-
Nagpapahiwatig ba ng Kawalan ng Pananampalataya ang Kabalisahan?Gumising!—2004 | Hunyo 8
-
-
Ang Pangmalas ng Bibliya
Nagpapahiwatig ba ng Kawalan ng Pananampalataya ang Kabalisahan?
“BAWAL ANG KABALISAHAN.” Isinulat ng isang pastor noong simula ng ika-20 siglo sa ilalim ng uluhang ito na ang kabalisahan sa materyal na mga bagay ay hindi lamang mali kundi “isang napakabigat na kasalanan.” Nitong kamakailan, sinabi ng isang tagapagmasid na sumulat sa paksang pagdaig sa álalahanín at kabalisahan, “Ang pag-aalala ay deklarasyon na hindi tayo nagtitiwala sa Diyos.”
Sa dalawang pagkakataong ito, isinalig ng mga awtor ang kanilang mga konklusyon sa Sermon ni Jesus sa Bundok, kung saan sinabi niya: “Huwag na kayong mabalisa.” (Mateo 6:25) Yamang napakarami ng dumaranas ng kabalisahan sa ngayon, maitatanong natin: Dapat bang madama ng isang nababalisang Kristiyano na nagkakasala siya? Nagpapahiwatig ba ng kawalan ng pananampalataya ang pagkabalisa?
-
-
Nagpapahiwatig ba ng Kawalan ng Pananampalataya ang Kabalisahan?Gumising!—2004 | Hunyo 8
-
-
Batid ng Diyos ang Ating mga Pangangailangan
Tumutulong ang mga Kasulatan upang makita natin ang pagkakaiba ng pangkaraniwang kabalisahan at ng kasalanan ng kawalan ng pananampalataya. Ang pang-araw-araw na kabalisahan o maging ang panandaliang kawalan ng pananampalataya dahil sa kahinaan ng tao ay hindi dapat ipagkamali sa lubusang kawalan ng tiwala sa Diyos na nagmumula sa balakyot at manhid na puso. Kaya naman, hindi kailangang palaging madama ng mga Kristiyano na nagkakasala sila dahil nababalisa sila sa pana-panahon.
Gayunpaman, kailangang mag-ingat upang ang kabalisahan ay hindi labis na tumindi anupat hindi na makayanan at mamayani na sa ating buhay. Kaya matalino ang mga salita ni Jesus nang sabihin niya: “Huwag kayong mabalisa at magsabing, ‘Ano ang aming kakainin?’ o, ‘Ano ang aming iinumin?’ o, ‘Ano ang aming isusuot?’ ” Sinundan niya ito ng nakaaaliw na mga salitang: “Sapagkat nalalaman ng inyong makalangit na Ama na kailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito. Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.”—Mateo 6:25-33.
-