Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 2/15 p. 4-7
  • Ang Pantubos—Naglahong Doktrina ng Sangkakristiyanuhan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pantubos—Naglahong Doktrina ng Sangkakristiyanuhan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Tanong na Hindi Nasagot
  • Pagkamatay ng Pantubos
  • Ang Repormasyon at ang Pantubos
  • Kung Bakit Nabigo ang mga Pinunong Relihiyoso
  • Isang Tagapagtaguyod ng Pantubos
  • Isang Katumbas na Pantubos Para sa Lahat
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Naglaan si Jehova ng “Pantubos na Kapalit ng Marami”
    Maging Malapít kay Jehova
  • Katubusan
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Ang Pantubos—Pinakamahalagang Regalo ng Diyos
    Ano ang Itinuturo sa Atin ng Bibliya?
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 2/15 p. 4-7

Ang Pantubos​—Naglahong Doktrina ng Sangkakristiyanuhan

ANG pantubos, ang paniwalang namatay si Jesus kapalit ng makasalanang sangkatauhan, ay pangunahin sa tunay na Kristiyanismo. Gayunman, ang doktrina ay matagal nang pinipintasan at nililibak ng mga teologo ng Sangkakristiyanuhan.

Bakit nga ba ganiyan? Hindi ba si Jesus mismo ang nagsabi sa Marcos 10:45: “Ang Anak ng tao ay naparito, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa na pantubos kapalit ng marami”?

Sinasabi ng iba na kailanman ay hindi namutawi kay Jesus ang mga salitang iyan, na pagkamatay niya ang mga ito ay binuo na lamang sa ilalim ng impluwensiya ni apostol Pablo. Ang iba’y nangangatuwiran na ang “pantubos” dito ay isang salitang talinghaga o na ang doktrina ay galing sa mitolohiyang Griego! Kaya naman ang pantubos ay halos naparam na sa mga turo ng simbahan.

Subalit, baka ikaw ay namamangha at ibig mong malaman kung papaano naunawaan ng mga unang Kristiyano ang kamatayan ni Jesus. Sinasabi sa atin ni Pablo sa 2 Corinto 5:14, 15: “Ang pag-ibig ng Kristo ang sapilitang nag-udyok sa amin, dahil sa ito ang aming ipinasiya, na isang tao ang namatay para sa lahat . . . upang ang mga nabubuhay ay hindi na mabuhay para sa kanilang sarili, kundi para sa kaniya na namatay para sa kanila at muling binuhay.” Anong pagkasimpli-simple ang doktrinang ito​—walang-wala ng masalimuot na mga pagbabago na nang malaunan ay ginawa rito ng mga teologo ng simbahan.

Posible ba na inimbento ni Pablo ang doktrinang ito? Hindi, sapagkat siya’y nagpapaliwanag sa 1 Corinto 15:3: “Ibinigay ko sa inyo, una sa lahat, ang akin namang tinanggap din, na si Kristo ay namatay dahil sa ating mga kasalanan ayon sa Kasulatan.” Maliwanag, matagal pa bago isinulat ni Pablo ang kaniyang mga liham, nauunawaan na ng mga Kristiyano na ang kamatayan ni Jesus ay nagsilbing isang hain, isang tunay na halagang ibinayad upang matubos ang makasalanang sangkatauhan, isang pantubos. Isa pa, gaya ng ipinakikita ni Pablo, kanilang naunawaan ang kamatayan ni Kristo bilang katuparan ng “Kasulatan,” samakatuwid nga, mga hula gaya ng Awit 22 at Isaias 53 sa Kasulatang Hebreo, o “Matandang Tipan.”

Mga Tanong na Hindi Nasagot

Kung ibig mong suriin ang mga pangyayari para sa iyong sarili, masusumpungan mo na ang mga turong apostata ay sumingit sa Kristiyanismo noon pa mang malapit sa panahon ng mga apostol. (Gawa 20:29, 30; 2 Timoteo 4:3, 4) Gayunman, ang paniwala sa haing pantubos ni Kristo ay nagpatuloy, gaya ng ipinakikita ng mga isinulat ng sinaunang mga Ama ng Simbahan. Gayunman, nang ang doktrina ng pantubos ay saliksikin ng ilang teologo noong bandang huli, sila’y nagbangon ng mga ilang mahihirap na katanungan, tulad halimbawa ng, Kanino ba ibinayad ang pantubos? At bakit kailangan ang gayong pagbabayad?

Noong ikaapat na siglo C.E., si Gregory ng Nyssa at ang mga iba pa ay nagpaliwanag ng paniwala na kay Satanas na Diyablo ibinayad ang pantubos! Si Satanas, ayon sa kanilang pangangatuwiran, ang siyang may pigil sa tao, at isang pantubos ang ibinayad sa kaniya upang makalaya ang sangkatauhan. Gayunman, isang kontemporaryo na nagngangalang Gregory ng Nazianzus ang nakakita ng isang maluwang na butas sa teoryang ito. Ipinahihiwatig nito na ang Diyos ay may utang na loob sa Diyablo​—tunay na katawa-tawa nga! Ang ideya ng isang pantubos na ibinayad sa Diyablo ay umiral bagaman gayon at nagpatuloy nang daan-daang taon.

Ang pantubos kaya ay sa Diyos mismo ibinayad? Sinabi ni Gregory ng Nazianzus na siya’y nakakita rin ng mga suliranin sa ideyang ito. Yamang ‘tayo’y wala sa pagkaalipin sa [Diyos],’ bakit kakailanganin na magbayad sa kaniya ng pantubos? Isa pa, ‘ang Ama kaya ay malulugod sa pagkamatay ng kaniyang Anak’ sa pamamagitan ng paghingi ng isang pantubos? Waring mahihirap na mga tanong na nagbabangon ng pag-aalinlangan tungkol sa pantubos mismo.

Pagkamatay ng Pantubos

Ang iyong pagsisiyasat sa bagay na ito ay maaaring magdala sa iyo hanggang sa maagang bahagi ng ika-12 siglo. Si Anselm, Arsobispo ng Canterbury ay nagtangkang sagutin ang mga tanong na ito sa kaniyang aklat na Cur Deus Homo (Kung Bakit ang Diyos ay Naging Tao). Ang aklat na ito ay nagturo na ang pagkamatay ni Jesus ay nagsilbing paraan ng kaganapan ng banal na katarungan, bagaman hindi bilang isang pantubos. May paniwala si Anselm na ang pagpapatawad sa kasalanan sa pamamagitan ng isang pantubos nang hindi binibigyan ng kaganapan ang katarungan ay katumbas ng pagpayag na magpatuloy ang kasalanan nang hindi itinutuwid. “Subalit hindi magagawa ng Diyos na iwanan na hindi naitutuwid ang anumang bagay sa Kaniyang Kaharian,” ang sabi ni Anselm. Kung gayon, papaano itinuwid ng Diyos ang mga bagay-bagay?

Sa pangangatuwiran na ‘ang kasalanan ay di-paggalang sa Diyos,’ sinabi ni Anselm na hindi sapat na “basta isauli ang nawala” dahil sa kasalanan ni Adan. Dahil sa ang Diyos ay nainsulto, ang isang pantubos​—maging ang paghahain man ng isang sakdal na tao​—ay hindi makasasapat. “Sa pagsasaalang-alang sa nagawang insulto,” ang pangangatuwiran ng klerigo, “higit kaysa nawala ang kailangang isauli.” (Amin ang italiko.) Ipinangatuwiran ni Anselm na nangangailangan ito ng kamatayan ng isa na “kapuwa Diyos at tao”!

Anuman ang epekto sa inyo ng mga turo ni Anselm, ang mga ito ay nagtagumpay sa kaniyang mga kontemporaryo at nagpatuloy na makaimpluensiya hanggang sa ating kaarawan. Oo, minsanan, kapuwa pinatibay ni Anselm ang doktrina ng Trinidad at dinagukan ng kamatayan ang pantubos, kahit man lamang sa Sangkakristiyanuhan! “Kasiyahan” ang naging bukambibig ng mga teologo, ang terminong “pantubos” ay unti-unting naglaho. Gayunman, ang mga teorya ni Anselm ay salig halos ang buong kabuuan sa magdarayang lohika, hindi sa Bibliya. At habang lumalakad ang panahon, ang mga iskolar na tulad baga ni Thomas Aquinas ay nagsimulang pagpira-pirasuhin ang teorya ni Anselm ng “kasiyahan” sa tulong ng kanilang sariling tusong lohika. Lumaganap ang pagbabakasakali. Dumami ang teorya ng pantubos, at ang debate ay mabilis na lumayo sa Kasulatan at patuloy na napabaon sa pangangatuwiran, pilosopya, at mistisismo ng tao.

Ang Repormasyon at ang Pantubos

Ngayon, lumapít-lapít naman tayo sa panahon natin. Nang ang bagyo ng Repormasyong Protestante ay dumagsa noong ika-16 na siglo, isang radikal na grupong tinatawag na Socinians ang isinilang.a Kanilang itinatuwa na ang kamatayan ni Jesus sa anumang paraan ay “nagdala ng kaligtasan para sa atin,” anupa’t ang gayong paniwala ay sinabing “walang katotohanan, mali, at totoong nakapipinsala . . . , laban sa Kasulatan at sa katuwiran.” (The Racovian Catechisme) Yamang ang Diyos ay malayang nagpapatawad, hindi na kailangan ang pagkakapit ng katarungan. Ang kamatayan ni Kristo, ayon sa kanilang sabi, ay tumubos dahil sa bagay na pinakilos nito ang mga tao na tularan ang kaniyang sakdal na halimbawa.

Sa dagok na idinulot nito at ng iba pang mga erehiya, ang Iglesiya Katolika ay naglunsad ng isang kontra-atake, sa pagdaraos ng pulong ng Konsilyo ng Trent (mula 1545 hanggang 1563 C.E.). Subalit bagaman nagkaroon ng mga paninindigan tungkol sa maraming isyu na may kinalaman sa doktrina, ang konsilyo ay nagkaroon ng malabong tunguhin at hindi sinabi nang tiyakan kung ano ang paninindigan tungkol sa pantubos. Binanggit nito ang ‘merito ni Jesu-Kristo’ at ginamit ang terminong “kasiyahan” ngunit maingat na umiwas sa terminong “pantubos.” Kaya naman, hindi rin nagawa ng simbahan na ipakita ang paninindigan na dapat sanang malinaw na nakasalig sa Kasulatan. Ang haka-haka pa rin ang patuloy na nanaig.

Kung Bakit Nabigo ang mga Pinunong Relihiyoso

Sapol noong Konsilyo ng Trent, ang mga teologo​—Katoliko at Protestante​—ay nakabuo ng napakaraming teorya tungkol sa pagtubos. (Tingnan ang kahon sa pahina 7.) Gayunman, hindi man lamang nababanaag ang pagkakaisa sa kahulugan ng kamatayan ni Kristo. Ang mga teologo ay doon lamang nagkakaisa sa kanilang pagkasuklam sa termino ng Kasulatan na “pantubos,” kanilang niwawalang-pansin ito, tinatabunan upang huwag gaanong makatawag ng pansin, o ipinaliliwanag upang lalong lumabo. Ang kahulugan ng kamatayan ni Kristo ay ipinaliliwanag ayon sa hindi maintindihang teknikal na mga pangungusap, masalimuot at pinilipit na lohikang walang katotohanan, at pagkatatayog na mga termino, tulad baga ng “moral influence” at “representative physical satisfaction” (sa wikang Ingles). Imbis na patibayin ang pananampalataya sa kamatayan ni Kristo, ang kaniyang pahirapang tulos ay ginawa ng klero ng Sangkakristiyanuhan na isang nakatatarantang batong katitisuran.

Ano ba ang mapagbabatayang dahilan ng matinding kabiguang ito? Ayon sa teologong Katoliko na si Boniface A. Willems ito raw ay dahil sa ang mga teologo ay “edukado sa isang maingat-na-ginuguwardiyahang pagkabukod”​—totoong napakalayo sa talagang pangangailangan ng mga tao.b Ikaw ba ay hindi nahihilig na sumang-ayon sa ganiyang pagkakilala? Subalit, ang Jeremias 8:9 ay higit pa riyan ang sinasabi, na tumutukoy sa talagang ugat ng suliranin: “Narito! Kanilang itinakuwil ang mismong salita ni Jehova, at anong karunungan ang taglay nila?”

Ipagpalagay natin, ang doktrina ng pantubos ay maaari ngang nagbibigay-daan sa pagbangon ng ilang mahihirap na mga katanungan. (2 Pedro 3:16) Subalit sa halip na saliksikin ang Kasulatan para sa mga kasagutan, ang ginamit ng mga teologo ay karunungan at lohika ng tao. (1 Corinto 1:19, 20; 2:13) Waring kanilang tinatanggihan ang anumang bahagi ng Bibliya na hindi naaayon sa kanilang mga guniguni​—o mga bungang-isip. (2 Timoteo 3:16) Ang kanilang itinataguyod ay mga turo na wala sa Kasulatan, tulad baga ng doktrina ng Trinidad. (Juan 14:28) At ang kanilang pinakamalaking kabiguan ay nasa bagay na kanilang ginawang lalong mahalaga ang kaligtasan ng tao, hindi nila pinansin ang lalong mahahalagang isyu tungkol sa pangalan at Kaharian ng Diyos.​—Mateo 6:9, 10.

Isang Tagapagtaguyod ng Pantubos

Ngayon, pakisuyong magpatuloy ka ng iyong pagsusuri hanggang sa mga huling taon ng dekada ng 1800. Isang may takot sa Diyos na lalaking nagngangalang Charles Taze Russell ang humiwalay sa noo’y usong teolohiya at nagsimula ng paglalathala ng mismong lathalaing ito​—Ang Bantayan. “Noong una pa lamang,” nagunita pa ni Russell, “ito’y naging isang natatanging tagapagtaguyod ng Pantubos.”

Ang Bantayan ay nagpapatuloy na magsilbi sa gayong layunin hanggang sa araw na ito. Sa mahigit na isandaang taon, ito’y naglathala ng matatatag na dahilan buhat sa Kasulatan upang makapaniwala sa pantubos, at ito’y nagbigay ng makatuwiran, maka-Kasulatang mga tugon sa mga hamon ng mga kritiko. Kaya kami ay nag-aanyaya ngayon sa inyo na magpatuloy pa na suriin ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kamatayan ni Jesus at sa kahulugan nito.

[Mga talababa]

a Tingnan ang “The Socinians​—Bakit Nila Tinanggihan ang Trinidad?” sa ating kasamang magasin na Gumising! ng Nobyembre 22, 1988.

b Ngayon, pansinin ang sariling teorya ni Willems sa kahon sa itaas.

[Kahon sa pahina 7]

MGA HALIMBAWA NG MGA TEORYA SA PAGTUBOS

◻ REKTORAL, O PANGGOBYERNO, NA TEORYA: Ito’y binuo ng Olandes na Teologong si Hugo Grotius noong ika-17 siglo upang ilaban sa mga kuru-kuro ng mga Socinian. Ang tingin ni Grotius sa kamatayan ni Kristo ay “isang uri ng legal na transaksiyon, na ang Diyos ay gumaganap ng papel ng Rektor o Gobernador, at ang tao ang gumaganap nang may sala.”​—Encyclopædia of Religion and Ethics ni Hastings.

◻ MAHALAGANG PAGTUBOS NA TEORYA: Ito’y isang mungkahi noong 1946 ng teologong Protestante na si Clarence H. Hewitt. Kaniyang minalas ang gawain ni Kristo, hindi bilang isang parusa ng batas na pinakabayad, kundi nagpapalaya sa atin buhat sa pagkaalipin sa batas ng kasalanan at kamatayan at umaakay sa pagsisisi at maka-Diyos na kalungkutan, sa gayo’y dinadala tayo sa isang kalagayang mapatatawad sa harap ng Diyos.’

◻ PAGTUBOS SA PAMAMAGITAN NG SAMAHANG KRISTIYANO: Para naman sa Romano Katolikong teologo na si Boniface A. Willems (1970) ang “katubusan” ay katulad ng “pagtalikod sa ating pagka-ako muna at pagbubukas ng ating mga puso sa isa’t isa.” Kaniyang isinusog: “Ang ideyang Kristiyano ng paghalili o tinitiis na pagdurusa ay yaong bagay na alam ng isa na siya’y lubusang kaugnay ng sinalanta ng kasalanang lahi ng sangkatauhan. . . . Ang Simbahan kung gayon ang kaibigan ng mga handang mamuhay na may pantanging paglilingkod alang-alang sa iba.”

◻ PAGSASANGKALANG TEORYA: Ito’y iminungkahi noong 1978 ng teologong Katoliko na si Raymund Schwager. Kaniyang tinanggihan ang ideya na ang Diyos ay “hihiling ng mata sa mata.” Kaniyang minalas ang hain ni Kristo bilang isang uri ng pampurga (panlinis) na nagbibigay ng pagkakataon sa lipunan ng tao na ibulalas​—at sa gayo’y maalis​—ang katutubong hilig sa karahasan.

◻ SOSYO-PULITIKAL NA PAGKATUBOS: Ang Baptist na teologong si Thorwald Lorenzen ay sumulat noong 1985: “Hindi lamang hinahangad ng Diyos ang relihiyosong kapatawaran para sa makasalanan kundi gayon din ang pulitikal na kalayaan para sa mga dukha at naaapi. . . . Samakatuwid, ang kamatayan ni Jesus ay nagsisiwalat ng isang Diyos na interesado sa kagalingan ng lahat ng antas ng buhay ng tao.”

[Larawan sa pahina 5]

Ang mga teologong Protestante at Katoliko ay nakabuo ng maraming teorya tungkol sa pagtubos at sa pantubos, subalit ano ba ang itinuturo ng Bibliya?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share