Ang Pangmalas ng Bibliya
Pangangalunya—Patawarin o Huwag Patawarin?
“IPAGPATAWAD ninyo ang anumang taglay ninyo laban sa kaninuman; upang patawarin din kayo ng inyong Ama na nasa mga langit sa inyong mga pagkakamali.” (Marcos 11:25) Ang mga pananalitang iyon ni Jesus ay nagbangon ng ilang humahamong katanungan tungkol sa isang pag-aasawa na naligalig ng pangangalunya: Dapat bang patawarin ng Kristiyanong pinagkasalahan ang kaniyang asawa at panatilihin ang pag-aasawa?a Kung ang babae ay magpasiyang humiwalay, isinasapanganib ba niya ang kaniya mismong kaugnayan sa Diyos? Tingnan natin kung paano tumutulong ang Bibliya upang sagutin ang mga tanong na ito.
Dapat Ka Bang Magpatawad sa Tuwina?
Ang mga pananalita ba ni Jesus, “ipagpatawad ninyo ang anumang taglay ninyo laban sa kaninuman,” ay nangangahulugan na sa lahat ng kaso—pati na kung ang isang kabiyak ay nangalunya—ang Kristiyano ay obligadong magpatawad? Ang pananalita ni Jesus ay dapat unawain sa liwanag ng iba pang komentong sinabi niya tungkol sa pagpapatawad.
Halimbawa, natutuhan natin ang isang mahalagang simulain tungkol sa pagpapatawad mula sa pananalita ni Jesus na nakaulat sa Lucas 17:3, 4: “Kung ang iyong kapatid ay makagawa ng kasalanan ay sawayin mo siya, at kung siya ay magsisi ay patawarin mo siya. Kahit na magkasala siya nang pitong ulit sa isang araw laban sa iyo at bumalik siya sa iyo nang pitong ulit, na nagsasabi, ‘Nagsisisi ako,’ ay patatawarin mo siya.” Tiyak na sa mga kaso ng malubhang kasalanan, ang pinagkasalahan ay hinihimok na sikaping magpatawad kung may taimtim na pagsisisi. Minamalas ni Jehova mismo ang mga bagay sa ganitong paraan; upang tumanggap ng kapatawaran ng Diyos, tayo’y dapat na taimtim na nagsisisi.—Lucas 3:3; Gawa 2:38; 8:22.
Subalit, ipinakikita rin nito na kung ang asawang nangalunya ay di-nagsisisi, hindi tinatanggap ang pananagutan sa kaniyang kasalanan, mauunawaan na maaaring piliin ng pinagkasalahang asawa na huwag magpatawad.—Ihambing ang 1 Juan 1:8, 9.
Pagpapatawad—Kumusta Naman ang mga Bunga?
Gayunman, paano naman kung ang nangalunya ay nagsisisi? Kapag may pagsisisi, may saligan para magpatawad. Ngunit ang pagpapatawad ba ay nangangahulugan na ang nagkasala ay libre na sa lahat ng mga bunga ng kaniyang maling landasin? Isaalang-alang ang ilang halimbawa ng pagpapatawad ni Jehova.
Nang ang mga Israelita’y maghimagsik pagkatapos makinig sa sampung tiktik na nagbigay ng masamang ulat tungkol sa lupain ng Canaan, si Moises ay nagsumamo kay Jehova: “Ipatawad mo, pakisuyo, ang kasamaan ng bayang ito.” Si Jehova ay tumugon: “Aking pinatatawad ayon sa iyong salita.” Nangangahulugan ba ito na ang mga nagkasala ay libre na sa anumang magiging bunga ng kanilang mga kilos? Si Jehova ay nagpatuloy: “Ngunit lahat ng tao na . . . hindi nakinig sa aking tinig, hindi nila makikita ang lupain na aking isinumpa sa kanilang mga magulang.” (Bilang 14:19-23) Tinupad ni Jehova ang kaniyang sinabi; na ang nakatatandang salinlahi—maliban kina Josue at Caleb—ay hindi nakita ang Lupang Pangako.—Bilang 26:64, 65.
Sa katulad na paraan, nang sawayin ni propeta Nathan si Haring David dahil sa kaniyang kasalanan kay Bath-sheba, isang nagsisising David ang umamin: “Ako’y nagkasala laban kay Jehova.” Pagkatapos ay sinabi ni Nathan kay David: “Pinalampas naman ni Jehova ang iyong kasalanan.” (2 Samuel 12:13) Subalit, bagaman pinatawad ni Jehova si David, si David ay nagdusa sa mga naging bunga ng kaniyang kasalanan sa natitirang bahagi ng buhay niya.—2 Samuel 12:9-14; tingnan din ang 2 Samuel, kabanata 24.
Ang mga halimbawang ito ng pagpapatawad ng Diyos ay nagtatampok ng mahalagang leksiyon: Hindi tayo maaaring magkasala nang ligtas sa parusa. (Galacia 6:7, 8) Ang isang nagsisising nagkasala, bagaman siya ay maaaring tumanggap ng kapatawaran, ay hindi rin nakaiiwas sa mga resulta ng kaniyang maling landasin. Nangangahulugan ba ito na maaaring patawarin ng asawang pinagkasalahan ang nangalunya—sa paano man sa diwa na hahayaan na ang mapait na hinanakit—at gayunma’y maaari pa ring magpasiyang diborsiyuhin siya?
Pagpapatawad at Diborsiyo
Noong panahon ng kaniyang ministeryo, sa tatlong okasyon ay binanggit ni Jesus ang tungkol sa diborsiyo. (Mateo 5:32; 19:3-9; Lucas 16:18) Kapansin-pansin, ni minsan ay hindi binanggit ni Jesus sa alinmang talakayang ito ang pagpapatawad. Halimbawa, gaya ng masusumpungan sa Mateo 19:9, sinabi niya: “Sinumang dumidiborsiyo sa kaniyang asawang babae, maliban sa saligang pakikiapid, at mag-asawa ng iba ay gumagawa ng pangangalunya.” Sa pagsasabing “maliban sa saligang pakikiapid,” kinikilala ni Jesus na ang seksuwal na imoralidad ay magbibigay sa asawang pinagkasalahan ng karapatan, o maka-Kasulatang “saligan,” na magdiborsiyo. Subalit, hindi sinabi ni Jesus na dapat makipagdiborsiyo ang pinagkasalahan. Gayunpaman, maliwang na ipinahiwatig niya na maaari niyang gawin iyon.
Ang pag-aasawa ay isang tali na nagbibigkis sa dalawang tao. (Roma 7:2) Subalit kung ang isa sa kanila ay hindi tapat, ang bigkis ay maaaring putulin. Sa gayong mga kaso ang asawang pinagkasalahan ay talagang nakaharap sa dalawang desisyon. Una, dapat ba siyang magpatawad? Gaya ng nakita natin, isang mahalagang salik dito ay kung ang nangalunya ay taimtim na nagsisisi o hindi. Kung may pagsisisi, ang asawang pinagkasalahan ay maaaring magpatawad sa paglipas ng panahon—sa diwa na hinahayaan ang hinanakit.
Ang ikalawang desisyon ay, dapat ba siyang makipagdiborsiyo? Bakit babangon ang suliraning ito kung napatawad na niya ang lalaki?b Buweno, ano kung may tunay na pagkabahala siya tungkol sa kaligtasan niya at ng kaniyang mga anak, lalo na kung ang kaniyang asawang lalaki ay nananakit noon? O ano kung may mga pangamba na mahawa sa isang sakit na naililipat ng pagtatalik? O ano kung lubhang inaakala niyang dahil sa kaniyang pagtataksil, hindi na niya mapagkakatiwalaan pa siya sa isang kaugnayang pangmag-asawa? Sa gayong mga kalagayan mauunawaan naman na maaaring patawarin ng asawang pinagkasalahan ang nagkasalang kabiyak (sa diwa na hayaan ang hinanakit) at gayunman ay magpasiya pa rin na diborsiyuhin siya sapagkat ayaw na niyang patuloy na makisama sa kaniya. Kung hahayaan niya ang hinanakit, makatutulong ito sa babae na magpatuloy sa kaniyang buhay. Maaari rin itong tumulong na panatilihin ang anumang kinakailangang pakikitungo sa hinaharap sa nangalunya nang mas magalang.
Kung baga didiborsiyuhin ang isang di-tapat na kabiyak ay isang personal na desisyon, isa na dapat na gawin ng asawang pinagkasalahan pagkatapos nang maingat at may pananalanging pagsasaalang-alang sa lahat ng mga salik na nasasangkot. (Awit 55:22) Ang iba ay walang karapatang magdikta o gipitin ang asawang pinagkasalahan na magpasiya kung magdidiborsiyo o hindi. (Ihambing ang Galacia 6:5.) Tandaan, hindi sinabi ni Jesus kung ano ang dapat gawin ng isang asawang pinagkasalahan. Maliwanag, kung gayon, si Jehova ay nalulugod sa mga pumipiling magdiborsiyo salig sa wastong maka-Kasulatang mga saligan.
[Mga talababa]
a Bagaman tutukuyin namin dito ang asawang pinagkasalahan na “babae,” ang mga simulaing tinatalakay ay kumakapit din kung ang pinagkasalahang asawa ay ang Kristiyanong lalaki.
b Sa muling pakikipagtalik, ipinahihiwatig ng asawang pinagkasalahan na nagpasiya na siyang makipagkasundo sa kaniyang nagkasalang kabiyak. Sa gayo’y pinawawalang-bisa niya ang anumang maka-Kasulatang saligan para sa diborsiyo.
[Picture Credit Line sa pahina 10]
Life