Ang Pangmalas ng Bibliya
Sino ang Nagtutungo sa Langit?
ISANG bomba ng terorista ang nagpasabog sa isang eruplanong lumilipad, na siyang pumatay sa lahat ng nakasakay. Ang mga kamag-anak at mga kaibigan ng mga biktima ay sinabihan na ang kanilang mga mahal sa buhay ay nasa langit na, na para ba mapunán ang kanilang di-napapanahon at malupit na kamatayan.
Isang popular na musikero ang namatay at sinasabing ‘nagtutrumpetang kasama ng mga anghel sa langit.’
Ang sakit, taggutom, o mga aksidente ay kumikitil sa buong buhay ng mga sanggol, at sinasabi ng mga klero na sila ngayon ay nagtatamasa ng walang kahulilip na kaligayahan sa langit, marahil bilang mga anghel pa nga!
Iniwawasto ba ng Diyos ang kawalan ng katarungan sa bata’t matanda sa pamamagitan ng pagkuha sa mga iyon tungo sa makalangit na kapayapaan? Ang pagpasok ba sa langit ang paraan ng Diyos upang ingatan ang lahat ng mabuti at kapuri-puri sa sangkatauhan? Ano ba ang pangmalas ng Bibliya?
Yaong mga Wala sa Langit
Ang pahayag ng Bibliya ay maliwanag: “Ano! Hindi ba ninyo alam na ang mga taong di-matuwid ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos?” (1 Corinto 6:9) Gayunman, binabanggit din ng Bibliya ang tungkol sa maraming matuwid na mga tao at mga biktima ng kawalang-katarungan na hindi magmamana ng mga langit.
Sinabi mismo ni Jesus ang tungkol sa malapit nang maging martir na si Juan na Tagapagbautismo: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Sa gitna niyaong mga ipinanganak ng mga babae ay walang ibinangon na isang mas dakila kaysa kay Juan Bautista; ngunit ang isa na nakabababa sa kaharian ng mga langit ay mas dakila kaysa sa kaniya.” (Mateo 11:11) Lahat ng mga batang lalaki na dalawang taóng gulang at mas bata pa sa Bethlehem at sa mga distrito nito ay walang-awang pinatay ng balakyot na si Haring Herodes sa kaniyang pagsisikap na mapatay ang batang si Jesus. (Mateo 2:16) Gayunman, sinabi ni Jesus: “Isa pa, walang tao [lalaki, babae o bata] na umakyat sa langit kundi siya na bumaba mula sa langit, ang Anak ng tao [si Jesus].” (Juan 3:13) Bakit hindi binanggit ni Jesus ang mga biktimang ito ng kawalang katarungan na nasa langit?
Binuksan ni Jesus ang Daan
Tinawag ni Jesus ang kaniyang sarili na “ang daan at ang katotohanan at ang buhay” at siya’y tinukoy ni apostol Pablo bilang “ang pangunang bunga niyaong mga natulog na sa kamatayan.” (Juan 14:6; 1 Corinto 15:20) Samakatuwid, walang sinuman ang nauna sa kaniya tungo sa langit. Subalit nang si Jesus ay umakyat sa langit mga 40 araw pagkatapos ng kaniyang pagkabuhay-muli, siya ba’y sinundan ng karapat-dapat na mga tao ng pananampalataya na namatay na? Pagkalipas ng mga sampung araw, ang apostol Pedro ay nagsabi tungkol kay Haring David na “siya ay kapuwa namatay at inilibing at ang kaniyang libingan ay nasa atin hanggang sa araw na ito. . . . Sa katunayan hindi umakyat si David sa mga langit.”—Gawa 2:29, 34.
Kaya, ang pagpasok sa langit ay nagsasangkot ng higit pa sa pagbabayad para sa mga kawalang katarungan na dinanas o kahit na bilang isang gantimpala ng personal na katapatan. Sa halip, ito’y nagbibigay ng pagkakataon para mabuo ang isang lupon ng mga tagapamahala sa langit na binubuo ng isang kinatawang bilang ng mga tao sa ilalim ng pangangasiwa ni Kristo, na pinahiran ng banal na espiritu.—Roma 8:15-17; Apocalipsis 14:1-3.
Isang Makalangit na Kaharian
Tinukoy ni Jesus ang kaniyang pamamahala, o pamahalaan, bilang “ang kaharian ng mga langit” o “ang kaharian ng Diyos.” (Mateo 5:3, 20; Lucas 7:28) Hindi nilayon na ang karamihan ng mga tao ay makasama sa lupon ng mga tagapamahalang ito. Sa gayon, tinukoy ito ni Jesus bilang isang “munting kawan.” (Lucas 12:32) Sa orihinal na wikang ginamit sa bahaging ito ng Bibliya, ang salitang “munti” (mi·krosʹ) ang kabaligtaran ng marami (meʹgas), at sa gamit nito sa Lucas 12:32 ay tumutukoy sa dami o pagiging kaunti ng bilang. Kaya nga, ang pagiging miyembro sa “kaharian ng mga langit” ay hindi nagpapahintulot ng isang walang-takdang bilang. Upang ilarawan: Kung ikaw ay hiniling na magbuhos ng kaunting tubig sa isang baso, titiyakin mo na hindi ito aapaw. Gayundin naman, ang “munting kawan” ay hindi maaaring buuin ng umaapaw na bilang ng mga tao. Ang Kaharian ng Diyos ay may takdang (“munti”) bilang ng mga tagapamahala na kasama ni Kristo.
Ang eksaktong bilang ng mga tagapamahalang ito, 144,000, ay isiniwalat kay apostol Juan. (Apocalipsis 14:1, 4) Sa gawing una ng Apocalipsis ang mga ito rin ay tinukoy na ‘mula sa bawat tribo at wika at bayan at bansa upang maging isang kaharian at mga saserdote sa Diyos,’ at sila ay mamamahala bilang mga hari mula sa langit sa ibabaw ng lupa. (Apocalipsis 5:9, 10) Ang lupon na ito ng mga tagapamahala na kasama ni Jesu-Kristo ang Kaharian na itinuro niyang idalangin ng kaniyang mga tagasunod. Ito rin ang ahensiya na sa pamamagitan nito ang maling pamamahala sa lupang ito ay wawakasan, sa gayo’y isasauli ang katarungan at kapayapaan sa tahanan ng tao, ang lupa, gayundin ang walang-hanggang kalakasan sa mga maninirahan nito.—Awit 37:29; Mateo 6:9, 10.
Isang Piling Lupon ng mga Tagapamahala
Yamang ang mga pamamahala ng tao na hahalinhan ng Kaharian ay punô ng katiwalian, hindi ba natin nauunawaan kung bakit yaong mga kasali sa makalangit na pamahalaang iyan ay dapat na maingat na piliin at subukin ng Diyos? Ang kasalukuyang kalagayan ng tao ay maaaring itulad sa daan-daang pasaherong nakasakay sa isang may depektong eruplanong jet sa isang masamang lagay ng panahon. Sa gayong mapanganib na kalagayan, nanaisin mo ba ang isang tripulante sa eruplano na binubuo ng mga kabataan, walang karanasang mga tao? Tunay na hindi! Ang kalagayan ay humihiling ng isang tripulante na maingat na pinili ayon sa mahigpit na mga kuwalipikasyon.
Kung tungkol sa mga maglilingkod sa langit na kasama ni Kristo Jesus, tayo’y nagiginhawahang malaman na “inilagay ng Diyos ang mga sangkap sa katawan, bawat isa sa kanila, gaya ng kaniyang kinalugdan.” (1 Corinto 12:18) Ang personal na naisin o ambisyon para sa isang posisyon sa Kaharian ay hindi siyang tumitiyak na salik. (Mateo 20:20-23) Ang espesipikong mga pamantayan ng pananampalataya at paggawi ay naitatag na ng Diyos upang hindi makapasok ang mga hindi karapat-dapat. (Juan 6:44; Efeso 5:5) Ang panimulang pananalita ng Sermon sa Bundok ni Jesus ay nagpapakita na ang mga kasamang tagapamahala ni Kristo ay dapat na magpatunay na palaisip sa espirituwal, mahinahong-loob, maibigin sa katuwiran, maawain, dalisay ang puso, at mapagpayapa.—Mateo 5:3-9; tingnan din ang Apocalipsis 2:10.
Nakatutuwa naman, ang karamihan ng sangkatauhan, bagaman hindi pinili ng Diyos na makasama sa kinatawang ito ng makalangit na lupon ng mga tagapamahala, ay hindi iniwan na walang pag-asa. Mamanahin nila ang magandang lupang ito at tatamasahin ang mga pakinabang ng kaniyang banal na pamamahala. Ang mga biktima ng nakaraang mga kawalang katarungan na malaon nang namatay ay isasauli sa buhay upang mabuhay na kasama niyaong mga nakaligtas upang makita ang Kaharian ng Diyos na “dumating” sa sukdulang diwa. Ang pangako ay tutuparin: “Ang mga matuwid ang siyang tatahan sa lupa, at ang mga walang kapintasan ang matitira rito.”—Mateo 6:9, 10; Kawikaan 2:21; Gawa 24:15.