Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • it-1 “Kalapati”
  • Kalapati

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kalapati
  • Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
  • Dumi ng Kalapati
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Tapat at Nagtutulungang mga Magulang
    Gumising!—2009
Iba Pa
Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
it-1 “Kalapati”

KALAPATI

[sa Heb., yoh·nahʹ; sa Gr., pe·ri·ste·raʹ; sa Ingles, dove at pigeon].

Ang kalapati ay isa sa unang dalawang ibon na espesipikong binanggit sa Bibliya, anupat tatlong beses na nagpalipad si Noe ng kalapati pagkatapos ng Baha upang malaman kung gaano na kababa ang tubig. (Gen 8:8-12) Ipinapalagay na ang pangalang Hebreo na yoh·nahʹ ay hinalaw sa salitang ʼa·nahʹ, nangangahulugang “magdalamhati,” at maliwanag na itinulad ito sa tila nagdadalamhating kurukutok ng kalapati. (Isa 38:14; 59:11, 12; Eze 7:16; Na 2:7)​—Tingnan ang BATU-BATO.

Mga Uri ng Kalapati at Paglalarawan. Ang pinakakaraniwang mga uri ng kalapati sa Israel ay ang rock dove (Columba livia), ring dove (Columba palumbus; tinatawag ding wood pigeon), at stock dove (Columba oenas). Ang ring dove ay partikular na makikita sa mga kagubatan ng Gilead at Carmel. Ang stock dove ay pangunahin nang tumatahan sa palibot ng Jerico at sa silangan ng Jordan, at ang rock dove naman ay sa mga baybaying lupain, sa kahabaan ng mga bangin ng Libis ng Jordan at sa matataas na lupain sa dakong kanluran. Ang mga kalapati ay karaniwan nang may mabilog na katawan at malaking pitso, magandang leeg, maliit at bilugang ulo na may manipis na tuka, at maiikling binti. Dapang-dapa ang mga balahibo nito, kung kaya napakakinis ng hitsura ng ibong ito. Ang mga kalapati ay kadalasang kulay abuhing asul, samantalang ang ilan ay may kisap ng iba’t ibang kulay sa ilang bahagi ng kanilang balahibo, na mistulang metal sa sikat ng araw. Maaaring ito ang ipinahihiwatig sa Awit 68:13, bagaman ipinapalagay ng ilan na ang pagbanggit sa “mga pakpak ng kalapati na nababalutan ng pilak at ang mga bagwis nito ng manilaw-nilaw na luntiang ginto” ay tumutukoy sa isang magarbong obra na nasamsam.

Ang kalapati ay may maamong hitsura at ugali, kung kaya inilalarawan ito bilang ‘ang tupa sa daigdig ng mga ibon.’ Kaya naman noon at ngayon, ang pangalang Jonas (Yoh·nahʹ) ay isang popular na pangalan para sa mga batang lalaking Judio. (Jon 1:1) Kilalá ang mga ibong ito sa kanilang debosyon sa kapareha nila at sa kanilang pagmamahal, at kapag nagliligawan ay pinagdidikit nila ang kanilang mga ulo at mga tuka na kagayang-kagaya ng magkasintahang naghahalikan. Kaya naman ang pananalitang “kalapati ko” ay ginamit ng pastol na mangingibig ng dalagang Shulamita bilang angkop na termino ng pagmamahal. (Sol 5:2) Ang mga mata ng dalaga ay inihambing sa maaamong mata ng kalapati (Sol 1:15; 4:1), at inihambing naman niya ang mga mata ng pastol sa abuhing-asul na mga kalapati na naliligo sa gatas, anupat ang magandang simili na ito ay maliwanag na tumutukoy sa maitim na iris na napalilibutan ng puti ng mata. (Sol 5:12) Mahilig maligo ang mga kalapati, kaya mas gusto nilang mamugad malapit sa tubig. Naiiba sila sa lahat ng ibon dahil sa kanilang kakaibang paraan ng pagpapakain sa kanilang mga inakáy ng “gatas ng kalapati,” isang substansiya na parang kurtadong gatas na nanggagaling sa butsi ng mga magulang na kalapati. Ang mga inakáy ng mga kalapati, tinatawag na pitson, ay karaniwang kinakain sa maraming lupain.

Palibhasa’y matatakutin, anupat nanginginig kapag natatakot (Os 11:11), ang kalapating ligáw ay karaniwan nang namumugad sa mga libis (Eze 7:16), samantalang ang rock dove naman ay namumugad sa mga nakaungos na bahagi at mga butas ng mga dalisdis at mabatong mga bangin. (Sol 2:14; Jer 48:28) Ang mga alagang kalapati ay umuuwi sa mga bahay na ginawa para sa kanila. anupat kapag dumaraan ang malaking kawan ng mga kalapati ay mistula silang ulap dahil sa puting ilalim ng kanilang mga pakpak. (Isa 60:8) May nahukay sa Israel na mga bahay ng kalapati, na ang ilan ay malalaki.

Ang kalapati ay malakas at matuling lumipad, anupat umaabot ito sa bilis na mahigit 80 km/oras (50 mi/oras). Dahil sa ugali nito na umuwi sa kaniyang bahay, mula pa noong sinaunang panahon ay ginagamit na ito upang maghatid ng mensahe. Di-tulad ng mga nabigante na kailangang gumamit ng mga chronometer at mga sextant upang malaman ang kanilang posisyon, halos alam kaagad ng mga homing pigeon, sa pamamagitan ng pakikiramdam sa magnetic field ng lupa at dahil sa posisyon ng araw, kung saang direksiyon sila lilipad, pakawalan man sila sa naiibang teritoryo na daan-daang kilometro ang layo sa kanilang tahanan. Awtomatiko nilang isinasaalang-alang ang galaw ng araw sa kalangitan upang hindi sila magkamali ng direksiyon sa kanilang paglipad.

Ang mga kalapati ay may malalakas na pakpak, nakalilipad nang malalayong distansiya sa paghahanap ng pagkain, at mabilis nilang natatakasan ang karamihan sa kanilang mga kaaway. (Aw 55:6-8) Gayunman, ang mga kalapati ay mapagtiwala sa mga tao kung kaya madali itong mabitag o masilo ng lambat. Sa gayon, ang apostatang Efraim, na may-kamangmangang nagtiwala sa Ehipto at sa Asirya, ay itinulad sa “mangmang na kalapati,” na nakatakdang mahuli sa isang lambat. (Os 7:11, 12) Nang babalaan ni Jesus ang kaniyang mga alagad laban sa tulad-lobong mga mananalansang, hindi lamang niya sila pinayuhan na maging “walang muwang na gaya ng mga kalapati” kundi “maging maingat [din] gaya ng mga serpiyente.”​—Mat 10:16.

Noong bautismuhan si Jesus at pahiran siya ng banal na espiritu ng Diyos, ang banal na espiritung iyon ay lumitaw “sa hugis ng katawang tulad ng isang kalapati,” anupat marahil ay nakita iyon na lumapag kay Jesus gaya ng kalapating dumadapo sa kaniyang dapuan. (Luc 3:22; Mat 3:16; Mar 1:10; Ju 1:32-34) Ito ay isang angkop na sagisag, dahil sa katangian nito ng kawalang-muwang.​—Mat 10:16.

Ginamit Bilang Haing Hayop. Ang mga kalapati ay ginamit sa paghahain, anupat kabilang ito sa mga paninda ng mga nangangalakal noon sa templo sa Jerusalem, bagaman maaaring ang ipinahihiwatig dito ng terminong “mga kalapati [sa Gr., pe·ri·ste·rasʹ]” ay “mga batu-bato” o “mga inakáy na kalapati” na binanggit sa Kautusang Mosaiko.​—Mar 11:15; Ju 2:14-16.

Karaniwan na, tinutumbasan ng mga salin ng Bibliya ang Hebreong yoh·nahʹ ng “kalapati” tanging sa mga teksto hinggil sa mga hain, kung saan lagi ring binabanggit ang “mga batu-bato” (sa Heb., to·rimʹ). Ang pananalitang “(mga) inakáy na kalapati” (NW, KJ, RS) sa Hebreo ay literal na nangangahulugang “(mga) anak ng kalapati.” Kasama ng mga batu-bato, ang mga kalapati ay tinatanggap bilang handog na sinusunog (Lev 1:14); isang pares nito ang maaaring ihandog niyaong mga napakadukha na hindi makapagbigay ng isang babaing kordero o batang kambing bilang handog ukol sa pagkakasala (Lev 5:5-7); isang kalapati (o isang batu-bato) na handog ukol sa kasalanan ang isasama sa ihahandog na batang barakong tupa sa mga ritwal ng pagpapadalisay sa isang babae pagkatapos niyang magsilang maliban kung wala siyang kakayahang maghandog ng barakong tupa, anupat sa kasong iyon ay puwede na ang “dalawang inakáy na kalapati” (Lev 12:6-8) (gaya ng ginawa ni Maria noong magpadalisay siya matapos niyang isilang si Jesus; Luc 2:22-24); at isang pares ng kalapati o batu-bato ang isasama sa mga handog para sa pagpapadalisay ng isang tao na gumaling na ang pag-agas (Lev 15:13, 14, 28, 29). Tinatanggap din ang mga ito para sa paglilinis sa Nazareo mula sa karungisan.​—Bil 6:10.

Bagaman tiyak na maraming pamilyang Judio ang may sariling mga kalapati, ang pananalitang, “At kung hindi niya abot-kaya ang dalawang batu-bato o ang dalawang inakáy na kalapati,” ay maliwanag na nagpapahiwatig na ang mga ito ay kadalasang binibili para sa paghahain.​—Lev 5:11.

Ang terminong Hebreo na goh·zalʹ, na ginamit sa ulat ng paghahandog ni Abraham nang ‘pagtibayin ni Jehova kay Abram ang isang tipan,’ ay ipinapalagay na tumutukoy sa “isang inakáy na kalapati.” (Gen 15:9, 18) Ito ay dahil laging magkasama ang kalapati at ang batu-bato sa mga haing itinakda sa Kautusan na ibinigay sa Israel nang maglaon. Ang salitang Hebreo ring ito ay isinaling “inakáy” sa Deuteronomio 32:11. Tiyak na kasama ang kalapati sa hain ni Noe, yamang kabilang sa haing iyon ang “ilan . . . sa lahat ng malilinis na lumilipad na nilalang.”​—Gen 8:20.

Ang probisyon ng Kautusan na maaaring maghandog ng alinman sa mga inakáy na kalapati o mga batu-bato ay isang kumbinyenteng kaayusan para sa mga Judio, yamang ang karamihan sa mga batu-bato ay umaalis sa lupain ng Israel sa mga buwan ng taglamig, samantalang ang mga kalapati naman ay nananatili roon sa buong taon.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share