Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w97 10/1 p. 25-29
  • Nilalason Ka ba ng Espiritu ng Sanlibutan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nilalason Ka ba ng Espiritu ng Sanlibutan?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Paghanap Muna sa Kaharian
  • Panatilihing Nasa Tamang Dako ang Paglilibang
  • Nakalulugod kay Jehova ang Espirituwal na Kagandahan
  • Maaari Nating Labanan ang Espiritu ng Sanlibutan!
  • Panatilihin ang Panahon ng Pagrerelaks sa Wastong Dako Nito
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2001
  • Ang Mata Mo Ba ay “Simple”?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Ang Kagandahan ng Personalidad na Kristiyano
    Gumising!—1986
  • Mamuhay Nang Timbang, Simple
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
w97 10/1 p. 25-29

Nilalason Ka ba ng Espiritu ng Sanlibutan?

NOONG Setyembre 12, 1990, may sumabog sa isang pagawaan sa Kazakstan. Kumalat ang mapanganib na radyoaktibidad sa atmospera, anupat naging banta sa kalusugan ng 120,000 mga naninirahan doon, na karamihan sa mga ito ay nagprotesta sa lansangan laban sa nakamamatay na lason.

Subalit habang naisisiwalat ang higit na impormasyon, natuklasan nila na maraming dekada na pala silang naninirahan sa isang nakalalasong kapaligiran. Sa nakalipas na mga taon, 100,000 tonelada ng radyoaktibong dumi ang itinambak sa isang di-nababantayan at tiwangwang na lugar. Bagaman ang panganib ay nasa paligid lamang nila, hindi ito pinag-ukulan ng pansin ng sinuman. Bakit?

Bawat araw, sa lokal na istadyum na pampalakasan, ipinapaskil ng mga opisyal ang antas ng radyasyon, na nagpapahiwatig na para bang walang anumang panganib. Tumpak naman ang mga numero, subalit ipinakikita lamang ng mga ito ang radyasyong gamma. Ang radyasyong alpha, na hindi nasukat, ay maaari ring makamatay. Nagsimulang maunawaan ng maraming ina kung bakit sakitin ang kanilang mga anak.

Sa espirituwal na paraan, maaari rin tayong malason ng mga duming di-nakikita. At tulad niyaong kaawa-awang mga tao sa Kazakstan, hindi batid ng karamihan ang panganib na ito na nagbabanta sa buhay. Ipinakikilala ng Bibliya ang polusyon na ito bilang “ang espiritu ng sanlibutan,” na ang nagmamaniobra ay walang iba kundi si Satanas na Diyablo. (1 Corinto 2:12) May-kasamaang ginagamit ng Kaaway ng Diyos ang espiritu​—o nangingibabaw na saloobin​—na ito ng sanlibutan upang sirain ang ating makadiyos na debosyon.

Paano masasaid ng espiritu ng sanlibutan ang ating espirituwal na lakas? Sa pamamagitan ng pagpukaw sa nasa ng mga mata at pagsasamantala sa ating likas na kaimbutan. (Efeso 2:1-3; 1 Juan 2:16) Bilang halimbawa, isasaalang-alang natin ang tatlong iba’t ibang larangan kung saan unti-unting malalason ng makasanlibutang kaisipan ang ating espirituwalidad.

Paghanap Muna sa Kaharian

Hinimok ni Jesus ang mga Kristiyano na ‘hanapin muna ang Kaharian at ang katuwiran ng Diyos.’ (Mateo 6:33) Ang espiritu ng sanlibutan, sa kabilang banda, ay maaaring umakay sa atin na mag-ukol ng labis na pagpapahalaga sa ating sariling kapakanan at kaalwanan. Ang pasimula ng panganib ay nakasalig, hindi sa lubusang pagtatakwil sa espirituwal na kapakanan, kundi sa pagtatalaga sa mga ito sa pangalawahing dako. Baka hindi natin mapansin ang panganib​—tulad ng nangyari sa mga tao sa Kazakstan​—dahil sa maling pagkadama ng kapanatagan. Ang mga taon ng ating tapat na paglilingkuran at ang ating pagpapahalaga sa ating espirituwal na mga kapatid ay maaaring magpangyari sa atin na mag-isip na hindi natin kailanman tatalikuran ang daan ng katotohanan. Malamang, gayundin ang nadama ng marami sa kongregasyon ng mga taga-Efeso.

Humigit-kumulang noong 96 C.E., ganito ang ipinayo sa kanila ni Jesus: “Mayroon akong laban sa iyo, na iniwan mo ang pag-ibig na taglay mo noong una.” (Apocalipsis 2:4) Ang mga Kristiyanong ito na matatagal na sa paglilingkuran ay nagbata ng maraming kahirapan. (Apocalipsis 2:2, 3) Tinuruan sila ng tapat na matatanda, maging ni apostol Pablo. (Gawa 20:17-21, 27) Subalit sa paglipas ng mga taon, nanlamig ang kanilang pag-ibig kay Jehova, at nawala ang kanilang kasiglahan sa espirituwal.​—Apocalipsis 2:5.

Malamang, ang ilan sa mga taga-Efeso ay naapektuhan ng komersiyalismo at kariwasaan ng lunsod. Nakalulungkot, ang materyalistikong kalakaran ng kasalukuyang lipunan ay nakatangay rin sa ilang Kristiyano. Ang determinadong pagsusumakit na magkaroon ng isang maalwang istilo ng pamumuhay ay tiyak na maglilihis sa atin mula sa espirituwal na mga tunguhin.​—Ihambing ang Mateo 6:24.

Nagbibigay-babala tungkol sa panganib na ito, sinabi ni Jesus: “Ang lampara ng katawan ay ang mata. Kaya nga, kung ang iyong mata ay simple, ang buong katawan mo ay magiging maliwanag; subalit kung ang iyong mata ay balakyot [“mainggitin,” talababa sa Ingles], ang buong katawan mo ay magiging madilim.” (Mateo 6:22, 23) Ang matang “simple” ay isang mata na nakapokus sa espirituwal, isang mata na nakatingin sa Kaharian ng Diyos. Sa kabilang banda, ang “balakyot” na mata o isa na “mainggitin” ay hindi nakakakita sa malayo, anupat naipopokus lamang sa dagliang mga nasa ng laman. Ang espirituwal na mga tunguhin at mga gantimpala sa hinaharap ay di-abot ng kaniyang pananaw.

Ganito ang sinabi ni Jesus sa naunang talata: “Kung nasaan ang iyong kayamanan, doroon din ang iyong puso.” (Mateo 6:21) Paano natin malalaman kung ang ating puso ay nakasentro sa espirituwal o materyal na mga bagay? Marahil ang pinakamahusay na gabay ay ang ating pakikipag-usap, yamang ‘mula sa kasaganaan ng puso ang bibig ay nagsasalita.’ (Lucas 6:45) Kung nasusumpungan natin ang ating sarili na palaging nakikipag-usap tungkol sa materyal na mga bagay o sa makasanlibutang mga tagumpay, katibayan ito na ang ating puso ay nababahagi at na depektibo ang ating espirituwal na paningin.

Si Carmen, isang Kastilang kapatid na babae, ay nakipagpunyagi sa ganitong suliranin.a “Pinalaki ako sa katotohanan,” paliwanag ni Carmen, “subalit sa edad na 18, pinasimulan ko ang aking sariling negosyong kindergarten. Pagkaraan ng tatlong taon ay mayroon na akong apat na empleado, ang negosyo ay umuunlad, at kumikita ako ng maraming salapi. Subalit, marahil ang higit na nakasisiya sa akin ay ang bagay na may sarili akong salapi, at ako ay ‘matagumpay.’ Ang totoo, ang aking puso ay nasa negosyo​—ito ang pinakamamahal ko.

“Nadama ko na maaari pa rin akong maging isang Saksi samantalang ibinubuhos ang karamihan ng aking panahon sa kapakanan ng aking negosyo. Sa kabilang banda, binabagabag din ako ng pagkadama na makapaglilingkod pa ako nang higit kay Jehova. Ang nakahikayat sa akin sa wakas na unahin ang kapakanang pang-Kaharian ay ang halimbawa ng dalawang kaibigang payunir. Isa sa kanila, si Juliana, ay kakongregasyon ko. Hindi niya ako pinilit na magpayunir, subalit ang kaniyang pakikipag-usap at ang kagalakan na maliwanag na natatamo niya mula sa kaniyang ministeryo ang siyang tumulong sa akin na muling pag-isipan ang aking espirituwal na mga pangmalas.

“Pagkaraan ng ilang panahon, samantalang nagbabakasyon sa Estados Unidos, nakitira ako kay Gloria, isang kapatid na babaing payunir. Kamakailan lamang siya nabiyuda, at siya ang nag-aalaga sa kaniyang limang-taong-gulang na anak na babae at isang ina na may kanser. Subalit nagpapayunir siya. Nakaantig sa aking puso ang kaniyang halimbawa at taos-pusong pagpapahalaga sa ministeryo. Ang apat na maiikling araw na ginugol ko sa kaniyang tahanan ay nagpangyari sa akin na maging determinadong ibigay ang pinakamainam kay Jehova. Una sa lahat ay naging regular pioneer ako, at pagkalipas ng ilang taon, kaming mag-asawa ay inanyayahan na maglingkod sa Bethel. Binitiwan ko ang aking negosyo​—isang hadlang sa aking espirituwal na pagsulong​—at nadarama ko ngayon na matagumpay ang aking buhay sa paningin ni Jehova, na siya talagang mahalaga.”​—Lucas 14:33.

Ang pagkatutong ‘matiyak ang mga bagay na higit na mahalaga,’ gaya ng ginawa ni Carmen, ay tutulong sa atin na gumawa ng matinong mga pasiya may kinalaman sa ating trabaho, pag-aaral, bahay, at istilo ng pamumuhay. (Filipos 1:10) Subalit tinitiyak din ba natin ang mga bagay na higit na mahalaga kung tungkol sa paglilibang? Ito ay isa pang larangan kung saan nagdudulot ng malakas na impluwensiya ang espiritu ng sanlibutan.

Panatilihing Nasa Tamang Dako ang Paglilibang

May-katusuhang sinasamantala ng espiritu ng sanlibutan ang likas na hangarin ng tao na mamahinga at maglibang. Yamang karamihan sa mga tao ay walang tunay na pag-asa sa hinaharap, mauunawaan na dapat nilang sikaping lipusin ng paglilibang at pagrerelaks ang kasalukuyan. (Ihambing ang Isaias 22:13; 1 Corinto 15:32.) Nasusumpungan ba natin ang ating sarili na higit na nagpapahalaga sa paglilibang? Iyan ay maaaring maging palatandaan na hinuhubog ng paraan ng pag-iisip ng sanlibutan ang ating pangmalas.

Nagbigay-babala ang Bibliya: “Siya na umiibig sa pagsasaya [“paglilibang,” Lamsa] ay magiging isang tao na nangangailangan.” (Kawikaan 21:17) Hindi masama ang magkatuwaan, subalit ang pag-ibig dito, o pag-uukol ng pangunahing halaga rito, ay aakay sa kakapusan sa espirituwal. Ang ating espirituwal na gana ay tiyak na hihina, at uunti ang ating panahon na magagamit sa pangangaral ng mabuting balita.

Dahil dito, ang Salita ng Diyos ay nagpapayo sa atin na “ihanda ang pag-iisip ukol sa gawain, lubos na nagpipigil sa sarili.” (1 Pedro 1:13, The New English Bible) Kailangan ang pagpipigil-sa-sarili upang malimitahan sa makatuwirang dami ang ating panahon sa paglilibang. Ang pagiging handa ukol sa pagkilos ay nangangahulugang pagiging handa sa espirituwal na gawain, ito man ay pag-aaral, pagpupulong, o paglilingkod sa larangan.

Kumusta naman ang kinakailangang pamamahinga? Dapat ba tayong makadama ng pagkakasala kapag tayo ay nagrerelaks? Tiyak na hindi. Kailangan ang pamamahinga, lalo na sa kasalukuyang maigting na sanlibutan. Gayunpaman, bilang nag-alay na mga Kristiyano ay hindi natin mapapayagang maging sentro ng ating buhay ang paglilibang. Ang labis na paglilibang ay maaaring magpaunti nang magpaunti sa ating makabuluhang gawain. Maaari nitong pahinain ang ating pagkadama ng pagkaapurahan, at baka pa nga pasiglahin nito ang pagpapalugod sa sarili. Kung gayon, paano tayo magkakaroon ng timbang na pangmalas sa pamamahinga?

Iminumungkahi ng Bibliya na mamahinga nang kaunti sa halip na labis-labis na magpagal​—lalo na kung ang sekular na trabaho ay hindi kinakailangan. (Eclesiastes 4:6) Bagaman nakatutulong ang pamamahinga upang muling lumakas ang ating katawan, ang pinagmumulan ng espirituwal na lakas ay ang aktibong puwersa ng Diyos. (Isaias 40:29-31) Natatanggap natin ang banal na espiritung ito kaugnay ng ating Kristiyanong gawain. Pinalalakas ng personal na pag-aaral ang ating puso at pinasisigla ang wastong mga hangarin. Pinalalaki ng pagdalo sa mga pulong ang pagpapahalaga sa ating Maylalang. Itinataguyod ng ministeryong Kristiyano ang pagmamalasakit sa iba. (1 Corinto 9:22, 23) Gaya ng makatotohanang ipinaliwanag ni Pablo, “ang panlabas na pagkatao ay talagang nanghihina, subalit bawat araw ang panloob na pagkatao ay nagpapanibagong lakas.”​—2 Corinto 4:16, Phillips.

Si Ileana, ina ng anim na anak at asawa ng isang di-mananampalataya, ay may napakaabalang buhay. May mga pananagutan siya sa kaniyang sariling pamilya at sa iba pang kamag-anak, na nangangahulugang siya ay laging waring abala at nagmamadali. Gayunpaman, nagpapakita rin siya ng kapansin-pansing halimbawa sa pangangaral at paghahanda sa pulong. Paano niya naaasikaso ang gayon karaming gawain?

“Ang mga pulong at ang paglilingkod sa larangan ay talagang tumutulong sa akin na mapangasiwaan ang aking ibang pananagutan,” paliwanag ni Ileana. “Halimbawa, pagkatapos mangaral ay marami akong dapat isipin habang ginagawa ang gawaing-bahay. Malimit ay umaawit ako habang ginagawa ko ito. Sa kabilang banda, kapag pinalampas ko ang isang pulong o hindi gaanong nakapaglingkod sa larangan, ang mga gawaing-bahay ay nagiging napakahirap.”

Ano ngang laking pagkakaiba sa labis-labis na pagpapahalaga sa paglilibang!

Nakalulugod kay Jehova ang Espirituwal na Kagandahan

Nabubuhay tayo sa isang sanlibutan na lalo pang nagtututok ng pansin sa pisikal na anyo. Ang mga tao ay gumugugol ng malalaking halaga sa mga pamamaraan na dinisenyo upang pagandahin ang kanilang hitsura at bawasan ang epekto ng pagtanda. Kasali rito ang mga pagtatanim at pagkukulay ng buhok, artipisyal na pagpapalaki ng suso, at operasyon ukol sa pagpapaganda. Milyun-milyon ang pumupunta sa mga lugar ukol sa pagpapababa ng timbang, mga himnasyo, at mga klase sa aerobics, o kaya ay bumibili sila ng mga video sa pag-eehersisyo at mga aklat sa pagdidiyeta. Papapaniwalain tayo ng sanlibutan na ang pasaporte sa kaligayahan ay ang ating pisikal na anyo, na ang ating “hitsura” ay napakahalaga.

Sa Estados Unidos, nakita sa isang surbey na sinipi ng magasing Newsweek na 90 porsiyento ng mga puting Amerikanong tin-edyer ay “hindi nasisiyahan sa kanilang pangangatawan.” Ang desperadong paghahangad ukol sa huwarang pigura ay maaaring makaapekto sa ating espirituwalidad. Si Dora ay isang kabataang Saksi ni Jehova na ikinahihiya ang kaniyang pisikal na anyo dahil siya ay may katabaan. “Kapag namimili ako, mahirap humanap ng mga damit na sukat sa aking laki,” ang paliwanag niya. “Waring ang mga usong damit ay ginawa lamang para sa balingkinitang mga tin-edyer. Ang masama pa rito, pinipintasan ng mga tao ang aking timbang, na totoong nakasisiphayo sa akin, lalo na kapag nanggagaling ito sa aking espirituwal na mga kapatid.

“Bunga nito, lalo na akong naging palaisip sa aking hitsura, hanggang sa punto na maging pangalawahing bagay na lamang sa aking buhay ang espirituwal na mga pangmalas. Para bang ang kaligayahan ko ay nakasalalay sa sukat ng aking baywang. Lumipas ang ilang taon, at ngayon na naging may-gulang na ako bilang isang babae at bilang isang Kristiyano, iba na ang pangmalas ko sa bagay-bagay. Bagaman binibigyang-pansin ko ang aking hitsura, natatanto ko na ang espirituwal na kagandahan ang siyang pinakamahalaga, at iyan ang nagdudulot sa akin ng pinakamatinding kasiyahan. Minsang maunawaan ko iyon, nagawa kong maisaayos ang kapakanang pang-Kaharian sa tamang dako ng mga ito.”

Si Sara ay isang tapat na babae noong unang panahon na nagtaglay ng ganitong timbang na pangmalas. Bagaman bumabanggit ang Bibliya tungkol sa kaniyang pisikal na kagandahan nang siya ay mahigit na 60 taong gulang, ito ay umaakay ng pansin pangunahin na sa kaniyang maiinam na katangian​—ang lihim na pagkatao ng puso. (Genesis 12:11; 1 Pedro 3:4-6) Nagpamalas siya ng malumanay at mahinahong espiritu, at siya ay mapagpasakop na sumunod sa kaniyang asawa. Si Sara ay hindi labis na nababahala tungkol sa kung paano siya minamalas ng iba. Bagaman lumaki siya sa kariwasaan, bukal sa loob niya na manirahan sa tolda nang mahigit sa 60 taon. Siya ay mapagpakumbaba at walang pag-iimbot na sumuporta sa kaniyang asawa; siya ay babaing may pananampalataya. Iyon ang nagpangyari sa kaniya na maging isang tunay na magandang babae.​—Kawikaan 31:30; Hebreo 11:11.

Bilang mga Kristiyano, interesado tayo sa pagpapaunlad sa ating espirituwal na kagandahan, isang kagandahan na, kung palaging lilinangin, ay uunlad at magtatagal. (Colosas 1:9, 10) Mapangangalagaan natin ang ating espirituwal na anyo sa pamamagitan ng dalawang pangunahing paraan.

Lalo tayong nagiging maganda sa paningin ni Jehova habang nakikibahagi tayo sa ating nagliligtas-buhay na ministeryo. (Isaias 52:7; 2 Corinto 3:18–4:2) Karagdagan pa, habang natututo tayong magpamalas ng mga katangiang Kristiyano, lalo tayong gumaganda. Sagana ang mga pagkakataon para mapaunlad ang ating espirituwal na kagandahan: “Magkaroon ng magiliw na pagmamahal sa isa’t isa. Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo. . . . Maging maningas kayo sa espiritu. . . . Sundan ninyo ang landasin ng pagkamapagpatuloy. . . . Makipagsaya sa mga taong nagsasaya; makitangis sa mga taong tumatangis. . . . Huwag gumanti ng masama para sa masama sa kaninuman. . . . Makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.” (Roma 12:10-18) Dahil sa paglinang sa gayong mga saloobin ay mapapamahal tayo kapuwa sa Diyos at sa mga kapuwa tao, at pauuntiin nito ang pangit na hitsura ng ating minanang hilig na magkasala.​—Galacia 5:22, 23; 2 Pedro 1:5-8.

Maaari Nating Labanan ang Espiritu ng Sanlibutan!

Sa napakaraming tusong paraan, maaaring pahinain ng nakalalasong espiritu ng sanlibutan ang ating integridad. Maaari nitong gawin tayong di-nasisiyahan sa taglay natin at nababalisa sa pag-una sa ating sariling mga pangangailangan at kapakanan sa halip na ang sa Diyos. O baka akayin tayo nito na isaisip ang mga kaisipan ng tao sa halip na ang sa Diyos, anupat pag-ukulan ng labis na pagpapahalaga ang paglilibang o pisikal na anyo.​—Ihambing ang Mateo 16:21-23.

Determinado si Satanas na sirain ang ating espirituwalidad, at ang espiritu ng sanlibutan ay isa sa kaniyang pangunahing sandata. Tandaan na maaaring baguhin ng Diyablo ang kaniyang mga taktika mula sa isang umuungal na leon tungo sa isang maingat na serpiyente. (Genesis 3:1; 1 Pedro 5:8) Kung minsan, nadadaig ng sanlibutan ang isang Kristiyano sa pamamagitan ng malupit na pag-uusig, subalit mas madalas na nilalason siya nang unti-unti. Mas nababahala si Pablo tungkol sa huling nabanggit na panganib: “Natatakot ako na sa paanuman, kung paanong dinaya ng serpiyente si Eva sa pamamagitan ng katusuhan nito, ang inyong mga isipan ay mapasamâ nang palayo sa kataimtiman at sa kalinisan na nauukol sa Kristo.”​—2 Corinto 11:3.

Upang maipagsanggalang ang ating sarili mula sa katusuhan ng serpiyente, kailangan nating makilala ang propaganda na “nagmumula sa sanlibutan” at pagkatapos ay matatag na tanggihan ito. (1 Juan 2:16) Hindi tayo dapat mahikayat na maniwalang hindi nakasasama ang makasanlibutang paraan ng pag-iisip. Ang nakalalasong hangin ng sistema ni Satanas ay umabot na sa nakatatakot na antas.​—Efeso 2:2.

Minsang makilala ang makasanlibutang kaisipan, maaari nating labanan ito sa pamamagitan ng pagpapasok ng dalisay na turo ni Jehova sa ating isip at puso. Tulad ni Haring David, sabihin natin: “Ipaalam mo sa akin ang iyong mga daan, O Jehova; ituro mo sa akin ang iyong mga landas. Palakarin mo ako sa iyong katotohanan at turuan mo ako, sapagkat ikaw ang aking Diyos ng kaligtasan.”​—Awit 25:4, 5.

[Talababa]

a Ibang mga pangalan ang ginamit.

[Larawan sa pahina 26]

Ang pagsusumakit na matamo ang isang maalwang istilo ng pamumuhay ay maaaring maglihis sa atin mula sa espirituwal na mga tunguhin

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share