Maaaring Makadaya ang Hitsura
“HINDI mapagkakatiwalaan ang hitsura,” ang sabi ng dramatistang Irish na si Richard Sheridan. Ito’y totoo tungkol sa mga punungkahoy at gayundin sa mga tao.
Isang araw noong magtatapos na ang Marso noong taóng 33 C.E., si Jesu-Kristo ay nakátanaw ng isang punong igos samantalang siya at ang kaniyang mga alagad ay naglalakad mula Betania patungong Jerusalem. Ang punò ay hitik na hitik sa dahon, subalit nang lapitan upang tingnan ay nakita na iyon ay walang isa mang bunga. Kaya sinabi rito ni Jesus: “Sino mang tao’y hindi kakain ng iyong bunga mula ngayon at magpakailanman.”—Marcos 11:12-14.
Bakit ba isinumpa ni Jesus ang punungkahoy na iyon yamang, gaya ng paliwanag ni Marcos, “iyon ay hindi panahon ng mga igos”? (Marcos 11:13) Buweno, pagka ang isang punong igos ay nagdahon, karaniwan nang iyon ay maagang namumunga. Hindi pangkaraniwan para sa isang punong igos na magkaroon ng mga dahon sa panahong iyon ng isang taon. Subalit yamang mayroon iyon ng mga dahon, may katuwiran naman si Jesus na hanapan iyon ng mga bunga. (Tingnan ang larawan sa itaas.) Yamang ang isinibol lamang ng punong iyon ay wala kundi mga dahon nangangahulugan na hindi magbubunga iyon. Ang hitsura niyaon ay nakadaraya. Yamang ang mga punong namumunga ay ibinabayad ng buwis, ang isang punong walang bunga ay isang pabigat sa kabuhayan at kailangang putulin.
Ginamit ni Jesus ang baog na punong igos na iyon upang ipaghalimbawa ang isang mahalagang aralin tungkol sa pananampalataya. Kinabukasan, ang kaniyang mga alagad ay nangagtaka nang makitang natuyo na ang punò. Ipinaliwanag ni Jesus: “Magkaroon kayo ng pananampalataya sa Diyos. . . . Ang lahat ng bagay na inyong idinadalangin at hinihingi ay magsisampalataya kayo na inyong tinanggap na, at inyong kakamtin.” (Marcos 11:22-24) Bukod sa paghahalimbawa sa pangangailangan na manalangin nang may pananampalataya, ang natuyong punong igos ay malinaw na nagpapakita kung ano ang mangyayari sa isang bansang walang pananampalataya.
Ilang mga buwan bago nangyari ito, ang bansang Judio ay inihalintulad ni Jesus sa isang punong igos na hindi namunga nang may tatlong taon at puputulin na kung magpapatuloy na baog. (Lucas 13:6-9) Sa pamamagitan ng sumpa sa punong igos mga apat na araw lamang bago siya namatay, ipinakita ni Jesus kung papaano ang bansang Judio ay hindi namunga ng mga bagay na karapat-dapat sa pagsisisi at sa gayo’y nakatakda sa pagkapuksa. Bagaman ang bansang iyon—tulad ng punong igos—ay parang malusog ang hitsura, ang malapitang pagmamasid ay nagpapatunay na kulang iyon ng pananampalataya na ang resulta’y ang pagtatakwil sa Mesiyas.—Lucas 3:8, 9.
Sa kaniyang Sermon sa Bundok, si Jesus ay nagbabala laban sa “mga bulaang propeta” at nagsabi: “Sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo sila. Ang mga tao ba’y makapangunguha ng ubas sa mga tinikan o ng igos sa mga dawagan? Gayundin naman ang bawat mabuting punungkahoy ay nagbubunga ng mabuti, datapuwat ang masamang punungkahoy ay nagbubunga ng masama; hindi maaari na ang mabuting punungkahoy ay magbunga ng masama, at ang masamang punungkahoy ay magbunga ng mabuti. Bawat punungkahoy na hindi nagbubunga ng mabuti ay pinuputol at inihahagis sa apoy. Kaya, sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo ang mga taong iyon.” (Mateo 7:15-20) Ang mga salitang ito ni Jesus at ang salaysay tungkol sa isinumpang punong igos ay malinaw na nagpapakitang kailangang tayo’y maging mapagbantay sa espirituwal, sapagkat ang mga anyong relihiyoso ay maaari ring makadaya.