Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Ang Daang Patungo sa Buhay
ANG daan ng buhay ay ang pananatili sa mga turo ni Jesus. Ngunit hindi ito madaling gawin. Halimbawa, ang mga Pariseo ay may karahasang humahatol sa iba, at malamang na marami ang gumagaya sa kanila. Kaya’t sa pagpapatuloy ni Jesus sa kaniyang Sermon sa Bundok, sinabi niya: “Huwag kayong humatol upang kayo’y huwag hatulan; sapagkat sa hatol na inyong ihahatol, kayo ay hahatulan.”
Mapanganib na tumulad sa labis mamintas na mga Pariseo. Sang-ayon sa ulat ni Lucas, ipinaghalimbawa ni Jesus ang panganib na ito sa pagsasabi: “Ang bulag ay hindi makaaakay sa bulag, di ba? Kapuwa sila mahuhulog sa hukay, di ba?”
Ang lubhang pamimintas sa iba, na pinalalaki ng kanilang kahinaan at pinag-iinitan sila, ay isang malubhang kasalanan. Kaya’t ang tanong ni Jesus: “Paano mo masasabi sa iyong kapatid: ‘Pabayaan mong alisin ko ang puwing sa mata mo’; gayong, narito! may tahilan sa iyong sariling mata? Mapagpaimbabaw! Alisin mo muna ang tahilan sa iyong sariling mata, at kung magkagayo’y makikita mong malinaw ang pag-aalis mo ng puwing sa mata ng iyong kapatid.”
Hindi ibig sabihin nito na ang mga alagad ni Jesus ay hindi gumagamit ng pang-unawa sa pakikitungo sa iba, sapagkat kaniyang sinasabi: “Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang anumang banal, ni ihagis man ang inyong mga perlas sa harap ng mga baboy.” Ang mga katotohanan buhat sa Salita ng Diyos ay banal. Ito’y katulad ng makasagisag na mga perlas. Ngunit kung ang ibang mga tao, na tulad ng mga aso o mga baboy, ay hindi nagpapahalaga sa mahalagang katotohanang ito, sila’y dapat iwanan ng mga alagad ni Jesus at humanap ng mga taong makikinig.
Bagama’t maaga sa kaniyang sermon tinalakay ni Jesus ang tungkol sa panalangin, ngayon ay idinidiin niya na kailangang manatili sa pananalangin. “Patuloy na humingi,” ang payo niya, “at yao’y ibibigay sa inyo.” Upang ipakita na handa ang Diyos na sumagot sa mga panalangin, si Jesus ay nagtanong: “Anong tao sa inyo ang kung siya’y hingan ng tinapay ng kaniyang anak—ay bato ang ibibigay? . . . Kung kayo nga, bagaman masasama ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit na magbibigay ng mabubuting bagay sa humihingi sa kaniya?”
Pagkatapos ay nagbibigay si Jesus ng naging isang tanyag na alituntunin ng asal, karaniwang tinatawag na Gintong Alituntunin. Sabi niya: “Kaya nga lahat ng bagay na ibig ninyong sa inyo’y gawin ng mga tao, gawin naman ninyo ang gayon sa kanila.” Ang pagsunod sa alituntuning ito ay nangangailangan ng positibong pagkilos sa paggawa ng mabuti sa iba, na tinatrato sila ng gaya ng ibig mong itrato sa iyo.
Isiniwalat ng payo ni Jesus na hindi madali ang lumakad sa daan ng buhay: “Kayo’y magsipasok sa makipot na pintuan; sapagkat maluwang ang pintuan, at malapad ang daang patungo sa pagkapahamak, at marami ang doo’y nagsisipasok; sapagkat makipot ang pintuan, at makitid ang daan patungo sa buhay at kakaunti ang nakakasumpong niyaon.”
Ang panganib na maligaw ay malaki, kaya’t ang babala ni Jesus, “Mag-ingat kayo sa mga bulaang propeta na nagsisilapit sa inyo na may damit-tupa, datapuwa’t sa loob ay mga lobong maninila.” Maging ang mabubuti at masasamang punongkahoy ay nakikilala sa kanilang mga bunga, ang sabi ni Jesus, kaya naman ang mga bulaang propeta ay makikilala rin sa kanilang inuugali at mga turo.
Patuloy na ipinaliwanag ni Jesus na hindi lamang ang sinasabi ng isang tao ang gumagawa sa kaniya na Kaniyang alagad kundi ang kaniyang ginagawa. Kahit na kung sinasabi ng mga tao na si Jesus ang kanilang Panginoon, kung hindi naman nila ginagawa ang kalooban ng kaniyang Ama, ang sabi niya: “Sasabihin ko sa kanila: Kailanma’y hindi ko kayo nakikilala! Magsilayo kayo sa akin, kayong mga manggagawa ng katampalasanan.”
Bilang pagtatapos, ibinigay ni Jesus ang di-malilimot na konklusyon sa kaniyang sermon. Sinabi niya: “Sinumang nakakapakinig ng mga salita kong ito at ginagawa ay mahahalintulad sa isang taong pantas, na nagtayo ng kaniyang bahay sa ibabaw ng batong-bundok. At lumagpak ang ulan at bumaha at humihip ang hangin at hinampas ang bahay na iyon, subalit hindi bumagsak, sapagkat nakatayo sa ibabaw ng batong-bundok.”
Sa kabilang dako, sinabi ni Jesus: “Bawa’t nakakapakinig ng aking mga salitang ito at hindi ginagawa ay mahahalintulad sa isang taong mangmang, na nagtayo ng kaniyang bahay sa ibabaw ng buhanginan. At lumagpak ang ulan at bumaha at humihip ang hangin at bumayo sa bahay na iyon at bumagsak iyon, at kakila-kilabot ang pagbagsak.”
Nang matapos ni Jesus ang kaniyang sermon, ang karamihan ay nanggilalas sa kaniyang paraan ng pagtuturo, sapagkat siya’y nagtuturo sa kanila na gaya ng isang taong may autoridad at hindi gaya ng kanilang mga pinunong relihiyoso. Mateo 7:1-29; Lucas 6:27-49.
◆ Ano ang sinasabi ni Jesus tungkol sa paghatol sa iba; gayunma’y paano niya ipinakikita na kailangang gumamit ang kaniyang mga alagad ng pang-unawa tungkol sa mga tao?
◆ Ano pa ang sinasabi ni Jesus tungkol sa panalangin, at anong alituntunin ng asal ang ibinigay niya?
◆ Paano ipinakikita ni Jesus na ang daang patungo sa buhay ay hindi madali at mayroong panganib na ikaw ay mailigaw?
◆ Paano tinatapos ni Jesus ang kaniyang sermon, at ano ang epekto niyaon?