Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w90 1/15 p. 3-6
  • Kaninong mga Panalangin ang Sinasagot?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kaninong mga Panalangin ang Sinasagot?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Dininig ang Kanilang mga Panalangin
  • Pagtugon sa mga Pangunahing Kahilingan
  • Kung Bakit Hindi Sinasagot ng Diyos
  • “Manalangin . . . ng Ganito”
  • Kung Bakit Sinasagot ang Kanilang mga Panalangin
  • Maging Malapít sa Diyos sa Panalangin
    Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
  • Ang mga Panalangin na Sinasagot
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Kaninong mga Panalangin ang Sinasagot?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Kung Papaano Makakamit ang Tulong sa Panalangin
    Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
w90 1/15 p. 3-6

Kaninong mga Panalangin ang Sinasagot?

“HIGIT na mga bagay ang nagagawa ng panalangin kaysa pinapangarap ng daigdig.” Ganiyan ang sinabi ng makatang Ingles na si Alfred Tennyson noong ika-19 na siglo. Subalit marami ang bigo sa kanilang pananalangin sa paghingi ng kalusugan, kaligayahan, kapayapaan, at kaunlaran. Sa katunayan, may paniwala ang iba na talagang hindi nakikinig ang Diyos sa mga panalangin. Subalit, siya’y tinutukoy ng Bibliya na ang “Dumidinig ng panalangin.”​—Awit 65:2.

Marahil ito’y mag-uudyok sa atin na magtanong: ‘Sino ba itong “Dumidinig ng panalangin” na ito? Kailangan bang tayo’y makatugon sa mga pantanging kahilingan upang ang ating mga panalangin ay dinggin? Papaano ba tayo mananalangin? At kaninong mga panalangin ang sinasagot?’

Dininig ang Kanilang mga Panalangin

Ang panalangin ay sintanda ng tao. Nariyan si Abel, anak ng ating unang mga magulang, sina Adan at Eva. Nang siya’y maghandog sa Diyos ng isang kalugud-lugod na hain, walang alinlangan na iyon ay may kasabay na mga salitang pagsusumamo at pagpuri.​—Genesis 4:1-5.

Noong ikasiyam na siglo bago ng ating Karaniwang Panahon, ang propeta ng Diyos na si Jonas ay “nanalangin kay Jehova na kaniyang Diyos buhat sa tiyan ng isda” na itinakdang lumulon sa kaniya. Mabisa ba ang panalanging iyon? Oo, sapagkat “sa takdang panahon ay nag-utos si Jehova sa isda, kaniyang isinuka si Jonas sa tuyong lupa.” At nang magkagayo’y tinupad ni Jonas ang kaniyang bigay-Diyos na atas na pumaroon sa Nineveh.​—Jonas 1:17; 2:1, 10; 3:1-5.

Nang si David ng sinaunang Israel ay makubkob ng kaniyang mga kaaway, siya’y nagsumamo: “Oh Jehova, dinggin mo ang dalangin ko; pakinggan mo ang aking mga pamanhik. Sa iyong pagtatapat sagutin mo ako sa iyong katuwiran.” (Awit 143:1) Ang mga panalangin ni David ukol sa kaligtasan ay sinagot, sapagkat ang kaniyang mga kaaway ay hindi kailanman nagtagumpay ng pagliligpit sa kaniya. Kaya naman, maaaring nasabi niya: “Si Jehova ay malapit sa lahat ng tumatawag sa kaniya, sa lahat ng tumatawag sa kaniya sa katotohanan.”​—Awit 145:18.

Pagtugon sa mga Pangunahing Kahilingan

Kung gayon, maliwanag na ang sinaunang mga lingkod ng Diyos ay sinagot sa kanilang mga panalangin. Mangyari pa, sila’y hindi nanalangin bilang isang pormalidad lamang sa isang Diyos na walang pangalan. Sila’y nanalangin nang may pananampalataya kay Jehova, ang “Kataas-taasan sa buong lupa.” (Awit 83:18) Upang ang ating mga panalangin ay maging mabisa, anong mga pangunahing kahilingan ang kailangang matugunan natin?

Tanging kay Jehova dapat manalangin. Walang kabuluhan​—sa katunayan, di-maka-Kasulatan​—​na manalangin sa mga diyus-diyusan, na ang walang-buhay na mga imahen ay may mga bibig na di-makapagsalita, mga taingang di-makarinig, mga kamay na walang pakiramdam, mga paang di-makalakad, at ngalangalang di-pinagmumulan ng tinig. (Awit 115:5-7; 1 Juan 5:21) Di-tulad ng gayong mga Diyos na walang kabuluhan, si Jehova ay kumikilos alang-alang sa mga umiibig at naglilingkod sa kaniya. Halimbawa, daan-daang taon na ngayon ang lumipas nang ang mga propeta ng diyus-diyusang si Baal ay nanalangin sa kaniya na magpababâ ng apoy buhat sa langit. Bagaman sila’y nanalangin mula umaga hanggang gabi, hindi nakasagot si Baal. Pagkatapos ay si Elias naman ang nanalangin kay Jehova, na sumagot sa pamamagitan ng pagpapababâ ng apoy na lubusang sumupok sa handog na inilagay sa dambana.​—1 Hari, kabanata 18.

Lapitan ang Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo lamang. Sinugo ng Diyos na Jehova ang kaniyang bugtong na Anak, si Jesu-Kristo, sa lupa upang magsilbing isang pantubos na tutubos sa sangkatauhan buhat sa kasalanan at kamatayan. (Juan 3:16, 36; Roma 5:12; 6:23) Samakatuwid, para sa mga makikinabang sa paglalaang ito, ang Diyos ay nagbukas ng isang bagong daan upang ang isa’y makalapit sa kaniya sa pamamagitan ng panalangin. Ang mga naunang lingkod ng Diyos tulad baga ng salmistang si David ay nanalanging tuwiran kay Jehova. (Awit 4:1; 17:1; 55:1; 102:1) Subalit ang bagong paraan ng paglapit ay sa pamamagitan ni Jesus, na nagsabi: “Sinuman ay hindi makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko. Anumang inyong hingin sa aking pangalan, ito’y aking gagawin,” (Juan 14:6, 14) Saanman sa Kasulatan ay walang sinasabing kailangang sa pamamagitan ng sinumang iba dapat ipahatid sa Diyos ang mga panalangin.

Kung gayon, minsang napag-alaman natin na tayo’y dapat manalangin sa Diyos sa pangalan ni Jesus, ang ating mga panalangin ay hindi sasagutin maliban sa tayo’y manalangin tangi lamang kay Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Anak. Subalit mayroon pa ring ibang mga dahilan kung bakit hindi sinasagot ni Jehova ang karamihan sa mga panalangin.

Kung Bakit Hindi Sinasagot ng Diyos

Hindi sasagutin ng Diyos ang ating mga panalangin dahil lamang sa tayo’y may pantanging ayos o posisyon samantalang nananalangin. Hindi iniuutos ng Kasulatan na tayo’y manalangin na taglay ang isang partikular na ayos o posisyon ng katawan. Kung sa bagay, ang pagluhod ay marahil nagpapakita ng pagpapakumbaba sa harap ng Diyos. Subalit tinatanggap din ang panalangin na binibigkas habang ang isa’y nakatayo, nakaupo sa pagkain sa isang mesa, nakahiga sa kama, o nagsasagawa ng pang-araw-araw na gawain. (Daniel 6:10, 11; Marcos 11:25) Siyanga pala, sinasagot pa rin ni Jehova ang di-naririnig na mga panalangin! Bago ipabatid sa hari ng Persiya na nais niyang itayo uli ang nagibang mga pader ng Jerusalem, si Nehemias ay tahimik na “dumalangin sa Diyos ng kalangitan,” at sinagot ni Jehova ang panalanging iyan. (Nehemias 2:1-6) Samakatuwid kung ang ayos o posisyon ay hindi siyang mahalaga, bakit napakaraming mga panalangin ang hindi sinasagot ng Diyos?

Si Jehova ay walang kaluguran sa mga dalangin ng balakyot. Oo, “siyang naglalayo ng kaniyang pakinig sa pakikinig ng Kautusan​—maging ang kaniyang dalangin ay karumal-dumal.” (Kawikaan 28:9) Sa pamamagitan ni propeta Isaias, sinabihan ng Diyos ang Kaniyang suwail na bayan: “Pagka inyong inilaladlad ang inyong mga palad, aking ikukubli sa inyo ang aking mga mata. Kahit na kayo manalangin nang napakarami, hindi ko kayo pakikinggan; ang mga kamay ninyo ay punung-puno ng dugong dumanak.” (Isaias 1:15) Natural, ang mga dalangin ng balakyot ay hindi sinasagot kahit na kung ipinahahatid sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo.

Hindi sinasagot ng Diyos ang mapagpaimbabaw na mga panalangin. “Pagka kayo’y nananalangin,” ang sabi ni Jesu-Kristo, “huwag kayong gaya ng mga mapagpaimbabaw; sapagkat mahilig silang manalangin nang nakatayo sa mga sinagoga at sa panulukan ng malalaking daan upang makita ng mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Tinanggap na nila ang buong kagantihan sa kanila.” Isinusog pa ni Jesus: “Datapuwat ikaw, pagka nananalangin ka, pumasok ka sa iyong sariling silid at, kung mailapat mo na ang iyong pinto, manalangin ka sa iyong Ama na nasa lihim; kung gayo’y gagantihin ka ng iyong Ama na nakakakita sa lihim.” (Mateo 6:5, 6) Sa pagsasabi nito, hindi naman ibinawal ni Jesus ang lahat ng pangmadlang mga panalangin, sapagkat siya mismo ay nanalangin nang naririnig ng iba. (Mateo 14:19) Subalit ipinakita ni Kristo na maling manalangin sa harap ng madla upang makita at marinig lamang ng iba at ikaw ay tumanggap ng kanilang pagpuri.

Hindi sinasagot ni Jehova ang di-taimtim, paulit-ulit na mga panalangin. Sinabi ni Jesus: “Ngunit sa panalangin, huwag kayong gagamit ng paulit-ulit na salita, gaya ng ginagawa ng mga tao ng mga bansa, sapagkat inaakala nila na diringgin sila sa marami nilang kasasalita. Kaya, huwag kayong gumaya sa kanila, sapagkat alam ng inyong Ama ang mga bagay na kailangan ninyo kahit na bago ninyo hingin sa kaniya.” (Mateo 6:7, 8) Marami sa mga nasa lupaing Silanganin ang nag-aakala na tuwing kanilang paiikutin ang isang gulong sa panalangin (isang tambol na pinaglalagyan ng nasusulat na mga panalangin), ang mga hinihiling ay inuulit-ulit. Angaw-angaw pang iba ang gumagamit ng Rosaryo o bumabasa ng mga panalangin buhat sa mga aklat-dasalan. Ngunit yaong naghahangad na sila’y dinggin ng Diyos ay iiwas sa paulit-ulit na panalangin at kanilang susundin ang iba pang mga tagubilin ni Jesus.

“Manalangin . . . ng Ganito”

Pagkatapos ay ibinigay ni Jesus ang tinatawag ng marami na huwarang panalangin. (Mateo 6:9-13) Sinabi niya: “Manalangin nga kayo ng ganito: ‘Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang pangalan mo.’ ” Ang pananawagan sa Diyos ng “Ama namin” ay nagpapakita na mayroon pa ring iba na may matalik na kaugnayan sa kaniya bilang bahagi ng kaniyang sambahayan ng mga mananamba. Ang pagbanal sa pangalan ng Diyos, na Jehova, ay pinakamahalaga sa lahat, subalit papaano niya pakakabanalin iyon? Sa pamamagitan ng pag-aalis sa mga balakyot, kaniyang aalisin sa pangalang iyan ang lahat ng upasala na ibinunton diyan.​—Ezekiel 38:23.

“Dumating nawa ang kaharian mo. Mangyari nawa ang kalooban mo, kung papaano sa langit, gayon din sa lupa,” isinusog pa ni Jesus. Ang paghahari ng Diyos na ipinahahayag sa makalangit na Mesiyanikong Kaharian ng kaniyang Anak ay napakalapit nang magbangon laban sa lahat ng mananalansang sa pagkasoberano ng Diyos, lilipulin sila sa lupa. (Daniel 2:44) Subalit ano ba ang ibig sabihin pagka ating hiniling na mangyari nawa ang kalooban ng Diyos kung papaano sa langit ay gayon din sa lupa? Ito’y isang paghiling na ganapin nawa ni Jehova ang kaniyang mga layunin tungkol sa lupa, kasali na ang pag-aalis dito sa mga sumasalansang sa kaniya.​—Apocalipsis 16:14-16; 19:11-21.

Pagkatapos na sa huwarang panalangin ay isauna ang Diyos, ang pagbanal sa Kaniya, at sa Kaniyang mga layunin, si Jesus ay nagpatuloy: “Ibigay mo sa amin ngayon ang aming kakanin para sa araw na ito.” Ang paghiling kay Jehova na bigyan ng pangangailangan “para sa araw na ito” ay nagpapakita ng pananampalataya sa kaniyang kakayahan na tustusan sa pang-araw-araw na pangangailangan ang kaniyang mga mananamba. Ito’y hindi isang mapag-imbot na kahilingan para sa labis-labis na mga panustos.

Isinusog ni Jesus: “At ipatawad sa amin ang aming mga utang, sapagkat aming pinatatawad naman ang bawat may utang sa amin.” (Ipinakikita ng Lucas 11:4 na ang “mga utang” na ito ay “mga pagkakasala.”) Matatamo natin ang kapatawaran buhat sa Diyos tangi lamang kung pinatawad natin yaong mga nagkakasala sa atin. (Mateo 6:14, 15) Kung gayon, angkop ang sinabi ni apostol Pablo: “Kung papaanong saganang pinatawad kayo ni Jehova, ganoon din ang gawin ninyo.”​—Colosas 3:13.

Sa pagtatapos sa huwarang panalangin, sinabi ni Jesus: “Huwag mo kaming ihatid sa tukso, kundi iligtas mo kami sa balakyot na isa.” Hindi tinutukso ni Jehova ang mga tao “sa masasamang bagay.” (Santiago 1:13) Ang tukso ay nanggagaling sa balakyot na isa, si Satanas na Diyablo, ngunit kung minsa’y sinasabi ng Bibliya na pinapayagan ng Diyos ang mga ilang bagay na para bagang kagagawan niya ang mga iyon. (Ruth 1:20, 21; Eclesiastes 7:13) Bilang tugon sa kahilingang, “Huwag mo kaming ihatid sa tukso,” hindi pinababayaan ni Jehova ang kaniyang tapat na mga lingkod, bagaman pinapayagan niyang sila’y tuksuhin. Oo nga, “tapat ang Diyos, at hindi niya itutulot na kayo’y tuksuhin nang higit sa inyong makakaya, kundi kalakip din ng tukso ay gagawin naman niya ang paraan ng pag-ilag upang ito’y inyong matiis.”​—1 Corinto 10:13.

Sa ating paghiling na iligtas tayo sa balakyot na isa, hinihiling natin na huwag tulutang tayo’y madaig ng Diyablo bilang tapat na mga mananamba kay Jehova. Kung tayo’y tapat na mga lingkod ng Diyos, tayo’y makapagtitiwala na kaniyang sasagutin ang ganiyang kahilingan, yamang sumulat si apostol Pedro: “Si Jehova ay marunong magligtas buhat sa tukso sa mga taong may kabanalan.” (2 Pedro 2:9) At anong pagkahala-halaga nga ang bahaging ito ng huwarang panalangin, sapagkat si Satanas na Diyablo ay “gagala-gala na gaya ng leong umuungal, humahanap ng masisila”!​—1 Pedro 5:8.

Kung Bakit Sinasagot ang Kanilang mga Panalangin

Sinasagot ng Diyos ang mga panalangin ng kaniyang tapat na mga mananamba. Bakit? Sa isang bahagi, sinasagot iyon ni Jehova sapagkat sila’y sa kaniya lamang nananalangin, lumalapit sila sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Kanilang nilalayuan ang kabalakyutan at iniiwasan ang mapagpaimbabaw at paulit-ulit na mga panalangin. Sa halip na ulit-ulitin ang sinaulong huwarang panalangin, ang napakahusay na mga patakaran nito ang sinusunod ng mga Saksi ni Jehova sa pagpapahayag sa Diyos ng taus-pusong damdamin nila. Subalit mayroon pang mga ibang dahilan kung bakit ang kanilang mga panalangin ay sinasagot.

Yaong ang mga panalangi’y sinasagot ay nakatutugon sa mga pangunahing kahilingan. Sa pagbanggit sa mga ito, si Pablo’y sumulat: “Ang lumalapit sa Diyos ay kailangang sumampalataya sa kaniya at na siya ang tagapagbigay-gantimpala sa mga nagsisihanap nang masikap sa kaniya.” (Hebreo 11:6) Pansinin ang dalawang pangunahing puntong ito: Sinasagot ni Jehova ang mga panalangin ng (1) mga naniniwalang ang Diyos ay siya na nga, o umiiral, at (2) mga “nagsisihanap nang masikap sa kaniya.”

Isa sa gayong tao noong unang siglo ay ang relihiyosong Gentil na si Cornelio. Siya’y sumampalataya na umiiral ang Diyos, at siya’y masikap na humahanap sa kaniya. Ano ang ginawa ni Cornelio nang siya’y magkaroon na ng tumpak na kaalaman? Aba, buong-pusong siya’y nag-alay ng sarili sa Diyos na Jehova at nabautismuhan bilang sagisag ng pag-aalay na iyon. Pagkatapos, maliwanag na si Cornelio’y nagkaroon ng matalik na kaugnayan sa Diyos, at ito’y nagkaroon ng positibong epekto sa kaniyang mga panalangin.​—Gawa 10:1-44.

Bago nabautismuhan si Cornelio, ang kaniyang mga panalangin ay “pumailanlang [lamang] na isang alaala sa harap ng Diyos.” (Gawa 10:4) Subalit, sa pamamagitan ng pag-aalay sa Diyos batay sa kaniyang pananampalataya sa pantubos na haing inihandog ni Jesus, at pagpapabautismo, walang pasubali na ang kaniyang sarili’y inihandog ni Cornelio kay Jehova. Ito ang nagtatag ng kahanga-hangang matalik na kaugnayan sa pagitan ng Diyos at ng maka-Diyos na taong ito​—isang relasyon na nagbigay kay Cornelio ng walang nakapipigil na pribilehiyo ng pananalangin. (Santiago 4:8) Kaniyang nalalapitan ang kaniyang makalangit na Ama sa pamamagitan ni Kristo Jesus taglay ang pag-asang siya’y diringgin. Ganiyan ang nangyayari sa lahat ng nag-aalay ng kanilang sarili sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo at napababautismo. Sila rin naman ay nagkakaroon ng walang nakapipigil na pribilehiyo ng pananalangin.

Tiyak, nais mong ang iyong mga panalangin ay sagutin. Kung gayon, kung ngayon ay hindi ka naglilingkod kay Jehova bilang isa sa kaniyang nag-alay na mga mananamba, anong laking kapantasan ang hanapin siya nang masikap! Tularan si Cornelio, at ang iyong mga panalangin ay sasagutin ng Diyos.

[Larawan sa pahina 6]

Papaanong ang pag-aalay sa Diyos at pagpapabautismo ay nagkaroon ng epekto sa mga panalangin ni Cornelio?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share