Lumuluwalhati sa Diyos ang Paraisong Naisauli
“Ang tuntungang-dako ng aking mga paa ay luluwalhatiin ko.”—ISAIAS 60:13.
1, 2. (a) Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Isaias, ano ang inihula ng Diyos tungkol sa lupa? (b) Sa pagtanaw sa isang libong taon sa hinaharap, ano ba ang ating nakikita?
NILALANG ni Jehova ang lupa bilang isang planeta sa ilalim ng kaniyang mga paa, bilang kaniyang makasagisag na tuntungang-dako ng kaniyang mga paa. Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Isaias, inihula ng Diyos na kaniyang ‘luluwalhatiin ang tuntungang-dako ng kaniyang mga paa.’ (Isaias 60:13) Sa tulong ng kinasihang Bibliya, tayo’y makatatanaw, na para bagang tinutulungan ng isang malakas na teleskopyo, sa isang libong taon sa hinaharap na panahon ng sangkatauhan. Anong walang kahulilip na kagandahan ang sumasalubong sa ating mga mata! Ang buong lupa ay nagniningning sa sakdal na kagandahang likha ng pinakadakilang Hardinero sa buong sansinukob. Sa panahong iyon ang Paraiso ay naibalik na sa buong lupa sa sangkatauhan!
2 Oo, ang nasa isip ng banal na Kataas-taasang Maylikha na nagbigay sa tao ng pasimula sa isang halamanang paraiso ay ang pinakamalaking kaligayahan ng tao. Isang maibiging Manlilikha nga siya ng sangkatauhan, at tungkol sa kaniya’y hindi isang kalabisang sabihin, “Ang Diyos ay pag-ibig”! (1 Juan 4:8, 16) Sa isinauling Paraiso, ang maygulang na mga lalaki at mga babae na nasa walang-maipipintas na kasakdalan ng pagkatao ay magsisitahang sama-sama bilang nagmamahalang mga magkakapatid. (Isaias 9:6) Palibhasa’y pinakikilos ng pag-ibig, sila’y lubusang napasasakop sa maluwalhating Manlilikha ng langit at lupa, ang Diyos na Jehova.
3, 4. (a) Sa papaano magiging magkatugma ang langit at ang lupa? (b) Papaano tutugon ang mga anghel pagka naisauli na sa lupa ang Paraiso?
3 Libu-libong taon ang nakalipas, sa isang kinasihang paglalarawan ng kaniyang kinaroroonang dako, sinalita ng Diyos ang kahanga-hangang mga salitang ito sa kaniyang hinirang na bayan: “Ang langit ang aking trono, at ang lupa ay tuntungan ng aking mga paa.” (Isaias 66:1) Ang lubos na kaluwalhatian ng kaniyang ‘tuntungan ng mga paa,’ ang lupang Paraiso, ay dapat angkop na makatugma ng kaluwalhatian ng kaniyang trono sa di-nakikitang kalangitan.
4 Nang panahon ng paglalang sa lupa, yaong nakapalibot na mga tagapaglingkod sa trono ng Diyos sa kalangitan ay nagmasid sa makalupang tanawin at kanilang binulay-bulay iyon. Di-masayod na kaligayahan ang kanilang nadama nang matanaw nila at bulay-bulayin ang maningning na kaluwalhatian niyaon! Papaano nga sila makapipigil sa kusang pagsilakbo ng kanilang damdamin na umawit? (Ihambing ang Zefanias 3:17, Revised Standard Version; Awit 100:2, The Jerusalem Bible.) Ang nalulugod at naliligayahang Manlilikha ang kumasi sa kaniyang makalupang manunulat upang ilarawan nang husto ang makalangit na tanawin, na nagsasabi: “Umawit na magkasama ang mga bituing pang-umaga, at lahat ng mga anak ng Diyos ay nagsimulang maghiyawan sa kagalakan.” (Job 38:7) Di lalo pa ngang mag-aawitan sa kagalakan, sa ikaluluwalhati ng Diyos, ang mga anghel na anak ng Diyos pagka naisauli na ang Paraiso!
5. Ano ang dapat na madama natin tungkol sa katuparan ng panimulang layunin ng Diyos tungkol sa lupa?
5 Tunay na nakagagalak-puso na muling tiyakin sa atin ng kinasihang Banal na Kasulatan na ang dakilang katuparan ng isang lupang paraiso ang layunin na ng Diyos na Jehova sa mismong pasimula. Ang nakagagalak, kapuri-puring katuparang ito ng layunin ng Diyos para sa lupang ito ang talagang tamang bagay na dapat asahan sa isang Diyos na may higit at higit na kaluwalhatian sa pagpapakita ng kaniyang kamahalan. Purihin siya ng lahat!—Awit 150:1, 2; Isaias 45:18; Apocalipsis 21:3-5.
Ang mga Binuhay-muli ay Tumutulong sa Pagsasauli sa Paraiso
6. Pagkatapos ng Armagedon, papaano magkakaroon ng mga tao ang lupa?
6 Bagaman ang mga makaliligtas sa Armagedon ay kakaunti lamang kung ihahambing ang bilang, hindi lamang sa pag-aanak nila lubusang magkakaroon ng mga tao ang lupa. ‘Luluwalhatiin din [ni Jehova] ang dako ng kaniyang mga paa’ sa pamamagitan ng muling pagbuhay sa mga nasa alaalang libingan at mga kuwalipikadong makinabang sa haing pantubos ni Kristo. Ang mga ito, sa ganang kanila, ay magkakaroon ng pribilehiyo na makibahagi sa kalugud-lugod na gawaing isauli ang ating makalupang globo sa isang ubod-gandang paraiso.—Gawa 24:15.
7. Anong mga salita ni Jesus ang laging isasaisip ng mga nakaligtas sa Armagedon?
7 Laging isasaisip ng mga nakaligtas sa Armagedon ang nakaaantig-kaluluwang mga salita ng Panginoong Jesu-Kristo noong minsang siya’y maudyukang magsabi: “Huwag ninyong ipanggilalas ito, sapagkat dumarating ang oras na lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at magsisilabas.” (Juan 5:28, 29) Anong laking kababalaghan iyon pagka ang mga nangamatay na nasa kanilang alaalang mga libingan ay magsimulang makarinig ng tinig ng Anak ng Diyos na nagsasalita ng mga salitang gaya ng sinabi kay Lasaro, na ang bangkay ay nakahimlay noon sa libingan sa Betania: “Lasaro, lumabas ka!”—Juan 11:43.
8, 9. Sino ang malamang na mga unang bubuhayin upang mabuhay uli sa lupa, na magdadala ng anong kagalakan sa mga nakaligtas sa Armagedon?
8 Sino ang malamang na mga unang buhayin upang mabuhay uli sa lupa sa ilalim ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesu-Kristo at bilang pagtugon sa kaniyang utos? Makatuwiran ngang sabihin na iyon ay ang “mga ibang tupa” na nangamatay noong mga huling araw bago sumapit ang wakas ng sistema ng mga bagay na ito. Sila’y daranas ng mas maagang pagkabuhay-muli. (Juan 10:16) Malamang na sila ang magkaroon ng bahagya lamang hirap sa pagbabagay ng kanilang sarili sa bagong sanlibutan.—Ihambing ang Mateo 25:34; Juan 6:53, 54.
9 Anong laking kagalakan para sa mga makaliligtas sa Armagedon pagka kanilang nakita ang binuhay-muling “mga ibang tupa” na nangamatay sa panahon na nabubuhay ang saling-lahi bago sumapit ang “malaking kapighatian”! (Mateo 24:21) Sa pamamagitan ng mga bagay na malinaw na pagkakakilanlan sa kanila, sila’y makikilala ng mga nakaligtas sa Armagedon, sila’y sinasalubong, at magkakasama na silang muling nagpapatuloy sa kanilang nagkakaisang paglilingkod sa Kataas-taasang Diyos!
10. Sa pagkaligtas mo sa Armagedon, ano baga ang masasaksihan mo?
10 Kung ikaw ay isa sa mga nakaligtas sa Armagedon, malamang na masaksihan mo ang pagkabuhay-muli ng mga unang bubuhayin sa iyong sariling mga kamag-anak. Ano pa ang iyong madarama kundi yaong nadama ng mga magulang na nakasaksi sa pagbuhay ng Panginoong Jesus sa kanilang 12-anyos na anak na dalagita at ibinigay siya sa kanilang nananabik na mga bisig? “Kapagdaka sila ay galak na galak sa lubus-lubusang kaligayahan.” (Marcos 5:42) Ah, oo, di-masayod na kaligayahan ang madarama mo sa pagkabuhay-muli ng mga patay buhat sa Hades at sa dagat. (Apocalipsis 20:13) Oh, anong ningning na kinabukasan iyan, isang kinabukasan na kaylapit-lapit na!
“Mga Prinsipe sa Buong Lupa”
11, 12. (a) Ano ang idiniriin ng Awit 45:16? (b) Buhat saan malamang kukuha ang Hari, si Jesu-Kristo, ng mga ilalagay bilang mga “prinsipe sa buong lupa”?
11 Sa paggamit sa kaniyang kapangyarihan na buhayin ang mga taong nangamatay na alang-alang sa kanila’y inihandog niya ang kaniyang sakdal na buhay-tao bilang isang haing pantubos, pangyayarihin ni Jesus na matupad ang Awit 45:16. Ang awit na ito ay isang hulang tungkol kay Jesu-Kristo bilang ang iniluklok na Hari: “Sa halip ng iyong [makalupang] mga ninuno ay magiging iyong mga anak, na siya mong gagawing mga prinsipe sa buong lupa.” Ang awit na ito ay nagdiriin sa bagay na si Jesu-Kristo’y magiging isang makalangit na ama sa mga anak dito sa lupa at siya’y kukuha sa kanila ng mga anak na ilalagay niya bilang “mga prinsipe sa buong lupa.” Bilang ang “anak ni David” at ang panganay na anak ng taga-Juda na birheng si Maria, si Jesus ay nagkaroon ng makalupang mga ninuno na kung tutuntunin ay buhat pa sa unang ama, si Adan.—Lucas 3:23-38.
12 Sinasabi baga ng Awit 45:16 na yaong mga dati’y likas na mga ninuno ni Jesus ay magiging kaniyang mga anak sa pamamagitan ng pagbuhay sa kanila buhat sa mga patay? Oo. Sinasabi ba rin ng Awit 45:16 na nang dahil sa sila’y kaniyang mga ninuno, sila’y pagpapakitaan ni Jesus ng bukod-tanging pabor at sila lamang ang ilalagay na “mga prinsipe sa buong lupa” sa lupang Paraiso? Hindi. Kung ganiyan ang katuparan ng hula, magkakaroon lamang ng limitadong bilang ng “mga prinsipe” sa buong lupa. Bukod diyan, hindi lahat ng kaniyang mga ninunong ito ay namumukod-tangi upang maging karapat-dapat sa natatanging katanyagan sa lupa sa panahon ng kaniyang Milenyong Paghahari. Ang Hari, si Jesu-Kristo, ay magkakaroon ng di-hamak na marami pa kaysa kaniyang makalupang mga ninuno na hihirangin bilang “mga prinsipe”—kuwalipikado na mga makaliligtas sa Armagedon, binuhay-muling “mga ibang tupa,” kasali na ang mga taong may pananampalataya bago ng panahon ng mga Kristiyano. Buhat sa lahat ng mga ito, siya’y makakukuha ng kuwalipikadong mga karapat-dapat upang manungkulan sa pagkaprinsipe bilang kaniyang mga kinatawan sa lupa.
13, 14. Sinong mga bubuhaying-muli ang makikita ng mismong mga mata ng mga makaliligtas sa Armagedon?
13 Isip-isipin ang gayong mga tao na nakahanay na buhaying-muli sa ilalim ng Mesyanikong Kaharian. Hayun! Tayo kaya’y makapaniniwala sa nakikita ng ating mga mata? Hayun si Abel, ang unang martir, at si Enoch, na patuluyang lumakad kasama ng tunay na Diyos. Nariyan din si Noe, ang tagapagtayo ng daong. Nariyan sina Abraham, Isaac, at Jacob, mga ninuno ng bansang Israel. Nariyan si Moises (ng makasaserdoteng tribo ni Levi) at si David na sa kaniya ginawa ang walang-hanggang tipan ukol sa Kaharian. At hayun, si Isaias, si Jeremias, si Ezekiel, si Daniel, at lahat ng iba pang mga Hebreong propeta na sumulat ng Bibliya hanggang sa kahuli-hulihan sa kanila, si Malakias, at, mangyari pa, si Juan Bautista at gayundin si Jose, na amain ni Jesus.
14 Minsan, sinabi ni Jesus sa mga Judio na kanilang “makikita si Abraham at si Isaac at si Jacob at lahat ng propeta sa kaharian ng Diyos, ngunit [sila mismo] ay inihagis sa labas.” (Lucas 13:28) Ang “malaking pulutong” ng makalupang mga makaliligtas sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” ay bibigyan ng pribilehiyong literal na makita ang bubuhaying-muling sina “Abraham at Isaac at Jacob at lahat ng mga propeta” na mapapabalik sa lupang Paraiso at sa makaharing paglilingkod sa ilalim ng Kaharian ng Diyos na nasa ilalim ng “Walang-Hanggang Ama,” si Jesu-Kristo.—Apocalipsis 7:9, 14; 16:14; Isaias 9:6.
15. Anong walang katulad na pribilehiyo ang naghihintay sa mga makaliligtas sa Armagedon?
15 Nakaaantig-kaluluwang ikaw ay makaligtas sa katapusan ng kasalukuyang masamang sanlibutang ito at makipaghambing ng mga nota kay Noe at sa kaniyang pamilya, “walong kaluluwa,” na nangakaligtas sa katapusan ng unang sanlibutan sa pangglobong Delubyo noong 2370 B.C.E.! Walang sinuman sa buong panahong walang-hanggan ang kaipala’y magkakaroon ng karanasan na katulad ng sa iyo at sa gayo’y magsisilbing isang Saksi ng Diyos na Jehova sa natatanging, di na mauulit na pagkakataong ito.—1 Pedro 3:20; Marcos 13:19; 2 Pedro 3:5-7.
Naalaala ang Isang Nakiramay na Manlalabag-Batas
16, 17. (a) Pagka inalaala na ni Jesus ang nakiramay na manlalabag-batas, ano ang magiging pribilehiyo ng mga makaliligtas sa Armagedon at ng mga iba pang buháy sa panahong iyon? (b) Ano ang pag-asang inaasam-asam tungkol sa bubuhaying manlalabag-batas?
16 Walang alinlangan, sa panahong iyon malayo na ang nararating ng pagsasauli sa Paraiso sa lupa. Ang manlalabag-batas na ibinayubay sa Kalbaryo katabi ni Jesus at siyang nagsabi bilang pagkilala sa karatula sa itaas ng Kaniyang ulo, “Jesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian,” ay bubuhaying-muli sa buhay sa lupa sa isinauling Paraiso. (Lucas 23:42) Magiging pribilehiyo ng mga nakaligtas sa Armagedon at sa mga iba pa na buháy sa panahong iyon na tanggapin siya buhat sa mga patay. Kanilang tuturuan siyang lubusan tungkol sa ngayo’y nagpupunong Hari, si Jesu-Kristo, na pinagpakitaan niya ng matinding pakikiramay noong Nisan 14 noong taóng 33 C.E.
17 Hindi makakaligtaan ng Panginoong Jesu-Kristo na alalahanin siya anumang araw sa Kaniyang paghahari ng isang libong taon. Walang alinlangan na ang madamaying, binuhay-muling manlalabag-batas ay magpapakita ng kaniyang pagpapahalaga sa nagpupunong Hari, si Jesu-Kristo, na kaniyang pinagkakautangan ng loob sa kaniyang pagkabuhay-muli, sa pamamagitan ng pagpapatunay ng kaniyang katapatan sa Pansansinukob na Soberano, ang Diyos na Jehova. Kung magkagayo’y ibibilang siya na karapat-dapat magtamasa ng buhay sa Paraisong bagong sanlibutan hanggang sa panahong walang-hanggan kasama ng lahat ng iba pang masunuring tao na naisauli sa kasakdalan.
Ang Buhay sa Pangglobong, Isinauling Halamanan ng Eden
18. Ano ang magiging buhay sa isinauling Paraiso?
18 Sa isinauling Paraiso, bawat isa ay kaibigan ng lahat. Ang buklod ng pansanlibutang ugnayang pampamilya ay madarama hanggang sa kaibuturan ng kaluluwa ng bawat isa. Lahat ay nagkakaunawaan. Sila’y nagsasalita ng isang pangkalahatang wika sa buong sanlibutan. Malamang na iyon ay ang unang-unang wika ng tao, na ginagamit ng lahat ng tao sa lupa sa unang 1,800 taon ng pag-iral ng tao—mula nang lalangin si Adan noong 4026 B.C.E. hanggang sa kaarawan ni Peleg (2269 hanggang 2030 B.C.E.), sapagkat “nang kaniyang kaarawan ang lupa [samakatuwid nga, ang populasyon ng lupa] ay baha-bahagi.” (Genesis 10:25; 11:1) Lahat ay naliligayahan sa pribilehiyo na mabuhay at bawat bagong araw ay sinasalubong nang may pasasalamat sa bawat karagdagang araw ng buhay. Ang kapansanan ng katawan ay hindi nararagdagan sa paglakad ng panahon. Ang pisikal na lakas ay sumusulong, at ang mga katawan ay hindi humihina.—Ihambing ang Job 33:25.
19. Ano ang mapapansin tungkol sa mga taong dati’y may kapansanan?
19 At masdan! Ang dating pilay ay lumalakad, oo, lulukso-lukso sa kagalakan. Ang naputol na mga braso at mga binti ay parang himalang napasauli. Ang dating bulag ay nakakakita na, ang bingi’y nakakarinig, ang pipi’y nagsasalita at umaawit dahil sa lubos na kagalakan. (Ihambing ang Isaias 35:5, 6.) Ang pangit na mga porma at pigura ng tao ay wala na. Ang kagandahan ng pagkalalaki ay may katimbang na kagandahan ng pagkababae. (Genesis 2:18) Ang kasakdalan ng tao ay isang kaluwalhatian sa Diyos na Jehova, ang Maylikha ng sakdal na katawan ng tao.
20. Ano ang mapapansin tungkol sa mga puwersa ng kalikasan, panustos na mga pagkain, mga nilalang na hayop, at kung papaano gagamitin ang lupa?
20 Ang buong lupa ay nagiging isang pangglobong dako ng kagandahan. Sa anumang panig ng lupa ay walang napapabalitang tagtuyot o pag-ulan na nagdadala ng nakapipinsalang baha o mapanirang mga buhawi, unos, bagyo, at ipuipo. (Ihambing ang Marcos 4:37-41.) Lahat ng puwersa ng kalikasan ay pawang napapauwi sa hustong pagkakatimbang-timbang upang ang buong lupa ay maging isang ubod-gandang lugar na panirahan. Walang kakapusan sa pagkain saanman, sapagkat ang lupa ay namumunga nang sagana. (Awit 72:16) May kapayapaan at katiwasayan sa buong sanlibutan kapuwa sa gitna ng tao at ng hayop, gaya ng sinasabi ni Jehova: “Sila’y hindi mananakit o lilikha ng anumang pinsala sa aking buong banal na bundok.” (Isaias 11:9; tingnan din ang mga Isa 11 talatang 6-8.) Sa ganitong paraan ang lupa ay gagawing isang kalugud-lugod na dakong tirahan at magiging ang dako ng pagsamba at ng paglilingkod sa Diyos na Jehova, ang Maylikha at May-ari ng lupa. Yamang ito’y kaniyang pag-aari dahil sa siya ang lumikha nito, karapat-dapat na ito’y gamitin sa paraang nakalulugod sa kaniya at lumuluwalhati sa kaniya.—Ihambing ang Isaias 35:1, 2, 6, 7.
21. Papaano mamalasin ng tinubos na sangkatauhan ang lahat ng bagay sa lupa, at anong musika ang maririnig?
21 Nakapananariwa at bago—ganiyan ang lahat ng bagay sa lupa para sa tinubos na mga tao na noon lamang nakaranas ng buhay sa loob ng Paraisong halamanan ng Eden na kung saan nagsimula ang buhay ng tao sa magandang kasakdalan! (Apocalipsis 21:5) Anong kalugud-lugod na musika, buhat sa mga instrumento at mga tinig, ang maririnig sa panahong iyon—na pawang pumupuri kay Jehova!—1 Cronica 23:4, 5; Awit 150:3-6.
22. Ano ang madarama mo kung nabubuhay ka sa Paraisong bagong sanlibutan?
22 Tunay na kahanga-hanga ang mabuhay sa lupa na kung saan ang buhay ng tao ay saganang-sagana at lahat ng yugto na humahantong sa kamatayan dahil sa orihinal na pagkakasala ni Adan ay naparam na sa panahong iyon! (Ihambing ang Juan 10:10.) Oo, iyon ay isang lupa na kung saan bawat sinang-ayunang nilalang na tao ay kalarawan at kawangis ng Diyos na Jehova kagaya rin ng unang taong si Adan nang lalangin! (Genesis 1:26, 27) Kung magkagayon, ang lupa ay hindi na magiging isang pangit na tanawin sa mga serapin, kerubin, at sa nagniningning na mga anghel sa langit. Pagka ang kanilang kaibig-ibig na mga mukha’y itinanaw nila sa lupa, pagka natanaw nila na ito’y nagagayakan ng malaparaisong kagandahan, pawang papuri at pasasalamat ang ipahahayag nila sa Isa na ang mukha’y may pribilehiyo sila na tuwirang mapagmasdan—si Jehova, ang Soberano ng Sansinukob.—Mateo 18:10.
Isang Maligayang Hinaharap na Walang-Hanggan
23. Ano ang posible tungkol sa pinahirang mga Kristiyano, at ano ang resulta niyaon sa mga naninirahan sa makalupang Paraiso?
23 Posible at malamang na mangyari na, balang araw sa hinaharap, ang mga pangalan ng lahat ng pinahirang mga Kristiyano na nakasiguro sa kanilang “pagkatawag at pagkahirang” sa makalangit na Kaharian at pinagpala sa pagkakaroon ng pagkabuhay-muli sa langit ay mapalathala sa kabuuan para mabatid ng sangkatauhan sa kanilang makalupang Paraiso. (2 Pedro 1:10; Awit 87:5, 6) Sa gayon, lubusang mauunawaan kung bakit wala sa makalupang Paraiso ang 144,000 inianak sa espiritung pinahirang mga alagad ni Jesu-Kristo, at ito’y sa ikasisiya ng lahat taglay ang buong pusong kagalakan sa kanila kasama nila.
24. (a) Ano ang naisakatuparan na ni Jehova sa hinaharap tungkol sa “tuntungang-dako ng kaniyang mga paa”? (b) Papaano natin nalalaman na ang bagong sanlibutan ay hindi kailanman magwawakas, at anong makahulang awit ang matutupad?
24 Maligaya nga ang walang-hanggang hinaharap para sa lahat ng mananatili sa walang pagkasirang debosyon kay Jehova, ang dakilang Soberano ng buong sansinukob. Ang lupang Paraiso na may maalwang dami ng mga tao ay magiging isang angkop na dako, isang kapuri-puring dako, bilang isang ‘tuntungan’ na magsisilbing himlayan ng mga paa ng Diyos sa salitang talinghaga. Oo, sa buong panahong walang-hanggan ay luluwalhatiin ni Jehova ‘ang mismong dako ng kaniyang mga paa,’ at lahat ng tao ay patuloy na pasasakop sa kaniya! (Mateo 5:34, 35; Gawa 7:49) Ang bagong sanlibutan ay magiging isang sanlibutang walang katapusan sapagkat “ang kasaganaan ng maharlikang pamamahala at ng kapayapaan ay hindi magwawakas.” (Isaias 9:7) Kung magkagayon, ang makahulang awit ng makalangit na mga anghel nang isilang si Jesus sa Bethlehem ng Juda noong 2 B.C.E. ay matutupad: “Kaluwalhatian sa kaitaasan sa Diyos, at sa lupa ay kapayapaan sa gitna ng mga taong may mabuting loob.”—Lucas 2:13, 14.
25. (a) Sa ano nagpapahalaga ngayon yaong mga kabilang sa “malaking pulutong” ng “mga ibang tupa”? (b) Ano ang dapat na maging ating taos-pusong naisin?
25 Yaong mga kabilang sa “malaking pulutong” ng “mga ibang tupa” ng Mabuting Pastol ay nagpapahalaga sa umaantig-kaluluwang mga salitang pangako tungkol sa isasauling Paraiso. Pribilehiyo nila ang makaugnay sa organisasyon ng Diyos ngayon at masigasig na makibahagi sa gawaing inihula ng Panginoong Jesu-Kristo, ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian sa buong tinatahanang lupa para sa pangkatapusang pagpapatotoo. (Mateo 24:14; Marcos 13:10) Ang ating taimtim, taos-pusong naisin bilang mga Saksi ni Jehova ay ang makapanatili sa ating walang bahid-dungis na katapatan sa buong panahong walang-hanggan, sa walang-katapusang ikaluluwalhati at ikapagbabangong-puri ng Pansansinukob na Soberano, ang Diyos na Jehova, at sa ilalim ng maharlikang paghahari ng kaniyang bugtong na Anak, si Jesu-Kristo. “Hallelujah!”—Apocalipsis 19:1, 3, 4, 6, RSV, New International Version; Kawikaan 10:9.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Ano ang ipinangako ni Jehova tungkol sa makasagisag na tuntungan ng kaniyang mga paa, ang lupa?
◻ Sino ang mga tutulong sa pagsasauli ng Paraiso?
◻ Sa gitna nino kukuha ang Hari, si Jesu-Kristo, ng ilalagay bilang “mga prinsipe sa buong lupa”?
◻ Anong nakaaantig-kaluluwang karanasan ang maaari mong maranasan pagka naganap na ang pagkabuhay-muli?
◻ Anong hinaharap ang naghihintay sa mga mananatili sa walang pagkasirang debosyon kay Jehova?