Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w93 12/15 p. 25-29
  • Panatilihing “Simple” ang Ating Mata sa Gawaing Pang-Kaharian

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Panatilihing “Simple” ang Ating Mata sa Gawaing Pang-Kaharian
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Subtitulo
  • Panatilihing Wastong Nakatutok ang Mata
  • Pinalawak ang Gawaing Pang-Kaharian
  • Pagpapahalaga sa Ating Literatura
  • Pagtatayo Para sa Paglawak
  • Nakatutok ang Mata sa Kaharian ng Diyos
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
w93 12/15 p. 25-29

Panatilihing “Simple” ang Ating Mata sa Gawaing Pang-Kaharian

ANG German Democratic Republic (G.D.R.), o naging kilalá na East Germany (Silangang Alemanya), ay bahagya lamang tumutuntong sa katamtamang edad. Ang apatnapu’t isang taon ng pag-iral nito ay natapos noong Oktubre 3, 1990, nang ang teritoryo nito, humigit-kumulang sinlaki ng Liberia o ng estado ng Tennessee sa Estados Unidos, ay isinama na sa Federal Republic of Germany, na tinatawag noon na West Germany (Kanlurang Alemanya).

Ang muling pagsasama ng dalawang Alemanya ay nangahulugan ng napakaraming pagbabago. Ang naghiwalay sa dalawang bansa ay, hindi lamang isang pisikal na hangganan, kundi isang hangganan ng mga ideolohiya. Ano ba ang kahulugan nito para sa mga tao roon, at papaano nagbago ang buhay para sa mga Saksi ni Jehova?

Ang Wende, ang rebolusyon noong Nobyembre 1989 kung kaya nagkaroon ng muling pagsasama, ay kasunod kaagad ng apatnapung taon ng mahigpit na sosyalismo. Sa panahong iyan, ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay ibinawal, at ang pag-uusig sa kanila kung magkaminsan ay matindi.a Nang magkaroon ng kalayaan sa G.D.R., tuwang-tuwa ang mga mamamayan. Subalit habang naglalaho ang katuwaan, marami ang nalito, nabigo, nagkaroon ng maling akala. Ang misyon na pagsasama ng dalawang Alemanya sa isang panlipunan, pampulitika, at pangkabuhayang kaayusan ay napatunayang mahirap na isagawa.

Sang-ayon sa mga seryeng “162 Tage Deutsche Geschichte” (162 Araw ng Kasaysayang Aleman) sa Der Spiegel, kasunod ng muling pagsasama ay nagkaroon ng malaganap na pangamba na mawalan ng hanapbuhay, implasyon, at tumataas na mga upa. “Ako kaya ay magkaroon ng sapat na pensiyon?” ang tanong ng marami sa dating G.D.R. Kumusta naman ang pabahay? “Sa buong G.D.R., ang matatandang gusali ay nabubulok na, sa kahabaan ng mga kalye ay nagiging mahirap manirahan.” Ang polusyon ay sumapit sa nakasisindak na antas.

Nang mapaharap sa ganiyang panlipunan at pangkabuhayang kaligaligan, papaano nakaagwanta ang mga Saksi ni Jehova sa dating G.D.R.?

Panatilihing Wastong Nakatutok ang Mata

Ang mga Saksi ni Jehova ay walang ideolohikong mga hangganan. Ang kanilang salig-Bibliyang pananampalataya ay magkakapareho, sa Silangan man o sa Kanluran. Palibhasa’y nagbabago ang kanilang kapaligiran sa lipunan, karamihan ng mga Saksi ay nananatiling timbang sa espirituwal sa pamamagitan ng pagtututok ng kanilang mga mata sa pangunahing tunguhin ng paglilingkuran kay Jehova. Bakit ito mahalaga?

Sapagkat “ang tanawin ng sanlibutang ito ay nagbabago.” (1 Corinto 7:31) Isang Kristiyanong matanda ang nagsabi na ang pangangaral sa panahon ng pagbabawal bago natatag ang Wende ay nangangailangan ng tibay ng loob; tinuruan nito ang mga Saksi na umasa kay Jehova at sinanay sila sa paggamit ng Bibliya. Subalit ngayon, “tayo’y kinakailangang lalong mag-ingat upang hindi mailihis ng materyalismo at mga kabalisahan sa buhay.”

Ang kalayaan at pag-unlad ay kalimitan sinusukat ayon sa materyal na paraan. Maraming tao sa rehiyon na ito ang nakadarama ng pangangailangan na makabawi sa nasayang na panahon o marahil sa mga gawain at kasiyahan na dati ay hindi posible. Ito’y nagiging malinaw pagka ang isa ay nagmamaneho ng sasakyan sa mga daang yari sa adobe sa mga bayan at mga nayon ng Thuringia at Saxony sa timog. Ang mga daan ay baka nangangailangang kumpunihin, maliliit ang mga bahay, subalit anong dami ng naroong hugis-mangkok na mga antena ng telebisyon! Madali para sa isang tao na mapapaniwala na ang kapanatagan at kaligayahan ay bunga ng pagkakaroon ng lahat ng bagay na nakikita ng mata. Anong laking panganib na silo iyan!

Sa Sermon sa Bundok, binanggit ni Jesus ang mga panganib ng labis na pagbibigay-pansin sa materyal na mga bagay at sa mga kabalisahan sa buhay. “Tumigil na kayo ng pagtitipon para sa inyong sarili ng kayamanan sa lupa,” ang kaniyang paalaala. Isinusog niya: “Ang ilawan ng katawan ay ang mata. Kung simple nga ang iyong mata, ang buong katawan mo’y mapupuspos ng liwanag.” (Mateo 6:19, 22) Ano ba ang ibig niyang sabihin? Ang isang matang simple ay yaong nakatutok at naghahatid ng malilinaw na larawan sa isip. Ang espirituwal na mata na simple ay tumutulong upang mapanatiling malinaw ang larawan ng Kaharian ng Diyos. Kaya ang pasiya ng isang Kristiyano na panatilihing simple ang kaniyang mata, nakatutok na malinaw sa Kaharian ng Diyos, at itinatabi ang mga kabalisahan ay tumutulong upang siya’y manatiling timbang sa espirituwal.

Ito’y maipaghahalimbawa sa karanasan ng mag-asawang taga-Zwickau, Saxony, na nagpakita ng interes sa Bibliya sa panahon ng Wende. Gumugugol ng napakalaking panahon ang kanilang negosyo, subalit inuuna nila ang espirituwal na mga kapakanan, dumadalo sa lahat ng mga pulong Kristiyano. “Buhat sa punto de vista ng aming negosyo, malaki ang nasasayang na panahon,” inamin nila, “ngunit sa espirituwal ay kailangan namin iyon.” Isa ngang pantas na pasiya!

Isaalang-alang din ang isang pamilya sa Plauen, nasa Saxony rin. Ang asawang lalaki ay manggagawa ng relo, na may sariling negosyo. Pagkatapos ng Wende, ang upa sa kaniyang okupadong gusali ay tumaas nang malaki. Ano ang dapat niyang gawin? “Ito’y gagastos ng maraming salapi, at natutuhan ko na gawing pinakamahalagang bagay sa buhay ko ang katotohanan.” Kaya lumipat siya sa isang gusali na nasa di-gaanong kombinyenteng lugar ngunit may mas mababang upa. Oo, ang manggagawa ng relo ay madaling natuto na panatilihing simple ang kaniyang mata.

Subalit, ang ilan ay totoong huli na nang matuto. Isang Kristiyanong matanda ang pumasok sa negosyo sa pangangatuwirang ang bagong katatatag na free-market economy ay punô ng pangako. May kabaitang pinayuhan siya ng isang naglalakbay na tagapangasiwa na huwag hayaang ang mga kapakanan niya sa negosyo ang maging sanhi ng pagpapabaya niya sa kaniyang espirituwalidad. Subalit, nakalulungkot, iyan ang nangyari. Makalipas ang mga ilang buwan, ang kapatid ay nagbitiw bilang isang matanda. Nang malaunan ay sumulat siya: “Batay sa aking sariling karanasan, ipapayo ko sa kaninumang kapatid na nagsusumikap magkapribilehiyo sa paglilingkod na huwag siyang magkaroon ng sariling negosyo.” Hindi ibig sabihin nito na ang pagkakaroon ng sariling negosyo ay mali para sa isang Kristiyano. Subalit may sarili man tayong negosyo o wala, ang pag-uukol ng napakalaking atensiyon sa mga kabalisahang pangkabuhayan ay maaaring maging dahilan upang sa di-sinasadya ay maging mga alipin tayo ng kayamanan. Ipinakita ni Jesus ang resulta: “Sinuman ay hindi makapaglilingkod sa dalawang panginoon; sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, o kaya’y magtatapat siya sa isa at pawawalang-halaga ang ikalawa.” (Mateo 6:24) Ganito ang sabi ng makatang Aleman na si Goethe: “Wala nang hihigit pa sa pagkaalipin niyaong mga nag-aakalang sila ay malaya.”

Pagka nahuli sa isang literal na bagyo baka kailanganin na bahagyang ipikit natin ang ating mga mata para lalong maitutok o sanggahan ng ating mga kamay ang ating mga mata upang tayo’y makapanatiling nakatanaw sa ating tunguhin. Pagka napalilibutan ng pulitikal, pangkabuhayan, o panlipunan na mga kaguluhan, kailangan ang pagbubuhos ng buong pag-iisip upang panatilihing natatanaw ang ating espirituwal na tunguhin. Ano ba ang ginagawa ng ibang Kristiyano upang panatilihing simple ang kanilang mata sa gawaing pang-Kaharian?

Pinalawak ang Gawaing Pang-Kaharian

Sa buong sakop ng dating G.D.R., ang mga Saksi ay gumagamit ng higit na panahon sa pangangaral kaysa dati. Sa nakalipas na dalawang taon, ang katamtamang panahon na ginugol sa paglilingkod sa larangan ay tumaas ng 21 porsiyento. Ang resulta ay isang 34-na-porsiyentong pagsulong ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Gayundin, ang bilang ng mga regular pioneer sa kasalukuyan ay makaapat na beses ang dami kaysa noong dalawang taong lumipas! Samantalang ang iba’y nag-aalala at nagrereklamo, mahigit na 23,000 Kristiyano sa dating G.D.R. ang nagtatagumpay sa kalagayang iyan sa pamamagitan ng pagpapanatiling simple ng kanilang mata. Ito’y isang dahilan ng kamangha-manghang pagsulong sa gawaing pang-Kaharian.​—Ihambing ang Josue 6:15.

Ang pinalawak na gawain ay nangangahulugang mahusay ang pag-aasikaso ng teritoryo sa timog, na kung saan naninirahan ang karamihan ng mga Saksi. Ang marami sa mga lugar ay may pangalan na makahulugan at makasaysayan. Kung mahilig ka sa mga kasangkapang porselana, makikilala mo ang bayan ng Meissen, malapit sa Dresden, bilang pinagmumulan ng ilan sa pinakapinong porselana sa daigdig. Ang Meissen ang tahanan ngayon ng mga 130 mamamahayag ng Kaharian. O kaya ay nariyan ang Weimar, “ang antigong kabisera ng Alemanya.” Ang Goethe-Schiller Memorial sa sentro ng bayan ay nagpapatunay sa may dignidad na kaugnayan ng Weimar sa dalawang manunulat na iyon at ipinagmamalaki ng maraming tagaroon. Sa ngayon maipagmamalaki ng Weimar ang mahigit na 150 mamamahayag nito ng mabuting balita.

Gayunman, sa hilaga ang mga bagay ay lubhang naiiba, mas kakaunti ang mga mamamahayag at may mas malalaking agwat sa pagitan ng mga kongregasyon. Ang mga hanapbuhay ay kakaunti. Marami sa mga may trabaho ay ginigipit na mag-overtime upang makapanatili sa kanilang trabaho. Isang kapatid na lalaking naglilingkod bilang isang buong-panahong mangangaral sa hilaga ay may ganitong paliwanag: “Sa panahon ng pagbabawal bawat kapatid na lalaki ay nangangailangan ng proteksiyon ni Jehova sa paglilingkod sa larangan, subalit ang paghahanap ng trabaho ay hindi mahirap. Ngayon ay nabaligtad ang kalagayan. Kami ay may kalayaang mangaral, ngunit kailangan namin ang kaniyang patnubay kung tungkol sa trabaho. Kailangang masanay ang isa sa ganiyang pagbabago.”

Ang mga mamamahayag ba ay nalulugod na makapangaral nang lalong madalas? Ang pangmalas ni Wolfgang ay: “Mas mainam para sa isang mamamahayag na paulit-ulit gumawa sa iyon at iyon ding teritoryo. Nagkakaroon na ang mga tao ng tiwala sa kaniya at handang makipag-usap.” Bukod diyan, ang mga maybahay ay “hindi na nahihiya na makipag-usap tungkol sa relihiyon sa kanilang pintuan, kahit na may mga nagdaraan na nakaririnig ng kanilang pinag-uusapan. Ang relihiyon ay hindi na isang bawal na paksang pag-usapan.” Sina Ralf at Martina ay sumasang-ayon. “Kami’y natutuwang gumawa sa aming teritoryo nang lalong madalas. Nakikilala namin nang personal ang mga tao at tuwang-tuwa rin kami tungkol sa sari-saring literatura na naipamamahagi.”

Pagpapahalaga sa Ating Literatura

Lalo nang pinahahalagahan nina Ralf at Martina ang aklat na Life​—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? Para sa marami na tumanggap sa ateyismo sa dating G.D.R., ang aklat na ito ay napatutunayang isang kahanga-hangang pantulong sa pag-aaral sa Bibliya. Nais din nila na magkaroon ng isang mas maikling publikasyon na may nahahawig na materyal. “Anong laki ng aming kaligayahan nang ilabas ang brosyur na Talaga Bang Minamahal Tayo ng Diyos? sa 1992 ‘Mga Tagapagdala ng Liwanag’ na Pandistritong Kombensiyon sa Dresden. Iyon ang kasagutan sa aming mga dalangin.”

Maraming hindi Saksi ang humahanga sa mga publikasyon ng Watch Tower. Noong Hulyo 1992 isang lecturer sa social education ang sumulat upang ipahayag ang kaniyang “matinding pagpapahalaga at taos-pusong pasasalamat” para sa mga publikasyon, na kaniyang ginagamit sa paghahanda ng mga lecture. Noong Enero 1992 isang babae sa Rostock ang tumanggap ng isang kopya ng aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa buhat sa dalawang Saksi na naparoon sa kaniyang bahay. Sumulat siya sa tanggapang sangay sa Alemanya: “Ako’y kasapi sa Lutheran Church. Napakataas ng tingin ko sa gawain ng organisasyon ng mga Saksi ni Jehova. May katatagang sinasabi nila na ang tao ay hindi na maaaring patuloy na umiral na walang patnubay ng Diyos.”

Gaano ang espirituwal na patnubay na ibinibigay ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan sa kanilang mga miyembro? Ang tanyag na peryodikong Die Zeit ay nagkomento noong Disyembre 1991 na samantalang ang Lutheran Church ay “nagtamasa ng kaluwalhatian nang sandaling panahon bilang ina ng mapayapang rebolusyon, ang katanyagan nito ay waring mabilis na napaparam.” Oo, isang kinatawan ng Lutheran Church ang may hinanakit: “Ang pamumuhay sa ilalim ng sistemang kapitalista ay pinagkakamalan ng mga tao na paraiso.” Isang miyembro ng iglesya sa Magdeburg ang sumulat na humihiling ng impormasyon. Bakit? “Makalipas ang mga taon ng katatawa sa hindi paniniwala,” isinulat ng ginoong iyon, “ngayon ay totoong kumbinsido ako na ang sanlibutang ito ay nasa kaniyang mga huling araw na at na tayo’y daranas ng malalaking kapighatian sa malapit na hinaharap.”​—2 Timoteo 3:1-5.

Pagtatayo Para sa Paglawak

Bago naganap ang Wende, hindi pinahihintulutan ang mga Kingdom Hall sa G.D.R. Ngayon ay kailangang-kailangan ang mga ito; inuuna ang pagtatayo ng mga ito. Ito ay isa pang aspekto ng tunay na pagsamba na dumaan sa kapuna-punang pagbabago. Ang karanasan ng isang kapatid ang nagpapakita kung gaano kabilis naganap ang pagbabagong ito.

Noong Marso 1990, mga ilang oras pagkatapos legal na kilalanin ang mga Saksi ni Jehova sa G.D.R., isang kapatid na lalaki ang inanyayahan na magpahayag sa isang grupo ng mga Saksi, anupat iyon ang kauna-unahang pagkakataon sa kaniyang buhay na siya’y nakagamit ng mikropono. Pagkalipas ng dalawa at kalahating taon, ang kongregasyon na kinauugnayan niya ay nag-alay ng isang bagong Kingdom Hall. Sa katapusan ng 1992, pitong Kingdom Hall ang naitayo na para sa 16 na kongregasyon. Mahigit na 30 iba pa, at isang magandang Assembly Hall ang pinaplano.

Nakatutok ang Mata sa Kaharian ng Diyos

“Di-nagtagal pagkatapos ng Wende,” ang sabi ng isang Kristiyanong matanda, “maraming tao ang tumanggi sa Bibliya. Nakalagak ang kanilang pag-asa sa bagong pamahalaan, na nangangako ng lalong mabubuting kalagayan sa wakas.” Natupad ba ang kanilang pag-asa? “Sa loob ng dalawang taon ay binago nila ang kanilang kaisipan. Ang mga tao ay sumasang-ayon na ngayon sa amin na ang mga pamahalaan ng tao ay hindi makapagdudulot kailanman ng kapayapaan at katuwiran.”

Karamihan ng mga tao ay nagagalak sa paglalaho ng mahigpit na sosyalismo sa G.D.R., na palatandaan ng kanilang itinuturing na isang ginintuang panahon ng ideyolohiyang Kanluranin. Subalit sila’y nabigo. Anumang pamahalaan ang nasa kapangyarihan, ang kanilang mata ay pinananatiling simple ng mga Saksi ni Jehova at matatag na nakatutok sa Kaharian ng Diyos, na sumisikat na gaya ng isang tala sa kalangitan. Ang gayong pag-asa ay hindi kailanman hahantong sa pagkabigo.​—Roma 5:5.

[Talababa]

a Tingnan ang “Inalagaan Kami ni Jehova sa Panahon ng Pagbabawal,” Bahagi 1-3, sa mga isyu ng Ang Bantayan ng Abril 15, Mayo 1, at Mayo 15, 1992.

[Mga larawan sa pahina 26]

Ginagamit ng mga Saksi sa Alemanya ang kanilang kalayaan upang higit silang mapasangkot sa gawaing pang-Kaharian

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share