Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Panalangin, at ang Pagtitiwala sa Diyos
SA PAGPAPATULOY ni Jesus sa kaniyang sermon, kaniyang hinatulan ang mapagpaimbabaw na mga tao na pinagpaparangalan ang kanilang ipinagpapalagay na kabanalan. “Pagka ikaw ay nagkakaloob,” aniya, “huwag kang iihip ng trumpeta, gaya ng ginagawa ng mga mapagpaimbabaw.”
“At,” patuloy pa ni Jesus, “pagka ikaw ay nananalangin, huwag kang gagaya sa mga mapagpaimbabaw; sapagkat ang ibig nila’y manalangin nang nakatayo sa mga sinagoga at sa mga panulukang daan upang makita ng mga tao.” Sa halip, ang sabi niya, “Pagka ikaw ay nanalangin, pumasok ka sa iyong sariling silid at, pagkatapos na maisara mo ang iyong pinto, manalangin ka sa iyong Ama na nakakakita sa lihim.” Si Jesus mismo ay nanalangin sa harap ng maraming tao, kaya’t hindi niya hinahatulan ang mga ito. Ang kaniyang tinutukoy ay mga panalangin na ginagawa upang pahangain ang mga nakikinig at sila’y magsalita nang mga paghanga.
Ipinayo pa ni Jesus: “Pagka kayo’y nananalangin, huwag ninyong sasabihin ang iyon di’t iyon ding mga bagay, gaya ng ginagawa ng mga tao ng mga bansa.” Hindi ibig sabihin ni Jesus na ang pag-ulit-ulit sa ganang sarili ay mali. Minsan, siya mismo ay paulit-ulit na gumamit “ng iyon di’t iyon ding salita” nang nananalangin. Ngunit ang kaniyang hindi sinasang-ayunan ay ang pagsasabi ng memoryadong mga salita “nang paulit-ulit,” tulad baga ng mga nagrurosaryo na pinauulit-ulit ang kanilang sauladong mga panalangin.
Upang tulungan ang kaniyang mga tagapakinig na manalangin, si Jesus ay nagbigay ng isang modelong panalangin na doo’y may pitong kahilingan. Ang unang tatlo ay matuwid na kumikilala sa pagkasoberano ng Diyos at ng kaniyang mga layunin. Ito’y mga kahilingan na pakabanalin ang pangalan ng Diyos, na dumating na sana ang kaniyang Kaharian, at maganap ang kaniyang kalooban. Ang natitirang apat ay personal na mga kahilingan, samakatuwid nga, ang araw-araw na pagkain, kapatawaran ng mga kasalanan, na huwag sanang subukin ka nang higit kaysa matitiis mo, at iligtas ka buhat sa balakyot.
Sa pagpapatuloy, binanggit ni Jesus ang silo ng labis na pagpapahalaga sa mga kayamanan. Sinabi niya: “Huwag kayong magtipon ng mga kayamanan sa lupa, na dito’y sumisira ang tanga at ang kalawang, at dito’y nanghuhukay at nagsisipagnakaw ang mga magnanakaw.” Ang gayong mga kayamanan ay pumapanaw at hindi nagdadala sa iyo ng pagsang-ayon ng Diyos.
Kaya naman, sinabi ni Jesus: “Kundi, magtipon kayo ng mga kayamanan sa langit.” Ito’y ginagawa sa pamamagitan ng paglalagay na una sa lahat sa iyong buhay ng paglilingkod sa Diyos. Walang sinuman na nakapag-aalis ng pakinabang dito na ibibigay ng Diyos o ng dakilang gantimpala na resulta nito. Pagkatapos ay sinabi pa ni Jesus: “Kung saan naroroon ang iyong kayamanan, doroon din ang iyong puso.”
Sa pagpapatuloy ng paglalahad ng silo ng materyalismo, ganito ang ilustrasyon na ibinigay ni Jesus: “Ang ilawan ng katawan ay ang mata. Kung simple nga ang iyong mata, ang buong katawan mo’y mapupuspos ng liwanag; ngunit kung balakyot ang iyong mata, ang buong katawan mo’y mapupuspos ng kadiliman.” Ang mata na umaandar nang husto ay sa katawan gaya ng isang sindidong ilawan sa isang madilim ng lugar. Subalit upang makakita nang husto, ang mata ay kailangang maging simple, samakatuwid nga, kailangang nakapokus sa iisang bagay. Ang isang matang hindi nakapokus ay mali ang pagkakita sa mga bagay-bagay, ang materyal na mga bagay ay pinahahalagahang higit kaysa paglilingkod sa Diyos, at ang resulta’y nagiging madilim ang “buong katawan.”
Tinatapos ni Jesus ang tungkol sa bagay na ito sa pamamagitan ng mabisang ilustrasyon: “Sinuma’y hindi makapaglilingkod sa dalawang panginoon; sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa Kayamanan.”
Pagkatapos na magbigay ng ganitong payo, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagapakinig na sila’y huwag mabalisa tungkol sa kanilang materyal na mga pangangailangan kung kanilang inuuna ang paglilingkod sa Diyos. “Masdan ninyo ang mga ibon sa langit,” ang sabi niya, “sapagkat hindi sila naghahasik o nagsisigapas o nagtitipon man sa mga bangan; gayunma’y pinakakain sila ng inyong Ama sa langit.” Pagkatapos ay nagtanong siya: “Hindi baga lalong higit ang halaga ninyo kaysa kanila?”
Pagkatapos, tinukoy ni Jesus ang mga liryo sa parang at sinabi niya na “si Solomon man sa buong kaluwalhatian niya ay hindi nakagayak na gaya ng isa sa mga ito. Kung pinararamtan ng Diyos ng ganito ang damo sa parang . . . ,” ang sabi pa niya, “hindi baga kayo ay lalong higit na pararamtan niya, kayong may kakaunting pananampalataya?”
Kaya’t ganito ang pagtatapos ni Jesus: “Huwag kayong mabalisa at magsabi, ‘Ano ang aming kakainin?’ o, ‘Ano ang aming iinumin?’ o, ‘Ano ang aming daramtin?’ . . . Sapagkat talastas ng inyong Ama sa langit na kailangan ninyo ang lahat ng bagay na ito. Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at lahat ng iba pang mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.” Mateo 6:1-34; 26:36-45.
◆ Ano ang mga itinuro ni Jesus tungkol sa panalangin?
◆ Bakit ang makalangit na mga kayamanan ay nakahihigit, at paano natatamo ang mga iyan?
◆ Anong mga ilustrasyon ang ibinigay upang tulungan ang isa na iwasan ang materyalismo?
◆ Bakit sinabi ni Jesus na hindi tayo dapat mabalisa?