiging pag-uusap na iyon. Sa gayong mga kalagayan, angkop ang mga kaisipan mula sa Kasulatan at mga salitang nakaaaliw at nakapagpapatibay. (Roma 15:4) Ngunit isang babala: Ang isang estudyante sa Bibliya ay maaaring mabilis na sumusulong ngunit baka may ilang di-Kristiyanong katangian na kailangan pa ring pagtagumpayan. Kaya baka hindi isang katalinuhan ang labis na mapalapit sa indibiduwal na iyon. Dapat panatilihin ang angkop na mga hangganan para sa Kristiyano.—1 Corinto 15:33.
15. Paano natin maipakikita ang paggalang sa ating mga inaaralan sa Bibliya?
15 Kasali sa paggalang sa ating mga inaaralan ang hindi pagsisikap na kontrolin ang kanilang personal na buhay. (1 Tesalonica 4:11) Halimbawa, baka nakikipag-aral tayo sa isang babae na nakikisama nang hindi kasal sa isang lalaki. Marahil ay may mga anak na sila. Dahil sa nagkaroon na ng tumpak ng kaalaman ng Diyos, nais ng babae na ituwid ang mga bagay-bagay sa pagitan nila ni Jehova. (Hebreo 13:4) Dapat ba siyang magpakasal sa lalaki o hiwalayan siya? Marahil ay matinding nadarama natin na ang pagpapakasal niya sa isang lalaking bahagya o hindi interesado sa espirituwal ay makahahadlang sa kaniyang pagsulong sa hinaharap. Sa kabilang banda, baka mangamba tayo para sa kapakanan ng kaniyang mga anak at isiping mas makabubuti sa kaniya na magpakasal sa lalaki. Anuman ang mangyari, hindi paggalang at pag-ibig ang makialam sa buhay ng isang inaaralan at sikaping igiit ang ating sariling opinyon sa gayong mga bagay. Tutal, siya ang aani ng ibubunga ng kaniyang pasiya. Kung gayon, hindi ba pinakamabuti na sanayin ang gayong estudyante na gamitin ang kaniyang sariling “kakayahan sa pag-unawa” at magpasiya para sa kaniyang sarili ng kung ano ang dapat niyang gawin?—Hebreo 5:14.
16. Paano maipakikita ng matatanda ang pag-ibig at paggalang sa kawan ng Diyos?
16 Lalo nang mahalaga na magalang at maibiging pakitunguhan ng matatanda sa kongregasyon ang kawan. Nang sumusulat kay Filemon, sinabi ni Pablo: “Bagaman ako ay may malaking kalayaan sa pagsasalita may kaugnayan kay Kristo na utusan ka na gawin ang wasto, sa halip ay masidhi kitang pinapayuhan salig sa pag-ibig.” (Filemon 8, 9) Kung minsan, maaaring bumangon sa kongregasyon ang mga nakasisiphayong situwasyon. Baka kailangan pa nga na maging matatag. Hinimok ni Pablo si Tito na ‘patuloy niyang sawayin [ang mga nagkasala] nang may kabagsikan, upang maging malusog sila sa pananampalataya.’ (Tito 1:13) Magkagayunman, kailangang maging maingat ang mga tagapangasiwa na huwag maging mabalasik sa pakikipag-usap sa kongregasyon. “Ang alipin ng Panginoon ay hindi kailangang makipag-away,” sulat ni Pablo, “kundi kailangang maging banayad sa lahat, kuwalipikado na magturo, nagpipigil sa ilalim ng kasamaan.”—2 Timoteo 2:24; Awit 141:3.
17. Ano ang naging pagkakamali ni Moises, at ano ang maaaring matutuhan ng matatanda mula rito?
17 Dapat na patuluyang ipaalaala ng mga tagapangasiwa sa kanilang sarili na sila’y nakikitungo sa “kawan ng Diyos.” (1 Pedro 5:2) Bagaman siya’y mapagpakumbaba, sandaling nakalimutan ni Moises ang kaniyang pagiging makatuwiran. “Pinapait [ng mga Israelita] ang kaniyang kalooban at siya’y nagsimulang magsalita nang padalus-dalos sa kaniyang mga labi.” (Awit 106:33) Lubhang ikinagalit ng Diyos ang ganitong maling pagtrato sa Kaniyang kawan, bagaman sila’y dapat namang sisihin. (Bilang 20:2-12) Kapag nakakaharap ang katulad na mga hamon sa ngayon, dapat sikapin ng matatanda na magturo at umakay taglay ang malalim na unawa at kabaitan. Pinakamainam ang pagtugon ng ating mga kapatid kapag sila’y pinakikitunguhan nang may konsiderasyon at bilang mga indibiduwal na nangangailangan ng tulong, hindi bilang mga nagkasala na hindi na maitutuwid pa. Kailangang panatilihin ng matatanda ang positibong pangmalas na gaya ng kay Pablo nang sabihin niya: “Kami ay may pagtitiwala sa Panginoon may kinalaman sa inyo, na ginagawa ninyo at patuloy na gagawin ang mga bagay na aming iniuutos.”—2 Tesalonica 3:4.
Tumutugon sa Kanilang mga Pangangailangan
18, 19. (a) Paano tayo dapat na tumugon sa mga pangangailangan ng mga estudyante sa Bibliya na may limitadong mga kakayahan? (b) Paano natin matutulungan ang mga estudyante na nahihirapan sa espesipikong mga bagay?
18 Ang isang mabisang guro ay handang makibagay sa mga kakayahan at limitasyon ng kaniyang mga estudyante. (Ihambing ang Juan 16:12.) Sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa mga talento, binigyan ng panginoon ng pribilehiyo ang “bawat isa ayon sa kaniyang sariling kakayahan.” (Mateo 25:15) Maaari nating tularan ang gayunding parisan kapag nagdaraos ng mga pag-aral sa Bibliya. Natural lamang na naisin nating masaklaw ang isang salig-sa-Bibliya na publikasyon sa isang makatuwirang maikling yugto ng panahon. Subalit dapat tantuin na hindi lahat ay mahusay na bumasa o mabilis makaunawa sa mga ideya. Samakatuwid, kailangan ang kaunawaan kung kailan dapat lumipat sa ibang punto sa pag-aaral kapag ang mga taong tumutugon ay nahihirapan namang makaagapay. Ang pagtulong sa mga estudyante na maunawaan ang kanilang pinag-aaralan ay mas mahalaga kaysa sa pagsaklaw ng materyal sa isang takdang bilis.—Mateo 13:51.
19 Totoo rin ito sa estudyante ng Bibliya na nahihirapan sa espesipikong mga bagay, gaya ng Trinidad o relihiyosong mga kapistahan. Bagaman karaniwan nang hindi kailangang ilakip sa ating pag-aaral ang mga salig-sa-Bibliya na materyal sa pananaliksik, sa pana-panahon ay maaari nating gawin ito kung maliwanag na ito’y magiging kapaki-pakinabang. Dapat gumamit ng mabuting pagpapasiya upang maiwasan ang di-kinakailangang pagbagal sa pagsulong ng estudyante.
Maging Masigla!
20. Paano naglaan si Pablo ng halimbawa sa pagpapakita ng kasiglahan at pananalig sa kaniyang pagtuturo?
20 “Maging maningas kayo sa espiritu,” sabi ni Pablo. (Roma 12:11) Oo, tayo man ay nagdaraos ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya o gumaganap ng isang bahagi sa pulong ng kongregasyon, dapat tayong maging masigasig at masigla sa paggawa nito. Sinabi ni Pablo sa mga taga-Tesalonica: “Ang mabuting balita na aming ipinangangaral ay hindi nasumpungan sa gitna ninyo sa pamamagitan ng pananalita lamang kundi sa pamamagitan ng kapangyarihan din at sa pamamagitan ng banal na espiritu at matibay na pananalig.” (1 Tesalonica 1:5) Kaya naitawid ni Pablo at ng kaniyang mga kasama “hindi lamang ang mabuting balita ng Diyos, kundi gayundin ang [kanilang] sariling mga kaluluwa.”—1 Tesalonica 2:8.
21. Paano natin mapananatili ang isang masiglang saloobin sa ating mga atas sa pagtuturo?
21 Ang taimtim na kasiglahan ay nanggagaling sa matibay na pananalig na kailangang marinig ng ating mga estudyante sa Bibliya ang sasabihin natin. Huwag nating ituring na rutin lamang ang anumang atas sa pagtuturo. Talagang nagbigay-pansin ang eskribang si Ezra sa kaniyang pagtuturo sa paraang ito. Kaniyang “inihanda ang kaniyang puso upang sumangguni sa kautusan ni Jehova at upang isagawa iyon at upang magturo sa Israel.” (Ezra 7:10) Gayundin ang dapat nating gawin sa pamamagitan ng lubusang paghahanda at pagbubulay-bulay sa kahalagahan ng materyal. Manalangin tayo kay Jehova na lipusin tayo ng pananampalataya at pananalig. (Lucas 17:5) Ang ating kasiglahan ay makatutulong sa mga estudyante ng Bibliya na magkaroon ng tunay na pag-ibig sa katotohanan. Sabihin pa, maaaring kasali rin sa pagbibigay-pansin sa ating turo ang paggamit ng espesipikong pamamaraan sa pagtuturo. Tatalakayin sa ating susunod na artikulo ang ilan sa mga ito.
[Talababa]
a Tingnan ang Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 1071, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Bakit kailangan sa ngayon ang mahuhusay na Kristiyanong guro?
◻ Anong mabubuting kaugalian sa pag-aaral ang maaari nating linangin?
◻ Bakit napakahalaga ng pag-ibig at paggalang sa mga taong ating tinuturuan?
◻ Paano tayo makatutugon sa mga pangangailangan ng ating mga estudyante sa Bibliya?
◻ Bakit mahalaga ang kasiglahan at pananalig kapag nagtuturo sa iba?
[Larawan sa pahina 10]
Ang mabubuting guro ay mga estudyante mismo ng Salita ng Diyos
[Larawan sa pahina 13]
Magkaroon ng personal na interes sa mga estudyante sa Bibliya