Maging Interesado Ka sa Iba
“Na tinitingnan, hindi lamang ang inyong sariling kapakanan, kundi pati ang sariling kapakanan ng iba.”—FILIPOS 2:4.
1, 2. Ano ang mga ilang dahilan sa pagiging interesado natin sa iba?
TAYO’Y may mabubuting dahilan sa pagiging interesado sa iba. Halimbawa, tayo’y dapat maging interesado sa ating mga kapuwa tao dahilan sa tayo’y nagkakaiba-iba sa isa’t isa. Ang henetikong materyal ng mga selula ng ating katawan ay may dalang isang blueprint o kaayusan ng ating minanang mga sangkap. Ito’y pagkakakilanlan sa isang tao kung kaya’t sa kanilang mga pamamaraan na pagkakakilanlan idinagdag ng mga ahensiya ng paniniktik ng krimen ang henetikong “fingerprinting.”
2 May mga iba pang dahilan kung bakit tayo’y nagkakaiba-iba at interesanteng mga indibiduwal. Mula sa paglilihi sa atin, tayo’y naiimpluwensiyahan ng ating kapaligiran. May maraming ebidensiya na ang mga sanggol na di pa isinisilang ay apektado ng mga bagay na nagaganap sa labas ng bahay-bata. Pagkatapos, pagka tayo’y narito na sa sanlibutan bilang nagsasariling mga kinapal, o mga kaluluwa, tayo’y naaapektuhan ng mga saloobin at mga lakad ng ating mga magulang. Habang tayo’y lumalaki, tayo’y baka isang solong anak o mayroon tayong mga ibang kapatid na lalaki o mga babae at mayroon tayong bahagi sa pag-aalaga sa kanila. Ang gayong pakikisalamuha o ang kawalan niyaon ay may kaugnayan sa ating paglaki. Ang ating binabasa, ang itinuturo sa atin sa paaralan, at pinanonood natin sa telebisyon ay may impluwensiya rin sa ating kaisipan at mga ikinikilos.
3. Kasuwato ng Filipos 2:4, sa anong kapakanan ng iba lalung-lalo nang dapat tayong maging interesado?
3 Kung gayon, dahil sa ating pagkakaiba-iba isang dahilan ito kung bakit interesado tayo sa isa’t isa. Subalit nasa isip ni apostol Pablo ang isang lalong mahalagang dahilan upang maging interesado ka sa iba. Sa gayon, kaniyang ipinayo sa mga kapuwa Kristiyano na kanilang ‘tingnan, hindi lamang ang sariling kapakanan nila, kundi pati ang sariling kapakanan ng iba.’ (Filipos 2:4) Sa halip na ang ating sariling kapakanan lamang ang hanapin, lalung-lalo nang dapat tayong maging interesado sa iba sa espirituwalidad nila. Kung gayon, ano ang ilang mga paraan na tutulong upang tayo’y maging interesado sa iba?
Ang Espirituwal na Kapakanan at ang Pagkakaiba-iba ng Personalidad
4. Sang-ayon sa Efeso 4:22-24, anong mga pagbabago ang nagpapasulong sa ating pagiging interesado sa espirituwal na kapakanan ng iba?
4 Ang ating pagiging interesado sa espirituwal na kapakanan ng iba ay napasusulong pagka ating personal na ikinapit ang kaalaman sa katotohanan buhat sa Kasulatan at tayo’y natutong sumunod sa ulirang halimbawa ni Jesu-Kristo. (1 Pedro 2:21) Bilang mga tunay na Kristiyano, ating ‘iniiwan ang dating personalidad (o pagkatao) na naaayon sa ating dating pag-uugali’ at tayo’y gumagawa upang mahalinhan ito ng “bagong personalidad [o pagkatao] na nilikha ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na kabanalan at katapatan.” (Efeso 4:22-24) Sa gayon, ang masasamang saloobin ay isa-isang hinahalinhan ng may kabaitan, makonsiderasyong pagtingin sa iba.—Isaias 65:25.
5. Bakit may iba’t ibang personalidad sa kongregasyong Kristiyano, na nagbabangon ng anong tanong?
5 Bagaman pambihirang mga pagbabago sa personalidad ang nasaksihan sa mga lingkod ni Jehova, mayroon pa ring naiiwang makasalanang mga hilig. Inamin kahit na ni Pablo na: “Kung ibig kong gumawa ng mabuti, ang masama ay nasa akin.” (Roma 7:21) Sabihin pa, tayo’y may ibang minana at nakamtan na mga ugali, at tayo’y nakikilala sa pamamagitan nito. Ang ilan ay may hilig sa sining, ang iba naman ay mahilig sa pagsusuri ng mga bagay-bagay. Samantalang ang ilan ay tahimik at hindi palasalita, ang iba naman ay mahilig makiumpok at makipag-usap. Kung gayon, papaano mapananatili ang pagkakaisa ng kongregasyong Kristiyano sa gitna ng ganiyang pagkakaiba-iba ng personalidad?
6. Papaano natin dapat malasin ang pagkakaiba-iba ng personalidad, at papaano mo maipaghahalimbawa ito?
6 Upang tayo’y makapagpakita ng interes sa espirituwal na kapakanan ng iba at mapanatili ang pagkakaisang Kristiyano, tayo’y kailangang maging makatotohanan at maunawain. Yamang hindi tayo hinahanapan ng Diyos na maging sakdal, hindi rin natin dapat hanapan nito ang ating mga kasamahang Kristiyano. Isa pa, hindi inaasahan ni Jehova na lahat ng kaniyang mga lingkod ay maging parehung-pareho. Sa kongregasyong Kristiyano, lahat tayo ay may dako at magagamit natin ang ating minana, bigay-Diyos na mga katangian upang mapasulong ang kaniyang gawain. (1 Corinto 12:12-26) Kung tayo’y patuloy na magiging abala ng paggawa sa ilalim ng patnubay ng Ulo ng kongregasyon, si Jesu-Kristo, hindi na tayo magkakapanahon na mamintas pa sa isa’t isa. (1 Corinto 4:1-4) Gaya ng alam ng isang dalubhasang manggagawa, bawat kasangkapan ay dinisenyo upang gumawa ng isang tiyak na gawain. Ang isa bang martilyo ay makagagawa ng napakaliit na butas na nagagawa ng isang barena? Ang isa bang katam na ginagamit upang kortihan ang tabla ay magagamit nang mabisa sa pagkakabit ng turnilyo? Hindi, sapagkat bawat kasangkapan ay may kaniyang talagang gamit.
7. Habang tayo’y nakikibahagi sa paglilingkuran sa Kaharian, ano ang dapat nating unang-unang isinasaisip?
7 Totoong-totoo nga ang mga salita ng pang-Kahariang awiting “May Kagalakang Paglilingkod”! Ito’y nagsasabi: “May galak na maglingkod sa ating Diyos; ang talino nati’y gamiting lubos.” Totoo, baka tayo ay walang namumukod na katangian. Gayunman, ating laging unang-unang isinasaisip ang gawain na iniatas sa atin bilang mga Saksi ni Jehova at itinatalaga natin dito ang ating sarili nang buong puso. Gaya ng isinususog pa ng awit: “Kaunti man ang ating paglilingkuran, ang pag-ibig nati’y pinatunayan.”—Umawit ng mga Papuri Kay Jehova, awit 130.
Ituring na ang Iba’y Nakahihigit
8. Papaanong ang pagkakaisa ay naitataguyod sa pamamagitan ng pagkakapit ng sinabi ni Pablo sa Filipos 2:1-3?
8 Ang pagkakaisa ay naitataguyod din sa pamamagitan ng pagtuturing na ang iba’y nakahihigit sa sarili ng isang tao. Si Pablo’y sumulat: “Kung may anumang kasiglahan kay Kristo, kung may anumang kaaliwan ng pag-ibig, kung may anumang pamamahagi ng espiritu, kung may anumang malumanay na awa at habag, lubusin ninyo ang aking kagalakan sa bagay na kayo’y nagkakaisang-isip at may iisang pag-ibig, yamang nagkakaisa ng kaluluwa, na may iisang kaisipan.” Pansinin na isinusog pa ng apostol: “Hindi ginagawa ang anuman nang may pagkakampi-kampi o dahil sa pag-ibig sa sarili, kundi nang may kababaang-loob na itinuturing na ang iba’y nakahihigit sa inyo.”—Filipos 2:1-3.
9. Ano ang ibig sabihin ng pagiging mahilig kumontra at pagbubuhat ng sariling bangkô, at papaano natin maiiwasan ang mga ugaling ito?
9 Palibhasa’y hindi itinuturing na ang iba’y nakahihigit, ang isang taong mahilig kumontra ay nagpapakita ng “isang kadalasa’y mali at nakababagot na kahiligang makipag-away at makipagtalo.” (Webster’s New Collegiate Dictionary) Ang ganitong ugali ay maaaring makita mismo sa “mga pakikipagtalo tungkol sa mga salita.” (1 Timoteo 6:4) Tunay, ang espiritung nasa likod ng mga salita at ng mga kaisipan na inihahatid nito ay dapat na maging pangunahing pinag-uukulan ng pansin. Kaya’t iwasan ang pagiging isang taong makulit na naggigiit ng ganoo’t ganitong mga pananalita na ginagamit nang bibigan o nang nasusulat sa nakasulat na materyal. At ano kung isang naiibang kuru-kuro tungkol sa isang paniniwala ang iniharap sa iyo? May katapatang kumapit ka nang mahigpit sa maka-Kasulatang impormasyon na nanggaling sa Diyos sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45-47) Ang totoo, ganiyan natin natutuhan ang katotohanan unang-una. Ang ganitong kaisipan ay tumutulong sa atin na iwasan ang pagbubuhat ng sariling bangkô, samakatuwid baga, ang labis na pagpapaimportante sa sarili.
Pasulungin ang Pagiging Interesado sa Kapakanan ng Iba
10. Papaano ikakapit sa kongregasyon ang Filipos 2:4?
10 Tandaan na ipinayo sa atin ni Pablo na ‘tingnan, hindi lamang ang iyong sariling kapakanan, kundi pati ang sariling kapakanan ng iba.’ (Filipos 2:4) Ano ba ang ibig sabihin nito? Kung papaanong ang pagiging mapagmasid sa ating mga kapaligiran ay maaaring makatulong sa atin sa ministeryo sa larangan, gayundin na ang pagiging interesado sa kapakanan ng mga ibang nasa kongregasyon ay magbibigay sa atin ng pagkakataon na patibayin ang buklod ng pag-ibig na bumibigkis sa atin. Ang mga matatanda lalo na ang may pananagutan na magpakita ng pagmamalasakit sa mga kapananampalataya, sapagkat sinasabi ng isang kawikaan: “Dapat mong tiyakang malaman ang kalagayan ng iyong kawan.” (Kawikaan 27:23) Mangyari pa, lahat tayo ay maaari at dapat na laging nagbibigay-pansin sa pangangailangan ng ating mga kapananampalataya.—1 Pedro 2:17.
11. Bakit tayo’y kailangang maging mapagbigay-pansin pagka nakikipag-usap sa ating espirituwal na mga kapatid?
11 Ang isa pang paraan upang mapaunlad ang pagkakaisa at mapasulong ang interes sa iba ay ang magbigay ng panahon sa pakikipagtalastasang mainam sa iyong espirituwal na mga kapatid. Alamin kung ano ang kanilang iniisip. Ito’y magagawa pagka ikaw ay dumadalaw sa kanilang mga tahanan bago at pagkatapos ng mga pulong sa Kingdom Hall, at sa pagitan ng mga sesyon ng ating mga asamblea. At makinig nang maingat pagka sila’y nagsasalita. Ito’y mangangahulugan na ating mapapakinggan ang tungkol sa mga kahirapan na kanilang hinaharap, subalit marahil ay matutulungan natin sila sa pinapasan nilang mga pasanin at sa gayo’y tuparin ang kautusan ng Kristo. (Galacia 6:2) Gayunman, isang bagay na higit pa kaysa pakikipag-usap lamang sa ating mga kapatid ang tutulong upang maingatan ang pagkakaisa ng kongregasyon. Ano ba iyon?
Magpakita ng Pakikiramay sa Kapuwa
12. Bakit tayo dapat magpakita ng pakikiramay sa kapuwa?
12 Ang pakikiramay sa kapuwa ay nagpapaunlad din ng pagkakaisang Kristiyano. Sa patuloy na dumaraming mga kagipitan sa buhay, lahat tayo ay nangangailangan na magpakita ng katangiang ito. Harinawang tayo’y huwag maging buhos na buhos ang loob sa mga bagay na nasa isip natin na anupa’t hindi natin isinasaalang-alang ang damdamin ng iba. Bilang isang halimbawa: Pagdating na pagdating ng isang may bahagi sa programa sa Pulong sa Paglilingkod, isang matanda ang dagling lumapit at nakipag-usap sa kaniya tungkol sa isang bagay na ipatatalastas. Ang matanda ay nagtaka at napahiya, sapagkat ang may bahagi ay tumingin sa kaniya, ngumiti, at ang sabi: “Bago ang lahat, magandang gabi, Kapatid!” Ang bagay na ipatatalastas ay pinag-usapan nila pagkatapos na sila’y makapagkumustahan at ang kapatid ay naging palagay-loob na. Isang mahalagang aral nga ang natutuhan ng matanda! Huwag kang magpakabilis, na anupa’t ipinagwawalang-bahala mo ang mga pangungumusta na tumutulong upang maging kaaya-aya ang iyong relasyon sa iba.
13. Ang pakikiramay sa kapuwa ay nag-uudyok sa matatanda na gawin ang ano sa pakikitungo sa kanilang mga kasamahang Kristiyano?
13 Ang pakikiramay sa kapuwa ang nag-uudyok sa matatanda na magpakita ng awa at iba pang maiinam na ugali. Kung minsan, ang mga lalaking ito ay kailangang maging malumanay, “tulad ng isang nagpapasusong ina na nagmamahal sa kaniyang sariling mga anak.” (1 Tesalonica 2:7) Ang pagtulong sa mga ilang indibiduwal ay nangangailangan ng malaking pagtitiis at mapagmahal na pag-alalay. Yaong mga taong ‘nag-iwan sa kanilang unang pag-ibig’ ay marahil mangangailangan na pukawin sa lalong higit na kasiglahan at marahil kailangang tulungan sila upang maunawaan ang pagkaapurahan ng ating nagdudumaling panahon. (Apocalipsis 2:4; 2 Timoteo 4:2; Hebreo 6:11, 12) Tulad ni Pablo, ang matatanda ay may “malumanay na pagmamahal” sa kanilang mga kasamahang Kristiyano, anupa’t kanilang pinapayuhan at inaaliw ang mga ito ‘sa layunin na sila’y patuloy na lumakad na karapat-dapat sa Diyos.’—1 Tesalonica 2:8, 11, 12.
14. Anong katunayan ang ibinigay ni Pablo na siya’y may damdamin ng pakikiramay sa kapuwa?
14 Si Pablo ay nag-iwan sa matatanda ng isang mainam na halimbawa ng kung papaanong magpapakita ng maibiging pagmamalasakit sa kapakanan ng espirituwal na mga kapatid. Siya ay sumulat: “Bukod sa mga bagay na iyon na panlabas, mayroong nakababalisa sa akin sa araw-araw, ang pagkabahala sa lahat ng kongregasyon.” Dahilan sa si Pablo ay may gayong pagkabahala, kaniyang nasabi: “Sino ang nanghina, at ako’y hindi nanghina? Sino ang napatisod, at ako’y hindi nagdaramdam?” Kung ikaw ay isang matanda, mayroon ka bang ganiyang damdamin ng pakikiramay sa kapuwa?—2 Corinto 11:28, 29.
Paghikayat sa Iyong Kapatid
15. Pagka ang malulubhang di-pagkakaunawaan ay bumangon sa pagitan ng magkakapatid, anong payo ni Jesus sa Mateo 18:15 ang dapat na sundin, at ano ang dapat na maging layunin?
15 Ang pakikiramay sa kapuwa ay nagpapasulong sa pagkakaisa sa gitna ng mga lingkod ni Jehova. Gayunman, sa bihirang mga okasyon ay maaaring may bumangong di-pagkakaunawaan. Pagka mga bagay na malulubha ang kasangkot, ang mga Kristiyano ay dapat sumunod sa payo ni Jesus na nakaulat sa Mateo 18:15-17. Pansinin ang unang hakbang. Ito’y ang makipag-usap ka nang sarilinan sa iyong kapatid upang “ipakilala ang kaniyang pagkakamali.” Ano ang dapat na maging layunin mo? Aba, ‘ang mahikayat ang iyong kapatid’! Sinabi ni Jesus: “Kung pakinggan ka, nahikayat mo ang iyong kapatid.” Nakalulugod naman, ang pag-uusap ninyo nang sarilinan ay karaniwan nang siyang tanging kinakailangan upang magkasundo kayo ng iyong kapuwa mananamba kay Jehova.
16. Ano ang dapat gawin kung mapansin mo na ang iyong kapatid ay may anumang damdamin laban sa iyo?
16 Kung mapansin mo na may anumang damdamin laban sa iyo ang iyong kapatid, sundin ang payo ni Jesus na “makipagpayapaan sa iyong kapatid.” (Mateo 5:24) Pag-usapan ninyo ang problema nang mahinahon, may kabaitan, na sinisikap na maunawaan ang punto-de-vista ng isa’t isa. Sa ganitong paraan, ang suliranin ay kalimitan nalulutas at ang kapayapaan ng kongregasyon ay napananatili.
Paghikayat sa mga Di-sumasampalataya
17, 18. Anong payo ang ibinigay ni Pedro sa mga asawang babaing Kristiyano na nasa mga sambahayang di-nagkakaisa ng relihiyon?
17 Isa sa mga kalagayan na kung saan pinakamahirap na ikapit ang mga simulain ng Kasulatan ay sa isang sambahayang di-nagkakaisa ng relihiyon. Maraming mga Kristiyano ang gumagawang may katapatan samantalang hinaharap ang mga pagkasiphayo at kahirapan na likha ng kakulangan ng espirituwal na pagkakaisa sa kanilang pagsasamang mag-asawa. Papaano sila matutulungan?
18 Dahilan sa pagiging interesado sa kapakanan ng iba, ang matatanda ay may kagalakang nagbibigay ng espirituwal na tulong sa mga nasa sambahayang di-nagkakaisa ng relihiyon. Halimbawa, maaaring magbigay-pansin sa payo ni Pedro tungkol sa ugali ng mga asawang babaing Kristiyano na nasa ganitong katayuan. Kaniyang sinasabihan sila na pasakop sa kani-kanilang asawa, kahit na kung ang mga ito ay di-sumasampalataya at “hindi tumatalima sa salita.” Bakit dapat pasakop? “Upang . . . sila’y maakit [o, mahikayat] nang walang salita sa pamamagitan ng ugali ng kani-kanilang asawang babae.” (1 Pedro 3:1; Kingdom Interlinear) Subalit gaano bang kaepektibo ang pagkakapit ng ganitong payo?
19. Magbigay ng halimbawa upang ipakita ang kapakinabangan ng pagkakapit ng 1 Pedro 3:1.
19 Isang babaing nagngangalang Vera ang nagsabing nang siya’y nagsimulang maging isang Kristiyano, palaging nakikipag-usap siya sa kaniyang asawa tungkol sa katotohanan ng Bibliya, at ito’y nayamot sa walang-tigil sa kasasalita niya nito. “Pagkatapos na payuhan ako sa Kasulatan ng isang elder,” ang sabi niya, “ako’y nagpasiya na mas mabuti ang maging mataktika at maghintay ng kaaya-ayang mga pagkakataon na darating.” Una muna, ikinapit ni Vera ang 1 Pedro 3:1, bagaman siya ang kusang kumilos upang maudyukan ang kaniyang asawa, si Barry, na makipag-usap tungkol sa mga simulain ng Bibliya. Nang bandang huli ganito ang paliwanag niya (ni Barry): “Noong lumipas na mga taon, napansin ko na ang Gumising! [kasamahang magasin ng Ang Bantayan] ay makikita sa di-karaniwang mga lugar sa bahay. Ito’y may mga lathalaing praktikal at kung minsa’y nauuna pa sa mga balita.” Ang ibinunga nito, pagkaraan ng 20 taon ng di-pagkakaisa, si Barry at si Vera ay maligayang nagkakaisa sa paglilingkod kay Jehova.
20. Anong tulong ang maibibigay ng matatanda sa mga asawang lalaking Kristiyano sa mga sambahayang di-nagkakaisa ng relihiyon?
20 Ang isang sumasampalatayang asawang lalaki ay nakaharap sa malaking suliranin kung ang kaniyang maybahay ay salungat sa tunay na pagka-Kristiyano at iniimpluwensiyahan ang kanilang mga anak laban sa kaniya. Sa pagiging interesado sa ganoong tao, nakatutulong na mga simulain sa Bibliya ang maaaring itawag-pansin ng matatanda. Halimbawa, maaaring banggitin na sa kabila ng pananalansang ng kaniyang asawang babae, siya pa rin ang ulo ng pamilya at dapat niyang turuan sa Kasulatan ang kaniyang mga anak. (Efeso 6:4) Maaaring ipayo sa kaniya na makipamahay siya sa kaniyang asawang babae “ayon sa pagkakilala,” na nagpapakita na siya’y interesado sa ginagawa nito at tinutulungan ito sa mga gawaing-bahay at sa pag-aasikaso sa mga anak. (1 Pedro 3:7) Higit sa lahat, ang sumasampalatayang asawang lalaki at ama ay dapat patibaying-loob na panatilihing bukás ang linya ng pakikipagtalastasan upang kaniyang mapag-alaman kung ano ang nasa puso ng bawat miyembro ng kaniyang pamilya. Maaari ring patibaying-loob siya ng mga matatanda na patuloy na magsikap makatulong sa kaniyang asawang babae sa pamamagitan ng mga salitang “tinimplahan ng asin,” na mataktikang naghaharap sa kaniya ng katotohanan sa Kasulatan kung mga okasyong nararapat.—Colosas 4:6.
21. Papaano matutulungan ang isang di-sumasampalatayang asawang babae upang maging interesado sa katotohanan?
21 Ang pagpapakita ng interes sa mga kamag-anak ng mga Kristiyano sa mga sambahayang di-nagkakaisa ng relihiyon ay kung minsan nagsisilbing isang maliit na apoy na nakahihikayat ng pagtugon sa mensahe ng Kaharian. Bilang halimbawa: Isang lalaking Kristiyano ang nasiraan ng loob sapagkat ang kaniyang asawa ay mahigpit na sumalansang sa kaniya nang maraming taon. Isang elder ang nag-alok na dadalaw at tutulong sa pamamagitan ng pagpapaliwanag sa Bibliya. Nang siya’y dumating sa tahanan, masayang binati ng elder ang asawang babae at nagtanong: “Ibig mo bang makiupo upang makinig sa aming pag-aaral?” Ang palakaibigang anyaya niya ang lubhang nakabagbag ng damdamin ng babae kung kaya’t may kagalakang nakisama siya sa talakayan. Hindi nagtagal at kaniyang tinanggap ang katotohanan at siya’y nagsimulang nangaral sa iba.
22. Bakit tayo dapat maging interesado sa isa’t isa?
22 Kung gayon, bilang mga Saksi ni Jehova “gawin natin ang lahat ng bagay alang-alang sa mabuting balita.” (1 Corinto 9:23) Oo, “habang tayo’y may pagkakataon, magsigawa tayo ng mabuti sa lahat, ngunit lalo na sa mga kapananampalataya natin.” (Galacia 6:10) Harinawang tayo’y maging interesado sa isa’t isa upang ang pag-ibig ay lumago sa ating pambuong-daigdig na pagkakapatiran.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Bakit tayo, lalung-lalo na, dapat maging interesado sa iba?
◻ Papaano natin mapasusulong ang pagiging interesado natin sa ating mga kapananampalataya?
◻ Papaano makapagpapakita ang matatanda ng damdamin ng pakikiramay sa kapuwa?
◻ Ano ang maaaring maging resulta ng ating pagiging interesado sa kapakanan ng mga di-sumasampalataya?
[Larawan sa pahina 16, 17]
Kung papaanong ang bawat kasangkapan ay dinisenyo upang gumawa ng isang tiyak na gawain, ang lahat sa kongregasyong Kristiyano ay maaaring gumamit ng bigay-Diyos na mga kakayahan upang mapasulong ang gawain sa Diyos
Upang mapasulong ang pagkakaisang Kristiyano, maging interesado ka sa iba
[Larawan sa pahina 18]
Si Pablo ay nag-iwan sa matatanda ng isang mainam na halimbawa ng kung papaano magpapakita ng maibiging pagmamalasakit sa mga kapananampalataya