Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w89 11/1 p. 4-7
  • Ang Ginintuang Tuntunin—Bakit May Bisa Pa Rin?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Ginintuang Tuntunin—Bakit May Bisa Pa Rin?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Ang Kahulugan ng Kautusan at ng mga Propeta”
  • Si Kristo ang Pumapatnubay sa Kaniyang Kongregasyon
  • May Bisa Pa Rin, Gumagana Pa Rin
  • Pamumuhay Ayon sa Ginintuang Tuntunin
  • Ano ang Gintong Tuntunin?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Ang Ginintuang Alituntunin—Praktikal Ito
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • Ang Ginintuang Alituntunin—Isang Pandaigdig na Turo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • Ikapit ang Gintong Aral sa Iyong Ministeryo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2014
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
w89 11/1 p. 4-7

Ang Ginintuang Tuntunin​—Bakit May Bisa Pa Rin?

ANG dalisay na ginto ay hindi pumupusyaw, kaya’t ang alahas na hinubog sa ginto ay mamahalin at malaki ang halaga. Imbis na itapon ang may-sirang mga bagay na ginto, ang ginagawa ng mga manggagawa ng alahas ay tinutunaw ang mahalagang metal na ito upang gumawa ng mga panibagong alahas dahilan sa hindi nagbabago ang halaga ng ginto.

Sa katulad na paraan, bagaman sinalita ni Jesus ang Ginintuang Tuntunin mga dalawang libong taon na ngayon ang nakalipas, ang kahalagahan nito ay hindi nagbabago. Sa pamamagitan ng pagsusuri, o pag-alam, sa mga dahilan ng pagkamabisa nito, lalo nating higit na mauunawaan ang kahalagahan nito sa atin ngayon.

Nang ibigay sa atin ni Jesus ang Ginintuang Tuntunin, na “lahat ng bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin sa inyo ng mga tao, ganoon din ang gawin ninyo sa kanila,” kaniyang isinusog: “Ito, sa katunayan, ang kahulugan ng Kautusan at ng mga Propeta.” (Mateo 7:12) Papaano ba ito inunawa ng mga alagad ni Jesus at ng mga iba pa na nakikinig sa kaniya?

“Ang Kahulugan ng Kautusan at ng mga Propeta”

“Ang Kautusan” ay tumutukoy sa mga sinaunang kasulatan na bumubuo ng unang limang aklat ng Bibliya, ang Genesis hanggang Deuteronomio. Ito’y nagsisiwalat ng layunin ni Jehova na magkaroon ng isang binhi na mag-aalis sa kasamaan. (Genesis 3:15) Kasali sa mga sinaunang aklat na ito ng Bibliya ang Kautusan, o mga kalipunan ng mga utos, na noong 1513 B.C.E. ay ibinigay ni Jehova sa bansang Israel sa pamamagitan ni Moises sa Bundok Sinai.

Sa pamamagitan ng makalangit na kautusan ay inihiwalay ang Israel sa palibot ng mga bansang pagano, at sa mga Israelita’y iniutos na huwag gagawa ng anuman na maglalagay sa kompromiso sa kanilang pinagpalang katayuan sa harap ni Jehova. Sila ay kaniyang bukod-tanging pag-aari at kailangang manatiling gayon upang tanggapin ang kaniyang pagpapala. (Exodo 19:5; Deuteronomio 10:12, 13) Subalit bukod sa kanilang mga obligasyon sa Diyos ang Kautusang Mosaiko ay nagtakda ng pananagutan ng mga Israelita na gumawa ng mabuti sa mga dayuhang naninirahan sa Israel. Halimbawa, sinasabi niyaon: “Ang mga tagaibang bayan na nakikipamayan na kasama ninyo ay inyong aariing tubo sa lupain; at iibigin ninyo na gaya ng sa inyong sarili sapagkat naging tagaibang bayan kayo sa lupain ng Ehipto. Ako’y si Jehova ninyong Diyos.” (Levitico 19:34) Noong panahon ng mga hari sa Israel, ang mga tagaibang bayang naninirahan doon ay nagtamasa ng maraming pribilehiyo, tulad baga ng pakikibahagi sa pagtatayo ng templo ng Diyos sa Jerusalem.​—1 Cronica 22:2.

Ang Kautusan na ibinigay sa Israel ay nagbawal ng pangangalunya, pagpatay, pagnanakaw at kasakiman. Ang mga utos na ito, kasama na ang “anumang ibang utos na mayroon,” ay maaaring sumahin sa alituntuning, “Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.” Isinusog ni apostol Pablo: “Ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kaniyang kapuwa; ang pag-ibig nga ay siyang katuparan ng kautusan.”​—Roma 13:9, 10.

Kung nakabalangkas sa Kautusan ang mismong saligan para sa Ginintuang Tuntunin, ano naman ang masasabi tungkol sa “mga Propeta”?

Ang makahulang mga aklat ng Kasulatang Hebreo ay nagpapatunay din naman sa pagiging mabisa ng Ginintuang Tuntunin. Ipinakikita ng mga ito si Jehova bilang isang Diyos na tapat sa katuparan ng kaniyang layunin. Kaniyang pinagpapala ang kaniyang tapat na mga lingkod na, bagaman di-sakdal, ay nagsusumikap na gawin ang kaniyang kalooban at nagpapakita ng tunay na pagsisisi sa kanilang maling mga nagawa. “Maghugas kayo; maglinis kayo; alisin ninyo ang kasamaan ng inyong mga gawa sa harap ng aking mga mata; huminto kayo ng paggawa ng masama. Matuto kayong gumawa ng mabuti; hanapin ninyo ang katarungan; ituwid ninyo ang manlulupig; igawad ninyo ang hatol sa batang ulila; ipagmalasakit ninyo ang kapakanan ng babaing balo.”​—Isaias 1:16, 17.

Nang gawin ng bayan ng Diyos ang matuwid sa iba at sa Diyos, saka pinatunayan ni Jehova ang kaniyang pagtataguyod sa kanila. “Ganito ang sabi ni Jehova: ‘Kayo’y mangag-ingat ng katarungan, kayong mga tao, at gawin ninyo ang matuwid. . . . Maligaya ang taong may kamatayan na gumagawa nito, at ang anak ng tao na nanghahawakan dito.”​—Isaias 56:1, 2.

Si Kristo ang Pumapatnubay sa Kaniyang Kongregasyon

Naparito si Kristo upang tuparin ang Kautusan at mga Propeta, at magmula noong kaniyang kapanahunan, ang walang-hanggang layunin ni Jehova ay patuloy na sumusulong. (Mateo 5:17; Efeso 3:10, 11, 17-19) Ang lumang Kautusan ni Moises ay hinalinhan ng bagong tipan, na sumasaklaw sa kapuwa Judio at mga Gentil na mga pinahirang Kristiyano. (Jeremias 31:31-34) Gayumpaman, ang kasalukuyang kongregasyong Kristiyano ay sumusunod pa rin sa Ginintuang Tuntunin. At narito pa ang isang dahilan sa pagtanggap sa bisa ng alituntunin: Si Kristo ang aktibong Ulo ng modernong kongregasyong Kristiyano. Hindi niya binabago ang kaniyang mga tagubilin. Ang kaniyang kinasihang payo ay kumakapit pa rin.

Bago lumisan sa lupang ito, iniutos ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa at turuan sila na “ganapin ang lahat ng bagay na iniutos ko sa inyo.” Kasama sa tagubiling iyan ang Ginintuang Tuntunin. Ganito ang katiyakang ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Narito ako’y sumasainyo lahat ng araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.”​—Mateo 28:19, 20.

Gaya ng nasusulat sa Lucas 6:31, iniutos ni Jesus: “Kung ano ang ibig ninyong gawin sa inyo ng mga tao, ganoon din ang gawin sa kanila.” Anong inam na halimbawa ang ipinakita ni Jesus sa pagkukusa na siya muna ang gumawa ng mabuti sa iba!

Sa panahon ng kaniyang ministeryo sa lupa, maingat na pinagmasdan ni Jesus ang pinagtitiisan ng mga tao, at siya’y nahabag sa kanila. Noong minsan sa kaniyang pangangaral, nakita niya ang karamihan at siya’y nahabag sa kanila. Subalit higit pa riyan, siya’y gumawa ng mga kaayusan upang tulungan sila. Sa papaano? Sa pamamagitan ng pag-uorganisa ng isang masinsinang kampanya sa pangangaral na nagdala sa kaniyang mga alagad sa mga tahanan ng mga tao. Gaya ng kaniyang ipinagbilin: “Saanmang lunsod o bayan kayo pumasok halughugin ninyo iyon upang matagpuan ang karapat-dapat, at dumoon kayo hanggang sa kayo’y umalis na.” Ang gawaing ito ay may pagtangkilik niya at ng pagpapala ng kaniyang Ama at iyan ay malinaw na makikita sa mga sinabi pa ni Jesus: “Ang tumatanggap sa inyo ay tumatanggap din sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap din sa nagsugo sa akin. . . . At sinumang nagbigay sa isa sa maliliit na ito ng kahit na isang saro ng malamig na tubig upang mainom dahilan sa siya’y isang alagad, katotohanang sinasabi ko sa inyo, sa anumang paraan ay hindi siya mawawalan ng kaniyang gantimpala.”​—Mateo 9:36–10:42.

Ang Ginintuang Tuntunin ay nagpapahiwatig ng positibong pagkilos alang-alang sa iba at ito’y ipinakikita ng pangangatuwiran ni Jesus noong ibang pagkakataon: “Kung kayo’y magsisiibig sa mga nagsisiibig sa inyo, ano ang pakinabang ninyo? Sapagkat ang mga makasalanan man ay nagsisiibig sa mga umiibig sa kanila. At kung nagsisigawa kayo ng mabuti sa nagsisigawa sa inyo ng mabuti, ano ang pakinabang ninyo? Ganiyan din ang ginagawa ng mga makasalanan. Bagkus, patuloy na ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at gawan ninyo sila ng mabuti . . . at malaki ang sa inyo’y magiging ganti.” (Lucas 6:32, 33, 35) Kaya naman, ang pag-iingat sa may bisa pa ring Ginintuang Tuntunin ay mag-uudyok sa atin na magkusang gumawa ng mabuti kahit na sa mga taong hindi natin personal na kilala.

May Bisa Pa Rin, Gumagana Pa Rin

Marahil ang lubhang kapani-paniwalang patotoo na may bisa pa rin ang Ginintuang Tuntunin ay nanggagaling sa aktuwal na mga karanasan ng mga taong sumusunod dito. Ang mga Kristiyanong sa araw-araw ay kumikilos nang kasuwato ng mga kautusan ng Diyos ay nakasusumpong ng malaking kagalakan at, kadalasan, di-inaasahang mga pagpapala. Sa pagiging magalang at mabait ng pakikitungo sa mga naroroon sa medical clinic na pinagdalhan sa kaniya, isang babaing Kristiyano ang nakinabang dahil sa ginawang pag-aasikaso sa kaniya ng mga narses at mga doktor.

Ang mga Saksi ni Jehova na nasasangkot sa dagliang itinatayong mga proyektong Kingdom Hall ay nagpapatunay rin sa bisa ng Ginintuang Tuntunin. Ang may kabaitang mga pagdalaw sa mga tao na naninirahan malapit sa lugar ng konstruksiyon upang ipabatid sa kanila ang ipinaplano roon ay kadalasan sinasalubong ng positibong pagtugon. Ang mga taong dati’y salungat sa mga Saksi na sa ganoo’y namamasdan nila na ang mga ito’y gumagawa ng mabuti sa kanilang kapuwa, at kanilang nakikita nang tuwiran kung papaano nagtutulung-tulong sa kanilang pagtatrabaho ang bayan ng Diyos. Kaya naman, ang iba’y nag-alok ng pagtulong sa konstruksiyon, tuwiran man o kaya’y sa pamamagitan ng pag-aabuloy ng mga gamit na materyales.​—Ihambing ang Zacarias 8:23.

Nang ang isang Saksing Iranian na naninirahan sa London, Inglatera, ay bumili ng pagkain sa isang tindahan, siya’y ininsulto ng maytinda dahil sa siya’y isang banyaga. Ang Saksi ay hindi napigil, kaya may kabaitan at may taktikang ipinaliwanag niya na siya, bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, ay walang damdaming laban sa mga tao ng mga ibang bansa. Bagkus, kaniyang dinalaw ang lahat ng naroroon sa pamayanan at dinalhan ng mensahe ng Bibliya. Ang resulta? Ang pinamiling pagkain ng Saksi ay dinagdagan pa ng maytinda ng mga ibang espesyal na pagkain.

Kung sa bagay, ang Ginintuang Tuntunin ay hindi naman limitado sa gayong maliliit na gawang kabaitan. Tiyak naman, ang pinakadakilang kapahayagan nito ay yaong kabutihan na ginagawa ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig sa pamamagitan ng regular na pagdalaw sa mga tahanan ng kanilang mga kapuwa upang bigyan sila ng mensahe ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.

Pamumuhay Ayon sa Ginintuang Tuntunin

Ang pagsunod sa Ginintuang Tuntunin ay nangangahulugan ng pagbabaling ng ating pansin sa iba. Ito ay isang positibong alituntunin na dapat sundin. Kakailanganing humanap ka ng mga pagkakataon na gawan ng mabuti ang mga taong nasa palibot mo. Maging palakaibigan at palaisip tungkol sa kanila, na may personal na interes sa kanila! (Filipos 2:4) Sa paggawa ng gayon, ikaw ay aani ng saganang mga pagpapala. Susundin mo ang payo ni Jesus: “Pasikatin ninyo ang inyong liwanag sa harap ng mga tao, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at kanilang luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit.” (Mateo 5:16) Sa kabilang panig, si Jehova ang magiging iyong Tagapagbigay-Gantimpala habang iyong taimtim na hinahanap siya at namumuhay ka sa araw-araw ayon sa Ginintuang Tuntunin.​—Hebreo 11:6.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share