‘Aming Ginawa ang Dapat Naming Gawin’
AYON SA PAGKALAHAD NI GEORGE COUCH
Matapos naming gugulin ang umaga sa ministeryo sa bahay-bahay, naglabas ng dalawang sandwich ang kasama ko. Nang matapos kaming kumain, naglabas ako ng sigarilyo para humitit. “Gaano ka na katagal sa katotohanan?” Ang tanong niya. “Kagabi ang kauna-unahang pulong na nadaluhan ko,” ang sabi ko sa kaniya.
ISINILANG ako noong Marso 3, 1917, sa isang bukirin na mga 50 kilometro sa gawing silangan ng Pittsburgh, Pennsylvania, E.U.A., malapit sa maliit na bayan ng Avonmore. Kami ng aking apat na kapatid na lalaki at ng aking ate ay pinalaki roon ng aming mga magulang.
Wala kaming gaanong pagsasanay sa relihiyon. Dating nagsisimba ang mga magulang ko, subalit bata pa kami ay huminto na silang magsimba. Gayunman, naniniwala kami sa Maylalang, at ang aming pamilya ay sumusunod sa mga pangunahing simulain sa Bibliya.
Ang pinakamainam na pagsasanay na natanggap ko mula sa aking mga magulang ay may kaugnayan sa pananagutan—kung paano tanggapin at tuparin iyon. Gayon ang buhay sa bukid. Subalit ang aming buhay ay hindi laging pagtatrabaho. Ikinatuwa namin ang kapaki-pakinabang na paglilibang, gaya ng paglalaro ng basketbol at beysbol, pangangabayo, at paglangoy. Salat ang pera nang mga panahong iyon, subalit ang buhay sa bukid ay nakasisiya. Nag-aral kami ng elementarya sa isang bahay-paaralan na may isang silid at sa isang paaralan sa bayan noong haiskul.
Isang gabi ay naglalakad kami sa bayan kasama ng aking kaibigan. Lumabas sa bahay niya ang isang magandang babae upang batiin ang aking kaibigan. Ipinakilala niya ako kay Fern Prugh. Kombinyente ang kaniyang tirahan dahil ito’y nasa kalye kung saan naroon din ang mataas na paaralan. Madalas, kapag dumaraan ako sa bahay nila, nakikita ko si Fern sa labas habang nag-aasikaso ng mga gawain. Maliwanag, isa siyang masipag na manggagawa, na aking hinangaan. Lumalim ang aming pagkakaibigan at pag-ibig sa isa’t isa at kami’y nagpakasal noong Abril 1936.
Pagkaalam sa Katotohanan ng Bibliya
Bago pa ako isilang, may isang matandang babae sa bayan na hinahamak ng mga tao dahil sa kaniyang relihiyon. Dinadalaw siya ng aking ina tuwing Sabado kapag namamalengke sa bayan. Nililinis ni Inay ang bahay niya at tinutulungan siya sa mga kinakailangang asikasuhin nito, na ginagawa iyon hanggang sa mamatay ang babaing ito. Naniniwala akong pinagpala ni Jehova si Inay dahil sa napakabait niya sa babaing ito, na isang Estudyante ng Bibliya, na siyang tawag noon sa mga Saksi ni Jehova.
Pagkaraan nito, biglang namatay ang anak na dalagita ng aking tiya. Hindi gaanong nakaaliw sa aking tiya ang simbahan, subalit isang kapitbahay na isang Estudyante ng Bibliya ang nakagawa nito. Ipinaliwanag sa kaniya ng Estudyante ng Bibliya kung ano ang nangyayari sa tao pagkamatay. (Job 14:13-15; Eclesiastes 9:5, 10) Naging dahilan iyon ng malaking kaaliwan. Ang tiya ko naman ay nakipag-usap kay Inay tungkol sa pag-asa ng pagkabuhay-muli. Pinukaw nito ang interes ni Inay, yamang namatay ang mga magulang niya nang siya’y bata pa at gustung-gusto niyang malaman kung ano ang nangyayari sa tao pagkamatay. Ang karanasang iyon ay nagturo sa akin ng kahalagahan ng laging pagsasamantala sa mga pagkakataon na magpatotoo nang di-pormal.
Noong mga taon ng 1930, nagsimulang makinig si Inay sa mga pagsasahimpapawid sa radyo ni Joseph F. Rutherford, na presidente noon ng Watch Tower Bible and Tract Society. Nang mga taong iyon, nagsimula sa gawaing pagbabahay-bahay ang mga Saksi sa aming lugar. Naglalagay sila ng isang nabibitbit na ponograpo sa may lilim ng punungkahoy sa aming bakuran at iparirinig ang naka-rekord na mga sermon ni Brother Rutherford. Ang mga rekording na iyon at mga magasing Bantayan at Golden Age (ngayo’y Gumising!) ay nagpanatili ng interes ni Inay.
Pagkaraan ng ilang taon, noong 1938, isang postkard ang ipinadala sa mga sumususkribe ng Bantayan na nag-aanyaya sa kanila sa isang pantanging pulong sa isang pribadong tahanan na mga 25 kilometro ang layo. Gustong dumalo ni Inay, kaya sinamahan namin siya ni Fern at ng dalawa kong kuya. Sina John Booth at Charles Hessler, naglalakbay na mga tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova, ay nagpahayag sa amin na binubuo ng halos labing-dalawa katao. Pagkatapos, sinimulan nilang mag-organisa ng isang grupo na makikibahagi sa ministeryo kinaumagahan. Walang nagboluntaryo para sumama sa kanila, kaya pinili ako ni Brother Hessler at nagtanong, “Bakit nga ba hindi ka sumama sa amin?” Hindi ko batid nang husto kung ano ang gagawin nila, subalit wala akong maisip na dahilan para hindi sila tulungan.
Nagbahay-bahay kami hanggang sa bandang tanghali, at pagkatapos ay naglabas ng dalawang sandwich si Brother Hessler. Naupo kami sa may daanan ng simbahan at kumain. Noon lamang matapos kong ilabas ang sigarilyong iyon nang malaman ni Brother Hessler na minsan pa lamang akong nakadalo ng pulong. Dinalaw niya kami sa hapunan nang gabing iyon at humiling sa amin na anyayahan ang aming mga kapitbahay para sa isang pag-uusap sa Bibliya. Pagkatapos ng hapunan, nagdaos siya ng isang pag-aaral ng Bibliya sa amin at nagpahayag sa grupo ng halos sampu katao. Sinabi niya sa amin na dapat kaming mag-aral ng Bibliya bawat linggo. Bagaman hindi sumang-ayon dito ang aming mga kapitbahay, isinaayos namin ni Fern na mag-aral ng Bibliya bawat linggo.
Pagsulong sa Katotohanan
Makalipas ang sandaling panahon, lumabas kami ni Fern sa ministeryo sa larangan. Nakaupo kami sa gawing likod ng kotse, at kasisindi lamang namin ng aming sigarilyo nang sabihin ng kuya ko sa amin: “Nalaman ko na hindi naninigarilyo ang mga Saksi.” Kaagad na itinapon ni Fern sa bintana ang sigarilyo niya—tinapos ko naman ang sa akin. Bagaman nasiyahan kami sa paninigarilyo, kailanman ay hindi na namin muling ginawa iyon.
Pagkatapos ng aming bautismo noong 1940, kami ni Fern ay nasa isang pulong kung saan pinag-aralan ang isang artikulo na nagrerekomenda ng pagpapayunir, na siyang tawag sa buong-panahon na gawaing pangangaral. Habang pauwi, isang kapatid ang nagtanong sa amin: “Bakit di kayo magpayunir ni Fern? Walang anumang nakahahadlang sa inyo.” Hindi kami makatanggi sa kaniya, kaya tumugon kami. Nagbigay ako ng 30-araw na abiso ng pagbibitiw sa aking trabaho, at gumawa kami ng mga kaayusan para magpayunir.
Nakipag-ugnayan kami sa Samahang Watch Tower hinggil sa kung saan kami maglilingkod, at pagkatapos ay lumipat kami sa Baltimore, Maryland. May isang bahay roon na iniingatan para sa mga payunir, at ang bayad para sa isang silid at tuluyan ay $10 bawat buwan. Mayroon kaming naipon na inisip naming madaling makatutustos sa amin hanggang Armagedon. (Apocalipsis 16:14, 16) Tutal, lagi naming iniisip na ang Armagedon ay malapit na. Kaya nang magsimula kami sa pagpapayunir, iniwan namin ang aming bahay at lahat ng iba pa.
Nagpayunir kami sa Baltimore mula 1942 hanggang 1947. Matindi ang pananalansang sa gawain ng mga Saksi ni Jehova nang mga taóng iyon. Sa halip na magmaneho ng aming sasakyan tungo sa mga bahay ng aming mga estudyante sa Bibliya, kung minsan ay nagpapahatid na lamang kami. Sa gayon, ang mga gulong ng aming sasakyan ay hindi malalaslas. Walang sinuman ang may gusto ng gayong pagsalansang, subalit masasabi ko na lagi kaming nasisiyahan sa ministeryo sa larangan. Sa katunayan, inaasam-asam namin ang kaunting sorpresa sa paggawa ng gawain ng Panginoon.
Di-nagtagal ay naubos namin ang lahat ng perang naipon namin. Napudpod na ang mga gulong ng aming kotse, at nasira na ang mga damit at sapatos namin. Dalawa o tatlong ulit na kami’y nagkasakit nang mahabang panahon. Hindi madaling magpatuloy, subalit hindi namin kailanman inisip na huminto. Ni pinag-usapan man namin iyon. Naging simple kami sa aming pamumuhay para makapanatili sa gawaing pagpapayunir.
Mga Pagbabago ng Atas
Noong 1947 kami ay dumalo sa kombensiyon sa Los Angeles, California. Habang naroon, kami ni kuya William ay kapuwa binigyan ng sulat na inaatasan kami sa gawaing paglalakbay upang dalawin at tulungan ang mga kongregasyon. Noon ay wala pang pantanging pagsasanay sa gayong gawain. Basta tinanggap namin ang atas. Sa loob ng sumunod na pitong taon, kami ni Fern ay naglingkod sa Ohio, Michigan, Indiana, Illinois, at New York. Noong 1954 ay inanyayahan kami upang dumalo sa ika-24 na klase ng Gilead, isang paaralan para sa pagsasanay ng mga misyonero. Habang naroon, si Fern ay nagkasakit ng polio. Nakatutuwa naman, gumaling siya nang husto, at kami ay inatasan sa gawaing paglalakbay sa New York at Connecticut.
Habang kami ay naglilingkod sa Stamford, Connecticut, inanyayahan kami ni Nathan H. Knorr, na presidente noon ng Samahang Watch Tower, upang gugulin ang dulo ng sanlinggo kasama niya at ng kaniyang maybahay, si Audrey. Naghanda sila para sa hapunan ng isang masarap na bistik na punung-puno ng mga dekorasyon sa pagkain. Nakilala na namin sila noon, at kilalang-kilala ko na si Brother Knorr para matanto na mayroon siyang ibang iniisip maliban sa makasalo lamang kami sa hapunan. Di-naglaon nang gabing iyon ay tinanong niya ako, “Bakit hindi mo subukan ang maglingkod sa Bethel?”
“Hindi ako sigurado; wala akong gaanong nalalaman hinggil sa buhay sa Bethel,” ang tugon ko.
Matapos itong pag-isipan nang mga ilang linggo, sinabi namin kay Brother Knorr na pupunta kami kung nais niyang iyon ang gawin namin. Nang sumunod na linggo, tumanggap kami ng sulat upang mag-report sa Bethel sa Abril 27, 1957, ang aming ika-21 anibersaryo ng kasal.
Nang unang araw na iyon sa Bethel, ipinaliwanag nang husto sa akin ni Brother Knorr ang mga bagay na dapat asahan. Sinabi niya sa akin: “Hindi ka na isang lingkod ng sirkito; narito ka para magtrabaho sa Bethel. Ito ang pinakamahalagang gawain na dapat mong gawin, at ibig naming iukol mo ang iyong panahon at lakas sa pagkakapit ng pagsasanay na makukuha mo rito sa Bethel. Ibig naming manatili ka rito.”
Makahulugan ang Buhay sa Bethel
Ang unang atas na ibinigay sa akin ay sa Magazine at sa Mailing Department. Nang maglaon, pagkatapos ng mga tatlong taon, ipinatawag ako ni Brother Knorr sa kaniyang opisina. Ipinaalam niya sa akin na ang totoong dahilan kung bakit ako tinawag sa Bethel ay upang magtrabaho sa tahanan. Ang mga tagubilin niya ay totoong tuwiran, “Naririto ka para pangasiwaan ang Tahanang Bethel.”
Ang pangangasiwa sa Tahanang Bethel ay nagpaalaala sa akin ng mga aral na natutuhan ko buhat sa aking mga magulang habang lumalaki ako noon sa bukid. Ang Tahanang Bethel ay halos katulad ng isang pangkaraniwang sambahayan. May mga damit na dapat labhan, mga pagkain na dapat ihanda, mga pinggan na dapat hugasan, mga kama na dapat ayusin, at iba pa. Ang pagsasaayos ng tahanan ay nagpapangyari sa Bethel upang ito’y maginhawang panirahan, anupat matatawag ng isa na kaniyang tahanan.
Naniniwala ako na maraming aral ang matututuhan ng mga pamilya sa pagpapatakbo ng Bethel. Gumigising kami nang maaga at pinasisimulan ang aming araw ng espirituwal na kaisipan sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang ng pang-araw-araw na teksto sa Bibliya. Kami’y inaasahan na magtatrabaho nang mabuti at mamumuhay nang timbang subalit abalang pamumuhay. Hindi tulad ng isang monasteryo ang Bethel, gaya ng ipinapalagay ng iba. Marami kaming natatapos gawin dahil sa kami ay may patiunang isinaayos na paraan ng pamumuhay. Maraming nagsasabi na ang pagsasanay na natanggap nila rito ay nakatulong sa kanila sa pagtanggap ng mga pananagutan sa kanilang pamilya at sa kongregasyong Kristiyano.
Ang mga kabataang lalaki at babae na tinatawag sa Bethel ay maaaring atasan sa paglilinis, paglalaba, o sa pagtatrabaho sa factory. Maaaring paniwalain tayo ng sanlibutan na ang gayong trabaho ay nakapagpapababa ng ating dignidad. Subalit, nauunawaan ng mga kabataan sa Bethel na ang gayong mga atas na gawain ay kailangan upang ang aming pamilya ay makagawa nang mahusay at maligaya.
Maaari ring itaguyod ng sanlibutan ang kaisipan na kailangan mo ang posisyon at kabantugan para maging tunay na maligaya. Hindi tama iyan. Kapag tinutupad natin ang iniatas sa atin, ating ‘ginagawa ang dapat na ginagawa natin,’ sa gayo’y natatamo natin ang mga pagpapala ni Jehova. (Lucas 17:10) Magkakaroon tayo ng tunay na pagkakontento at kasiyahan tangi lamang kung ating aalalahanin ang layunin ng ating gawain—upang gawin ang kalooban ni Jehova at pasulungin ang mga kapakanan ng Kaharian. Kung tatandaan natin iyan, anumang atas ay magiging kasiya-siya at kalugud-lugod.
Isang Pantanging Bahagi sa Pagpapalawak
Sa kombensiyon sa Cleveland, Ohio noong 1942, mahigit isang dekada bago kami dumating sa Bethel, si Brother Knorr ay nagpahayag sa paksang “Kapayapaan—Mananatili ba Ito?” Niliwanag niya na ang Digmaang Pandaigdig II, na nagaganap noon, ay matatapos at magkakaroon ng panahon ng kapayapaan na maglalaan ng pagkakataon para sa isang pinalawak na kampanya sa pangangaral. Itinatag noong 1943 ang Paaralang Gilead upang sanayin ang mga misyonero at ang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro upang mapasulong ng mga kapatid ang kanilang mga kakayahan sa pagsasalita sa madla. Inorganisa rin ang malalaking kombensiyon. Lalo nang kapansin-pansin noong mga taon ng 1950 ay yaong mga idinaos sa Yankee Stadium, New York. May kaugnayan sa mga kombensiyon doon noong 1950 at 1953, nagkaroon ako ng pagkakataon na tumulong sa pagsasaayos ng malaking Trailer City na tinuluyan ng sampu-sampung libo para sa walong araw ng bawat isa sa mga kombensiyong iyon.
Pagkaraan ng mga kombensiyong iyon, lakip na ang pinakamalaki sa lahat na naganap noong 1958, nagkaroon ng malalaking pagsulong sa mga mamamahayag ng Kaharian. Tuwirang naapektuhan nito ang aming gawain sa Bethel. Noong mga huling yugto ng mga taong 1960 at maaga ng mga 1970, nakita namin ang matinding pangangailangan para sa mas maraming lugar at silid para panirahan ng mga manggagawa. Upang mabigyang-lugar ang aming lumalaking pamilya, kailangan namin ng mas maraming silid-tulugan, mga kusina, at mga silid-kainan.
Hiniling ni Brother Knorr sa amin ni Brother Max Larson, ang tagapangasiwa ng factory, na humanap ng angkop na lugar para sa pagpapalawak. Noong 1957, nang ako ay dumating sa Bethel, ang aming pamilya na binubuo ng mga 500 ay nakatira sa isang malaking tahanang gusali. Subalit sa paglipas ng mga taon, ang Samahan ay bumili at nagkumpuni ng kalapit na tatlong malalaking hotel—ang Towers, ang Standish, at ang Bossert—gayundin ang ibang maliliit na gusaling apartment. Noong 1986, binili ng Samahan ang pag-aari na dating kinatatayuan ng Hotel Margaret at itinayo ang magandang bagong gusali roon na ginawang tahanan para sa halos 250 katao. Noong mga naunang taon naman ng 1990, itinayo ang isang 30-palapag na residensiya para sa karagdagan pang 1,000 manggagawa. Ang Brooklyn Bethel ay maaari na ngayong matuluyan at magpakain ng mahigit sa 3,300 miyembro ng aming pamilya.
Isa pang pag-aari ang nabili sa Wallkill, New York, halos isang daan at animnapung kilometro ang layo mula sa Brooklyn Bethel. Sa paglipas ng mga taon, simula noong matatapos ang dekada ng 1960, ang mga tahanan at malaking palimbagan ay itinayo roon. Sa ngayon, halos 1,200 miyembro ng aming pamilyang Bethel ang nakatira at gumagawa roon. Noong 1980, sinimulan ang paghahanap ng lupa na mga 250 ektarya ang lawak na malapit sa New York City at madaling mapuntahan. Natawa ang ahente ng lupa at sinabi: “Saan kayo makahahanap ng ganiyang uri ng pag-aari? Imposible iyan.” Subalit kinaumagahan ay muli siyang tumawag at nagsabi: “Natagpuan ko na ang inyong pag-aari.” Ngayon, kilala ito bilang ang Watchtower Educational Center sa Patterson, New York. Doon pinangangasiwaan ang mga paaralan at may pamilya na binubuo ng mahigit sa 1,300 ministro.
Mga Aral na Natutuhan Ko
Natutuhan ko na ang isang mahusay na tagapangasiwa ay isa na nakakukuha ng mahalagang impormasyon mula sa iba. Marami sa mga ideya na nagkapribilehiyo akong ipatupad bilang tagapangasiwa sa Bethel ay nagmula sa iba.
Nang una akong dumating sa Bethel, marami ang nakatatanda, na gaya ko ngayon. Marami sa kanila ay wala na ngayon. Sino ang humahalili sa mga tumatanda at namamatay? Hindi laging yaong may higit na kakayahan. Kundi yaong mga naririto, na buong-katapatang tinutupad ang kanilang gawain, anupat handang ilaan ang kanilang mga sarili.
Isa pang mahalagang bagay na dapat tandaan ay ang kahalagahan ng isang mabuting asawa. Ang suporta ng aking mahal na maybahay, si Fern, ay nakatulong sa akin nang malaki sa pagtupad ng aking teokratikong mga atas. Ang mga asawang lalaki ay may pananagutan na tiyaking nasisiyahan sa kanilang mga atas ang kanilang asawang babae. Sinisikap kong isaplano ang isang bagay na kapuwa namin naiibigang gawin ni Fern. Hindi naman kinakailangan na maging magastos ito, basta mabago lamang ang tanawin. Pananagutan ng asawang lalaki na gumawa ng mga bagay na ikasisiya ng kaniyang asawang babae. Ang panahon niya para sa kaniya ay napakahalaga at madaling lumilipas, kaya kinakailangang samantalahin niya ito.
Natutuwa akong mabuhay sa sinabi ni Jesus na mga huling araw. Ito ang pinakamagandang panahon sa buong kasaysayan ng tao. Nakikita at namamasdan ng ating mga mata ng pananampalataya kung paano pinasusulong ng Panginoon ang kaniyang organisasyon upang ihanda ito sa pagdating ng ipinangakong bagong sanlibutan. Habang binabalikan ko ang aking buhay na ginugol ko sa paglilingkuran kay Jehova, nakikita ko na si Jehova ang nangangasiwa ng organisasyong ito—hindi ang mga tao. Tayo’y mga lingkod lamang niya. Kung gayon, lagi tayong umasa sa kaniya para sa patnubay. Minsang maipaliwanag niya ang dapat nating gawin, dapat lamang na handa tayong sumunod at gumawa nang sama-sama.
Makipagtulungan nang lubusan sa organisasyon, at tiyak na magkakaroon ka ng abala at maligayang buhay. Anuman ang iyong ginagawa—maging iyon man ay pagpapayunir, gawaing pansirkito, paglilingkod sa kongregasyon bilang mamamahayag, paglilingkod sa Bethel, o gawaing pagmimisyonero—sundin ang binalangkas na tuntunin, at pahalagahan ang iyong atas. Sikapin mong masiyahan sa bawat atas at sa bawat araw ng paggawa sa paglilingkuran kay Jehova. Maaari kang mapagod, at mabigatan o panghinaan ng loob kung minsan. Iyon ang pagkakataon na dapat mong alalahanin ang layunin ng pag-aalay ng iyong buhay kay Jehova. Iyon ay upang gawin ang kaniyang kalooban, hindi ang sa iyong sarili.
Kailanman ay walang araw na nagtrabaho ako nang hindi nasiyahan sa aking ginawa. Bakit? Sapagkat kung buong-kaluluwa nating ibinibigay ang ating sarili kay Jehova, may kasiyahan tayo sa pagkaalam na ‘ating ginawa ang dapat nating gawin.’
[Larawan sa pahina 19]
Ang Magazine Department
[Larawan sa pahina 19]
Trailer City, 1950
[Larawan sa pahina 19]
Pagpapayunir sa Baltimore, 1946
[Larawan sa pahina 19]
Sa Trailer City kasama si Fern noong 1950
[Larawan sa pahina 22]
Kasama nina Audrey at Nathan Knorr
[Larawan sa pahina 23]
Watch Tower Educational Center sa Patterson, New York
[Larawan sa pahina 24]
Kasama si Fern ngayon