Isang Kagandahan na Hindi Kumukupas
“ANG kagandahan ay pumapanaw; lumilipas ang kagandahan,” ang puna ng makatang si Walter De la Mare. Tiyak na ganito ang nangyayari sa magandang mga bulaklak ng cactus na nakalarawan dito. Ang kanilang kagandahan ay dagling kumukupas.
Sumulat ang Kristiyanong alagad na si Santiago: “Gaya ng bulaklak ng halaman siya [ang taong mayaman] ay lilipas. Sapagkat sumisikat ang araw na may nakasusunog na init at niluluoy ang halaman, at nalalagas ang bulaklak niyaon at nawawala ang kagandahan ng kaniyang panlabas na anyo. Gayundin, ang taong mayaman ay malalanta sa kaniyang mga paglakad sa buhay.”—Santiago 1:10, 11.
Sa walang kasiguruhang sanlibutang ito, ang kayamanan ay tunay na maaaring pumanaw sa magdamag. Isa pa, ang taong mayaman—tulad ng sinuman—ay ‘maikli ang buhay, gaya ng isang bulaklak.’ (Job 14:1, 2) Naglahad si Jesus ng talinghaga tungkol sa isang taong naging abala sa pagkakamal ng kayamanan upang siya’y makapagpahingalay at masiyahan sa buhay. Subalit nang inakala niyang taglay na niya ang lahat ng bagay na kailangan para sa isang maalwang pamumuhay, siya’y namatay. Nagbabala si Jesus: “Ganiyan ang taong nagtitipon ng kayamanan para sa kaniyang sarili ngunit hindi mayaman sa Diyos.”—Lucas 12:16-21.
“Mayaman sa Diyos.” Ano ba ang ibig sabihin ni Jesus sa pananalitang iyan? Ang isang taong mayaman sa ganitong paraan ay may “kayamanan sa langit”—isang mabuting pangalan sa Diyos. Ang gayong kayamanan ay hindi kumukupas. (Mateo 6:20; Hebreo 6:10) Sa halip na maging tulad ng isang bulaklak na nalalanta, ang gayong tao ay inihahambing sa Bibliya sa isang punungkahoy, na ang mga dahon ay hindi nalalanta. At, sa atin ay tinitiyak, “lahat ng kaniyang ginagawa ay magtatagumpay.”—Awit 1:1-3, 6.