Mga Aral Mula sa Kasulatan: Malakias 1:1–4:6
Ang Tunay na Panginoon ay Dumarating Para Maghukom
WALANG kabuluhan ang maglingkod sa Diyos.” (Malakias 3:14) Ang ganiyang di-paniniwala ay sinambit ng sariling bayan ng Diyos nang manghula si Malakias noong ikalimang siglo B.C.E. Bakit? Sapagkat masasamang kalagayan ang umiral sa Juda, lalo na sa gitna ng mga saserdote. Ang mapag-imbot na pakinabang ang kanilang pangunahing layunin. Sa isang tuwiran at mabisang paraan, ibinunyag ni Malakias ang mapagpaimbabaw na mga pinunong relihiyoso at siya’y nagbabala na ang tunay na Panginoon ay darating para maghukom.—Malakias 1:6-8; 2:6-9; 3:1.
Ang hula ni Malakias ay may katuparan sa ating sariling kaarawan. Kung gayon, makabubuting isaalang-alang natin ang mga aral na taglay nito.
Paghamak sa Pangalan ng Diyos
Inaasahan ni Jehova na ang kaniyang bayan ay maghahandog sa kaniya ng kanilang pinakamagaling. Una muna’y ipinahahayag ng Diyos ang kaniyang pag-ibig sa kaniyang bayan. Gayumpaman, ang mga saserdote ay nanghahamak sa kaniyang pangalan sa pamamagitan ng pagtanggap sa mga tao ng mga hayop na bulag, maysakit, at pilay para ihain. Si Jehova ay walang kaluguran sa mga saserdoteng naglilingkod sa kanilang sarili o sa mabababang uring mga handog ng kanilang mga kamay. Subalit anuman ang kanilang gawin, “ang pangalan [ni Jehova] ay magiging kakila-kilabot sa gitna ng mga bansa.”—1:1-14.
Ang mga tagapagturo ay may mabigat na pananagutan. (Santiago 3:1) Ang mga saserdote ang dahilan kung bakit “marami ang natitisod sa kautusan.” Sa papaano nga? Sa hindi nila pagtuturo sa mga tao ng kautusan ng Diyos at pagpapakita ng pagkiling sa iba. Si Jehova ay may katuwirang magalit sa kanila, “sapagkat ang labi ng isang saserdote ang dapat na mag-ingat ng kaalaman, at ang kautusan ang dapat hanapin ng mga tao sa kanilang bibig.”—2:1-9.
Hindi ipinagwawalang-bahala ni Jehova yaong mga hindi nagpapahalaga sa kaayusan ng pag-aasawa. Labag sa kautusan ng Diyos, ang mga lalaki sa Juda ay kumuha ng mga babaing banyaga bilang asawa. (Deuteronomio 7:3, 4) Sila’y nagtaksil sa asawa ng kanilang kabataan sa pamamagitan ng paghiwalay sa mga ito. “Kinapopootan [ni Jehova] ang paghihiwalay,” ang babala ni Malakias.—2:10-17.
Paghatol at Pagdalisay
Hindi kukunsintihin magpakailanman ni Jehova ang gawang masama. “Ang tunay na Panginoon” ay darating sa kaniyang templo, kasama “ang sugo ng tipan.” Kaniyang dadalisayin at lilinisin ang mga anak ni Levi. Si Jehova ay magiging isang mabilis na Saksi laban sa mga manghuhula, mangangalunya, mga sinungaling na manunumpa, sa mga magdaraya, at mga mang-aapi.—3:1-5.
Yaong mga nagkakait ng kanilang handog kay Jehova ay nagdudulot-karalitaan sa kanilang sarili. Si Jehova ay di-nagbabago. Kung ang napaligaw na mga tao ay babalik sa kaniya, kaniyang kaaawaan at patatawarin sila. Kanilang ninanakawan ang Diyos sa hindi nila pagbibigay ng ikapu at ng mga abuloy. Subalit kung kanilang dadalhin ang ikasampung bahagi, si Jehova ay nangako ng isang pagpapala “hanggang sa wala nang pangangailangan.” Sila’y daranas ng walang pagkabisalang pamumunga.—3:6-12.
Ang mga mata ni Jehova ay nakapako sa kaniyang bayan. Hinaharap ni Jehova yaong mga nagsasalita ng mabibigat laban sa kaniya. Sa kabaligtaran, kaniyang maingat na binibigyang-pansin yaong mga natatakot sa kaniya. “Isang aklat ng alaala” ang isusulat para sa “mga nag-iisip tungkol sa kaniyang pangalan.” Makikita ng kaniyang bayan ang pagkakaiba ng matuwid at ng balakyot.—3:13-18.
Dumarating ang Araw ni Jehova!
Ang araw ni Jehova ay mangangahulugan ng lubos na pagkapuksa para sa mga balakyot. Ang araw ni Jehova ay dumarating, at ang mga balakyot ay susunuging gaya ng dayami sa isang nagniningas na hurno. Sila’y lalamunin ng apoy, at hindi mag-iiwan ‘ng ugat ni sanga man.’ Para naman sa natatakot sa pangalan ni Jehova, kanilang tatamasahin ang pagpapagaling na idudulot ng “araw ng katuwiran.” Bago sumapit ang kakila-kilabot na araw na ito, susuguin ni Jehova si Elias na propeta upang gawin ang isang gawaing pagsasauli.—4:1-6.
Mga aral para sa ngayon: Kung tungkol sa pagsamba, hinihiling ni Jehova na handugan siya ng kaniyang bayan ng kanilang pinakamagaling. (Ihambing ang Mateo 22:37, 38.) Ang mga tagapagturo ng Salita ng Diyos ay may pananagutan na magturo sa wastong paraan at akayin ang iba sa tunay na pagsamba. Makabubuting tandaan natin na ang mga mata ng Diyos ng katarungan ay nagmamasid sa mga hindi nagpapakita ng wastong paggalang sa pag-aasawa at sa mga gumagawa ng masama. Harinawang tayo’y mapakumbabang sumailalim ng gawang pagdalisay at paglilinis na ginagawa ng tunay na Panginoon habang tayo’y may pananabik na naghihintay sa “pagdating ng dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova”!
[Kahon sa pahina 30]
MGA SINURING TEKSTO SA BIBLIYA
○ 1:10—Ang mapag-imbot, masasakim-sa-salaping mga saserdote ay naglilingkod para sa sariling pakinabang. Sila’y sumisingil ng bayad ukol sa pinakasimpleng paglilingkod sa templo, tulad halimbawa ng pagsasara ng mga pintuan o pagsisindi ng ilawan sa dambana. Hindi katakatakang si Jehova ay ‘hindi nalugod sa mga bagay na inihahandog ng kanilang mga kamay’!
○ 1:13—Isang nakasasawang seremonya, isang pasanin, ang tingin ng walang pananampalatayang mga saserdote sa mga handog na hain. Kanilang iniismiran, o hinahamak, ang mga banal na bagay na ukol kay Jehova. Huwag nating tulutang “ang mga guyang baka ng ating mga labi” ay ihandog bilang isang pormalidad lamang!—Oseas 14:2; Hebreo 13:15.
○ 2:13—Marami sa mga lalaking Judio na may-asawa ang humihiwalay sa asawa ng kanilang kabataan, marahil upang mag-asawa ng mas batang mga babaing pagano. Ang dambana ni Jehova ay nalulunod sa mga luha—marahil mga luha ng itinakuwil na mga asawang babae na naparoon sa santuwaryo upang ibuhos ang kanilang dalamhati sa harap ng Diyos.—Malakias 2:11, 14, 16.
○ 3:1—“Ang tunay na Panginoon” ay si Jehovang Diyos, at “ang sugo ng tipan” ay si Jesu-kristo. Ang unang katuparan ng hula ay naganap nang linisin ni Jesus ang templo. (Marcos 11:15-17) Ito’y tatlo at kalahating taon pagkatapos na siya’y pahiran bilang Haring-Hinirang. Kahalintulad nito, tatlo at kalahating taon pagkatapos na si Jesus ay iluklok bilang Hari noong taglagas ng 1914, siya’y sumama kay Jehova sa espirituwal na templo at nasumpungang ang bayan ng Diyos ay nangangailangan ng pagdalisay at paglilinis.
○ 3:2, 3—Ang sinaunang paraan ng pagdalisay ay gumugugol ng panahon. Kaya naman ang mandadalisay, kalimitan ay “umuupo,” at naghihintay hanggang sa sandaling ang likidong metal ay mistulang isang lubhang makinis na salamin at nakikita niya roon ang kaniyang sarili. Sa katulad na paraan, patuloy na dinadalisay ni Jehova ang kaniyang bayan sa ngayon, inaalis ang maruruming turo at mga gawain. Ito’y tumulong sa kanila na maipaaninag nang lalong wasto ang kaniyang wangis.—Efeso 5:1.
○ 4:2—Ito’y isang paglalarawan ng hinaharap na mga pagpapala na tatamasahin niyaong mga natatakot sa pangalan ng Diyos. Sila’y may pag-asang tamasahin ang ligaya na dulot ng pabor ng Diyos pagka ang pisikal, mental, at emosyonal na mga karamdaman na pinaka-salot sa sangkatauhan ay gumaling na.—Apocalipsis 21:3, 4.
○ 4:5—Si propeta Elias ay nabuhay mga 500 taon bago sinalita ang hulang ito. Noong unang siglo C.E., ipinakilala ni Jesu-Kristo si Juan Bautista bilang ang inihulang kapareho ni Elias. (Mateo 11:12-14; Marcos 9:11-13) Gayunman, si “Elias” ang maghahanda ng daan para sa pagdating ng “araw ni Jehova,” na nagpapakita ng higit pang katuparan sa panahong ito ng “pagkanaririto” ni Kristo.—2 Tesalonica 2:1, 2.
[Larawan sa pahina 31]
Sa panahon ng kaniyang makalupang ministeryo, nilinis ni Jesus ang templo. Noong 1918 siya’y sumama kay Jehova sa espirituwal na templo upang linisin ang bayan ng Diyos