Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Ang Taong Mayaman at si Lasaro
NOON ay nakikipag-usap si Jesus sa kaniyang mga alagad tungkol sa tumpak na paggamit sa materyal na kayamanan, at ipinaliliwanag niya na tayo’y hindi maaaring magpaalipin sa mga ito at kasabay nito’y maging alipin pa rin ng Diyos. Ang mga Fariseo ay nakikinig din, at sila’y nang-iismid kay Jesus sapagkat sila’y mga mangingibig ng salapi. Kaya’t kaniyang sinabi sa kanila: “Kayo yaong mga nag-aaring-matuwid sa inyong sarili sa paningin ng mga tao, ngunit nakikilala ng Diyos ang inyong mga puso; sapagkat ang dinadakila ng mga tao ay kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos.”
Sumapit na ang panahon upang ang mga pangyayari ay mabaligtad sa mga taong mayayaman sa makasanlibutang mga bagay, sa kapangyarihang pulitikal, at sa kapamahalaan at impluwensiyang relihiyoso. Sila’y kailangang mapababa, at yaong mga kumikilala sa kanilang espirituwal na pangangailangan ay kailangang mapataas. Ang ganiyang pagbabago ang binanggit ni Jesus nang kaniyang sabihin sa mga Fariseo:
“Ang Kautusan at ang mga Propeta ay nanatili hanggang kay Juan [Bautista]. Mula noon ang kaharian ng Diyos ay ipinangangaral bilang mabuting balita, at ang bawat uri ng tao ay nagpupumilit na patungo roon. Oo, mas madali pa na ang langit at ang lupa ay pumanaw kaysa isang kudlit ng titik ng Kautusan ay hindi matupad.”
Ipinagmamalaki ng mga eskriba at ng mga Fariseo ang kanilang ipinamamaraling pagsunod sa Kautusan ni Moises. Gunitain na nang makahimalang isauli ni Jesus ang paningin ng isang lalaki sa Jerusalem, kanilang ipinangalandakan: “Kami’y mga alagad ni Moises. Batid namin na ang Diyos ay nagsalita kay Moises.” Subalit ngayon ang Kautusan ni Moises ay natupad sa nilayon nitong pag-akay sa mga mapagpakumbaba tungo sa hinirang ng Diyos na Hari, si Jesu-Kristo. Kaya sa pasimula ng ministeryo ni Juan, lahat ng uri ng tao, lalo na ang mapagpakumbaba at ang dukha, ay nagsusumikap na maging mga sakop ng Kaharian ng Diyos.
Yamang ang Kautusang Mosaiko ay natutupad na ngayon, ang obligasyon na sundin iyon ay aalisin. Ang Kautusan ay nagpapahintulot ng diborsiyo batay sa sari-saring dahilan, subalit ngayon ay sinasabi ni Jesus: “Ang bawat lalaking humihiwalay sa kaniyang asawa at nag-aasawa sa iba ay nagkakasala ng pangangalunya, at ang nag-aasawa sa babaing hiwalay sa asawa ay nagkakasala ng pangangalunya.” Ang ganiyang mga salita ay tiyak na kinayamutan ng mga Fariseo, lalo na yamang sila’y nagpapahintulot ng paghihiwalay batay sa maraming dahilan!
Sa pagpapatuloy ng kaniyang pagsasalita sa mga Fariseo, si Jesus ay naglahad ng isang paghahalimbawa tungkol sa dalawang lalaki na ang kalagayan, o situwasyon, ay sa wakas nagbagong bigla. Masasabi mo ba kung sino ang kinakatawan ng mga lalaki at ano ang ibig sabihin ng kanilang mga kalagayan nang ito’y mabaligtad?
“Subalit isang lalaki ang mayaman,” ang paliwanag ni Jesus, “at siya’y nagdaramit ng kulay ube at maselang lino, at sa araw-araw ay kumakain nang sagana. Subalit isang pulubi na nagngangalang Lasaro, lipos ng mga sugat, ang inilalagay sa kaniyang pintuan, at naghahangad na mapakain ng mga mumo na nahuhulog mula sa lamesa ng taong mayaman. Oo, at lumapit pati ang mga aso at hinimuran ang kaniyang mga sugat.”
Dito’y ginagamit ni Jesus ang taong mayaman upang kumatawan sa mga pinunong relihiyosong Judio, kasali na rito hindi lamang ang mga Fariseo at ang mga eskriba kundi pati mga Saduceo at mga pangulong saserdote. Sila’y mayayaman sa espirituwal na mga biyaya at pagkakataon, at sila’y namumuhay na gaya ng pamumuhay ng taong mayaman. Ang kanilang damit na kulay-ube na kasuotan ng mga taong mahal ay kumakatawan sa kanilang pinagpalang kalagayan, at ang puting kayong lino ay kumakatawan sa kanilang pagiging matuwid-sa-sarili.
Ang mapagmataas na uring taong-mayamang ito ay mapanghamak sa mga dukha, sa mga karaniwang tao, anupa’t ang tawag nila sa mga ito ay ‘am ha·’aʹrets, o mga taong hampaslupa. Ang pulubing si Lasaro kung gayon ay kumakatawan sa mga taong ito na pinagkakaitan ng mga pinunong relihiyoso ng wastong espirituwal na pagkain at mga pribilehiyo. Samakatuwid, tulad ni Lasaro na tadtad ng sugat, ang karaniwang mga tao ay hinahamak-hamak na parang may sakit sa espirituwal at sa mga aso lamang angkop na makihalubilo. Gayunman, ang mga nasa uring Lasaro ay nagugutom at nauuhaw sa espirituwal na pagkain kung kaya’t sila’y nasa pintuan na nag-aabang ng anumang mumo ng espirituwal na pagkain na mahuhulog buhat sa lamesa ng taong mayaman.
Ngayon ay nagpatuloy si Jesus ng paglalahad ng pagbabago sa kalagayan ng taong mayaman at ni Lasaro. Ano ba ang pagbabagong ito, at ano ang kinakatawan ng mga ito? Ang mga tanong na ito ay tatalakayin sa susunod na labas ng aming magasin. Lucas 16:14-21; Juan 9:28, 29; Mateo 19:3-9; Galacia 3:24; Colosas 2:14.
◆ Sa pasimula ng ministeryo ni Juan, anong mga pagbabago ang binanggit ni Jesus na magaganap?
◆ Ano ang aalisin pagkamatay ni Jesus, at paano maaapektuhan nito ang tungkol sa paghihiwalay?
◆ Sa paghahalimbawang ibinigay ni Jesus, sino ang kinakatawan ng taong mayaman at ni Lasaro?
◆ Anong impormasyon ang maaasahan nating ilalathala sa susunod na labas ng magasing ito?