ASIN
Ang puting tulad-kristal na compound ng sodium chloride (NaCl). May malalaking deposito ng mineral na asin sa ilalim ng lupa, anupat ang ilan ay daan-daang metro ang kapal. Ang mga karagatan naman ng daigdig ay may humigit-kumulang 3.5 porsiyentong asin, karamiha’y sodium chloride. Waring kaunting-kaunti lamang ito, ngunit ang isang kilometro kubiko ng tubig-dagat ay may halos 27 milyong metriko tonelada ng asin. Mga siyam na ulit pang mas maalat kaysa rito ang Dagat na Patay (Dagat Asin) na nasa Palestina. (Gen 14:3) Noon, madaling makakuha ng asin ang mga Israelita. Ang pagpapasingaw ng tubig na mula sa Dagat na Patay ay naglaan ng saganang suplay nito, bagaman ito’y mababang uri. May mga burol na naglalaman ng mga deposito ng asin malapit sa timugang dulo ng Dagat na Patay, di-kalayuan sa lugar kung saan naging haliging asin ang asawa ni Lot. (Gen 19:26; Zef 2:9) Ang mga suplay naman ng asin sa hilagang Palestina, kahit ang ilang bahagi man lamang nito, ay maaaring nanggaling sa mga taga-Fenicia, na sinasabing kumukuha niyaon sa pamamagitan ng pagpapasingaw ng tubig na mula sa Mediteraneo.
Sa kabila ng gayong halos di-maubos na suplay, hindi laging naging madali para sa tao na makakuha ng asin. Nagkaroon ng mga digmaan at mga rebolusyon dahil dito. Sa sinaunang Tsina, ang halaga ng asin ay pumangalawa sa ginto. Ang mga asawang babae at mga anak ay ipinagbili sa pagkaalipin kapalit lamang ng asin. Tumanggap naman ang mga kawal ni Cesar ng salaping pambili nila ng asin, anupat ang halagang iyon ay tinawag na salarium, na pinagmulan ng salitang Ingles na “salary.”—Ihambing ang Ezr 4:14.
Kinikilala ng Bibliya ang kahalagahan ng asin sa pagkain ng tao bilang pampalasa. (Job 6:6) Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, kailangang asnan ang anumang ihahandog kay Jehova sa altar, hindi para magkalasa, kundi walang alinlangang dahil ang asin ay kumakatawan sa kawalan ng kasiraan o kabulukan. (Lev 2:11, 13; Eze 43:24) Maliwanag na dahil dito kung kaya nag-imbak ng maraming asin sa bakuran ng templo. Tiniyak ni Ezra na may saganang asin para sa mga hain. (Ezr 6:9; 7:21, 22) Iniulat na si Antiochus III (mga 198 B.C.E.) ay nagbigay ng 375 medimni (mga 20 kl; 562 bushel) ng asin para sa paglilingkod sa templo.
Sinasabing ang asin ay nakapagpapagaling at magagamit bilang gamot at antiseptiko. Kung minsan, ang mga bagong-silang na sanggol ay kinukuskusan ng asin. (Eze 16:4) Sa limitadong dami nito, ang asin ay nakabubuti sa mga lupang maasido o kapag inihalo sa pataba, ngunit kapag hinayaang maipon sa lupa, pinapatay nito ang mga pananim at ang lupain ay nagiging tigang at di-mabunga, gaya ng nangyari sa dati’y matabang Libis ng Eufrates. Kung minsan, ang isang lunsod na hinatulan ng lubusang pagkawasak ay sadyang hinahasikan ng asin, anupat ipinapahayag ng pagkilos na ito ang pagnanais na ang dakong iyon ay manatiling tigang at baog nang walang hanggan.—Deu 29:22, 23; Huk 9:45; Job 39:5, 6; Jer 17:6.
Makasagisag na Paggamit. Sa Bibliya, madalas gamitin ang asin sa makasagisag na paraan. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Kayo ang asin ng lupa,” anupat sila’y may impluwensiya sa iba na tulad ng preserbatibo upang hadlangan ang espirituwal at moral na kabulukan. Maiingatan ng dala nilang mabuting balita ang buhay ng iba. Gayunman, sinabi rin niya sa kanila: “Ngunit kung maiwala ng asin ang bisa nito, paano maisasauli ang alat nito? Hindi na ito magagamit pa sa anumang bagay kundi itatapon sa labas upang mayurakan ng mga tao.” (Mat 5:13; Mar 9:50; Luc 14:34, 35) Ganito ang sabi ng isang komentarista sa Bibliya hinggil sa Mateo 5:13: “Ang asin na ginagamit sa bansang ito [Estados Unidos] ay isang kemikal na compound—muriate of soda—at kung mawala ang alat nito, o kung maiwala nito ang kaniyang lasa, wala nang matitira pa. Kalakip ito sa mismong kalikasan ng substansiyang iyon. Gayunman, sa mga bansa sa silangan, marumi ang asin na ginagamit, anupat may halong mga materya ng mga halaman at lupa; kaya naman maaari nitong maiwala ang lahat ng alat nito, at halos puro materya ng lupa ang matitira. Wala na itong silbi, maliban sa gamitin ito, gaya ng sinabi, bilang panambak sa mga landas, o mga daanan, gaya ng ginagawa natin sa graba. Karaniwan pa rin sa bansang iyon ang ganitong uri ng asin. Matatagpuan ito sa mga deposito o mga suson sa ilalim ng lupa, at kapag ito’y naarawan o naulanan, tuluyan itong nawawalan ng alat.”—Barnes’ Notes on the New Testament, 1974.
Dahil ang asin ay nakahahadlang sa pagkabulok ng isang bagay, naging sagisag ito ng katatagan at pagiging permanente. Kadalasan, kapag nagtitibay ng mga tipan, ang mga partido ay kumakaing magkakasama—anupat magkakasamang kumakain ng asin—na nagpapahiwatig naman ng walang-hanggang pagkamatapat sa isa’t isa na nasa pakikipagtipang iyon. Kaya ang “isang tipan ng asin” ay itinuturing na dapat na tuparin nang mahigpit. (Bil 18:19) Alinsunod dito, ang pananalita ng Judeanong si Haring Abias na si Jehova ay gumawa ng “isang tipan ng asin” kay David at sa kaniyang mga anak ay nangangahulugan na mananatili magpakailanman ang tipan sa linya ni David ukol sa paghahari. Napatunayang si Jesu-Kristo na “anak ni David” at “ugat ni David” ang siyang hahawak sa Kaharian at mangangasiwa sa mga gawain nito magpakailanman.—2Cr 13:4, 5; Aw 18:50; Mat 1:1; Apo 5:5; Isa 9:6, 7.
Sinabi ni Jesus: “Sapagkat ang bawat isa ay dapat maasnan ng apoy.” Dito, ang tinutukoy ng konteksto na aasnan ng apoy ng Gehenna ay lahat niyaong mga natitisod tungo sa isang makasalanang pamumuhay o yaong mga responsable sa gayong pagkatisod ng iba.—Mar 9:42-49.
Pagkatapos nito, ginamit naman ni Jesus ang terminong iyon sa naiibang diwa anupat sinabi niya: “Magkaroon kayo ng asin sa inyong sarili, at panatilihin ang kapayapaan sa isa’t isa.” (Mar 9:50) Ginamit din ito ng apostol na si Pablo sa katulad na paraan, sa pagsasabing: “Ang inyong pananalita nawa ay laging may kagandahang-loob, na tinimplahan ng asin, upang malaman kung paano kayo dapat magbigay ng sagot sa bawat isa.” (Col 4:6) Ang paggawi at pananalita ng isa ay dapat na laging kalugud-lugod, makonsiderasyon, mabuti, at tumutulong upang maingatan ang buhay ng iba.