Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w92 8/1 p. 13-18
  • Papaano ka Tumatakbo sa Takbuhan sa Buhay?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Papaano ka Tumatakbo sa Takbuhan sa Buhay?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Takbuhan sa Buhay
  • Magpigil sa Sarili sa Lahat ng Bagay
  • Tumakbo na “Hindi Gaya ng Nakikipagsapalaran”
  • Makapagbabata Ka Hanggang Wakas
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • ‘Tumakbo sa Gayong Paraan’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • ‘Tapusin Ninyo ang Takbuhan’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2020
  • Pagtakbo sa Takbuhan na may Pagtitiis
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
w92 8/1 p. 13-18

Papaano ka Tumatakbo sa Takbuhan sa Buhay?

“Hindi baga ninyo nalalaman na ang nagsisitakbo sa takbuhan ay tumatakbong lahat, ngunit isa lamang ang tumatanggap ng gantimpala? Magsitakbo kayo sa paraan na matatamo ninyo iyon.”​—1 CORINTO 9:24.

1. Sa ano inihahalintulad ng Bibliya ang ating takbuhing Kristiyano?

SA Bibliya ang ating paghahanap sa buhay na walang-hanggan ay inihahalintulad sa isang takbuhan. Nang palapit na sa dulo ng kaniyang buhay, sinabi ni apostol Pablo tungkol sa kaniyang sarili: “Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking pagtakbo, iningatan ko ang pananampalataya.” Ipinayo niya sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano na ganiyan din ang gawin nang kaniyang sabihin: “Iwaksi rin natin ang bawat pabigat at ang kasalanang madaling pumigil sa atin, at takbuhin nating may pagtitiis ang takbuhang inilagay sa harapan natin.”​—2 Timoteo 4:7; Hebreo 12:1.

2. Anong nakapagpapatibay-loob na pasimula ang nakikita natin sa takbuhan sa buhay?

2 Ang paghahambing ay angkop sapagkat ang isang takbuhan ay may pasimula, isang itinakdang daraanan, at isang hantungan, o goal. Ganiyan din kung tungkol sa ating espirituwal na pagsulong patungo sa buhay. Gaya ng ating nakita na, sa bawat taon daan-daang libong mga tao ang gumagawa ng mabuting pagsisimula sa takbuhan sa buhay. Halimbawa, noong nakalipas na limang taon, 1,336,429 katao ang pormal na nagsimula sa takbuhan sa pamamagitan ng pag-aalay at bautismo sa tubig. Ang gayong kasiglang pagpapasimula ay lubhang nakapagpapatibay-loob. Gayunman, ang mahalaga ay manatili ka sa takbuhan hanggang sa marating ang hantungan. Ganiyan ba ang ginagawa mo?

Ang Takbuhan sa Buhay

3, 4. (a) Papaano binanggit ni Pablo ang kahalagahan ng patuloy na pagtakbo kaalinsabay ng mga mananakbo? (b) Papaano ang ilan ay nabigong sumunod sa payo ni Pablo?

3 Upang idiin ang kahalagahan ng pananatili sa takbuhan, ipinayo ni Pablo: “Hindi baga ninyo nalalaman na ang nagsisitakbo sa takbuhan ay tumatakbong lahat, ngunit isa lamang ang tumatanggap ng gantimpala? Magsitakbo kayo sa paraan na matatamo ninyo iyon.”​—1 Corinto 9:24.

4 Totoo, sa sinaunang mga laro, iisa lamang ang makatatanggap ng gantimpala. Subalit, sa takbuhan sa buhay, bawat isa ay makapagtatamo ng gantimpala. Ang kailangan lamang ay tumakbo ka hanggang sa katapusan! Nakatutuwa naman, marami ang may katapatang tumakbo hanggang sa dulo ng kanilang buhay, gaya ng ginawa ni apostol Pablo. At ang milyun-milyon ay patuloy na tumatakbo. Ngunit, ang iba ay hindi nagpatuloy ng pagtakbo o pagsulong tungo sa hantungan. Sa halip, kanilang pinayagan ang mga ibang bagay na makahadlang sa kanila kung kaya sila’y huminto sa takbuhan o naging diskuwalipikado sa pagtakbo. (Galacia 5:7) Ito’y dapat magbigay sa lahat sa atin ng dahilan upang suriin kung papaano tayo tumatakbo sa takbuhan sa buhay.

5. Ang takbuhan ba sa buhay ay inihahambing ni Pablo sa isang larong paligsahan? Ipaliwanag.

5 Maaaring maitanong: Ano ang sumaisip ni Pablo nang sabihin niya na “isa lamang ang tumatanggap ng gantimpala”? Gaya ng binanggit na, hindi ibig niyang sabihin na sa lahat ng mga nagsimulang tumakbo sa takbuhan para sa buhay, isa lamang ang tatanggap ng gantimpalang buhay na walang-hanggan. Maliwanag na hindi iyan ang ibig sabihin, sapagkat malimit, kaniyang ipinaliliwanag na kalooban ng Diyos na lahat ng uri ng tao ay maligtas. (Roma 5:18; 1 Timoteo 2:3, 4; 4:10; Tito 2:11) Hindi, hindi niya sinasabing ang takbuhan sa buhay ay isang paligsahan na bawat kasali ay nagsusumikap na magwagi sa lahat ng mga iba pa. Alam na alam ng mga taga-Corinto na ang ganiyang uri ng espiritu ng pagpapaligsahan ay umiral sa gitna ng mga kasali sa kanilang Palarong Isthmian, sinasabing higit pang tanyag noon kaysa larong Olympiada. Kung gayon, ano ba ang sumaisip ni Pablo?

6. Ano ba ang isinisiwalat ng konteksto tungkol sa pagtalakay ni Pablo sa mananakbo at sa takbuhan?

6 Sa pagbanggit sa ilustrasyon ng mananakbo, ang pangunahing tinatalakay ni Pablo ay ang kaniyang inaasahang kaligtasan. Sa nauunang mga talata, kaniyang inilarawan kung papaano siya nagpagal at nagsumikap sa maraming paraan. (1 Corinto 9:19-22) Pagkatapos, sa 1Co 9 talatang 23, sinabi niya: “Ngunit ginagawa ko ang lahat ng bagay alang-alang sa mabuting balita, upang maipamahagi ko naman ito sa iba.” Kaniyang natalos na ang kaniyang kaligtasan ay hindi garantisado dahil lamang sa siya’y pinili upang maging apostol o dahilan sa siya’y gumugol ng maraming taon sa pangangaral sa iba. Upang makabahagi sa mga pagpapala ng mabuting balita, kailangan na magpatuloy siya na gawin ang lahat ng magagawa niya alang-alang sa mabuting balita. Siya’y kailangang tumakbo na taglay ang buong layuning manalo, na nagpapagal nang puspusan na para bagang siya’y tumatakbo sa isang takbuhan sa Palarong Isthmian, na kung saan “isa lamang ang tumatanggap ng gantimpala.”​—1 Corinto 9:24a.

7. Ano ang kinakailangan upang ‘makatakbo sa paraan na matatamo ninyo iyon’?

7 Malaki ang matututuhan natin dito. Bagaman bawat kasali sa takbuhan ay ibig manalo, yaon lamang desididong magwagi ang may pag-asang manalo. Kaya, huwag tayong maging kampante dahil lamang sa tayo’y kasali na sa takbuhan. Huwag umasang lahat ay lalabas na mabuti dahil sa tayo’y ‘nasa katotohanan.’ Maaaring taglay natin ang pangalang Kristiyano, ngunit mapatutunayan ba nating tayo ay mga Kristiyano? Halimbawa, ginagawa ba natin ang alam natin na dapat gawin ng isang Kristiyano​—pagdalo sa mga pulong Kristiyano, pakikibahagi sa ministeryo sa larangan, at iba pa. Kung gayon, mabuti iyan, at sikapin natin na magmatiyaga sa ganiyang maiinam na kaugalian. Gayunman, maaari kayang higit pa tayong makinabang sa ating ginagawa? Halimbawa, tayo ba’y laging handang makibahagi sa mga pulong? Sinisikap ba nating ikapit sa ating buhay ang ating natututuhan? Pinasusulong ba natin ang ating kakayahan upang tayo’y lubusang makapagpatotoo sa kabila ng mga hadlang na napapaharap sa atin sa larangan? Handa ba tayong tanggapin ang hamon ng pagdalaw-muli sa mga interesado at ang pagsasagawa ng pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya? “Magsitakbo kayo sa paraan na matatamo ninyo iyon,” ang payo ni Pablo.​—1 Corinto 9:24b.

Magpigil sa Sarili sa Lahat ng Bagay

8. Ano ang maaaring nag-udyok kay Pablo na payuhan ang kaniyang kapuwa mga Kristiyano na ‘magpigil sa lahat ng bagay’?

8 Sa panahong ikinabuhay niya, nasaksihan ni Pablo ang marami na nanghina, napahiwalay, o huminto sa pagtakbo sa takbuhan sa buhay. (1 Timoteo 1:19, 20; Hebreo 2:1) Kaya paulit ulit na ipinaalaala niya sa kaniyang kapuwa mga Kristiyano na sila ay nasa isang mahirap at patuloy na paligsahan. (Efeso 6:12; 1 Timoteo 6:12) Ang ilustrasyon ng mananakbo ay pinalawak pa niya at kaniyang sinabi: “Isa pa, ang bawat taong nakikipaglaban sa paligsahan ay mapagpigil sa sarili sa lahat ng bagay.” (1 Corinto 9:25a) Sa pagsasabi ng ganito, ipinaliliwanag ni Pablo ang isang bagay na kilalang-kilala ng mga Kristiyano sa Corinto, samakatuwid nga, ang mahigpit na pagsasanay na sinusunod ng mga kasali sa Palaro sa Istmo.

9, 10. (a) Papaano inilalarawan ng The Expositor’s Bible ang mga kasali sa mga Palaro sa Istmo? (b) Ano lalo na ang kawili-wiling pansinin tungkol sa paglalarawan?

9 Narito ang isang malinaw na paglalarawan ng isang kasali sa paligsahan na nagsasanay:

“Kontento at walang reklamo na siya’y sumusunod sa mga alituntunin at mga paghihigpit may kaugnayan sa kaniyang sampung buwang pagsasanay, na kung wala ito ay mabuti pang huwag na siyang sumali sa paligsahan. . . . Kaniyang ipinagmamalaki ang kaniyang bahagyang kahirapan, at pagkahapo, at kakapusan, at itinuturing na isang bagay na dapat ikarangal ang maingat na umiwas sa anumang bagay na maaaring sa kaunting antas ay makabawas sa kaniyang pagkakataon na magtagumpay. Kaniyang nasasaksihan ang ibang mga lalaki na nagpapakalabis sa pagkain, nagpapahingalay samantalang siya’y humihingal dahilan sa pagkapagod, nagpapakaluho sa paliligo, nagpapasasa sa buhay at kalayawan; ngunit bihirang sumasagi sa kaniyang alaala ang pagkainggit, sapagkat ang kaniyang puso ay nakalagak sa gantimpala, at hindi maaaring kaligtaan ang mahigpit na pagsasanay. Batid niya na mawawala na ang kaniyang mga pagkakataon kung sa anumang punto o sa anumang pagkakataon ay magluwag siya sa mahigpit na disiplina.”​—The Expositor’s Bible, Tomo V, pahina 674.

10 Kawili-wiling pansinin na ang isang sinasanay ay ‘itinuturing na marangal’ ang pagsunod sa gayong mahigpit na rutina ng pagkakait sa sarili. Ang totoo, “bihirang sumagi sa kaniyang alaala ang pagkainggit” sa kaluwagan at ginhawa na kaniyang nakikitang tinatamasa ng iba. Tayo ba’y may matututuhan dito? Oo, mayroon.

11. Anong di-tamang pananaw ang kailangang iwasan natin samantalang tumatakbo sa takbuhan sa buhay?

11 Alalahanin ang mga pananalita ni Jesus na “maluwang at malapad ang daang patungo sa kapahamakan, at marami ang nagsisipasok doon; samantalang makipot at makitid ang daang patungo sa buhay at kakaunti ang nakasusumpong niyaon.” (Mateo 7:13, 14) Samantalang nagsisikap ka na dumaan sa ‘makitid na daan,’ iyo bang kinaiinggitan ang kalayaan at kaluwagan na waring tinatamasa niyaong mga nasa kabilang daan? Iniisip mo ba na ikaw ay hindi nakararanas ng ilan sa mga bagay na ginagawa ng iba, na waring hindi naman masama sa ganang sarili? Madali para sa atin na mag-isip ng ganito kung hindi natin pinag-iisipan ang dahilan kung bakit tayo ay tumatahak sa ganitong landasin. “Ngayon, ginagawa nga nila ito upang sila ay magtamo ng isang koronang nasisira, ngunit tayo’y niyaong walang pagkasira,” ang sabi ni Pablo.​—1 Corinto 9:25b.

12. Bakit masasabing ang kaluwalhatian at katanyagan na hinahangad ng mga tao ay katulad ng nasisirang korona na ipinagkakaloob sa mga Palaro sa Istmo?

12 Ang nananalo sa Palaro sa Istmo ay tumatanggap ng koronang pino ng Istmo o iba pang katulad na halaman, na marahil ay nalalanta na paglipas ng ilang araw o mga linggo. Kung sa bagay, hindi ang pumapanaw na korona ang hangarin ng mga manlalaro kung kaya sumali sa paligsahan kundi ang kaluwalhatian, karangalan, at katanyagan na kasama niyaon. May nagsasabi na sa pag-uwi ng nagtagumpay, siya’y sinasalubong na gaya ng isang nagwaging bayani. Kalimitan ang mga pader ng siyudad ay ginigiba upang makaraan ang kaniyang prusisyon, at nagtatayo ng mga estatwa sa kaniyang karangalan. Gayunman, sa kabila ng lahat ng ito ang kaniyang karangalan ay nasisira pa rin. Sa ngayon, kakaunting mga tao ang nakagugunita bahagya man kung sino ang nagwaging mga bayaning iyon, at ang totoo ay walang kabuluhan sa kanila. Ang mga taong nagsasakripisyo ng kanilang panahon, lakas, kalusugan, at maging ng kaligayahan ng pamilya upang magkamit ng kapangyarihan, katanyagan, at kayamanan sa sanlibutan, ngunit hindi mayaman sa paningin ng Diyos, ay magigising sa katotohanan na ang kanilang materyalistikong “korona,” tulad ng kanilang buhay, ay pumapanaw.​—Mateo 6:19, 20; Lucas 12:16-21.

13. Papaanong ang pamumuhay ng isang nasa takbuhan sa buhay ay naiiba sa pamumuhay ng isang manlalaro?

13 Ang mga manlalaro sa isang paligsahan sa laro ay maaaring handang sumunod sa mahigpit na mga kahilingan sa pagsasanay, tulad baga niyaong mga inilarawan sa unahan, subalit sa loob ng isa lamang limitadong panahon. Pagkatapos ng mga laro, sila’y nagbabalik sa isang normal na pamumuhay. Maaaring sila’y nagsasanay pa rin sa pana-panahon upang mapanatili ang kanilang kasanayan, subalit hindi na nila sinusunod ang gayon ding landasin ng mahigpit na pagkakait sa sarili, kundi sa pagsapit ng susunod na paligsahan. Hindi ganiyan kung tungkol sa mga nasa takbuhan sa buhay. Sa kanila, ang pagsasanay at pagkakait sa sarili ay isang paraan ng pamumuhay.​—1 Timoteo 6:6-8.

14, 15. Bakit ang isang kasali sa takbuhan sa buhay ay patuloy na nagpipigil sa sarili?

14 “Kung sinuman ay ibig sumunod sa akin,” sabi ni Jesu-Kristo sa isang pagtitipon ng mga alagad at ng mga iba pa, itakwil niya ang kaniyang sarili (o, “sabihan niya ng, ‘Hindi’ ang sarili,” Charles B. Williams) at pasanin ang kaniyang pahirapang tulos at sumunod sa akin nang patuluyan.” (Marcos 8:34) Pagka ating tinanggap ang kaniyang paanyaya, tayo’y kailangang handang gawin iyon “nang patuluyan,” hindi dahilan sa mayroong ano pa mang natatagong kagalingan sa pagkakait sa sarili, kundi dahilan sa isang saglit na kawalang pag-iingat, isang pagkakamali ng pagpapasiya, ay maaaring mawalang-saysay ang lahat ng nagawang pagpapatibay, na nagsasapanganib pa sa ating walang-hanggang kapakanan. Ang espirituwal na pagsulong ay karaniwan nang nagaganap na may kabagalan, subalit anong bilis na ito ay nawawalang-kabuluhan kung tayo’y hindi magiging palaging mapagbantay!

15 Gayundin, ipinayo ni Pablo na tayo’y kailangang maging mapagpigil “sa lahat ng bagay,” alalaong baga’y, kailangang gawin natin iyan nang walang pagbabago sa lahat ng pitak ng buhay. Ito’y makatuwiran sapagkat kung ang isang nagsasanay ay labis na nagpapasasa o namumuhay nang walang patumangga, anong kabutihan ang idudulot ng lahat ng pisikal na kirot at pagkahapo na kaniyang pinagtitiisan? Sa ganoon ding paraan sa ating takbuhan sa buhay, tayo’y kailangang magpigil sa lahat ng bagay. Ang isang tao ay maaaring nakapagpipigil sa mga bagay na tulad ng paglalasing at pakikiapid, subalit ang bisa nito ay nababawasan kung siya ay palalo at palaaway. O ano naman kung siya ay matiisin at mabait sa iba, ngunit may itinatagong lihim na kasalanan sa kaniyang pribadong buhay? Upang ang pagpipigil-sa-sarili ay lubusang mapakinabangan, ito ay kailangang ikapit “sa lahat ng bagay.”​—Ihambing ang Santiago 2:10, 11.

Tumakbo na “Hindi Gaya ng Nakikipagsapalaran”

16. Ano ba ang ibig sabihin ng pagtakbo na “hindi gaya ng nakikipagsapalaran”?

16 Sa pagkakita sa kusang pagpapagal na kailangan upang magtagumpay sa buhay, si Pablo ay nagpatuloy na nagsabi: “Kaya nga, ang aking pagtakbo ay hindi gaya ng nakikipagsapalaran; ang aking pagsuntok ay hindi gaya ng sumusuntok sa hangin.” (1 Corinto 9:26) Ang salitang “nakikipagsapalaran” ay literal na nangangahulugang “walang katibayan,” (Kingdom Interlinear), “di-napapansin, walang tanda” (Lange’s Commentary). Samakatuwid, ang pagtakbo nang “hindi gaya ng nakikipagsapalaran” ay nangangahulugan na sa bawat tagapagmasid dapat na kaylinaw-linaw ang katibayan kung saan patungo ang mananakbo. Ang pagkasalin sa The Anchor Bible ay “hindi paliku-liko.” Sakaling nakakita ka ng mga bakas ng paa na paliku-liko sa tabing-dagat, paikot manakanaka, at bumubuwelta pa kung minsan, hindi mo iisipin na ang taong iyon ay tumatakbo, at tunay na iisipin mong hindi man lamang niya iniisip kung saan siya patungo. Subalit kung nakakita ka ng sama-samang mga bakas ng paa na nagpoporma ng isang mahaba, diretsong linya, sunud-sunod ang bawat bakas at pawang magkakasinlayo, sasabihin mo na ang mga bakas ng paa ay sa isang tao lamang na alam na alam kung saan siya patungo.

17. (a) Papaano ipinakikita ni Pablo na siya’y tumatakbo “hindi gaya ng nakikipagsapalaran”? (b) Papaano natin matutularan si Pablo sa bagay na ito?

17 Malinaw na ipinakikita ng buhay ni Pablo na siya’y tumakbo na “hindi gaya ng nakikipagsapalaran.” Siya’y may sapat na katibayan upang patunayan na siya ay isang ministrong Kristiyano at isang apostol. Siya ay may iisang layunin, at puspusang nagpagal siya sa buong buhay niya upang matupad iyon. Kailanman ay hindi siya nailihis ng katanyagan, kapangyarihan, kayamanan, o kaaliwan, bagaman marahil ay maaari sana niyang kamtin ang alinman sa mga ito. (Gawa 20:24; 1 Corinto 9:2; 2 Corinto 3:2, 3; Filipos 3:8, 13, 14) Sa paglingon mo sa iyong nakalipas na pamumuhay, anong uri ng bakas ang nakikita mo? Isa bang diretsong linya na may malinaw na pinupuntahan o isa na may paliku-liko at walang layunin? May katibayan ba na ikaw ay nakikipagpaligsahan sa takbuhan sa buhay? Tandaan, tayo ay nasa takbuhang ito, hindi lamang gaya ng isang gumagawa ng isang bagay na walang kasigla-sigla, wika nga, kundi upang makarating sa hantungan.

18. (a) Ano ang kahalintulad ng ating ‘pagsuntok sa hangin’? (b) Bakit iyan ay mapanganib na tularan?

18 Sa paghahambing sa isa pang palaro, sinabi ni Pablo: “Ang aking pagsuntok ay hindi gaya ng sumusuntok sa hangin.” (1 Corinto 9:26b) Sa ating pakikipagpaligsahan sa buhay, tayo’y maraming kaaway, kasali na si Satanas, ang sanlibutan, at ang ating sariling di-kasakdalan. Tulad ng isang sinaunang boksingero, ating kailangang magapi sila sa pamamagitan ng mga suntok na sigurado ang tama. Nakatutuwa naman, ang Diyos na Jehova ay nagsasanay sa atin at tinutulungan tayo sa labanan. Siya ay nagbibigay ng mga tagubilin na nasa kaniyang Salita, sa salig-Bibliyang mga publikasyon at sa mga pulong Kristiyano. Gayunman, kung ating babasahin ang Bibliya at mga publikasyon at dadalo sa mga pulong ngunit hindi naman natin ikinakapit ang ating natututuhan, hindi ba sinasayang lamang natin ang ating pagpapagal, ‘sa pagsuntok sa hangin’? Ang paggawa ng gayon ay naglalagay sa atin sa isang napakamapanganib na kalagayan. Inaakala nating tayo’y nakikipaglaban nga at sa gayo’y nakadarama ng kunwa-kunwariang kasiguruhan, ngunit hindi natin nagagapi ang ating mga kaaway. Kaya naman ang payo ng alagad na si Santiago ay: “Kayo ay maging mga tagatupad ng salita, at huwag tagapakinig lamang, na dinadaya ang inyong sarili ng maling pangangatuwiran.” Kung papaanong ang ‘pagsuntok sa hangin’ ay walang magagawa upang maging baldado ang ating mga kaaway, ni ang pagiging mga “tagapakinig lamang” ay hindi katiyakan na ating ginagawa ang kalooban ng Diyos.​—Santiago 1:22; 1 Samuel 15:22; Mateo 7:24, 25.

19. Papaano natin matitiyak na tayo’y hindi itatakwil sa papaano man?

19 Sa wakas, sinabi sa atin ni Pablo ang lihim ng kaniyang tagumpay: “Hinahampas ko ang aking katawan at sinusupil na parang alipin, upang, pagkatapos akong makapangaral sa iba, ako naman ay huwag itakwil sa papaano man.” (1 Corinto 9:27) Tulad ni Pablo, kailangan ding tayo ang maging panginoon ng ating di-sakdal na laman imbes na payagan na iyon ang maging ating panginoon. Kailangang buwagin natin ang makalaman na mga hilig, mga mithiin, at mga hangarin. (Roma 8:5-8; Santiago 1:14, 15) Ang paggawa ng gayon ay maaaring masakit, yamang ang salitang isinaling “hinahampas” ay literal na nangangahulugang ‘patamaan sa ilalim ng mata’ (Kingdom Interlinear). Datapuwat, hindi ba mas mainam na magka-black eye, wika nga, at mabuhay kaysa magbigay-daan sa mga hangarin ng makasalanang laman at mamatay?​—Ihambing ang Mateo 5:28, 29; 18:9; 1 Juan 2:15-17.

20. Bakit ngayon lalong higit na kailangang suriin kung papaano tayo tumatakbo sa takbuhan sa buhay?

20 Sa ngayon, tayo ay malapit na sa hantungan ng takbuhan. Malapit na ang panahon ng pagbibigay ng gantimpala. Para sa pinahirang mga Kristiyano, iyon ay “ang gantimpala ng paitaas na pagkatawag ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Filipos 3:14) Para naman sa mga kabilang sa malaking pulutong, iyon ay buhay na walang-hanggan sa lupang paraiso. Ngayong napakalaki ang nakataya, ating pagtibayin, gaya ng ginawa ni Pablo, na tayo’y maging desidido na “huwag itakwil sa papaano man.” Harinawang bawat isa sa atin ay isapuso ang tagubilin: “Magsitakbo kayo sa paraan na matatamo ninyo iyon.”​—1 Corinto 9:24, 27.

Natatandaan Mo Ba?

◻ Bakit angkop na ang buhay ng Kristiyano ay ihambing sa isang takbuhan?

◻ Papaanong ang takbuhan sa buhay ay naiiba sa isang literal na takbuhan?

◻ Bakit tayo kailangang patuloy na magpigil sa sarili at “sa lahat ng bagay”?

◻ Papaanong ang isa ay tumatakbo nang “hindi gaya ng nakikipagsapalaran”?

◻ Bakit mapanganib na ang pagsuntok ay maging parang “sumusuntok sa hangin”?

[Larawan sa pahina 16]

Ang korona ng kampeon, gayundin ang kaluwalhatian at karangalan, ay lumilipas

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share