Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w98 12/1 p. 23-26
  • Nakatayo na sa Pintuan ng Mas Malaking Gawain

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nakatayo na sa Pintuan ng Mas Malaking Gawain
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pahimakas na Payo Mula sa mga Instruktor
  • Matatagal Nang Misyonero na Maliligaya
  • Matagumpay na mga Estudyante na Naging Matagumpay na mga Misyonero
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Isang Nagkukusang Espiritu ang Nagpapangyari sa mga Tao na Magtungo sa Gilead
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • Higit Pang mga Misyonero Para sa Pandaigdig na Pag-aani
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Ang mga Pagpapala ng Edukasyon sa Gilead ay Lumalaganap sa Buong Daigdig
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
w98 12/1 p. 23-26

Nakatayo na sa Pintuan ng Mas Malaking Gawain

“WALANG kompetisyon. Nais ng bawat isa na ang lahat ay magtagumpay,” sabi nina Richard at Lusia, nang inilalarawan ang kanilang mga kapuwa estudyante sa ika-105 klase ng Watchtower Bible School of Gilead. “Malaki ang pagkakaiba naming lahat, pero para sa amin, mahalaga ang bawat estudyante.” Sumang-ayon ang isang kaklase, si Lowell, at nagsabi pa: “Ang aming mga pagkakaiba ang siyang naglapit sa amin sa isa’t isa.”

Ang klase, na nagtapos noong Setyembre 12, 1998, ay talagang may pagkakasari-sari. Ang ilan sa mga estudyante ay nagpayunir sa mga lugar na may malaking pangangailangan para sa mga mamamahayag ng Kaharian; ang iba naman ay buong-katapatang naglingkod sa lugar na mas malapit sa kanilang tahanan. Ang ilan, gaya nina Mats at Rose-Marie, ay kinailangang magpagal nang maraming oras upang mapasulong ang kanilang Ingles bago sila pumunta sa paaralan. Marami sa mga estudyante ang nag-iisip tungkol sa paglilingkuran bilang misyonero mula nang bata pa sila. Isang mag-asawa ang 12 beses na nag-aplay; anong ligaya nila na matanggap ang paanyaya sa ika-105 klase!

Mabilis na lumipas ang 20 sanlinggo ng puspusang pagsasanay. Bago namalayan ng mga estudyante, naipasa na nila ang kanilang pinakahuling nasusulat na pagsusulit, naipahayag na ang kanilang huling report, at dumating na ang araw ng pagtatapos.

Ipinaalaala ng tsirman ng programa, si Albert Schroeder, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, sa klase na sila’y “nakatayo na sa pintuan ng mas malaking gawain sa larangan ng edukasyon sa Bibliya,” anupat sumusunod sa mahigit na 7,000 iba pa na nauna sa kanila sa Gilead. Binanggit niya na noong tag-araw, nagkaroon ang mga estudyante ng pambihirang pagkakataon na makasama ang matatagal nang misyonero nang dumalaw ang mga ito sa pandaigdig na punong-tanggapan kaugnay ng pang-internasyonal na mga kombensiyon.

Pagkatapos ay ipinakilala ni Brother Schroeder si Max Larson ng Bethel Operations Committee. Tinalakay niya ang temang “Edukasyon na Umaakay sa Buhay na Walang Hanggan.” Sinipi ni Brother Larson ang Kawikaan 1:5, na nagsasabi: “Ang taong pantas ay makikinig at kukuha ng higit pang turo, at ang taong may unawa ang siyang kumukuha ng dalubhasang patnubay.” Ang kadalubhasaan ay kailangan upang maging isang mahusay na misyonero. Ang mga taong dalubhasa ay tumatayo sa harap ng mga hari. (Kawikaan 22:29) Matapos maturuan sa loob ng limang buwan, ang mga estudyante ay lubusan nang nasasangkapan ngayon upang kumatawan sa pinakadakilang mga Hari, ang Diyos na Jehova at si Kristo Jesus.

Sumunod ay nagsalita si David Olson ng Service Department tungkol sa paksang “Tumulong na Mapagalak ang Puso ni Jehova.” Nagtanong siya: “Ano ang magagawa ng di-sakdal na mga tao upang mapagalak ang puso ng Diyos?” Ang sagot? Maaari nilang paglingkuran siya nang may kataimtiman, katapatan, at may kagalakan. Ibig ni Jehova na masiyahan ang kaniyang bayan sa paglilingkuran sa kaniya. Kapag ginagawa natin ang kalooban ng Diyos nang may kagalakan, pinasasaya natin ang kaniyang puso. (Kawikaan 27:11) Binasa ni Brother Olson ang isang liham mula sa isang mag-asawang misyonero na nagtapos sa ika-104 na klase ng Gilead. Nasisiyahan ba sila sa kanilang bagong atas? “Mayroon kaming mga 140 mamamahayag,” ang sulat nila tungkol sa kanilang kongregasyon, “na ang karaniwang dumadalo sa pulong ay 250 hanggang 300. Pinakamasaya ang paglilingkod sa larangan. Bawat isa sa amin ay may apat na pag-aaral, at ang ilan ay dumadalo na sa mga pulong.”

Si Lyman Swingle, ng Lupong Tagapamahala, ay nagpahayag sa paksang “Isang Panahon Upang Huminto at Bilangin ang Iyong mga Pagpapala.” Maraming pagpapala ang idinulot ng pagsasanay sa Gilead. Nakatulong ito sa mga estudyante na lumago sa kaalaman, lumawak ang pagpapahalaga sa organisasyon ni Jehova, at maglinang ng mahahalagang katangian, gaya ng pagpapakumbaba. “Ang pagpunta rito at paggugol ng panahon upang makinig sa instruksiyon ay isang karanasang humihila ng pagpapakumbaba,” sabi ni Brother Swingle, anupat idinagdag: “Aalis kayo rito na taglay ang higit na kakayahan upang dakilain si Jehova.”

“Kaylaki ng Iyong Kagalakan​—Kaya Bakit Mababahala?” ang pamagat ng pahayag ni Daniel Sydlik, na kabilang din sa Lupong Tagapamahala. Kapag bumangon ang mga suliranin, humanap ng patnubay mula sa Kasulatan, ang payo niya. Sa paggamit ng piling mga talata mula sa ika-6 na kabanata ng Mateo 6, inilarawan ni Brother Sydlik kung paano ito magagawa. Ang kawalan ng pananampalataya ay maaaring magpangyari sa atin na mabahala tungkol sa pangkaraniwang mga bagay, gaya ng pagkain at pananamit. Gayunman, alam ni Jehova kung ano ang kailangan natin. (Mateo 6:25, 30) Ang pagkabahala ay magdaragdag lamang sa mga suliranin sa araw-araw. (Mateo 6:34) Sa kabilang banda, kailangan ng pagpaplano. (Ihambing ang Lucas 14:28.) “Ang ipinagbabawal ni Jesus ay, hindi ang matalinong pag-iisip para sa kinabukasan, kundi ang walang-saysay na pagkabahala tungkol dito,” paliwanag ni Brother Sydlik. “Ang pagkilos ay isa sa pinakamabibisang lunas sa kabalisahan. Kapag nababalisa tayo, mabuti na simulan nating magsalita tungkol sa katotohanan.”

Pahimakas na Payo Mula sa mga Instruktor

Sumunod naman ang mga pahayag ng tatlong miyembro ng mga tagapagturo sa Gilead. Unang nagsalita si Karl Adams, sa paksang “Ano ang Igaganti Mo kay Jehova?” Ang kaniyang pahayag ay salig sa ika-116 ng Awit 116, na maaaring inawit ni Jesus noong gabi bago siya mamatay. (Mateo 26:30, talababa sa Ingles) Ano kaya ang nasa isip ni Jesus habang inaawit niya ang mga salitang: “Ano ang igaganti ko kay Jehova para sa lahat ng kaniyang kabutihan sa akin”? (Awit 116:12) Maaaring iniisip niya ang sakdal na katawan na inihanda ni Jehova para sa kaniya. (Hebreo 10:5) Kinabukasan, ihahandog niya ang katawang iyon bilang isang hain, na magpapatunay sa tindi ng kaniyang pag-ibig. Natikman ng mga estudyante sa ika-105 klase ang kabutihan ni Jehova sa nakalipas na limang buwan. Ipakikita nila ngayon ang kanilang pag-ibig sa Diyos sa pamamagitan ng puspusang paggawa sa kanilang atas bilang mga misyonero.

Pinayuhan naman ni Mark Noumair, ang pangalawang instruktor sa Gilead na nagsalita, ang mga estudyante na “Patuloy na Gawin ang Tama.” Matapos ipagbili si Jose bilang alipin sa Ehipto, siya ay nagbata ng 13 taon ng kawalang-katarungan. Hinayaan ba niyang pahintuin siya ng mga kamalian ng iba? Hindi, patuloy niyang ginawa ang tama. Pagkatapos, sa itinakdang panahon ng Diyos, iniligtas si Jose mula sa mga pagsubok sa kaniya. Biglang-bigla, mula sa bilangguan ay napunta siya sa palasyo. (Genesis, kabanata 37-50) Tinanong ng instruktor ang kaniyang mga estudyante: “Kung ang inyong atas bilang misyonero ay hindi nakaabot sa inyong mga inaasahan, hihinto na ba kayo? Susuko na ba kayo sa kawalang-pag-asa? O magtitiis kayo, gaya ng ginawa ni Jose?”

Sa wakas, pinangasiwaan ng Tagapagrehistro ng Gilead School, si Wallace Liverance, ang isang masiglang talakayan kasama ng mga miyembro ng klase sa paksang “Ianunsiyo ang Hari at ang Kaharian.” Inilahad ng ilang estudyante ang kanilang naging mga karanasan samantalang nangangaral sa bahay-bahay, sa mga tindahan, at sa lansangan. Ikinuwento naman ng iba kung paano sila nagpatotoo sa mga tao na nagsasalita ng ibang wika. Ipinakita naman ng iba kung paano mangaral sa mga tao mula sa iba’t ibang relihiyon. Lahat ng nagtapos ay sabik na makibahagi nang lubusan sa ministeryo sa larangan ng pagmimisyonero.

Matatagal Nang Misyonero na Maliligaya

Ang sumunod na bahagi, na pinamagatang “Ang Nakagagalak na mga Resulta ng Paglilingkuran Bilang Misyonero,” ay iniharap ni Robert Wallen at binubuo ng mga panayam sa apat na kapatid na mga tauhan sa punong-tanggapan na kamakailan ay nagkaroon ng nakapagpapatibay na pakikipagsamahan sa mga makaranasang misyonero. Agad na inamin ng mga misyonerong iyon na hindi madali para sa kanila na matutuhan ang isang bagong wika, ang makibagay sa ibang kultura, o makasanayan ang naiibang klima. Nariyan pa ang kirot ng pangungulila. Kung minsan, may nagkakasakit. Pero sa kabila ng lahat ng ito, ang mga misyonero ay nanatiling may positibong saloobin, at pinagpala naman ang kanilang pagtitiyaga. Ang ilan ay maraming natulungan na magkaroon ng kaalaman kay Jehova. Ang iba naman ay nakatulong sa iba’t ibang paraan sa kabuuang pagsulong ng gawaing pang-Kaharian sa kanilang lupain.

Ang huling nagsalita ay si Carey Barber, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala. Nirepaso niya ang mga tampok na bahagi ng programa sa “Ang Daan ng Diyos Ukol sa Buhay” na kombensiyon. “Ano ang naging epekto ng programa ng kombensiyon sa inyong kaugnayan kay Jehova?” ang tanong niya sa mga tagapakinig. Ipinakita ng tagapagsalita ang kaibahan ng pinagpalang mga resulta ng pagsunod sa daan ng Diyos at ng kapaha-pahamak na wakas niyaong sumusunod sa daan ng sanlibutan. Sa pagtukoy sa pagkakasala ni Moises sa Meriba, nagbabala siya: “Kahit ang isang tao’y naging tapat sa paglilingkod sa loob ng maraming taon, hindi ipagwawalang-bahala ni Jehova kahit ang isang maliit na paglabag sa Kaniyang matuwid na mga batas.” (Bilang 20:2-​13) Harinawang manghawakang mahigpit ang lahat ng lingkod ng Diyos saanmang dako sa kanilang mahalagang pribilehiyo ng paglilingkuran!

Dumating na ang oras para tanggapin ng mga estudyante ang kanilang mga diploma. Pagkatapos, binasa ng isang kinatawan ng klase ang isang liham ng pasasalamat para sa pagsasanay na natamo ng mga estudyante. Pagkatapos ng pansarang awit at isang taos-pusong panalangin, natapos ang programa sa gradwasyon. Subalit, para sa ika-105 klase, pasimula pa lamang ito, sapagkat ang mga bagong misyonero ay “nakatayo na sa pintuan ng mas malaking gawain.”

[Kahon sa pahina 23]

Estadistika ng Klase

Bilang ng mga bansang may kinatawan: 9

Bilang ng mga bansang pinagdestinuhan: 17

Bilang ng mga estudyante: 48

Bilang ng mga mag-asawa: 24

Katamtamang edad: 33

Katamtamang taon sa katotohanan: 16

Katamtamang taon sa buong-panahong ministeryo: 12

[Kahon sa pahina 24]

Pinili Nila ang Buong-Panahong Paglilingkuran

“Noong bata pa ako, wala akong planong magpayunir,” sabi ni Ben, isa sa mga nagtapos sa ika-105 klase. “Akala ko’y yaon lamang mga may pantanging kakayahan at magandang kalagayan ang makapagpapayunir,” sabi pa niya. “Pero natutuhan kong mahalin ang paglilingkod sa larangan. Saka ko naunawaan isang araw na ang pagiging isang payunir naman pala ay nangangahulugan lamang ng pagkakaroon ng mas malaking bahagi sa ministeryo. Noon ko natanto na maaari pala akong maging isang payunir.”

“Sa aming tahanan, lagi nang mataas ang tingin sa mga buong-panahong lingkod,” inilahad ni Lusia. Nagugunita niya ang matinding kasabikan ng kongregasyon tuwing dadalaw ang mga misyonero. “Nang lumalaki na ako,” sabi niya, “natural lamang na balakin kong pumasok sa buong-panahong paglilingkuran.”

Namatay ang ina ni Theodis nang siya ay 15 taong gulang. “Noon, talagang inalalayan ako ng kongregasyon,” sabi niya, “kaya tinanong ko sa aking sarili, ‘Ano kaya ang magagawa ko upang ipakita ang aking pagpapahalaga?’ ” Inakay siya nito sa buong-panahong paglilingkuran at ngayon nama’y sa gawaing pagmimisyonero.

[Larawan sa pahina 25]

Ika-105 Nagtapos na Klase ng Watchtower Bible School of Gilead

Sa talaan sa ibaba, ang mga hanay ay nilagyan ng bilang mula sa unahan, at itinala ang mga pangalan mula sa kaliwa pakanan sa bawat hanay

(1) Sampson, M.; Brown, I.; Heggli, G.; Abuyen, E.; Desbois, M.; Pourthié, P. (2) Kassam, G.; Lindberg, R.; Dapuzzo, A.; Taylor, C.; LeFevre, K.; Walker, S. (3) Baker, L.; Pellas, M.; Woggon, E.; Böhne, C.; Asplund, J.; Haile, J. (4) Pourthié, T.; Whittaker, J.; Palmer, L.; Norton, S.; Gering, M.; Haile, W. (5) Walker, J.; Böhne, A.; Groenveld, C.; Washington, M.; Whittaker, D.; Abuyen, J. (6) Gering, W.; Washington, K.; Pellas, M.; Desbois, R.; Heggli, T.; Asplund, Å. (7) Woggon, B.; LeFevre, R.; Taylor, L.; Brown, T.; Groenveld, R.; Palmer, R. (8) Norton, P.; Sampson, T.; Baker, C.; Lindberg, M.; Kassam, M.; Dapuzzo, M.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share