Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w89 9/15 p. 20-25
  • Maging Masunurin sa mga Nangunguna

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Maging Masunurin sa mga Nangunguna
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Bakit Sila Dapat Sundin?
  • Bakit Dapat Pahalagahan ang Kanilang Paglilingkod?
  • Maging Mabilis ng Pagkakapit ng Payo
  • Paggalang Kahit na sa Maliliit na Bagay
  • Patuloy na Tumugon sa Mapagmahal na Pangangasiwa
  • “Patuloy na Mahalin ang Gayong Uri ng mga Tao”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • “Isaalang-alang Yaong mga Nagpapagal sa Gitna Ninyo”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • Kung Paano Inoorganisa ang Kongregasyon
    Masayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
  • Mapagpakumbabang Nagpapasakop sa Maibiging mga Pastol
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
w89 9/15 p. 20-25

Maging Masunurin sa mga Nangunguna

“Maging masunurin sa mga nangunguna sa inyo at pasakop kayo, sapagkat kanilang patuloy na binabantayan ang inyong mga kaluluwa na parang sila ang magsusulit.”​—HEBREO 13:17.

1. Papaano tayo nakikinabang sa gawain ng mga tagapangasiwang Kristiyano?

SI Jehova ay naglaan ng mga tagapangasiwa para sa kaniyang organisasyon sa “panahon ng kawakasan” na ito. (Daniel 12:4) Sila ang nangunguna sa pag-aasikaso sa mga taong tulad-tupa, at ang kanilang pamamanihala ay nakarerepresko. (Isaias 32:1, 2) Gayundin, ang mapagmahal na pangangasiwa ng matatanda na nakikitungo nang malumanay sa kawan ng Diyos ay nagsisilbing isang proteksiyon laban kay Satanas at sa balakyot na sistemang ito ng mga bagay.​—Gawa 20:28-30; 1 Pedro 5:8; 1 Juan 5:19.

2. Ano ba ang pagkakilala ng iba kay apostol Pablo, subalit anong saloobin tungkol sa matatanda ang nararapat?

2 Subalit ano ba ang pagkakilala mo sa mga matatanda? Sa iyo bang puso, ang sinasabi mo ay: ‘Hindi ako lalapit sa kaninumang matanda sa kongregasyong ito kung ako’y may problema, sapagkat ako’y walang tiwala sa kaninuman sa kanila’? Kung ganiyan ang iyong kaisipan, hindi kaya labis na pinatitingkad mo ang kanilang di-kasakdalan? Sa sinaunang Corinto, ang iba’y ganito ang sabi tungkol kay apostol Pablo: “Ang kaniyang mga sulat ay malaman at mabisa, datapuwat ang anyo ng kaniyang pagkatao ay mahina at siya’y di-mahusay magsalita.” Gayunman, si Pablo ay binigyan ng Diyos ng isang ministeryo at ginamit siya bilang “isang apostol sa mga bansa.” (2 Corinto 10:10; Roma 11:13; 1 Timoteo 1:12) Inaasahan, kung gayon, na ikaw ay mapapatulad sa sister na nagsabi: “Nasa amin ang pinakamagaling na lupon ng matatanda sa daigdig. Sila’y naririto upang tumulong kung kinakailangan.”

Bakit Sila Dapat Sundin?

3. Kung ang Panginoon ay sasa-espiritung ipinakikita natin, ano ang dapat na maging pagkakilala natin sa Kristiyanong mga katulong na pastol?

3 Yamang ang Kristiyanong katulong na mga pastol ay inilaan ng Dakilang Pastol, ang Diyos na Jehova, ano sa palagay mo ang ibig niyang maging pagkakilala natin sa kanila? Tiyak naman, inaasahan ng Diyos na tayo’y susunod sa salig-Bibliyang patnubay na tinatanggap sa pamamagitan ng maibiging mga tagapangasiwa sa ilalim ng pamamanihala ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. Saka lamang ‘ang Panginoon ay sasa-espiritung ipinakikita natin,’ tayo’y magtatamasa ng kapayapaan, at tayo’y titibay sa espirituwal.​—2 Timoteo 4:22; ihambing ang Gawa 9:31; 15:23-32.

4. Papaano natin maikakapit sa ating sarili ang Hebreo 13:7?

4 Ipinayo ni Pablo: “Alalahanin yaong mga nangunguna sa inyo, na nagsalita sa inyo ng salita ng Diyos, at sa pagdidili-dili ninyo ng kanilang pamumuhay ay tularan ninyo ang kanilang pananampalataya.” (Hebreo 13:7) Sa gitna ng mga unang Kristiyano, ang mga apostol ang pangunahing nanguna. Sa ngayon, tayo’y makapagmamasid sa mga bumubuo ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, sa mga iba pang pinahirang tagapangasiwa, at sa mga lalaking nasa “malaking pulutong” na kabilang sa mga nangunguna sa atin. (Apocalipsis 7:9) Bagaman hindi tayo pinapayuhan na tularan ang mga katangian ng kanilang tinig, tindig, o iba pang mga katangian ng tao, dapat naman na ang ating asal ay lumabas na mabuti sa pamamagitan ng pagtulad sa kanilang pananampalataya.

5. Sa lupa ngayon, sa kanino ipinagkatiwala ang pangunahing pananagutan ng pag-aasikaso sa kongregasyong Kristiyano, at sila’y karapat-dapat sa ano?

5 Sa lupa ngayon, ang pangunahing pananagutan ng pag-aasikaso sa ating espirituwal na pangangailangan ay ipinagkatiwala sa “tapat at maingat na alipin.” Ang kumakatawan dito na Lupong Tagapamahala ang nangunguna at nagtutugma-tugma sa pambuong-daigdig na gawaing pangangaral ng Kaharian. (Mateo 24:14, 45-47) Ang pinahiran-ng-espiritung matatandang ito lalo na ang maituturing na mga espirituwal na tagapamahala, sapagkat ang Hebreo 13:7 ay maaaring isalin: “Alalahanin ninyo ang mga namamahala . . . sa inyo.” (Kingdom Interlinear) Ngayong mayroon nang mahigit na 60,000 mga kongregasyon at mahigit na 3,500,000 mga tagapagbalita ng Kaharian ang 12 matatanda na bumubuo ng Lupong Tagapamahala ay may ‘maraming gawain sa Panginoon.’ (1 Corinto 15:58) Dahilan sa kanilang gawain na iniatas ng Diyos, karapat-dapat na tayo’y lubusang makipagtulungan sa kanila, gaya noong unang siglo na ang mga sinaunang Kristiyano’y nakipagtulungan sa Lupong Tagapamahala noong unang siglo.​—Gawa 15:1, 2.

6. Ano ang ilan sa mga bagay na ginagawa ng matatanda upang makinabang ang bayan ni Jehova?

6 Ang mga tagapangasiwa ay inatasan ng espiritu upang mag-asikaso sa espirituwal na pangangailangan ng kongregasyon. (Gawa 20:28) Kanilang tinitingnan na ang balita ng Kaharian ay ipinangangaral sa teritoryo ng lokal na kongregasyon. Ang maka-Kasulatang kuwalipikadong mga lalaking ito ay naglalaan din ng espirituwal na patnubay sa mapagmahal na pamamaraan. Sila’y nagpapayo, umaaliw, at nagpapatotoo sa kanilang espirituwal na mga kapatid, sa layuning ang mga ito ay magpatuloy na lumakad na karapat-dapat sa Diyos. (1 Tesalonica 2:7, 8, 11, 12) Kahit na kung ang isa’y nakagawa ng isang maling hakbang bago niya namalayan iyon, sinisikap ng mga lalaking ito na siya’y muling maituwid “nang may kahinahunan.”​—Galacia 6:1.

7. Anong payo ang ibinigay ni Pablo sa Hebreo 13:17?

7 Ang ating mga puso ay nagaganyak na makipagtulungan sa gayong mapagmahal na mga tagapangasiwa. Ito ay nararapat, gaya ng isinulat ni Pablo: “Maging masunurin sa mga namumuno sa inyo at pasakop kayo sapagkat kanilang patuloy na binabantayan ang inyong mga kaluluwa na parang sila ang magsusulit; upang gawin nila ito nang may kagalakan at hindi nang may paghihinagpis, sapagkat ito’y makapipinsala sa inyo.” (Hebreo 13:17) Papaano nga ba natin dapat unawain ang payong ito?

8, 9. (a) Sa liwanag ng Hebreo 13:17, bakit tayo dapat maging masunurin sa mga nangunguna? (b) Ang ating pagsunod at pagpapasakop ay maaaring magkaroon ng anong mabubuting epekto?

8 Hinihimok tayo ni Pablo na sumunod sa mga namamahala sa atin sa espirituwal na paraan. Tayo ay kailangang “pasakop,” pailalim sa mga katulong na pastol na ito. Bakit? Sapagkat ‘kanilang binabantayan ang ating mga kaluluwa,’ o mga buhay na inialay sa Diyos. At papaano sila ‘patuloy na nagbabantay’? Dito ang pangkasalukuyang aktibong paturol na anyo ng pandiwang Griego na a·gru·pneʹo ay literal na nangangahulugang ang matatanda “ay hindi natutulog.” Ito’y nagpapaalaala sa atin ng nag-iisang pastol na hindi natutulog upang bantayan ang kaniyang kawan para mailigtas sila sa mga panganib kung gabi. Kung minsan ang mga matatanda ay nagpupuyat kung gabi dahil sa pagkabahala nila sa kawan ng Diyos kasabay ng pananalangin o dahil sa pagbibigay ng espirituwal na tulong sa mga kapananampalataya. Anong laki ng dapat nating ipagpasalamat sa kanilang tapat na paglilingkuran! Tiyak naman, hindi natin ibig tumulad sa “mga taong masasama” noong kaarawan ni Judas na ‘hindi nagpakundangan sa pagka-panginoon at nagsalita nang may pag-abuso sa maluwalhati,’ na pinahirang mga Kristiyanong matatanda na may bigay-Diyos na kaluwalhatian, o karangalan, na ipinagkaloob sa kanila.​—Judas 3, 4, 8.

9 Si Jehova ay hindi malulugod kung tayo’y hindi masunurin at mapagpasakop sa mga tagapangasiwang Kristiyano. Ito’y magiging pabigat din sa kanila at makapipinsala sa ating espirituwalidad. Kung tayo’y hindi makikipagtulungan, baka gampanan ng matatanda ang kanilang mga tungkulin na may kasabay na pagbubuntung-hininga, marahil kasabay ng paghihimutok na maaaring magdulot ng kawalan ng kagalakan sa ating mga aktibidades bilang mga Kristiyano. Subalit ang ating pagsunod at pagpapasakop ay nagpapaunlad ng ating maka-Diyos na asal at nagpapatibay ng ating pananampalataya. ‘Ang Panginoon ay sumasa-espiritung ipinakikita natin,’ at ang kagalakan ay umuunlad sa ganiyang kalagayan na may pagtutulungan, kapayapaan, at pagkakaisa.​—2 Timoteo 4:22; Awit 133:1.

10. Sang-ayon sa 1 Timoteo 5:17, bakit yaong mga namumunong mabuti ay karapat-dapat sa karangalan?

10 Ang ating pagiging masunurin at mapagpasakop sa matatanda sa kongregasyon ay hindi nangangahulugan na tayo ay mga tagapagbigay-lugod sa mga tao. Iyan ay hindi naaayon sa Kasulatan, sapagkat ang mga aliping Kristiyano noong unang siglo ay pinagsabihan na sumunod sa kanilang mga panginoon, na “hindi pakitang-tao, upang makalugod sa mga tao, kundi nang taimtim sa puso, may takot kay Jehova.” (Colosas 3:22; Efeso 6:5, 6) Ang mga tagapangasiwa ‘na namumunong mabuti at nagpapagal sa pagsasalita at pagtuturo’ ay karapat-dapat sa karangalan sa pangunahing dahilan na ang kanilang turo ay nakasalig sa Salita ng Diyos. Gaya ng isinulat ni Pablo: “Ang nakatatandang mga lalaki na namumunong mabuti ay ariing karapat-dapat sa ibayong karangalan, lalo na silang gumagawang masikap sa pagsasalita at pagtuturo. Sapagkat sinasabi ng kasulatan: ‘Huwag mong lalagyan ng busal ang baka kapag gumigiik’; at: ‘Ang manggagawa ay karapat-dapat sa upa sa kaniya.’”​—1 Timoteo 5:17, 18.

11. Papaano maaaring dumating sa isang matanda ang “ibayong karangalan,” subalit ano ang kailangang iwasan?

11 Ang mga salita ni Pablo na kasisipi lamang ay nagpapakita na makatuwirang bigyan ng materyal na tulong yaong mga nangangalaga sa espirituwal na mga kapakanan ng iba. Gayunman, ito’y hindi nangangahulugan na ang matatanda ay dapat tumanggap ng suweldo, at tiyak naman na ang “ibayong karangalan” ay hindi isang bagay na binabayaran ng isang matanda. Ito ay maaaring manggaling na kusa sa mga miyembro ng kongregasyon, subalit kailanman ay huwag niyang gagamitin ang kaniyang tungkulin upang magkaroon ng kapangyarihan o materyal na ari-arian. Huwag niyang hahanapin ang kaniyang sariling kaluwalhatian o ang magiging malimit na kasalamuha niya ay ang mga nakaririwasa upang siya’y makakuha ng materyal na mga kapakinabangan at ang iba naman ay kaniyang pinababayaan. (Kawikaan 25:27; 29:23; Judas 16) Bagkus, ang isang tagapangasiwa ay kailangang magpastol sa kawan ng Diyos ‘nang may pagkukusa, hindi dahil sa pag-ibig sa masakim na pakinabang, kundi nang may pananabik.’​—1 Pedro 5:2.

12. Ano ang dapat nating tandaan upang tayo’y matulungan na sumunod sa mga nangunguna sa atin?

12 Tayo’y matutulungan na sumunod at gumalang sa mga nangunguna kung ating tatandaan na ang Diyos mismo ang nagbigay sa atin ng mga matatanda. (Efeso 4:7-13) Yamang ang mga lalaking ito ay hinirang ng espiritu at ang organisasyon ng Diyos ay may mahalagang dako sa buhay ng mga Saksi ni Jehova, tiyak na ibig nating ipakilala ang ating utang na loob at paggalang sa teokratikong mga kaayusan. Gayundin, matutulungan natin ang mga baguhan upang magpaunlad ng ganitong saloobin kung tayo’y magpapakita ng magandang halimbawa ng pagsunod at pagpapasakop sa mga nangunguna sa atin.

Bakit Dapat Pahalagahan ang Kanilang Paglilingkod?

13. (a) Anong nagkakaibang pangmalas sa pangunguna ang umiiral sa sanlibutan at sa organisasyon ng Diyos? (b) Tayo’y may anong matibay na mga dahilan para magtiwala sa mga lalaking nangunguna sa atin? (c) Sa halip na palakihin ang mga di-kasakdalan ng masisipag na matatanda, ano ang dapat nating gawin?

13 Sa sanlibutan, may kahiligan na tanggihan ang pangunguna. Gaya ng sabi ng isang lecturer: “Ang tumataas na edukasyon ay nagpasulong sa pinagsama-samang talento na anupa’t ang mga tagasunod ay naging labis na mga kritiko na anupa’t halos imposible na pangunahan mo sila.” Subalit ang espiritu ng malasariling kaisipan ay hindi umiiral sa organisasyon ng Diyos, at tayo’y may matibay na mga dahilan na magtiwala sa mga lalaking nangunguna sa atin. Halimbawa, tanging yaong nakaaabot sa mga kahilingan ng Kasulatan ang inaatasan na maging mga matatanda. (1 Timoteo 3:1-7) Sila’y sinasanay upang maging mababait, mapagmahal, at matutulungin, subalit matatag sa pagtataguyod sa matuwid na mga pamantayan ni Jehova. Ang matatanda ay kumakapit nang mahigpit sa katotohanan sa Kasulatan, ‘nakahawak nang mahigpit sa matatapat na salita upang sila’y makapagpayo sa pamamagitan ng magaling na aral.’ (Tito 1:5-9) Mangyari pa, hindi natin dapat palakihin ang kanilang mga di-kasakdalan bilang mga tao, sapagkat lahat tayo ay mga di-sakdal. (1 Hari 8:46; Roma 5:12) Sa halip na ating madamang tayo’y nabigo ng dahil sa kanilang mga limitasyon at sa pagwawalang-bahala sa kanilang payo, ating pahalagahan at tanggapin ang salig-Bibliyang pamamatnubay ng matatanda bilang nanggagaling sa Diyos.

14. Sa liwanag ng 1 Timoteo 1:12, papaano dapat malasin ng isang matanda ang ministeryong iniatas sa kaniya?

14 Si Pablo, isang taong nagpapahalaga, ay nagsabi: “Napasasalamat ako kay Kristo Jesus na Panginoon natin, na nagkaloob sa akin ng kapangyarihan, sapagkat itinuring niyang tapat ako sa pamamagitan ng pag-aatas sa akin ng isang ministeryo.” (1 Timoteo 1:12) Sa ministeryong iyon, o paglilingkod, ay kasali ang gawaing pangangaral at ang paglilingkod sa mga kapananampalataya. Bagaman ang isang tagapangasiwa ay inatasan ng banal na espiritu upang maglingkod bilang isang pastol, ito’y hindi dahilan upang isipin niyang siya’y nakahihigit sa iba, sapagkat siya mismo ay bahagi ng kawan ng Diyos ng mga taong tulad-tupa. (1 Pedro 5:4) Sa halip, siya’y dapat pasalamat na itinuring siya ng Ulo ng kongregasyon, si Jesu-Kristo, bilang karapat-dapat na magsilbing ministro sa mga miyembro ng kawan at upang maging kuwalipikado ay binigyan siya ng Diyos ng isang sukat ng kaalaman, karunungan, at kaunawaan. (2 Corinto 3:5) Yamang ang isang matanda ay may dahilang pasalamat dahil sa bigay-Diyos na mga pribilehiyong ipinagkaloob sa kaniya, ang mga ibang miyembro ng kongregasyon ay dapat magpahalaga sa ministeryo, o paglilingkurang ito.

15. Ano ang diwa ng payo ni Pablo sa 1 Tesalonica 5:12, 13?

15 Ang mga Saksi ni Jehova ay napasasalamat dahil sa organisasyon na itinatag ng Diyos sa mga huling araw na ito, at ang pagpapahalagang iyan ay nagpapakilos sa atin na igalang ang matatanda. Tayo’y dapat magalak na makipagtulungang lubusan sa pagsunod sa mga kaayusang kanilang ginagawa sa ating ikabubuti. Sinabi ni Pablo: “Ngayon ay ipinakikiusap namin sa inyo, mga kapatid, na inyong pakundanganan yaong mga nagpapagal sa inyo at namumuno sa inyo sa Panginoon at nagpapaalaala sa inyo; at inyong pakamahalin sila nang higit kaysa karaniwang pag-ibig dahil sa kanilang gawain.” (1 Tesalonica 5:12, 13) Ang pagkakapit ng payong ito ay nagdudulot ng kagalakan at ng pagpapala ni Jehova.

Maging Mabilis ng Pagkakapit ng Payo

16, 17. Anong payo ang marahil ibibigay ng matatanda tungkol sa pag-aasawa, at ano ang ibubunga ng pagsunod sa mga iyan?

16 Hinimok ni Pablo si Tito na ‘patuloy na magsalita at sumaway nang may buong kapangyarihan.’ (Tito 2:15) Sa katulad na paraan, ang mga kinatawan ng Diyos sa ngayon ay siyang mga umaakit sa atin sa pagsunod sa mga simulain at mga kautusan na nasa Bibliya. May matatag na mga dahilan upang tanggapin ang paulit-ulit na mga tagubilin na ikapit ang payo at ang patnubay na ibinibigay ng organisasyon ni Jehova at ng inatasang matatanda.

17 Bilang halimbawa: Baka ipayo ng matatanda sa isang Kristiyano na sundin ang payo ng Bibliya na mag-asawa sa “nasa Panginoon lamang.” (1 Corinto 7:39; Deuteronomio 7:3, 4) Marahil ay babanggitin nila na ang pag-aasawa sa isang taong di-bautismado ay maaaring humantong sa malulubhang problema, katulad nang magkasala nang malubha si Haring Solomon dahilan sa pakikipag-asawa sa mga banyaga, na siyang humila sa kaniyang puso upang sumamba sa mga diyus-diyusan at humiwalay kay Jehova. (1 Hari 11:1-6) Marahil ay ipaliliwanag din ng matatanda na ang mga lalaking Judio’y pinahiwalay ni Ezra sa kanilang mga asawang pagano, at sinabi ni Nehemias na yaong mga nag-aasawa ng mga di-kapananampalataya ay ‘nagkakasala nang malaki sa pagkilos nang may kataksilan laban sa Diyos.’ (Nehemias 13:23-27; Ezra 10:10-14; tingnan ang The Watchtower, Marso 15, 1982, pahina 31; Nobyembre 15, 1986, pahina 26-30.) Mga pagpapala at ang kasiyahan ng pagbibigay-lugod kay Jehova ang bunga ng pagkakapit ng gayong maka-Kasulatang payo na ibinigay ng mapagmahal na matatanda.

18. Sa pagsasaalang-alang ng isinulat ni Pablo sa 1 Corinto 5:9-13, papaano tayo dapat maapektuhan kung isang miyembro ng pamilya ang itiniwalag?

18 Nararapat din na igalang ang inihatol na mga pasiya ng matatanda. Sinabi ni Pablo sa mga Kristiyano sa Corinto na “huwag kayong makisama sa kaninumang tinatawag na kapatid kung siya’y mapakiapid o masakim o mananamba sa diyus-diyusan o mapagtungayaw o lasenggo o mangingikil, huwag man lamang kayong makisalo sa pagkain sa gayong tao.” Kanilang ‘aalisin sa gitna nila ang taong balakyot.’ (1 Corinto 5:9-13) Subalit papaano ka ba kikilos kung isa sa iyong mga kamag-anak ay itiniwalag? Samantalang baka kailanganin ang limitadong pakikipag-usap sa pag-aasikaso sa mga bagay-bagay sa pamilya, lahat ng espirituwal na pakikihalubilo sa natiwalag na kamag-anak ay dapat na putulin. (Tingnan ang The Watchtower, Abril 15, 1988, pahina 26-31.) Tunay naman, ang katapatan sa Diyos at sa kaniyang organisasyon ang dapat na mag-udyok sa atin na igalang ang inihatol na pasiya ng mga tagapangasiwa.

19. Ano ang dapat nating gawin kung ipinakikita sa atin ng matatanda na tayo ay napapalihis ng daan sa ating espirituwalidad?

19 Hindi madali na manatili sa makipot na daan na patungo sa buhay. Upang magawa natin iyan, kailangang sundin natin ang patnubay na ibinibigay ng Salita ng Diyos at niyaong mga pinagkatiwalaan ng mga pananagutan ng pagpapastol sa kaniyang organisasyon. (Mateo 7:13, 14) Kung tayo’y naglalakbay sa lunsod at lunsod sakay ng kotse at nagkamali tayo ng pagliko, kailangang kumilos tayo upang tayo’y mapasa-tamang daan. Kung hindi, kailanman ay hindi natin mararating ang ating pupuntahan. Sa katulad na paraan, kung ipinakikita sa atin ng matatanda na tayo’y napapalihis ng daan sa ating espirituwalidad, baka sa panliligaw sa isang di-kapananampalataya, dapat na agad nating ikapit ang kanilang payo buhat sa Kasulatan. Ito’y isang paraan upang ipakita na talagang tayo’y “tumitiwala kay Jehova.”​—Kawikaan 3:5, 6.

Paggalang Kahit na sa Maliliit na Bagay

20. Ang pagtatanong sa ating sarili ng anong mga katanungan ang makatutulong sa atin na magpakita ng paggalang sa patnubay na nanggagaling sa matatanda kahit na sa maliliit na bagay?

20 Tayo’y kailangang magpakita ng paggalang sa patnubay ng matatanda kahit na sa maliliit na bagay. Kaya’t maitatanong natin sa ating sarili: ‘Ako ba’y nakikipagtulungan kung ang matatanda ay humihiling sa atin na dalawin ang maysakit o sanayin ang mga baguhan sa ministeryo sa larangan? Agad ko bang tinatanggap ang mga atas para sa mga pulong at inihahanda kong mainam? Ako ba’y sumusunod pagka nagbibigay ang matatanda ng mga tagubilin tungkol sa pagrereserba ng upuan sa mga kombensiyon, sa ating istilo ng pananamit, at iba pa? Ako ba’y nakikipagtulungan pagka kanilang hinihiling na tayo’y tumulong sa paglilinis ng Kingdom Hall, mag-ulat kaagad ng ating nagawang paglilingkod sa larangan, o dumating sa mga pulong nang nasa oras?’

21. Ang ating pagpapakita ng paggalang sa matatanda ay maaaring magpaalaala sa atin ng anong mga salita ni Jesus?

21 Ang mga tagapangasiwa ng kongregasyon ay nagpapahalaga sa ating pakikipagtulungan, at ang resulta’y malaking kabutihan. Sa katunayan, ang ating pagiging magalang at pakikipagtulungan kahit na sa maliliit na bagay ay maaaring magpaalaala sa atin ng mga salita ni Jesus: “Ang taong mapagtapat sa kakaunti ay mapagtapat din sa marami.” (Lucas 16:10) Tiyak iyan, ibig nating tayo’y ituring na mapagtapat.

Patuloy na Tumugon sa Mapagmahal na Pangangasiwa

22. Ano ang ilan sa mga kapakinabangang bunga ng mapagmahal na pangangasiwa ng tapat na alipin at ng matatanda sa kongregasyon?

22 Ang mga kapakinabangang bunga ng mapagmahal na pangangasiwa ng tapat na alipin at ng matatanda sa kongregasyon ay nagpapatunay na ang mayamang pagpapala ni Jehova’y ibinubuhos sa kaniyang makalupang organisasyon. Isa pa, ang mahusay na patnubay ng matatanda ay nagtutugma-tugma ng kanilang mga kakayahan at nagbubunga ng pagkakaisa sa gitna natin. Ito’y nagbubunga rin sa isang sama-sama at matagumpay na pagsisikap na mapasulong ang kapakanang pang-Kaharian. Oo, isa sa positibong resulta ng ating nagpapahalagang pagtugon sa pangangasiwa ng mga nangunguna ay na pinagpapala ng Diyos ang ating gawaing pangangaral at paggawa ng mga alagad. (Mateo 28:19, 20) Ang ating pakikipagtulungan sa matatanda ay naghahanda rin sa atin para sa walang-hanggang buhay sa bagong sistema ng mga bagay.

23. Sa liwanag ng 1 Juan 5:3, tayo’y dapat mapakilos na gawin ang ano?

23 Yamang ating iniibig si Jehova, ang pagsunod sa kaniya ay hindi isang nakaiinis na gawain. Si apostol Juan ay sumulat: “Ito ang ibig sabihin ng pag-ibig sa Diyos, na tupdin natin ang kaniyang mga utos; at hindi naman mabibigat ang kaniyang mga utos.” (1 Juan 5:3) Ang matapat na mga Kristiyano ay may kagalakang sumusunod sa mga utos ni Jehova at pinakikilos na makipagtulungan sa mga pinagkatiwalaan niya na mangasiwa sa kongregasyon. Anong laki ng ating pasasalamat na tayo’y nasa organisasyon ng Diyos at sa pagkakaroon ng gayong “mga kaloob na mga lalaki”! (Efeso 4:8) Taglay ang buong pagtitiwala na inaakay ng Diyos ang kaniyang bayan, kung gayon, sa tuwina’y maging masunurin tayo sa mga binigyan ng pribilehiyong manguna sa mga Saksi ni Jehova.

Ano ba ang Maikukomento Mo?

◻ Bakit tayo dapat maging masunurin sa mga nangunguna sa atin?

◻ Ano ang dapat na maging saloobin natin tungkol sa paglilingkod na ginagawa ng masisipag na matatanda?

◻ Bakit dapat ikapit kaagad ang payo na ibinibigay ng matatanda?

◻ Anong mga kapakinabangan ang bunga ng ating nagpapahalagang pagtugon sa mapagmahal na pangangasiwa?

[Blurb sa pahina 24]

Ikaw ba ay nakikipagtulungan sa matatanda sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga atas ukol sa mga pulong, sa pagtulong sa paglilinis ng Kingdom Hall, sa pag-uulat kaagad ng iyong nagawang paglilingkuran sa larangan, at sa marami pang ibang paraan?

[Larawan sa pahina 23]

Si Pablo ay nalugod na mangaral ng mabuting balita at maglingkod sa mga kapananampalataya. Bilang isang matanda, ikaw ba ay napasasalamat dahil sa iyong bigay-Diyos na mga pribilehiyo sa paglilingkod?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share